Pabatid Tanaw

Saturday, April 30, 2011

Panatang Makabayan



  Ito ang orihinal na bersiyon ng ating Panatang Makabayan na buong kagitingang binibigkas matapos kantahin ang ating Pambansang Awit. Bahagi ito ng paglilinang ng ating mga paaralan sa mga mag-aaral upang ikintal sa puso, diwa at kaluluwa, ang marubdob na pagmamahal sa ating Inang-Bayan at sambayanang Pilipino. 

   Kadalasan sa mga pagtitipon; sa panahon ng pagdiriwang sa ating kasarinlan tuwing ika-12 ng Hunyo, bahagi ng programa ang pag-awit nito, at sa mga paligsahan at pagsasaya, ay kung sino ang makakabuong awitin ang ating Lupang Hinirang. Matapos ito, ang susunod naman ay ang pagbigkas ng Panatang Makabayan. At kadalasan din, marami ang nakakalimot at hindi mabuo ang kanta at panata. Ang kanilang katwiran, para lamang ito sa mga bata. Sa ating henerasyon ngayon, lalo na doon sa mga nagsilaki at nagkaisip sa ibang bansa, tuluyan na itong nalimutan. Doon naman sa mga may kagulangan at mga magulang na, pawang pagkibit ng mga balikat at ismid ang ipupukol sa iyo. May iba naman, tinging Medusa ang magpapatigil at paparalisa sa iyo. Tila mga napapaso at kalabisan na sa kanila ang pag-ukulan pa ito ng pansin.
   Subalit ayon sa kanila, sila'y mga Pilipino. Kaya lamang, walang nalalaman o, pitak sa kanilang puso ang anumang kataga sa awitin at panata tungkol sa pagiging tunay na Pilipino

   Pilipino nga kaya sila? Katanungang pinipilit kong arukin. 

   Ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan ay mahalagang sangkap sa ating katauhan. Nanlulumo ako at hindi mapagtanto, kung bakit iilan at bihira ang nakakaalam ng mga ito. Gayong ito ang nagpapaala-ala, bumibigkis, at nagpapakilala sa atin kahit kaninuman, kailanman, at saan mang panig ng mundo. Pinatitibay nito ang ating pagiging makabayan at pagmamalasakit sa ating katutubong kultura at mga sining. Ito ang ating sandigan at personalidad na kumakatawan sa atin kung sino tayo, anong lahi at uri, at ang ating pinanggalingan. Hindi tayo mga putok sa buho na bigla na lamang lumitaw at walang nalalaman sa ating pinagmulan. 

   Nagiging katawa-tawa at nalalagay sa alanganin ang ilang Pilipino kapag nahihilingang awitin ang Lupang Hinirang at ipahayag ang Panatang makabayan, at hindi mapaunlakan ang mga banyagang humihiling. Gayong sila ang pasimuno at nangangasiwa sa mga pagdiriwang ng kani-kanilang mga pook sa ibang bansa. Higit pang nakakabalisa; maraming guro sa ngayon ang hindi rin maawit ng buo ang Lupang Hinirang at mabigkas ng tuwiran ang Panatang Makabayan, kapag tinatanong ng mga kabataang nagnanais na matutuhan ang mga ito. Sa maraming bansa na aking napuntahan at sinalihang mga pagdiriwang, laging bahagi ito sa mga kulturang pagtitipon. At bilang mga tunay na Pilipino, nakalaan tayong ibahagi ang ating awit at panata. Ito ang pambungad sa alinmang okasyon na nagpapakilala sa ating bansa, lalo na sa pandaigdigang paligsahan, mga palaro at mga kompetisyon.

   Magagawa mo bang awitin at bigkasin ang dalawang makabayang pagdakila na ito sa ating Inang Bayan? 

   Ito ang malaking pagkakaiba sa tunay na Pilipino at doon sa mga huwad at nagkakunwaring Pilipino. Ang pakilala nila mga Pilipino daw sila, subalit hindi maawit ang ating Pambansang Awit at mabigkas ang ating Panatang Makabayan.

   Ang makalimot sa ating nakaraan at pagkakakilanlan; ay masahol pa sa isang banyaga na naghahanap ng sariling lungga.

 
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Friday, April 29, 2011

Maging Maingat



Ang kabatiran na hindi inilagay sa matuwid ay walang kabuluhan at nagwawasak ng karangalan. Marami ang nahuhumaling sa mga papuri, palakpakan, at katanyagan. Higit pa roon sa mga laki sa duyan, na malimit iniindayog sa mga mapanuksong palabok ng sulsol, pagsusog, at pang-uuto. Ang mga ito'y humahalina, nakakalasing, at nagpapalabo ng kaisipan.
   Sila na mga nakapaligid sa iyo na may pakitang-giliw at laging nakikiayon, ibayo ang pakikisama, palasunod, at sumusumpang kapanalig sa lahat ng sandali ay pakaiwasan. Walang normal na tao ang makakagawa nito ng walang hinihintay na kapalit. Laluna't taga-alingawngaw sila ng iyong mga kapasiyahan maging ito'y tama at mali man.
Pakaingatan at sila'y lihim na mga kaaway. 

At kung may alinlangan ako sa pagiging malapit at kapansin-pansin na pagsuyo ng isang tao sa akin, mayroon akong isang katanungan na madalas kong sandigan, “Ano ang tunay na intensiyon ng taong ito?” Nagsimula ito noon pang bata ako, nang pinag-aaralan namin ang aklat ng ating bayaning si Francisco Baltazar, ang ‘Florante at Laura.’ Sa isang saknong, ay binanggit ito,Kung ang isalubong sa iyóng pagdating, ay masayáng mukha at may pakitang giliw, lalong pakaingatan at kaaway na lihim siyang isaisip na kakabakahin.” Matalim at nagpapalinaw ang pangungusap na ito, sapagkat kung lilimiing mabuti, ang mga taong may mabuting pakay at walang lihim na hangarin, ay karaniwan at normal lamang ang paglapit sa iyo. Walang mga palabok at paligoy-ligoy, at hindi na kailangan pang magsinungaling. Subalit doon sa mga mapagsamantala at may mga maitim na balakin, mistula itong naghahanda ng patibong para ikaw ay mahuli ng kanilang inihahandog na mga pain.
  
   Butingtingin at busisiin ang kanilang mga gawi at kinahuhumalingan; at marami kang matutuklasan. Hindi kailangang malaman ang lahat, subalit makabubuting maunawaan ang mga mahahalagang bagay tungkol sa kanila.

   Ang karampot na kaalaman na isinagawa ay katiyakang lubos, kaysa sa manatiling mangmang at mistulang tao-tauhan na laging binibihisan at idinuduyan sa mga parangal. Manatiling gising at mapagmasid sa mga panlabas na anyo at sa mga balatkayo. Ito ang mga kalawang na sumisira sa bakal. Gaano ka man katibay o katatag, kung wala kang mata sa mga nakagigiliw na mga pasaring at mga papuri, maagnas kang unti-unti hanggang sa malusaw nang hindi mo namamalayan.

   Ang kaalaman ay ang malaman mo ang isang katotohanan. Ang kawatasan ay ang kaalamang ano ang nararapat gawin sa katotohanang ito. Mabuting gawa ang magtiwala, bakit hindi, datapwa't ang makatulog at kawilihan ito ay isang kahangalan na laging humahantong sa malagim na kasawian.

Manatiling tunay na Pilipino, sa isip, sa salita, at sa gawa.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Sunday, April 24, 2011

Ikaw Lamang at Wala ng Iba pa



Ikaw ang lumilikha ng sarili mong daigdig.


   Ang pinakamahalagang pagkatuklas sa kasaysayan ng sangkatauhan ay nang mabatid ang kapangyarihan ng ating kaisipan na likhain ang anumang bagay na hangad mo sa iyong buhay. Lahat ng iyong nakikita, mga nalalakihang gusali, naggagandahang mga parke o pook pasyalan, mga nagtataasang monumento, mga kamangha-manghang kagamitan, mga makabagong sasakyan, mga panlunas sa karamdaman; ang lahat ng ito’y nagsisimula lamang sa isip at isang ideya sa utak ng isang tao, bago ito maging isang kaganapan. Lahat sa iyong buhay ay nagsimula sa isang isip, isang hangarin, isang pag-asa, o pangarap sa iyong kaisipan o sa kaisipan ng iba. Ang iyong mga iniisip ay lumilikha, hinuhubog at binibigyang anyo ang iyong sariling daigdig at lahat ng mga nagaganap sa iyo.

