
Sunday, March 26, 2023
Friday, February 24, 2023
Alaming Mabuti nang Hindi Mapalungi
Buhay na hindi
inalam, pawang ligalig ang kauuwian.
Kanustá ka na? Ano ang ginagawa mo sa ngayon?
Bakit tila may problema ka? Ilan lamang sa mga katanungan na ating
binibigkas kapag may nakaharap tayong mga kamag-anak, mga kaibigan o maging mga
kakilala. …at marami sa kanila ang nagsasabi na ang buhay na hindi nilimi o
pinag-aralan ay hindi mahalagang ipamuhay.
Bakit naman
ganyang ang isinagot mo? Ang kasunod nating itatanong.
Dahil
karamihan ay nakatanikala at hindi makatakas sa bilangguang kinasadlakan
nila. Sa mga relasyong naging patibong at hindi na sila makaahon pa. Sa mga
trabahong tila mga kable at lubid na gumagapos sa kanila para lalong malublob
at ikalunod nila. Sa bawat araw, patuloy nilang kinakaladkad ang kanilang mga
paa para lamang maipakita na sila ay lumalaban sa buhay kahit animo’y mga patay at
wala nang sigla pa. Sapagkat subsob at palaging abala sa mga gawain at mga bagay na umaaliw sa kanila, nakalimutan nang alamin ang kahulugan ng sariling buhay.
Bihira ang nagsasabi na
kinagigiliwan at sadyang aliwan na nila ang kanilang mga gawain. Kahit
na hindi sila bayaran ay gagawin pa rin nila ang kanilang mga trabaho.
Dahil inalam at pinaglimi nila kung bakit lumitaw at narito pa sila sa
mundo. Ito ang mga tao na kilala nila ang kanilang mga sarili, alam kung
ano ang mga naisin sa buhay, at kung saang direksiyon patungo.
Ang
buhay na hindi pinaglimi ay walang katuturang buhay. Mistulang tuyot na
patpat na matuling tinatangay ng agos sa ilog, at kung saan dalhin ng alon ay
doon isasalpók. Ito ang buhay na maligalig, nalilito, at walang direksiyon kung saan
pupunta. Ang pinakamainam na paraan upang tahasang matukoy kung anong talaga ang mga ninanasa mo sa
buhay, ay ang tanungin ang iyong sarili nang masimbuyò at palagi; Ano
ba ang talagang pinag-aaksayahan ko ng
panahon? Masaya ba ako sa mga taong nakapaligid sa akin? May respeto ba
at may pagtitiwala ang aking pamilya tungkol sa akin? Mabuti ba ang
aking
relasyon sa mga kasamahan ko sa trabaho? May pananalig ba ang mga
kaibigan ko
sa akin? Nagawa ko ba ang maging mapayapa sa aking nakaraan? Madalas ba
at sapat
ang mga kasayahang umaaliw sa akin? Ako
ba ay maligaya sa ngayon? Kung nakakahigit ang hindi at may alinlangan ang mga kasagutan, may mga mahalagang bagay na nakakaligtaan
ka sa iyong buhay.
Alamin at tanggapin sa sarili na ipinamumuhay
mo ang mga bagay na likas at kusang sumisibol sa iyong puso, dahil narito ang
iyong mga potensiyal upang maisakatuparan ang tunay mong kaganapan. Kung AKO ang tatanungin, ang pinagliming
buhay ay siya lamang makabuluhang ipamuhay.
Walang makakapag-andáp sa ningas na kumikislap mula sa iyong kaibuturán.
Parting shot:
Some people die at 25, others in their early forties and most of them aren't buried until 75.
We call them Zombies, and they prefer Zombyosis. Isa ka ba sa kanila?
andàp, malamlám,
malabò adj. dim
kaibuturan, n. inner
core
kisláp, kináng,
n.
shine
ningas, sindí, dingas, liyàb, n. flame
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
SINO ba ang Kaharap Mo sa Salamin?
Kapag mahapdi ang nararanasan binabago
nito ang iyong nakaugalian.
Takot na magbago? Kung nanaisin lamang madali ang magbago, ngunit ang
mahirap kung kailan ito
masisimulan. Simpleng pang-unawa lamang; ang pagbabago ay isang emosyonal na
proseso. Sapagkat tayong lahat ay mga nilalang na may kagawian; basta may
nakawilihan tayo na bagay, sa katagalan, ito ay makakahumalingan na. Sapagkat
ugali natin ang umulit; dahil makulit tayo sa mga nagpapasaya sa atin… At takot
tayong lumusong o makipagsapalaran sa hindi natin nararanasan pa. Kung ano ang
komportable at nakasanayan na; ito ay ritwal na at mananatili tayo na sinusunod
ito, kahit alam natin na kung babaguhin ay may magandang resulta.
