Pabatid Tanaw

Thursday, December 16, 2010

Kawikaan 201: Mga Patnubay sa Buhay


   Narito pa ang 100 Kawikaan na gumigising at nagpa-paalaala sa atin. Binibigyan nito ng makabuluhang pagsulyap ang ating mga saloobin at pananaw. Mahalaga na alamin at paglimiing mabuti ang mga ito, at maging kalasag sa ating araw-araw na pakikibaka sa mapagbirong tadhana.
   Pag-ukulan ito ng pansin, sumubaybay at magkaroon ng panibagong inspirasyon, pamantayan, at mabisang kaparaanan upang magtagumpay.

                                                                                                         Jesse N. Guevara
                                                                                                         AKO, tunay na Pilipino
                                                                                                         Lungsod ng Balanga, Bataan

 201- Ang bata ay hindi maaaring turuan ng sinumang namumuhi sa
         kanya.

202- Kamangha-mangha ka sa ganap na pagiging ikaw.

203- Dalawang tao lamang ang nakakabagot;
        ang madaldal at ang walang naririnig.


204- Nais kong tumakbo, ngunit sa layo lamang na magagawang maalaala mo ako.

205- Huwag idagan sa iba ang bagay na hindi mo nais 
           na pasanin sa iyong sarili.


206- Pumili ng gawain na talagang ibig mo, at kailanman sa bawat araw ng iyong buhay
         ay hindi ka na gagawa pa.

207- Lahat ay nagbabago. Ang mga kaibigan ay lumilisan. Ang mga kagamitan ay naluluma at nasisira.
        Ang yaman ay nawawala. Ang mga papuri ay naglalaho. At ang buhay ay hindi humihinto kahit
        kanino man. Nararapat lamang na harapin ito ng buong kagitingan.

208- Sa tatlong kaparaanan ay nagiging matalino tayo.
          Una, sa pagbubulay-bulay, na siyang marangal.
          Pangalawa, sa panggagaya, na siyang pinakamadali.
          At pangatlo, sa karanasan, na siyang pinakamahapdi.

209- Walang sinuman ang may kinapuntahan sa daigdig sa pagiging kuntento lamang.

210- Pakaisipin lamang ang trahedyang susuungin kung sakali man,
         kapag hindi naturuang manghinala ang mga bata.


211- Ang pagmamahal ay maliwanag na nag-aalab kaysa sa sikat ng araw.

212- Harapin kung ano ang matuwid, ang iwaglit ito ay tanda ng karuwagan.

213- Ang isang makasalanang tao ay mapanganib; alinman ang sandata niya, maging baril o Biblia.

214- Kung minsan kailangan mong malimutan ang nais mong maalaala na hindi nararapat sa iyo.

215- Walang nagpatiwakal habang nagbabasa ng mabuting aklat, subalit marami 
         ang nagbabalak habang sinusubukang magsulat nito.


216- Ang mga bagay ay pasama bago maging mabuti. Kaya pakatandaan;
         kung sino ang umapi sa iyo at kung sino ang nagpahalaga sa iyo.

217- Siya na natututo subalit hindi nag-iisip, ay nawaglit.
        Siya na nag-iisip subalit hindi natututo ay nasa ibayong panganib.

218- Lahat ng bagay ay may kagandahan, dangan nga lamang hindi bawat isa ay nakikita ito.

219- Isang araw, nahuli ko ang aking sarili na napapangiti nang walang kadahilanan,
        at napaglimi kong iniisip pala kita.

220- Naririnig ko at aking nalilimutan. Nakikita ko at aking naaalaala. Ginagawa ko at aking nauunawaan.


221- Kapag may itinatangi ka, makapagsasalita ka. Kapag umiibig ka, bawat isa ay nakapagsasalita.

222- Kung ako’y naglalakad kasama ang dalawang tao, bawat isa sa kanila ay magiging guro ko.
        Kukunin ko ang mabubuting puntos ng isa at aking gagayahin ang mga ito, at ang masasamang    
        puntos naman ng isa ay aking itatama sa aking sarili.