   Ang kabubuan at pangunahing pahayag ng lahat ng relihiyon, mga pilosopiya, mga metapisika, mga sikolohiya, at mga tagumpay sa iba’t ibang larangan ay ito: Nagiging ikaw anumang iniisip mo sa lahat ng sandali. Ang panlabas mong daigdig sa kabubuan ay bunga lamang ng iyong mga pansariling pananaw, at kawangis ng isang salamin na inilalarawan lamang itong pabalik ang anumang iyong iniisip. Anuman ang patuloy mong iniisip ay patuloy ding lumilitaw sa iyong kaganapan o reyalidad. Ang iniisip mo ay naggiging ikaw. Wala itong pasubali, ikaw lamang at wala ng iba pa ang lumilikha nito.
   Libu-libong matatagumpay na tao ang tinanong kung ano ang kanilang iniisip sa lahat ng sandali, ang madalas nilang katugunan ay iniisip nila sa lahat ng sandali ang tungkol sa kung ano ang kanilang nais, at kung papaano nila ito makukuha.

   Ang mga hindi nagtatagumpay at malulungkuting mga tao ay nag-iisip at nagsasalita kung ano ang hindi nila nais sa lahat ng sandali. Palagi nilang pinag-uusapan ang mga problema at mga bagabag, at kung sino ang dapat panagutin o sisihin sa mga ito. Madalas pawang karaingan at paninimdim ang kumakatawan sa kanila. At nais nilang may makapiling sa tuwina at nahahalina silang palagi na may makasama.
   Matutunghayan ito sa naganap sa ‘Willing Willie’ ni Willie Revillame sa TV5, ang "makamundong pagsayaw" ni Jan-Jan. Bagaman hindi ko ito nasaksihan, maging ako ay nabahiran ng puwing nito. Isa daw klase ito ng wave dance na popular sa mga bata, at isang karumaldumal na krimen ng child abuse. Ang tanong: Bakit naging isang pambansang problema na laging nasa media; mga pahayagan, telebisyon, at radyo, at kasangkot ang mga departamento ng pamahalaan at maging ang palasyo ng Malacanang?   
   Gayong dati na itong itinatanghal at higit pang may malalaswa kaysa dito na hindi binatikos ng ganitong kasidhi, subalit sa pagbabanggaan ng dalawang network lahat ay umuusisa, nakikisawsaw, at humihingi ng mga pampapogi points. Bigla, naging isang malaking pambansang pinsala ito na kailangang sugpuin, panagutin ang maysala, at ihintong tuluyan ang palabas. 

   Ano ang nakapaloob dito? Paghihiganti dahil sa pulitika, pangwawasak dahil nawalan ng malaking pinagkakakitaan ang isang network, panibugho, pagkainggit o isang talangkang paghahamok? Isa lamang itong uri ng pagtatanghal na kung ano ang iyong pinanonood at masugid na sinusubaybayan, ay naroon ang buong panahon mo. At, malinaw dito, ito rin ang laging laman ng iyong isipan, na lumalabas at nagiging kataga sa iyong mga pangungusap, at nagsisilbing sukatan ng iyong pagkatao, at sa kalauna'y magiging kapalaran mo.
   Pagmasdan ang mga kalagayan ng mga nahuhumaling at sumasali dito at malilirip mo kung nararapat pang pag-ukulan ito ng makabuluhang atensiyon. Maaari namang magtanghal ng mga palabas na naka-aaliw, gumigising at nagpapalawak ng karunungan, may pagpapahalaga sa pagkatao at makapagpapaunlad sa buhay. Subalit, kalimitan ang tugon ay hindi pagkakakitaan ito. Walang gaanong may nais o hilig sa ganitong mga panoorin.
   Nasa pagpili lamang ng panonoorin; at ito'y nakasalalay sa uri at antas ng pagkatao ng manonood. Sapagkat may nagwika, "Sabihin mo sa akin kung ano ang iyong kinagigiliwan o kinahuhumalingang panoorin, sasabihin ko sa iyo, kung sino ka."

   Napakaraming bata ang nagkalat sa lansangan, halos sa lahat ng bayan at mga lungsod ng ating kapuluan ay makikita mo sila. Dito na sila nagsilaki at natutulog at walang kumakandili. Sa murang mga edad, ay ipinagbibili ang mga sarili sa kaunting halaga. Bakit hindi mabigyan o pagtuunan ng pansin ang mga ito ng media: pahayagan, telebisyon, at radyo, at ng ating pamahalaan? Bakit daig pa ang tsunami sa panggagalaiti kay Willie Revillame? Nagtatanong at naggigising lamang po tayo dito.
   Sandaling kalimutan ito, at magpatuloy tayo---
   Kapag ang atensiyon ay nasa putik, mapuputikan ka. Walang humawak sa kawali nang hindi naulingan. Kung ang daigdig na kinahuhumalingan mo'y kaunlaran para sa sarili, kaunlaran ang mangyayari sa iyo. Kung mabuti ang ipinasok, ay mabuti din ang lalabas mula dito. Basurang pumasok, basura ding lalabas. Kabutihan ang tinanggap, kabutihan din ang igaganti. Ito ang tunay na kalakaran ng buhay. Hindi maaaring salungatin ang katotohanan. Kung ano ang itinanima, katulad din nito ang aanihin.

Kung talagang nais mong may magbago sa iyong kapalaran, pagsusumikapan mong baguhin ang mga bagay na umaagaw sa iyong atensiyon upang magtagumpay. Kailangang maglibang at pasayahin ang sarili, subalit ginagawa lamang ito kung natapos na ang mga responsibilidad sa maghapon, at may nakahandang pagkain sa hapag matapos ang libangan.


   Ang mga matatagumpay na tao ay pinananatili ang kanilang kaisipan at panahon sa mga panooring may kabuluhan at talakayang umuugnay sa kanilang mga lunggati at dakilang layunin. Iniisip, nagsasalita, at naglalaan sa tuwina ng panahon kung ano ang kanilang nais at papaano ito makukuha sa lahat ng sandali.
   Ang mabuhay ng walang malinaw na lunggati, ay katulad ng pagmamaneho sa mga lungsod ng Tagaytay at Baguio sa panahon ng taglamig na kung saan sa gabi at madaling araw ay makapal ang fog o mababang ulap sa iyong unahan. 
   Gaano man  kalakas ang lente o huling modelo ang iyong kotse, mistula kang gumagapang at ilang metro lamang ang nababanaagan mo sa unahan. Subalit kung wala ang fog na ito, malinaw mong makikita ang iyong dinaraanan. Ito ang iyong dakilang layunin, ito ang nagpapalinaw at pinaka-mapa upang madali mong marating ang iyong paroroonan. 

   Kapag pinagpasiyahan mong magkaroon ng malakristal na linaw ang iyong mga lunggati madali mong maitutuon at mapag-iibayo ang mga pagsasakatuparan kung ano ang mga naisin mo. Kailangan mayroon kang dakilang layunin upang ito'y tahasang maganap sa iyong sarili.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Manatiling Gising




Siya na may dakilang layunin ay may pag-asa, at siya na may pag-asa ay mayroong lahat ng pagkakataon.

   Sa pagmamaneho; kapag lagi kang nakatingin sa salaming nakatunghay sa likod at hindi ang pagtitig sa daan, malaki ang porsiyento na kapahamakan ang susunod na mangyayari. Maihahambing ito sa laging pagtingin sa nakalipas na panahon; kung patuloy mong sinasariwa ang mga nakaraang kabiguan, patuloy ding nananariwa ang mga kapighatiang idinudulot nito. Ito ang nagpapalabo sa pagtanaw sa hinaharap upang mapabayaang pagtuunan ng ibayong pansin ang iyong kinabukasan.

   Kailangan lamang na harapin at lunasan ang bumabagabag sa isipan. Isipin lamang ang araw na ito ay isang handog at pagkakataon upang makagawa ng kaibahan. Hindi na ito muling magbabalik pa. Nasa iyong kapangyarihan na piliin kung pasasayahin o palulungkutin, pauunlarin o pahihirapin ang araw na ito. Gawing abala ang sarili sa mga responsibilidad at matatakpan nito ang gumugulo sa iyong isipan.


   Kahit maliit ma’y nakapupuwing din. Simulan sa isang maliit na lunggati na sa iyong palagay ay kaya mong tapusin. Ituon ang buong kaisipan at lakas sa mga gagawing pagkilos dito. Makakatiyak kang lalakas din ang posibilidad na ito’y matatapos mo sa takdang panahon. 