Ang masamang
droga, sigarilyo, alak, at pagtaba ay mga delikado; dahill sa pagmamalabis,
buhay ang nakataya dito, subalit marami ang makulit at huli na kung magbagò---at
hindi kataka-taka kung maaga silang yumaò.
Narito ang ilang mga suhetisyon bilang
mga inspirasyon:
Baguhin
ang kailangang mabago; Batid natin na bago tayo gumawa ng pamingwit sa
isda, kailangan nating malaman kung saang ilog ang may maraming isda. May
kaalaman tayo sa ipapain at paboritong kagatin ng mga isda. Kung hindi
kilala ang sarili, kung ano ang nais, at saan patungo, walang magagawang
pagbabago.
Sundin
ang itinitibok ng puso, narito ang iyong simbuyó (passion); Mabilis ang pagbabago kung ang sinusunod ay sariling
kagustuhan at hindi sa pangungutyâ at sulsol ng iba.
-Madali ang yakapin ang mga bagong ideya
kaysa itapon ang mga lumang ideya.
-Ituon sa kalakasan ang atensiyon, doon sa
kritikong mga bagay na nakakatulong at hindi sa maraming walang katuturan na
nagnanakaw ng iyong mahalagang mga panahon.
Tanggalin
ang mga hadlang; Kapag hinahabol ka ng mga leon, walang saysay pa na
maala-ala na ang hangarin mo ay ikulong sila sa malaking hawla, o, kahit ang
magdasal pa. Ganoon din ang umaasa, magkasunog lamang, ililigtas ang katawan na
walang sermon at pangaral man.
Nagsisimula
ang lahat sa paniniwala; ang tunay na Pilipino ay may pananalig sa kapwa Pilipino.
Nagagawa niya na mabigyan ng inspirasyon ang kapwa na magtiwala ito sa sarili. May
pagmamalasakit at handang maglingkod anumang sandali.
Simplehan
ang mensahe; Ang gawing kumplikado ang simpleng bagay ay karaniwan na,
ngunit ang simplehan ang kumplikado ay kahanga-hanga – at pambihirang magawa.
Iba na ang malinaw kaysa malabô. Hayaan ang iyong mga aksiyon ang siyang
mangusap; dahil nakikilala ang iyong pagkatao sa iyong mga ginagawa at hindi sa
mga salita.
Ang mga bagay na ginagantimpalaan at pinapahalagahan ay yaong mga nagawâ.
Labels:
Banyuhay
Nasa Gawa at Hindi sa Salita
Tapat na gampanan ang tungkulin,
anumang kahinatnan ay akuin.
May mga kahanga-hangang magaganap kung
tatangapin nang masigla sa ating puso ang personal nating mga responsibilidad.
Ito ay para sa ating mga saloobin,
mga kagawian at hinahangad na
mabuting mga resulta. Kahit na ang
mga ito ay hindi madaling gawin, sapagkat kalikasan na natin bilang tao ang ipasa
ito sa iba; kalakip ang katagang: “Bahala
na siya.” Bakit nangyayari ito? Dahil madali ang pumuna, mamintas,
humatol, at ang manisi; kaysa akuin ang responsibilidad sa nagawang kamalian sa gawain, para
solusyunan at malunasan ang problema.
Sa maraning pagkakamali ko, lagi kung napapansin ang aking mga pagkukulang; ang sisihin
ang iba, sisishin ang ekonomiya, sisihin ang pamahalaan, sisihin ang panahon at
pati klima; maliban sa pagmasdan ang aking sarili sa harap ng salamin, at
matinding pagalitan ang taong nakaharap sa akin na siyang pinagmumulan ng
lahat. Napag-alaman ko rin, na sa bawat pagkakataon, ang sanhi ay mga kapasiyahang aking
sinunod kung bakit nasadlak ako noon sa maling direksiyon.
Hanggat walang pagtatama,
ang pagkakamali ay magpapatuloy. Hanggat hindi inaako ang
responsibilidad at isinisisi sa iba, walang magaganap na pagbabago.