223- Ang pinakamasaklap na kamaliang magagawa ninuman ay ang ganap na matakot makagawa nito. 

224- Kung walong oras ang kailangan para putulin ang isang punongkahoy, aaksayahin ko ang anim na                   oras sa paghahasa ng aking palakol.

225- Madali ang mamuhi at mahirap ang umibig. Ito ang takbo na nagpapaikot sa mga bagay.
        Lahat ng mga mabubuting bagay ay napakahirap isakatuparan; at ang mga masasamang
        bagay at napakadaling makuha.


226- Anuman ang kayang pangarapin ninuman, nagagawa ito ng iba
        na maging makatotohanan.

227- Haraping totohanan ang buhay. Kapag buhay ka, iwinawasiwas mo
         ang iyong mga kamay, tumatalon ka at lumilikha ng lagabog,
         humahalakhak, at nakikipag-usap sa mga tao.Sapagkat ang buhay ay
         pawang pagkilos, at ito'y kabaligtaran ng kamatayan.

228- Ang edukasyon ay hindi upang punuin 
      ang timba, bagkus ang magsindi ng apoy. 


229- Ang mga bata ay bihirang gayahin ang mga binigkas mo. Sa katunayan, palagi
         nilang inuulit ang mga ito, kataga sa kataga sa lahat ng hindi mo dapat na binigkas. 

230- Maaaring nanggaling tayo sa ibat’-ibang barko, subalit ngayon ay sama-sama na tayo
        sa iisang bangka.


231- Lalong kahiya-hiya ang hindi ka pagkatiwalaan ng iyong mga kaibigan, kaysa ang dayain ka nila.

232- Ang buhay ay karaniwan lamang, subalit pinipilit natin na maging masalimoot ito.

233- Alamin ang kaparaanang ginagamit ng tao, pansinin ang kanyang mga hangarin,
       pagmasdan ang kanyang mga aliwan. Ang tao kailanman ay hindi maitatago ang
       kanyang tunay na katauhan.

234- Kailanman huwag makipagkaibigan sa isang tao na hindi nakahihigit sa iyo.

235- Kailangan natin ang pasasalamat. Kahit maging sa mga mumunting bagay.


236- Kailanman ay huwag ibigay ang espada sa taong hindi marunong sumayaw.

237- Mahal ko ang musika, salamat sa pakikiisa mo sa akin noong walang sinumang nakiisa para sa akin.
        Nakasayaw kita kahit na paiba-iba ang tugtugin.

238- Ang mga malulungkuting tao ay nagagalit kapag binabanggit mo ang tungkol sa kaligayahan.

239- Yaon lamang na mga pinakamatalino at pinakatanga ang ayaw magbago.

240- Kahit na alam kong magugunaw ang mundo bukas, itatanim ko pa rin ang aking punong mangga.


241- Kung iniisip mong magastos ang edukasyon, 
         subukan ang kamangmangan.

242- Ang katalinuhang hindi ginagamit ay mistulang ginto na nakabaon sa lupa.

243- Sa ganang akin, ang tanging pag-asa na makakasalba sa kaligtasan ng sangkatauhan
        ay sa pamamagitan ng pagtuturo.

244- Ang talento ay tulad ng koryente. Hindi natin naiintindihan ang elektrisidad. Ginagamit natin ito.
     
245- Ang mabubuting salita ay maiikli at madaling bigkasin, subalit ang alingawngaw nito’y
        walang katapusan.


246- Natutuhan ko na ang mahina ay malulupit, at ang pagiging mahinahon ay maaasahan lamang
         mula sa malalakas.

247- Kung ang pangarap mo’y mula sa kaibuturan ng iyong puso, ipagpatuloy ito.
         Kung hindi, ang sanlibutan ay makikibahagi sa iyong mga karaingan.