   Isipin ito sa ganitong paraan: Ang mahusay na paraan sa paghugas sa kotse ay pigilan mo ang paglabas ng tubig sa hose na ang gamit ay ang iyong daliring hinlalaki. Kapag tinakpan mo ng bahagya, napapaliit nito ang daloy at pinalalakas pa ang pagpusit ng tubig. Bakit? Dahil nagagawang palakasin ang bugso ng lumalabas na tubig at maging matindi ang patama upang tanggalin ang mga maruruming putik na nakadikit sa ilalim at mga gulong ng kotse. Kung pababayaan mo na lamang na kusang tumulo ang tubig at wala kang gagawing anumang pagbabago, katulad ng pagnanais ng magandang kapalaran, napakatagal at walang katiyakang paghihintay ang sasaiyo.
   Katumbas ito kung ang pagtutuunan ng iyong lakas ay maliliit na gawain na madali mong matatapos. Kung ang kakainin mo’y isang buong elepante; imposibleng masakmal mo ito ng buo, simulan mo sa isang kagat paunti-unti at mangyayari ito.
   Sa paglutas sa isang maliit na gawain sa bawat pagkakataon---nababawasan ang ating mga malalaking responsibilidad at unti-unti ring lumalakas ang ating pagtitiwala sa sarili na makakayang tapusin ang kabubuang gawain. Natututuhan natin na nasa mabilisang pagkilos mula sa maliliit na paghamon ay may tuwirang epekto sa kinakalabasan.

   Habang nag-uumalab ang iyong layunin ay may pag-asa; at kung may pag-asa, magagawa anumang naisin mo. Sapagkat kung tayo ay may matinding paniniwala at positibo sa mga ginagawa; ang ating utak ay buong siglang kumikilos at nakatuon lamang dito, mapaglikha, masumigasig, masipag, matatag, at makabuluhan ang mga paggawa.

   Lahat tayo ay dumaraan sa iba’t-ibang yugto kapag nakadarama tayo ng kawalan ng pag-asa. Kapag ang lahat ay nakakahindik at nakakarindi, Ang mga bayarin, mga pangangailangan, mga responsibilidad, mga relasyon, ang naghihintay na mga pangarap---paminsan-minsan lahat ng ito’y sadyang nakakabunsol.

   Sa mga sandaling ito; ang huling bagay lamang na nais mong marinig ay mapalad pa rin ako, sapagkat may mga paa pa rin na nailalakad, may mga matang nakakakita, may mga tainga na nakakarinig, may panlasa, may pandama, at higit sa lahat may matinong pag-iisip. Nawawaglit sa ating isip ang lahat ng ito at napapabayaan. Mga mahahalagang bagay na hindi nabibigyan ng tamang atensiyon. 

  Anumang bagay na hindi minahal at pinabayaan, ikaw ay iiwanan. Tulad ng matalim na gulok na nagtagal sa suksukan, ito'y kinakalawang at kapag ginamit ay mapurol sa tagaan.


   Ang mga bagay na pinagtutuunan natin ng pansin ay laging bahagi natin sa araw-araw, wala itong tigil at kusang nakapangyayari. Subalit pagmasdan natin ang ating mga sarili sa harap ng salamin, ikaw pa ba ito? Dati rati’y maganda, masaya, puno ng buhay, laging abala . . .
Anong nangyari at malaki ang ipinagbago?

   Maliban lamang na pinatutunayan nito na ang lahat ay panandalian, walang nagtatagal kaysa dati. Naisin mo man o hindi, ang lahat ng ito’y hindi mo mapipigilan. Lahat tayo ay dito patutungo---ang pagtanda. Ang mga binti na umaalalay sa iyo ay hihina, mananakit, magmamanhid, mapipilay o mapaparalisado. Ang mga kamay at mga pulso na nakagagawa upang ikaw ay makasulat o makalikha ng mga bagay ay manginginig at titigas ang mga litid. Ang balikat ay lalaylay. Ang katawan ay mag-iiba ng anyo at ang angking lakas ay maglalaho sa mga paraang hindi mo kayang sukatin. Ang iyong mga mata’y unti-unting manlalabo at kadalasan pati na ng pagka-ulyanin sa kaisipan.

   Lahat ng ito’y nagaganap na sa ngayon.

   Kung mayroon kang dakilang layunin, malaya kang makakagawa ng maraming bagay tulad ng malaking pagbabago sa iyong sarili. Magagawan mong baguhin ang mga hindi nakakatulong at sumisira ng iyong pagkatao. Maiiwasan mong mag-aksaya ng panahon sa mga bagay na walang kabuluhan at maibaling ang iyong atensiyon sa mga bagay na magpapaunlad at magpapaligaya sa iyo. Kailangan lamang na pag-ukulan mo ito ng ibayong atensiyon. Ikaw ang higit na nakaaalam at may responsibilidad na gawin ito para sa iyo.
   Ang pag-asa ay ang paniniwala na bukas ang lahat ay magiging higit na mabuti. May kabatiran na nagpapatunay na makakaya mong magawa ang lahat ng ito sa pamamagitan mo. Simulan mula sa maliliit at ang lahat ay magiging madali.

   Papaano mo magagamit ang iyong mga kakayahan o katangian upang likhain ang mga bagong posibilidad sa iyong buhay ngayon at sa mga bukas pang darating?


   Kung tayo ay nakaharap sa tamang direksiyon, lahat lamang nang ating gagawin ay ang magpatuloy ng paghakbang.
   Isa sa pinakamahirap magawa ay ang kaalaman kung ano ang tama o ukol para sa iyo. Mananatili kang pabalik-balik at paikot-ikot sa pagnanais na masumpungan ito---ang dakilang layunin, tamang trabaho, ang mga tamang lunggati, tamang kapasiyahan, at tamang kabiyak.
   Ang katotohanan ay walang alinmang tama. Anumang sandali magagawa mong palitan ang direksiyong iyong tinatahak, at ito’y tumpak at tuwirang pagpili. Hindi mo kailangang ipaliwanag, ipagtanggol, o maging maunawaan ito. Ang nararapat lamang ay pagkatiwalaan mo ang iyong sarili at buong kagitingang taluntunin ang landas na iyong pinili.
   At kung sa paglalakbay na ito’y nakadama ka ng pag-aagam-agam, gumawa muli ng kapasiyahan. At lumakad muli at ipagpatuloy ang paghakbang hanggang makamit mo ang lahat ng katuparan ng iyong mga pangarap.

Ang tagumpay ay hindi isang destinasyon, ito ay isang paglalakbay. At ang paglalakbay ng maraming pangarap ay nagsisimula sa unang paghakbang.

Ang inyong kabayang Tilaok,


Lungsod ng Balanga, Bataan

Saturday, April 23, 2011

Paggawa ng Kaibahan



Huwag ipagkait ang pagtulong, dahil lamang hindi mo magagampanan ang lahat.


  Tungkol ito sa lahat ng mga starfish na tinangay ng alon sa dalampasigan nang tumaas ang tubig at nang kumati ang tubig ay naiwan sa buhanginan na nakalantad sa sikat ng araw hanggang sa mamamatay. Isang batang lalaki ang naglalaro sa dalampasigan ay nalungkot at naawa sa kasasapitan ng mga starfish. Mabilis na dinampot ang isa at inihagis pabalik sa dagat, dumampot pang muli, at patuloy niyang inihagis isa-isa ang mga ito pabalik sa dagat.
   Isang namamasyal na matandang lalaki na kanina pa nagmamasid sa pangyayari ay iiling-iling ang ulo na lumapit sa bata.
  “Anong mahihita mo diyan, bata, hindi mo ba nakikita na libu-libong starfish ang nakakalat sa pampang? Pinapagod mo lamang ang sarili mo. Walang paraan na makagagawa ka ng kaibahan.”    
  Nagkibit balikat lamang ang bata sa narinig. Dumampot ito ng isa pa at tumugon, “Subalit, makagagawa ito ng kaibahan sa isang ito,” at mabilis na inihagis ang starfish pabalik sa dagat.

 Naaala-ala ko noong ako’y nasa elementarya pa, sa tuwing nadadagdagan ang kinikita ng aking ama sa pagiging kapatas sa pagawaing bayan ay bumibili siya ng dalawang kabang bigas, at ibinabahagi ito sa kanyang mga pamangkin. Nakasilid sa maliit na sako at pasan ko sa balikat dinadala ko ito sa mga bahay ng aking mga pinsan. Bagaman tumututol ang aking kalooban dahil may panahong kami man ay kinakapos din ay wala akong magawa kundi ang sumunod. At sa pagdaan ng panahon unti-unti nakita ko ang kahalagahan nito sa amin. Naranasan ko at namulat ang aking mga mata sa nakagawiang pagtutulungan at bigayan. Ang hindi ko malilimutan ay ang winika niya noon, "Huwag mong hintayin na mangailangan ka, bago magbigay sa iba."
   Kadalasan, ang nauuna sa atin ay pangamba na walang gaanong magagawa ang kaunting tulong sa nakaharap na malaking pangangailangan, pinanghihinaan tayo ng loob na makagawa ng kaibahan. Malimit ang tanong natin ay, “Para saan, kung wala namang kakahinatnan?”  Sa katotohanan; hindi ang ibinibigay o ginagawa gaano man kaliit o kalaki ito, bagkus ang pagpapanatili ng diwa ng pagbibigayan, pagtutulungan, at pagmamalasakit sa isa’t-isa. Ang isang subong kanin ay hindi makakabusog sa marami, ngunit sa isang maghapong nagugutom ay pagpawi ito ng hapdi sa sikmura.

