Pabatid Tanaw

Wednesday, December 15, 2010

Tamang Paglalarawan


  Laging nagtatalo ang kanyang ama’t ina tungkol sa paniniwala sa Diyos. Palasimbahin ang ina subalit ang ama ay alinlangan. Ipinasya ng ina na ipadala ang tanging anak sa pinsang pastor. Labindalawang taon si David nang tumuntong siya sa tahanan ni pastor Mateo, nag-aral siya dito ng Biblia hanggang tumuntong siya sa kolehiyo. Dahil malapit lamang ang kanyang pamantasan sa bahay ng pastor, tuwing araw ng Linggo ay buong araw siya sa simbahan nito. Tumutulong, nagsisimba, nag-aaral, at palaging sumasama sa mga talakayan ng mga salita ng Diyos.
   Isang umaga, napasyal ang kanyang ama sa tinutuluyan niya. Nagagalak na ikinuwento ni David ang katatapos na talakayan nang linggong nagdaan.
   “Papaano natin malalaman kung hindi naman natin nakikita ang Diyos?" ang pasaring ng ama.
   “At papano din natin mauunawaan na ang makapangyarihang Diyos ay nasa lahat ng dako?"  Ipaliwanag mo nga ito sa akin,” ang ngingiti-ngiti na susog pa nito.
   Nagsimulang isa-isahin ni David ang mga Kawikaan sa Biblia, subalit pinigilan siya ng ama.
   “Lubhang malawak ang binabangit mo, hindi ko ganap na maintindihan, wala bang maikling paraan na madaling maunawaan kung totoong may Diyos?" ang pagkukulit ng ama.
   “Hindi sa kapos ang aking nalalaman, aking ama. Sa araw na ito, talos ko na ang katotohanan at kailangang ipaliwanag ko ang misteryo ng banal na kaluwalhatian.” pagyayabang ng anak.
   “Teka muna, pagdating diyan sa mahihiwagang pangungusap mo na paligoy-ligoy, at para kang salamangkero na binabatu-balani mo ako, wala bang diretso na madali kong malalaman?”
   Naiinis na patutsada ng ama, “Pumayag ako sa nanay mo na ipadala ka kay pastor Mateo upang matuto. Gumastos ako ng malaki sa simbahan niya at pag-aaral mo sa Biblia, eh katulad ka rin pala ng iba na pawang kalangitan, impierno, at kumukulong asupre ang ipinapanakot.” ang paninising giit nito.
   "Ni hindi na kita makausap ng normal, laging matalinghaga, pawang Diyos at mahabaging langit ang ipinupukol mo sa akin, bakit hindi mo sabihin ng maliwanag? Nais ko'y personal, yaong mula sa tunay na nangyari at naranasan mo, hindi mula sa iba. Lalo na't ibang lahi at banyaga pa." ang pakiusap ng ama.
   Tumahimik ang mag-ama sumandali, maya-maya hinawakan ng ama sa kamay si David at hinila patungong kusina. Dito ay nagbuhos ng tubig ang ama sa isang palanggana. Matapos ito nagbuhos din ng sandakot na asin. At niyaya ang anak na ipasyal siya sa kabayanan.
   Pagkabalik sa bahay, nag-utos ang ama kay David, “Pakikuha mo nga ang asin sa tubig na nasa palanggana.”
  Nagtataka man sa utos ng ama, ay sumunod din si David. Subalit hindi niya makita ang asin sa tubig, nalusaw na ito.
   “Ano ngayon, naroon pa ba ang asin? Ang tanong ng ama.
   “Naroon pa rin, kaya lamang hindi na ito nakikita,” paliwanag ng anak.
   “Kung gayon, tikman mo nga ang ibabaw kung naroon ang asin. Anong lasa nito? Ang tanong ng ama.
   “Maalat po,” ang tugon ng anak.
   “Kumuha ka naman ng kaunti sa gawing gitna ng tubig, tikman mo din,”
    “Maalat din po tulad ng sa ibabaw ng tubig.”
    “Ngayon doon naman sa ilalim ng tubig sa palanggana ka kumuha, at sabihin mo sa akin ang lasa,” ang utos ng ama.
    Sinubukang muli ni David, tulad ng dati ay maalat pa rin ito.
    Nagpahayag ang ama, “Nakapag-aral ka ng maraming taon subalit hindi mo makayang ipaliwanag kung papaano makikita ang Diyos sa lahat ng mga bahagi. Sa paglalarawan sa palanggana na may tubig, ay maaari nating tawagin na 'asin' ang Diyos. Hindi ito nakikita, subalit nalalasahan. Gayon din ang hangin, hindi mo nakikita subalit nararamdaman. Ang kawad na may koryente, hindi nakikita ang koryente subalit nagagawa nitong pakilusin ang mga makinarya. Kahit na karaniwang magbubukid ay maiintindihan ito.”
   Tumitig ang ama kay Crispin at nagpaalaala, “Kung maaari lamang anak, kalimutan mo ang mga parabola at mga kawikaan mula sa iba, na lubhang matalinghaga. Nakakabagot ang mga ito, lalo na’t paulit-ulit, tulad ng sirang plaka. Huwag kang manggaya at tagapagsalita ng iba. Ang mabuti pa anak, ikuwento mo sa akin ang mga personal na karanasan mo na angkop sa napag-aralan mo. Ito lamang ang inspirasyong ating mapanghahawakan.

No comments:

Post a Comment