248- Laging tanungin ang sarili kung gaano ang paghakbang mo patungo sa iyong mga pangarap. Kapag 
        nasagot mo ito, makakarating ka sa iyong pupuntahan.

249- Ang maging magalang sa karupukan at kahalagahan ng bawat tao,
        ay unang sagisag ng pagiging matalino.

250- Ang pag-ibig ay tulad ng isang alingasngas, bawat isa ay nagsasalita tungkol dito,
        subalit sinuman ay walang ganap na naiintindihan.


251- Ang dalawang pagsubok upang ganap na matuklasan ang katauhan;
         kayamanan at kahirapan.

252- Hindi kung nasaan ka, bagkus kung sino ka, ang lumilikha 
        ng iyong kaligayahan

253- Karamihan ng tao ay palaging dumarating sa tamang oras sa              mga pook na inaasahan nilang kapuri-puri sila.

254- Nangangailangan ng maraming mabubuting gawa upang 
        magkaroon ng mabuting reputasyon. At isa lamang kamalian upang ito’y mawasak.

255- Sinuman na laging nanghihimasok sa kapalaran ng iba, ay hindi matutuklasan
        ang nakalaan para sa kanya.


256- Magdasal tayo, hindi upang gumaan ang ating mga dalahin.
        Bagkus, ang magkaroon ng malakas na balikat sa pagpasan.

257- Kapag ang dalawang tao ay laging magkasundo sa lahat ng bagay, ang isa dito ay hindi kailangan.

258- Wala nang hihigit pang kasiyahan kapag laging tama sa oras ang iyong pagdating sa tipanan.

259- Tatlo bagay lamang ang dala ng aking mga ninuno;  palakol, araro, at aklat. Ang aklat ay Biblia.

260- Kung nais mong kumbinsihin ang iba sa relihiyon mo, ipamuhay mo ito.


261- Kapag naulit muli ang dating pagkakamali, hindi na ito kamalian. Kahibangan at bisyo na ito.

262- Kapag ipinagtatanggol mo ang iyong mga pagkakamali, nangangahulugan lamang ito
        na wala kang balak na magbago.

263- Ang panibugho ay bulag at walang nalalaman kundi ang hamakin ang kadakilaan ng iba.

264- Maraming mahabang daan patungo sa pagkasuklam, ngunit ang panibugho ang pinakamaikli
        sa lahat ng daan.

265- May ilang tao na nakatakdang magmahalan sa isa’t-isa, subalit hindi ito 
         nangangahulugang magsasama sila.


266- Anuman ang sinasagap ng ating isip ay siyang makapangyayari sa ating kaisipan; at saanman,    
         alinman, at anumang sandali, ay lalabas mula sa ating bibig. 

267- Ang pagmamahal ay hindi inilagay sa puso upang manatili. Ang pagmamahal ay hindi pagmamahal,
        hanggat hindi ka nagmamahal.

268- Dalawa lamang na matagalang pamana na ating maaasahang maibigay sa ating mga anak.
        Isa rito ang mga ugat, ang pangalawa ay mga pakpak.

269- Malimit pintasan ng iba ang mga taong kinaiingitan nila.

270- Kung ibig mong magamit ng wasto ang panahon mo, kailangang alam mo kung ano ang mahalaga at 
        ibigay dito ang lahat ng makakaya mo.


271- Ang matagumpay ay yaong masidhing gumagawa sa mahabang panahon nang walang tigil.

272- Karamihan sa mga dakilang katangian tulad ng pananalig, pagtitiis, pagtitiyaga,
        at pag-asa ay nagmula lamang lahat sa kabiguan.

273- Ang taong hindi magawang magalit kapag may kasamaang nagaganap,
        ay walang kasiglahang makagawa ng kabutihan.

274- Hanggat patuloy nating binabalak ang mga gagawin, patuloy din ang ating mga kabiguan.

275- Kung anong ginagawa mo kapag wala kang magawa, ang naglalantad kung sino ka.