Hindi sagwil ang kaliitan sa paggawa ng malaking kaibahan. Nasa pagtutulungan lamang ng bawa't isa makakamit ang tagumpay.

    Pinatutunayan ng katotohanan na kung magsusumigasig lamang tayo sa paggawa; magiging matagumpay tayo, at kapag lagi tayong nagtatagumpay, tayo ay magiging masaya at maligaya sa tuwina.

   Ang tunay na kaligayahan ay ngayon, kapag nakakagawa ka ng kaibahan sa iyong kapwa. Huwag hintayin na nasa pagtatagumpay ang hinahanap na kaligayahan; na kapag nakamtan mo na ang iyong pangarap, ay doon ka lamang liligaya. Balintuna itong kaalaman. Kung ikaw ay maligaya lalong naragdagan ang iyong pagsusumikap, tumitindi ang iyong paghahangad, at may pagtitiwala ka sa iyong sarili. Wala pa akong nakita o nakadaupang palad na malulungkutin at nanlulumo na nagtagumpay. Yaon lamang na masasaya sa kanilang ginagawa. At higit ang kaligayahan kapag natupad ang kanilang mga pangarap.

   Kahit man maliit ang pagkilos, kadalasa’y pinagsisimulan ito ng ningas na magpapaliyab sa makabuluhang hangarin. Sa araw na ito, may pagkakataon kang simulan ang isang maliit na pagkilos. Isang pagkilos na makakagawa ng malaking kaibahan at maghuhudyat ng iyong tagumpay.

   Ano pa ang hinihintay mo? Simulan na!


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Thursday, April 21, 2011

AKO ang Katotohanan




 
      Kabatiran ng Katotohanan

1- Maligaya siya kung saan ang katotohanan ay kanyang nababatid, hindi nang makukulay na talumpati o hungkag na salita, bagkus sa kanyang kamulatan. At nakahihigit pa ang isinasakatuparan ang mga ito.

2- Ang ating mga opinyon o mungkahi at ang ating mga nadarama ay laging ipinagkakanulo tayo sapagkat hindi nila nakikita ang kanilang mga sarili. Paanas at paimpit ang kanilang mga taghoy na nagiging katotohanan sa mga ginagawa.

3- Anong silbi nito para sa atin na alamin at pagtalunan ang mga walang katuturan at mga bagay na lihim kung hindi naman tayo masisisi kung wala tayong nalalaman sa araw ng paghuhukom.

4- Isang kahangalan ang pansinin at usisain ang mga masalimoot at mapanakit na mga bagay habang pinapabayaang tuklasin ang mga pangangailangan at nakapagdudulot ng kasaganaan. Tayo, na may mga mata, ay hindi nakakakita. Tayo, na may mga tainga, ay hindi makarinig. Tayo, na may bibig, ay hindi makapagsalita. Patuloy na natutulog o nagtutulog-tulugan sa mga kaganapan. Mananatili na lang ba tayong sakbibi ng siphayo at pighati?

5- Bakit tayo nahuhumaling sa mga palabas at libangan na walang kapupulutang kabutihan at kaunlaran, bagkus nagagawang manhid pa ang ating mga pagkatao at walang pakikialam. Nauuwi sa pagkakawatak-watak at walang direksiyon na patutunguhan.

6- Siya na kung saan ang salita na walang hanggan ay nangungusap; ay nakaligtas mula sa maraming opinyon. Mula sa Salita dumating ang lahat, at ang lahat ng bagay ay nangungusap ng Salita. Walang tao kung walang Salita ang makauunawa o tamang humatol kaninuman

7- Siya para sa kanya ang lahat ng bagay ay isa, at nagagawang mapag-isa ang lahat ng bagay, at nakikita ang lahat ng bagay ay isa, ay magiging matatag ang puso at tinatamasa ang kapayapaan sa Diyos.

8- Aking Panginoon ng katotohanan gawin mo akong kaisa sa Iyo sa walang hanggang pag-ibig.

9- Lagi akong napapagod na mapanood, madinig at mabasa ang maraming bagay na walang kabuluhan. Tanging sa Iyo, O aking Diyos, ang akin lamang na kailangan at lahat ng aking pinakamimithi.

10- Hayaan ang lahat ng tagapagturo ay tumigil at manahimik, at lahat ng nilalang ay tumahimik. Hayaang lahat ay manatiling katahimikan upang marinig ko ang Diyos na kinakausap ako.

11- Hangga’t ibayong nakikipag-isa ang tao sa Diyos, ibayo din siyang makauunawa, sapagkat ang liwanag ng pagkakaunawaan ay nanggagaling sa kalangitan.



12- Ang wagas, dalisay, at mapagkumbabang diwa ay hindi nagagambala ng mga bagay sapagkat ginagawa niya ang lahat ng mga bagay sa kaluwalhatian ng Diyos, at nagpupunyaging palayain ang sarili mula sa mga pag-uusisa, at walang kabuluhang taltalan.

13- Anumang humahadlang at bumabagabag sa iyo ay higit pa sa iyong sariling kapalaluan.


14- Ang isang mabuti at masugid na tao ay unang ipinapasiya sa kanyang sarili ang mga bagay na kanyang planong gawin. Ang mga planong ito ay hindi maghahatid sa kanya sa makamundong pagnanasa at bisyong makamkam, nasusupil  niya ang mga ito sa pamamagitan ng makatwirang kaisipan.



15- Sino ba ang may matinding pakikihamok kaysa doon sa gumagamit ng lakas upang talunin ang kanyang sarili? Ito ang kailangan nating gawain. Ang talunin ang ating mga sarili sa araw-araw, palakasin at pagyamanin ang ating mga diwa.

16- Ang kasakdalan sa daigdig na ito’y may mga bahid ng kapintasan nito, at ang ating maningning na kabatiran ay mayroong mga aninong nagkakanlong dito. Sapagkat higit na magniningning ang liwanag kung ito’y nakatanglaw sa karimlan.

17- Ang mapagkumbabang kabatiran sa iyong sarili ay katanggap-tanggap sa Diyos kaysa sa paghabol at pagtuklas sa makamundong kaalaman.



18- Ang pagkakatuto o karaniwang kabatiran sa mga bagay ay hindi kailangang iwasan. Ito ay mabubuti at katanggap-tangap sa Diyos; subalit ang may malinis na konsensiya at marangal na buhay ay kailangang higit na pagtutuunan at makamtan.

 19- Sapagkat karamihan ay pinili ang magpakarunong kaysa matiwasay na buhay, patuloy silang napapahamak at ipinagkakanulo gaano man ang ibinubunga o saysay ng mga ito.



20- Kung ang mga tao ay lubos na magsisikhay kumilos; sa pagbunot sa ugat ng mga masasamang bisyo at katiwalian, at magtanim ng mga kagandahang asal at pawang kabutihan, katulad ng paghahanda ng mga katanungan, walang mangingibabaw na kabuktutan sa daigidig.

21-Sa araw ng kahatulan; nakatitiyak hindi tayo tatanungin kung ano ang natutuhan natin, bagkus kung ano ang ating mga nagawa, hindi ang ating mga binigkas na pangungusap, bagkus kung papano tayo nagpakumbaba sa naging buhay. Ano ang ginawa mo sa iyong hiram na katawan at sa pangalang ipinagkaloob sa iyo?

22- Sagutin mo ako, nasaan ngayon ang mga dakilang tao na iyong kilala, nakita o nadinig habang nagsasalita noong sila ay nabubuhay? Ngayon, ang iba ay tinatamasa ang katulad na posisyon. Sila naman ang pinupuri at pinapalakpakan, at sa aking palagay, sa kalasingan ng tagumpay hindi man lamang nila naiisip ang mga naunang tao. Gayong ang lahat sa mundong ito’y matuling lumilipas, kumukupas at tuluyang naglalaho. Sa panahon ng kanilang buhay, kilala at tanyag sila. Ngunit ngayon walang nakakakilala o nagsasalita tungkol sa kanila.