Bago lunasan ang isang kamalian, inaalam kung ano ang sanhi, paano
nagsimula, nasaan ang pinsala, at sino ang may kagagawan upang makagawa
ng solusyon.
Hayaang magning-ning
ang iyong
liwanag, huwag ikubli ang pagkakamali. Akuin ang pagkukulang upang
malunasan. Nagbibigay ito ng lakas ng loob sa iba na magawa din ito
kapag nahaharap sa problema. Habang lumalaya
tayo sa pagkatakot, nagiging huwaran tayo upang huwag ding matakot ang
iba at magawang akuin anumang kamalian sa tungkulin.
Ngayon,
ang mahalaga at siyang tunay
na kailangan, maluwag na tanggapin ang bawat problema na isang pagsubok at
paghamon sa iyong kakayahan para ganap na makilala kung saan ka mahina at
ibayong paghusayin ito, kaysa pag-usapan at usalin pa nang walang
katapusan--kung aakuin lamang ang nagawang kamalian.
Huwag
tumulad sa iba; kaysa paulit-ulit na pagkilos at magtamo ng parehong
kabiguan, habang umaasa nang mabuting resulta ay isang kabaliwan.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Tuesday, January 31, 2023
Huwag Maliitin ang Sarili
Sinasadya mo bang harangan at balewalain ang iyong sarili
na magtagumpay at lumigaya? Kung hindi, bakit patuloy na tinatanggap at
nakagiliwan na ang antas o kalagayan mo sa buhay? At higit mong sinusunod ang
mga opinyon ng iba kaysa pakinggan ang mga karaingan ng iyong puso na magbago
para sa iyong kaunlaran.
Hindi mo ba
napapansin na ang mga pangungusap mo'y pawang paghamak sa iyong sarili? "Maliit lang suweldo, dahil trabahador
lamang ako." "Komersiyo lamang ang natapos ko, kaya serbidora o
'domestic helper' na ang hanapbuhay ko." "Maestra lamang ako at ito
ang nakaya ng mga magulang ko na matustusan." "Hindi ako
nakapag-aral, kaya isang kahig at isang tuka ang nalalaman ko." Lahat
ng ito'y may katagang 'lamang' na pagmamaliit sa pagkatao.
Kadalasan nating nadidinig at katuwiran ito ng karamihan sa atin. Kaya nga, ito
ang talagang kinapupuntahan ng kanilang kapalaran. Anumang bagay na lagi mong
iniisip at binibigkas, ito ang siyang nakatakdang maganap.
Kung nais mong
mabago ang iyong buhay, baguhin mo ang iyong iniisip upang mabago ang iyong mga
pagkilos, nang sa gayon ay magkaroon ng pagbabago sa iyong kapalaran. Sapagkat
kung talagang nais na magbago ay may mga kaparaanan, at kung walang ambisyon at
mga pangarap ay may mga kadahilanan. Lalo na kung may kahalong 'dapat,'
'sana,' 'kaya lamang,' isang araw,' kung ako sa iyo,' 'marahil,' 'akala,' atbp.
Mga pangungutwiran ito na lipas na sa panahon at kinahumalingan na ng maraming
tumatakas sa responsibilidad at katotohanan.
Nasanay na sa kahirapan at tinanggap na ang kapalarang kinasadlakan.
Ito ang natutuhan na kawalan ng pag-asa sa buhay.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Monday, January 30, 2023
Iwasang Maligalig, Hindi Ka nito Patatahimikin
Subukan na masidhing limiin ang mga ito:
Unang tagpo-
Tanong: "Nababalisa ka, ... may problema ka ba?" Sagot: "Oo."
Tanong: "Malulunasan mo ba ito?" Sagot:
"Oo."
... Kung gayon, bakit ka naliligalig at pinoproblema
mo pa?
Malulunasan mo pala...
-------------------------------------o
Pangalawang
Tagpo-
Tanong: "Nababalisa ka, ...may problema ka ba?" Sagot:
"Mayroon."
Tanong: "Malulunasan
mo ba ito?" Sagot: "Hindi."
... Kung gayon, bakit ka naliligalig at pinoproblema
mo pa?
Wala ka naman palang magagawang solusyon.
Mayroon lamang isang landas tungo sa Kaligayahan, ...ang
tigilan ang mga kaligaligan sa mga bagay na wala tayong kapangyarihan o
kakayahan na malunasan.
Labels:
Banyuhay
Subscribe to:
Posts (Atom)