276- Ang pag-ibig ay pandikit para mabuo ang pagmamahalan, at panibugho 
        naman ang panlusaw upang ito ay paghiwalayin.

277- Gaano man ang iyong kayamanan, hindi mo na maibabalik ang nakaraan.

278- Wala nang hihigit pang panlulumo kapag nakikita mo ang mga tao na may 
         ibayong  kakayahan, ay nakatulala lamang sa mga pagkakataong nasa
         kanilang harapan.

279- Hindi sa marami tayong kaalaman, ang mahalaga ay kung papaano natin
         magagamit ang ating nalalaman.

280- Ang lihim ng pagdarasal, ay ang pagdarasal ng lihim.


281- Nais mong makaganti sa mga taong humahamak sa iyo? Paunlarin mo ang iyong sarili. 

282- Ang manangis dahil nakagawa ka ng kasalanan ay nakakalungkot, subalit ang itama
        ang kasalanang ito ay nakakasiya.

283- Walang sinumang makapagpapataas sa kanyang reputasyon sa pamamagitan ng
         pagbababa sa reputasyong ng iba.

284- Madalas ang mga tao ay ayaw masangkot at tumulong sa iba, hindi dahil wala silang
        kakayahan o pagnanais na makatulong, kundi kulang sila ng pagtitiwala sa mga sarili
        at katiyakan na makakagawa sila ng kaibahan.

285- Ang matalinong tao, nag-iisip bago magsalita. Ang mangmang, nagsasalita bago mag-isip.


286- Ang paglilingkod sa kapwa ang ating upa sa ating kinalalagyan dito sa mundo.

287- Tatlo lamang kataga ang lihim ng pagsasama; "Oo, aking mahal."

288- Karamihan sa atin ay hindi matanggap ang tagumpay. Lalo na’t iba ang nagkamit nito.

289- Kung ang paghihiganti ay matamis, bakit nag-iiwan ito ng hapdi at kapaitan?

290- Ang unang hakbang upang tumalino ka ay ang tanggapin mo na ikaw ay mangmang.


291- Ang totoong sukatan ng tagumpay ay hindi kung anong kalagayan ang narating mo sa buhay,
        bagkus kung anong pakikibaka ang sinuong mo at nagtagumpay ka.

292- Ang taong alam ang lahat ay marami pang dapat matutuhan.

293- Ang kaibigan na ating lalong hinahangaan ay yaong nagtatanong ng mahahalagang
        katanungan na nagagawa naman nating masagot.

294- Hanggat marami kang nalalaman, lalo lamang nalalaman mo na marami ka pang dapat maintindihan.

295- Hatulan ang bawat araw, hindi kung anong biyaya ang natanggap mo, bagkus kung ilang
        kabutihang ang nagampanan mo.


296- Pinatunayan ng kasaysayan na ang mga tao ay matagumpay hindi dahil sila ay matatalino,
        bagkus sila ay talagang matiyaga at may matayog na hangarin.

297- Nasa pagkakaisa ang simula; at sama-samang paggawa ang lumilikha ng tagumpay sa bayan.

298- Ang palalo at sinungaling ay magpinsang buo.

299- Ang pinakamalaking pagkakamali na ating magagawa ay ang hindi tayo matuto,
         na maitama ito sa unang pagkakataon.

300- Kung sa paniwala mo ay wala kang kakayahan makatulong sa kapwa, magiging
         pipi, bingi, at bulag ka sa mga kaganapang nangyayari sa iyong kapaligiran.

may patuloy na karugtong
Kawikaan 301
Kawikaan 401
Kawikaan 501
Kawikaan 601
Kawikaan 701
Kawikaan 801
Kawikaan 901
Kawikaan 1001
   Subaybayan at higit na kawiwilihan ang mga mahahalagang patnubay sa ating buhay, ngayon, bukas, at magpakailanman. Isa itong mabunying paghahandog sa mga tunay na Pilipino!



No comments:

Post a Comment