23- Kung ang kanilang mga buhay ay nagampanan katulad ng natapos na mga karunungan, patuloy silang magiging maligaya hanggang sa kanilang paglisan.

24- Marami ang mga napapahamak sa mundong ito dahilan sa kahangalang makasarili; magpakatalino, magpakayaman, at manatili sa kapangyarihan upang malubos ang kasiyahan at makalimutan ang maglingkod sa kapwa. Wala silang kabatiran na nasa paglilingkod lamang masusumpungan ang hinahanap na kaligayahan. Walang pagsasaalang-alang na ito’y kaluwalhatian sa Diyos. Sapagkat mas gugustuhin pa nilang maging sikat at kinahuhumalingan kaysa maging mababa at makapaglingkod.

25- Siya na tunay at wagas na dakila ay mapagkumbaba at mahinahon, hindi naghahanap, nanghihingi, at nagtatampisaw sa mga parangal, papuri, at hungkag na palakpakan. Tunay at dakila dahil may kawanggawa at pagmamalasakit. Tanging may kawili-wiling kabatiran na ang lahat ng makamundong pagnanasa ay mistulang mabahong pusali na kinakailangang linisin at pagandahin upang maging katanggap-tanggap sa Diyos. At siya na tunay na nakakaalam ang nagsasagawa sa kagustuhan ng Diyos at tinatalikdan ang sariling kagustuhan.

 Ang katotohanan lamang ang magpapalaya sa atin.


Ang Katipunero



   Nakaupo siya sa ilalim ng puno ng mangga, nagninilay sa mga kaganapang mangyayari sa susunod na mga araw. Kahapon, nakiisa siya sa mga nagtipon sa Pugad Lawin. Malakas ang kanyang pagsigaw kasabay ng pagpunit ng kanyang sedula. Sagisag ito ng kanilang paghihimagsik laban sa pamahalaang Kastila. Tanda na kailangang lumaya ang bansa sa mapanikil na mga dayuhan.
   Ngunit ngayon, nanlulumo siya at hindi matanto kung anong tungkulin ang nararapat niyang balikatin sa katipunan. Hindi siya nakapag-aral at laking bukid. Subalit kilala at ipinagkakapuri siya sa kanilang nayon sa kanyang pagiging makatao, matulungin, at likas na katapatan.
   Kinapa niya ang puluhan ng gulok na nakasukbit sa bayawang at muling hinawakan ang sibat na kawayan na kangina lamang ay matiyaga niyang pinatulis. Tinitiyak kung papaano niya higit itong magagamit sa labanan. Ito lamang ang kanyang mga sandata, kalakip ng marubdob niyang hangaring makatulong sa himagsikan.
   Nanliliit at pinaghihinaan siya ng loob sa haharaping panganib. Wala siyang karanasan sa digmaan, lalo na ang maging isang kawal. Nagpasiya siyang isangguni ito sa kanyang pinuno.
   “Kapatid na pinuno, bakit hindi ako mapakali? Kinakabahan ako at tila naduduwag?” ang paunawa niyang bungad. “Hindi naman ako laging ganito. Nagagawa kong manghuli ng ulupong ahas, supilin at sakyan ang barakong damulag, at tumawid sa rumaragasang tubig sa malawak na ilog sa panahon ng pagbaha nang walang takot,” ang dugtong pa.
   Tumugon ang pinuno,“Sasagutin kita kung bakit, hayaan mo munang magbilin ako sa ilan nating kapatid. Kung nais mo, makiumpok ka sa amin.”
   Sa buong maghapon; nanatiling nakaupo at nakikinig ang katipunero, pinagmamasdan niya ang pagdating at paglisan ng mga tao na inaalam ang mga tungkuling gamgampanan sa katipunan. Nakita niyang magkakatulad na tinanggap ng pinuno ang lahat na may pagsasaalang-alang, pakikiisa, may ningning sa mga mata at laging nakasilay ang ngiti sa kanyang mukha.
   Kinagabihan, nang makaalis na ang lahat at mapag-isa ang pinuno, nagpahiwatig ang katipunero;
  “Ngayon, maaari mo na bang ituro sa akin?”
Inanyayahan siya ng pinuno na sumunod sa kubol nito. Ang kabilugan ng buwan ay nakatanglaw sa kalangitan at ang liwanag nito’y nakapagdudulot ng masuyong katiwasayan sa paligid.
   “Nakikita mo ba ang buwan, kung gaano ito kaganda? Nagagawa nitong tanglawan ang lahat ng natatanaw niya. At bukas, muling sisilay ang araw upang siya naman ang pumalit at magbigay ng liwanag.” Ang paala-alang susog ng pinuno.
   Nakataas ang kilay, nagpahayag ang katipunero,“Ngunit ang silahis ng araw ay higit na maliwanag, ipinapakita nitong malinaw ang mga tanawin sa ating paligid, ang mga punong-kahoy, ang mga bundok, pati na ang mga ulap.”
   “Palagi kong niliirip at inaapuhap ang tamang kasagutan, at kailanman hindi ko narinig ang buwan na nagsabing, bakit hindi ako kasing liwanag ng araw? Ito ba’y sapagkat ako ay maliit lamang kaya naduduwag ako?” ang patambis ng pinuno.
   “Hindi naman sa ganoon,” ang nababalisang tugon ng katipunero. “Ang buwan at ang araw ay magkaibang bagay. Bawat isa ay may sariling kagandahan at pagtanglaw. Hindi mo maaaring paghambingin sila.”
   “Kung gayon, nasagot mo ang iyong katanungan,” ngumingiting pahayag ng pinuno. “Tayo man ay magkaibang tao, may kanya-kanyang inihahandog na kaliwanagan. Bawat isa ay kumikilos ayon sa ating mga pinaniniwalaan, at gumagawa ng mga katotohanan sa pamamagitan ng pagtutol at pakikipaglaban upang ang ating bansa ay maging malaya. May kanya-kanya tayong ginagawang  pagtanglaw at nagiging maliwanag at nagni-ningning lamang ito kung maaayon sa simbuyong nananaig sa puso mo. Silaban mo at patuloy na painitin ito, upang lalong maglagablab. At ang iyong kahinaang loob ay masusupil.”


Lungsod ng Balanga, Bataan

Tuesday, April 19, 2011

Taos-Pusong Dalangin



Aking Panginoon,
Salamat po sa bawat sandali sa aming mga buhay.
Salamat po sa lahat ng ipinagkakaloob Mo sa amin.
Kami’y narito, dahil sa Iyo.
Anuman ang aming ginagawa, iniisip, nakakamit, o nadarama
Ay dahil sa Iyo.
Nawa’y maging mga kinatawan kami
Kung saan Ikaw ay makapagsasalita.
Gamitin kami sa mga paraang iyong ninanais,
Bilang mga mapagkumbaba mong tagapaglingkod
Lumalakad sa landas na ito na magkahawak kamay sa Iyo.
Nawa’y ang aming mga salita dito ngayon, bukas, at palagi
Tumimo sa mga puso ng lahat na nananabik
Na makipag-isa sa Iyo.
Nawa’y maging inspirasyon ang mga ito sa bawa’t isa sa amin
Ang ihalintulad ang aming mga buhay ayon sa Iyo at ng iyong patnubay para sa amin.
Lahat ng nasa amin,
Buong pagpapasalamat naming iniaalay.
Kami’ yumuyukod sa Iyo.




Ang matamang tao ay naniniwala sa tadhana,
ang pabugso-bugsong tao ay sa tsansa o suwerte.

   Alam mo bang may isang susi na siyang makapagbubukas ng lahat ng katotohanan na nakatago at naghihintay sa iyong puso? 

Kailangan lamang painitin, pasiklabin, at patuloy itong pag-alabin. Ito ang tanglaw na patnubay mo.

Ito ang iyong simbuyo o pasiyon ng iyong buhay. Kailangan lamang ganap mo itong malaman, matutuhan, at pairalin. 

   Lagi kong binabanggit, 
“Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi makamtan ng iba ang kanilang mga naisin ay sapagkat hindi nila alam kung ano ang kanilang mga naisin.”

   Ang masaklap pa dito; sa iilan na nakakaalam kung ano ang kanilang nais, kinakapos pa at walang kasigla-sigla kung kumilos. Walang simbuyo o umiigting na damdamin, o nagliliyab na paghahangad. Kung magsikilos ang mga ito, mistulang namamasyal sa liwanag ng buwan o nakasunod sa karo ng patay patungo sa libingan. Sa kagawiang ito, kasamang naililibing sa hukay ang kanilang mga pangarap. Kailangan pa bang may sindihang kuwitis sa puwitan, upang mapabilis ang pagkilos at tuloy-tuloy?

Simpleng-simple lamang ang kailangan, maliwanag na paraan upang makapagsimula na malaman kung ano ang nais mo---sa pamamagitan ng kaliwanagan kung sino kang talaga. Ang malinaw na kaalaman tungkol sa iyong sarili ay napakahalaga sa ikatatagumpay ng iyong buhay. Ito ang iyong katotohanan.

  Lahat ng bagay sa iyong mundo ay nagiging katotohanan lamang sa pamamagitan mo. Kasabay ng pagpikit ng iyong mga mata, lahat ay naglalaho. Nauuwi sa kawalan. Ang tangi lamang naiiwan ay alaala. Kung ang mga ito ay iyong iniisip, nililikha mo ito para sa iyo. Ikaw lamang ang tanging nasusunod. Subalit ihinto mo ito, pakiramdam at pandinig lamang ang mananatiling kabatiran mo sa katotohanan. Lahat ng ito'y dahil sa iyong kaisipan.


   Ang susi sa katotohanan, na patuloy na lumulukob at kumikilos sa iyo ay nasa pagitan ng iyong nalalaman at ginagawa.
Ito ay kung ano ang iyong iniisip.



Anuman ang iyong iniisip, 
ay nililikha ang sarili mong daigdig.


Baguhin ang Iyong Iniisip, Baguhin ang Iyong Buhay

Ang tangi lamang na bagay na nakatindig sa pagitan ng tao at ng kanyang mga hinahangad sa buhay, kalimitan ay ang tahasang subukan ito at ang pananalig sa paniniwalang ito'y matutupad.
 
   Lahat ng mga pagbabago sa iyong buhay ay nangyayari lamang kapag pinalitan mo ang iyong paniniwala tungkol sa iyong sarili at kakayahan mo. Lumalawak ang iyong kaisipan kapag binabago mo ang iyong paniniwala kung ano ang iyong magagawa at kung ano ang posibleng makakamit mo.
   Lahat tayo ay kumikilos sa paraang nais natin, sapagkat may mga bagay na umuukilkil at nangingibabaw sa ating kamalayan; ang ating mga paniniwala. Dito nag-uugat ang mga saloobin, pag-uugali, at mga  kapasiyahan. Kapag maling ideya, maling pananaw, at maling paniniwala ang umiiral sa iyo, pakaasahan at darating ang matinding kapahamakan. Upang maiwasan ito at maibaling sa tamang direksiyon, kailangang simulang palitan ng tamang paniniwala ang iyong kaisipan. Ginagawa natin anuman ang ating magagawa sapagkat ito ang ating paniniwala. Hangga't patuloy natin itong ginagawa, ang kinagawiang ito ay walang patutunguhan---kahit gaano man katindi ang ating pagpupunyagi.

  Ang bilis ng iyong paglalakbay sa landas ng buhay ay nakabatay sa mga paniniwala at konseptong iyong pinaiiral sa iyong kaisipan. Nakapaloob ito sa tatlong pangunahing desisyon na kumukontrol ng iyong tadhana.

   1. Ang mga kapasiyahan tungkol kung ano ang pinagtutuunan mo ng atensiyon.
   2. Ang mga kapasiyahan tungkol kung ano mga bagay na makabuluhan sa iyo.
   3. Ang iyong mga kapasiyahan tungkol ano ang iyong gagawin upang likhain ang kalalabasan ng iyong mga hinahangad.

   Nakasalalay ang mga kapasiyahang ito sa iyong paniniwalang umaayon sa tunay at dakila mong layunin. At ito lamang ang makapagdudulot nito sa iyo. Ito ang iyong katotohanan.
   Nakabatay ito sa mga batas ng kaisipan. Ang pinakamahalagang batas na ito ay nagsasabing anuman ang iyong tuwirang pinaniniwalaan ay nagiging katotohanan. Hindi mo pinaniniwalaan kung ano ang iyong nakikita; nakikita mo kung pinaniwalaan mo na. Sa katunayan; tinatanaw mo ang iyong daigdig sa pamamagitan ng iyong suot na salamin ng mga paniniwala, saloobin, mga pag-aasal, paghatol, pag-aakala, at kinahumalingan o kinagawian. Hindi ikaw ang iniisip mong ikaw, bagkus ang iniisip mo ang ikaw. Kumikilos ka mula lamang sa kung ano ang nakikita mo sa labas ng iyong pagkatao, at nagmumula ito sa iyong mga paniniwala at sinusunod na pamantayan tungkol sa iyong sarili.

   Kung ano ang iyong iniisip, magiging ikaw ito.

   Mula sa iyong pananalig, ito ang magaganap sa iyo. Ang mga paniniwalang ito ay nagiging realidad o katotohanan mo. Ito ang tahasang nakapangyayari sa iyo.

   Mayroon kang kapangyarihan na piliin ang makabubuti sa iyo. Kung babaguhin mo ang mga maling paniniwalang ito, mababago ang iyong panlabas na kaganapan sa iyong buhay. Sapagkat ang sarili mong kabatiran sa iyong pagkatao ang lumilikha ng antas at uri ng iyong paggawa at ikatatagumpay lahat ng iyong mga gagawin.
   Ang pagkakakilala mo sa iyong sarili ay kabubuan lahat ng iyong mga paniniwala, saloobin, mga damdamin, at mga mungkahi tungkol sa iyo at sa iyong nililikhang daigdig. At dahil dito, palagi at patuloy kang kumikilos ng naaayon sa kabatiran mo sa iyong sarili, maging tama o mali man ito.

Ano ba ang katotohanan at kaugnayan nito upang makilala natin ang ating sarili?

Kapag sinundan mo ang iyong kaluguran …
ang mga pintuan ay mabubuksan na kung saan wala kang iniisip
na may mga nakapinid na pintuan, at dito
walang isa mang pintuang nakabukas kaninuman
nakalaan ito sa iyo, at ikaw lamang ang may hawak ng susi.

      Ikaw lamang ang may hawak sa susi ng iyong buhay. 


   Ang pagkatao mo ay mistulang lampara na may suklob na boteng salamin, upang ang ningas nito'y mapangalagaan sa mga hampas at daluyong ng hangin. Sa nililikhang liwanag nito na tumatanglaw sa karimlan, tanging ikaw lamang ang may kakayahang pagdingasin at pag-alabin ito, ayon sa kagustuhan mo
   Sa patuloy na pagliyab nito, ang lumilipad na usok ay nagiging pulbos na uling na dumidikit at nagpapadilim sa loob ng salamin ng lampara. Walang sinumang makapaglilinis nito sa labas upang luminaw. Ang paglilinis ay ginagawa mula sa loob palabas. Ikaw lamang at wala ng iba ang makagagawa nito. Ito ang iyong  katotohanan.


   Saliksikin mo ang kaibuturan ng iyong puso 
at dito ay matatagpuan mo 
ang kaharian ng langit.


Siphayo at Pighati
Anuman ang ating iniisip ay bunga lamang ng ating pakikibaka na malaman ang katotohanan. Lagi nating pinaniniwalan ang kinamulatan na kailangang may tama at mali sa lahat ng bagay na pinag-uukulan natin ng atensiyon. At patuloy din nating tinutuklas ang “wastong” kasagutan tungkol dito. Walang katapusan ang kaalaman, patuloy itong proseso at walang hintong pagmumulat sa sarili sa mga nagiging karanasan sa buhay. Lahat ay nagbabago; ang tama ay nagiging mali, at ang mali ay nagiging tama, sa paglipas ng panahon. Ang katotohanan lamang ang nananatili. Hindi mapasusubalian at nakapangyayari sa lahat.


  Hangga’t itinatatwa at ipinagwawalang-bahala natin ang pagiging tunay at totoo, lalo na pagdating sa ating pagkatao; ang siphayo at pighati ay mananatili sa ating buhay. Kapag walang katotohanan, kailangan mong harapin ang ibinubungang kasinungalingan, mga pagkukunwari, at mga pagkakanulo.
   Kapag walang katotohanan, walang katapatan. At kung walang katapatan, walang mabubuo at magpapatuloy na relasyon kaninuman. Katotohanan ang tanging magpapalaya sa iyo.

Malimit marami ang nagtatanong, “Ano ang katotohanan?”

 Bagama’t marami din ang naging katugunan ko batay sa pagtatanong at mga kadahilanan, minsan isang araw, itinutok ko ang aking hintututro sa isang direksiyon, sa pagnanais na maipakita sa kanila kung papaano sinusundan ang isang landas, at iwaglit ito nang tuluyan sa isipan.
   Kaysa tumingin sa direksiyon na aking itinuro, ang kakilala ko na nagtanong ay sinimulang titigan ang aking hintuturo, tinatangkang alamin ang katotohanan kung saan ito nakatago. Hindi niya napansin, sa pagkakaunat ng hintuturo ko'y tatlong daliri naman ang sa aki'y nakaturo. Kailanman, hindi mo masusumpungang makita sa iba ang hinahanap mo para sa iyong sarili.


   Nakapanlulumo ang tagpong ito kapag naghahanap ka ng tagapagturo, guro o maestro; gayong ang kailangang hanapin mo’y karanasan na makakatulong sa iyo na makaiwas sa mga balakid na darating sa iyong buhay. Ang kabatiran ay kapangyarihan, ngunit ibayong kapangyarihan kung nagagamit mo ito.

   Kaya lamang ang nakalulungkot, ang katotohanan ay naiiba: marami ang nagpasiyang karampot na panahon lamang ang nakalaan para subukang alamin ang mga kasagutan sa lahat.
   Ang taong basta tumatanggap, nang walang katanungan, ng mga “katotohanan” sa kanyang harapan o nagmumula sa ibang tao, kailanman ay hindi masusumpungan ang kanyang tamang landas.


 Magnilay at ibayong liripin ang isang pag-uusap na ito:


   “Nagbibiro ka ba?! Talaga bang seryoso ka?” ang tanong ng kanyang kumare.
   “Oo naman, talagang seryoso ako. Ang wika mo noon, nais mong maging malinaw at laging gising. Ang maging malinaw at laging gising ay nangangahulugang tinutupad mo kung ano ang totoo,” ang may tiwalang tugon ng tinanong.
   “Subalit ano ang iisipin ng aking pamilya? Nang aking mga kaibigan? Pati nang mga nakakikilala sa akin? Hindi nila mauunawaan,” ang susog pa ng kumare na halatang napipilitan.
   “Oo, may mga ibubunga ito. Subalit kailangang mamili ka. Nais mo bang magpatuloy na mabuhay na iba ang nakapangyayari sa sarili mo o kumikilos ka nang naaayon sa alam mong siyang totoo?

Ano ba ang tunay, yaong talagang totoo

Kailangan hukayin natin ito ng malalim, upang higit na maunawaan. Sapagkat dito nakasalalay ang pinaka-mahahalagang konsepto na nauukol sa lahat ng pilosopiya, lohika, relihiyon, agham kuro-kuro, at mga kaganapan sa araw-araw ng ating buhay.
   May mga pananaw na nagsasabing wala itong halaga, at likas na lumilitaw kung totoo man ito, ay wala nga itong halaga. Alinman dito, totoo o hindi, ikaw ang masusunod. Dahil ang ibubunga nito ay ang iyong magiging karanasan. At makikita ito sa buhay mo, kung masaya o malungkot, may kaligayahan o kapighatian, at matiwasay o masalimoot. Nasa iyong kapasiyahan ito.

   Anuman ang iyong pinapanaligan, pinaniniwalaan, at tinutupad, ito ang katibayan ng lahat na nakapaloob sa kalagayan at kaganapan ng iyong buhay.

Ang Katotohanan
Isa itong ideya na kumakatawan kung ano ang tunay na kaganapan o reyalidad. Sumasang-ayon sa tama at tunay na pangyayari, eksaktong naaayon sa kalitawan, pinaggalingan, at kalalabasan. Mayroon itong sangkap o kasariang tumutugon at nagpapatibay na totoo o kaganapan. 
   Ang reyalidad o kaganapan na nangyayari ay sanhi ng pagiging kalikasan nito; mga tunay na pangyayari, nag-iisang kabubuan, o pangkalahatan nang nalilikhang pagkilos na may katibayan o mapang-hahawakan. 

   Ang katotohanan ay isang kalitawan at patuloy na karanasan na wala kang anumang bahagyang pag-aalinlangan, inaalaala, itinatatwa, pinasusubalian, at imposibleng maging kamalian. Ang katotohanan ay isa lamang; ang tamang kabatiran, sa lahat ang kaparaanan ang nangungusap para dito. At ito'y nagaganap ayon sa iyong pangmalas at kabatiran.
   Ang reyalidad o nagaganap na pangyayari, tama o mali man ito, at katotohanan ay iisa.

Bakit Totoo ang Mali?
Nagkamali ka ng napangasawa, kaya naging masaklap ang iyong buhay. Ito ay mali ngunit totoo.
Nagnakaw ka ng pag-aari ng iba, kaya nabilanggo ka. Ang kamalian ay totoo.
Sinungaling ka, mandaraya ka, masakim ka; iiwasan kang makarelasyon. Mga kamalian na totoo.



 Pakatandaan, anumang pinagtutuunan mo ng ibayong pansin, anuman ito ay siyang lumilikha ng iyong katotohanan. At ang mga kaganapang ito ang magiging kapalaran mo.

May katatawanan nangyari sa isang hukuman, na kung saan humihiling ng diborsiyo ang lalaki sa kanyang asawa. Ang reklamo nito, “Sinungaling ang asawa ko---noong magkakilala kami ang binanggit niya sa akin ay 21 taon lamang ang gulang niya, at ngayon ang sinasabi naman niya’y 40 na taong gulang naman siya! Sa katunayan, kagalang-galang na hukom, ang kanyang edad ay nagbabago taun-taon. Kung alam ko lamang na pabago-bago ang sasabihin niyang edad sa bawat labing-dalawang buwan, hindi ko kailanman pakakasalan siya.”
   Maging patawa man ito, may katotohanan na umiikot dito.

   Lahat ng iyong nakikita, naririnig, naaamoy, natitikman, at nadarama ay totoo. Maging ang ilusyon ay nagiging totoo. Ang lahat nang ito’y naaayon o batay sa iyong angking pansala at pananaw. Walang tama o mali. Pinipili at nagbabago lamang ito ayon sa iyong batayan at kahatulan. Kung ano ang iyong paniniwala, ito ang magiging kasagutan. Lahat ay maaaring kulayan alinsunod sa iyong kaisipan. 
   Ang daigdig ay nagpapatuloy at walang itong pakialam sa iyo, maging masaya o malungkot ka man. Tumama o magkamali ka man. Ang araw ay patuloy na sisikat at lulubog. Ang lahat ng nabuhay ay mamamatay. Lahat ng nakikita at mahahawakan ay panandalian lamang, lahat ng mga ito'y may hanganan at katapusan. 

   Subalit may higit at sukdulang katotohanan maliban sa mga ito. Ang mga pangunahin at pinakamahalaga sa lahat; hindi ito nakikita, naririnig, naaamoy, at natitikman, bagkus nadarama lamang ang mga ito: Pag-ibig, pagmamalasakit, kagitingan, pagpaparaya, pagdamay, pagpapakumbaba, pasasalamat, atbp. Ang mga ito ang makapangyarihan sa lahat.
  Ikaw lamang at wala ng iba pa ang lumilikha nito. at ito ang iyong katotohanan.

   Nakakagawa tayo ng mga himala at mga katangi-tanging gawain; at tayo ay nagagalak, kapag lubos at masugid tayo sa ginagawa na nagpapasaya sa atin. Sa ating paglalakbay patungo sa lunggati na ating inihanda sa ating mga sarili, nabibigyan nito ng makabuluhang panahon at malalim na kahulugan ang ating buhay. Ang katotohanan ang siyang pumapatnubay at nagbibigay kaluguran upang maging kawiliwili ang lahat sa atin.



Naniniwala ako na anumang bagay na makabuluhang gawin ay laging may elemento ng pagsasaya at kagalakan.

Ang iyong utak ay nagagalak kapag ito’y nakatuon sa mga bagay na minamahal mo. Hangga’t pinagtutuunan mo ng pansin kung ano ang tunay na minumutya at pinakananais mo, nagagawa nito na kontrolin ang mga mapangwasak ng emosyon tulad ng pagkatakot, galit, panggigipuspos, at mga bagabag. At ibayong  pinalilinaw ang iyong kaisipan.

   Habang may simbuyo ka, pinakikilos at pinasisigla nito ang iyong damdamin. At higit mong nagagampanan at natutupad ang iyong tadhana.

   Ang tadhana ay paglalakbay ng buhay. Binabago at nilalapatan ng simbuyo anumang iyong kinahaharap. Habang patuloy na pinag-aaralan at nauunawaan mo ang iyong sarili, kusang bumubukal ang mga simbuyo para higit mong malasap ang buhay na sadyang nakalaan para sa iyo.

Simbuyo ng Damdamin
  
Hindi magagawang pukawin ang karimlan ng liwanag
at magpuyos ang simbuyo kung walang emosyon.

  Masdan ang isang ilawang kandila; Ang liwanag nito’y sanhi ng kanyang sindi. Kung maliit ang sindi, maliit ang liyab. Kapag malaki ang liyab, malaki ang lagablab. At kung may lagablab, ganap itong maliwanag.

Ang ilaw ay ang iyong damdamin, at ang liyab nito’y ang iyong nililikhang simbuyo. Ang kalapat na taguri nito’y “simbuyo ng damdamin.”
  Ganito pagdating sa damdamin; Malamig ang damdamin, tamimi at walang sigla. Mainit ang damdamin,  kumikilos at masigla. May ibayong kasiglahan, puno ng buhay at pagkilos---ito ang simbuyo o pasiyon. Ang pinaka-motor o nagpapakilos sa iyo, pumupukaw, sumisilab, nagpupuyos, gumaganyak, umaaliw,  nagpaparamdam, nagpapainit, nanggagalaiti, at nagpapatindi ng kasiglahan. Ang mga ito ang nagbubuo at nagpapakilos ng iyong buhay at magpapasiya sa iyong kapalaran.
Ang Simbuyo ay:
1- susi sa paglikha anumang nais mo sa buhay
2- upang ganap na makilala mo kung sino ka at saan patungo
3- ang malaman ang mga kadahilanan at patnubay tungo sa tagumpay
4- siyang umuugit at lumilikha ng iyong kapalaran
5- pinapanatili ang kaligayahan sa tuwina
6- nagpapatupad  ng iyong misyon; kalakip ang intensiyon, atensiyon, at walang tensiyon
7- bukas na isipan at walang bagabag anuman.

Papaano ba natin matutuklasan ang tamang simbuyo upang likhain ang hinahangad nating kapalaran?

Sino Ba AKO

   Ang pinakasimple, pinakamaliwanag na paraan upang masimulan na malaman kung ano ang nais mo---ay maging malinaw kung sino ka.

   Anumang bagay na pinag-uukulan mo ng atensiyon ay lumalaki at lumalakas sa iyong buhay. At katumbas ng iyong mga hinahangad, ang magiging resulta nito.

   Lahat tayo ay nais makatiyak na may tahasang layunin ang ating buhay. Nais nating maganyak at mapukaw ng ating mga hinahangad, ang matagumpay na makamtan ang ating mga lunggati. Nais nating magkaroon ng buhay na batbat ng kasiglahan at kaligayahan.


Karamihan sa tao ay laging abala at hindi maiwan ang anumang ginagawa upang mabigyan ng pansin ang pagsasaliksik sa kanilang katauhan. Natatakot ang mga ito na kung titigil sa “paggawa,” hindi sila kikita ng ikakabuhay, matutulungan ang pamilya, at mababayaran ang mga pangangailangan, atbp. Walang ganap na atensiyon para dito.

   Ang mga pantas na nakakaalam ay nagsasabing ang resulta o nangyayari sa kabubuan ng iyong buhay ay hindi nanggagaling sa ibayong pag-iisip at mga paggawa, bagkus ang pagsasaliksik at pagpukaw sa nakatagong mina ng pagkamalikhain at katalinuhan sa kalaliman ng sarili ng bawa’t isa sa atin.

 Ang kaharian ng langit ay matatagpuan lamang sa kaibuturan ng iyong puso. 

   Ang puso ay kumakatawan sa damdamin. At ang damdamin kapag walang simbuyo ay manhid at nauuwi sa pagkapanis. Kalauna'y mangangamoy at humahantong na malibing sa pagkalimot. Ito ang kalakarang umiiral sa karamihan. May kalapat na pasaring ito: "Basta makaraos, ayos lang."
    Hindi katakataka na manatiling paraos at wala ng pag-asa sa buhay ang may ganitong pag-uugali.

Ano ba ang Angking Kapalaran---Mayroon Ka Ba Nito?

   Kung ikaw ang kumukontrol ng iyong kapalaran at diwa ng iyong kaluluwa, mayroon ka nito. Ikaw ang nakapangyayari, nasusunod, at tanging nagpapasiya kung saan pupunta ito. Kapitan ka ng sarili mong barko at tanging may kapangyarihan sa direksiyon ng paglalayag. Sa iyo nakaatang ang responsibilidad na ito.

Liripin ang tungkol dito: 
Walang sinumang tao sa mundong ito na talagang kawangis mo at may mga katangiang katulad ng sa iyo. Pambihira ka at sadyang mapalad sa bagay na ito. Hindi lahat ng direksiyon ay pwede na, at dito nakaabang ang samut-saring mga paghamon. Bawa’t isa sa atin ay namumukod tangi at walang kaparis. Kaisa-isa lamang tayo at wala ni isa mang katulad sa buong mundo.

Bawa’t isa sa atin ay mayroong kakayahan at espesyal na maiaalay sa sangkatauhan. Ito ang iyong pambihirang regalo at walang sinuman ang makapagbibigay nito kundi ikaw lamang. Mayroon ka ng mga regalong ito sapagkat may nakatakda kang gagampanang espesyal na tungkulin sa daigdig na nangangailangang ipamalas at pag-alayan ng mga regalong ito.

   Upang maging tunay na maligaya, kailangan lamang na gamitin natin ang mga regalong katangian o talentong ito na makapag-dagdag ng ligaya at kahalagahan sa buhay ng iba.


   Ang paraan upang likhain anuman ang naisin mo sa buhay ay ang ibigay ito sa ibang tao. Malimit iniisip ng karamihan ang tangi lamang nilang hangad ay salapi, katanyagan, kapangyarihan, ari-arian, asawa o mga anak, subalit walang sinuman ang may nais ng anuman maliban sa kaligayahan. Ang paghahangad ng lahat ng iba pang mga bagay na ito ay dahil lamang upang makamit ang kaligayahan.
   At ang paraan upang magkaroon ng kaligayahan ay ibigay mo muna anuman ang iyong nais upang makamit ito. Kahalintulad ng buhay ang salamin. Anuman ang iyong ginagawa, ito ang iyong makakamtan.
   Kaya kung nais mo ng kasiyahan kailangan magbigay ka ng kasiyahan. Nais mong tumanggap ng pagmamahal, kailangan magbigay ka ng pagmamahal. Nais mong igalang ka, kailangan gumalang ka muna. Hindi mo maaaring ibigay ang wala sa iyo. Buksan lamang ang puso at kusang dadaloy ang lahat para sa atin.

 Kapag ginagampanan mo ito, ipinamumuhay mo ang iyong angking kapalaran. At kung pinangingibabawan ng simbuyo ang iyong kapalaran, ang buhay mo’y batbat ng kaligayahan, kagalakan, pagkagiliw, at kaganapan.
   Ang mga simbuyo ang nagpapagalaw at kapangyarihan ng iyong buhay. Napakahalaga nito sa iyo, at kapag nagagampanan at ipinababatid ang mga ito, kasiglahan ang sumasaiyo. At ito ang iyong kaligayahan.

Kapag maliwanag ang layunin mo, anuman ang iyong hinahangad ay lilitaw sa iyong buhay, at ito’y mananatili lamang habang malinaw ito.



AKO ang Katotohanan,
Sa simbuyo ng aking damdamin ang lahat ay magaganap.
Ang araw na ito ay handog sa akin ng Dakilang Lumikha.
Marapat lamang na payabungin at pagyamanin ko ito.
Ito ang aking mga sandali ng kapasiyahan upang likhain ang aking kapalaran.
Hindi ako mabibigo.

Sapagkat AKO, ang Layunin, at ang Tagumpay ay IISA!




Aking Panginoon,
Salamat po sa bawat sandali sa aming mga buhay.
Salamat po sa lahat ng ipinagkakaloob Mo sa amin.
Kami’y narito, dahil sa Iyo.
Anuman ang aming ginagawa, iniisip, nakakamit, o nadarama
Ay dahil sa Iyo.
Nawa’y maging mga kinatawan kami
Kung saan Ikaw ay makapagsasalita.
Gamitin kami sa mga paraang iyong ninanais,
Bilang mga mapagkumbaba mong tagapaglingkod
Lumalakad sa landas na ito na magkahawak kamay sa Iyo.
Nawa’y ang aming mga salita dito ngayon, bukas, at palagi
Tumimo sa mga puso ng lahat na nananabik
Na makipag-isa sa Iyo.
Nawa’y maging inspirasyon ang mga ito sa bawa’t isa sa amin
Ang ihalintulad ang aming mga buhay ayon sa Iyo at ng iyong patnubay para sa amin.
Lahat ng nasa amin,
Buong pagpapasalamat naming iniaalay.
Kami’ yumuyukod sa Iyo.

    
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan