Monday, September 17, 2012

Paigtingin ang Iyong Pagtitiwala




Kailanma'y huwag iyuko ang ulo. Lagi itong itaas. Tuwirang tumitig sa mundo at kahit kaninuman. Isa kang pambihira at walang sinuman na lumakad sa ibabaw ng mundo na katulad mo.

 Lahat tayo ay nakakaranas ng mga balakid at hilahil sa mga pakikibaka sa buhay. Hindi laging nasa hardin tayo ng mga rosas at tila namamasyal sa parke. Madalas na pinupukol tayo ng mga paghamon at sinusubukan upang higit na maging matibay at matatag. Ang mga karanasang dulot nito ang nagpapalakas sa atin na magsumigasig pa at gawin ang lahat ng makakaya.
   Ang tanong; Papaano mo mapapanatiling positibo ang iyong pananaw kapag dumarating ang matitinding pagsubok sa iyong kakayahan, at sa mga problemang tila wala nang katapusan?
    
   Isang katatagan ang harapin ito nang walang pag-aalinlangan at may pag-asam na ang lahat ay may solusyon. Ang susi ay nakatuon sa ikakalutas at hindi ang problemahin pa ito. Walang idudulot ang mabalisa at sisihin ang sarli o ang iba, kundi ang simulan nang mabilisan ang problema bago pa ito makapinsala.
   Narito ang mga mainam na panukala para mapanatiling positibo ang pananaw sa buhay kahit na anuman ang nangyayari sa iyong kapaligiran:
1-Kung napansin mong pawang negatibo at mga pag-aalala ang inuusal o bukambibig ng iyong mga kasamahan, iwasan at lumayo sa mga ito. Ang mga taong negatibo at galit sa mundo ay mapaghanap ng mga karamay. Nagpupumilit na maisama ka pababa at maging katulad nila. Dahil kung masikap ka, ang iyong kaunlaran at kaibahan, ay isang patunay ng kanilang kapabayaan at katamaran. At doon sa mga kritiko at may ugaling talangka, wala pang estatwa o monumento ang naitayo para sa kanila.
2-Iwasang umupo sa harap ng telebisyon nang maraming oras, sa mga panooring walang katuturan, sa pagbasa ng mga nakakalunos na balita sa internet o pahayagan, pagbabad sa telepono at pagteks sa selpon. Sa halip, ituon ang panonood sa mga dokumentaryo, mga nagdudulot ng inspirasyon, mga makabuluhang libangan, at mga kahanga-hangang paglalarawan sa kalikasan ng ating daigdig.
3-Maglaan ng gintong panahon sa pamilya at mga mahal sa buhay. Magkakasamang tamasahin ang bawa’t sandali, dahil hindi na ito muling magbabalik pa. Ang alaala nito ay magsisilbing tanglaw sa kalidad at pananalig ng bawa’t isa. Walang sinuman ang makapagdudulot nito kundi ikaw lamang.
4-Magtalaga ng mga lunggati. Planuhing mabuti ang mga gagawin sa maghapon. Mahalaga ito para maiwasan ang pagkalito at maituon lamang ang iyong panahon doon sa mga bagay na makapag-papaunlad sa iyo. At kung makatapos sa gawain, gantimpalaan ang iyong sarili sa pagtupad nito.
5-Gumawa ng mga bagay na hindi mo karaniwang ginagawa at binabago ang iyong nakasanayan na. Magsimula ng bagong libangan o palakasan, at gawain  na hindi mo pinangarap na magagawa. Nakapagbibigay ito ng panibagong pakikipagsapalaran at pinalalawak ang iyong kaisipan.
6-Sa harap ng masamang sitwasyon, harapin ito nang may mabisang intensiyon. May mga bagay na hindi umaayon sa ating kagustuhan gaya nang ating inaasahan, subalit kung pakakalimiin lamang natin, mababatid na hindi naman pala ito mahirap na lunasan.
7-Gumamit ng mga apirmasyon sa maghapon upang maitanim sa isipan ang pagtitiwala, masiglang emosyon, at positibong pananaw. Pinalalakas nito ang iyong pananalig na makakaya mong tuparin ang anumang nais mong mangyari. 
8-Maglaan ng sandali na makapaglibang. Magsaya at gumawa ng bagay na nakawiwili at hindi nangangailangan ng paghatol o kapasiyahan, mga bagay na nakapagpapayapa ng kalooban at nagdudulot nang ibayong kasiyahan.
9-Kung nalulungkot at may bumabagabag sa iyo, manood o magbasa ng mga katatawanan at may inspirasyon, makinig sa mga paboritong kanta at musika, at balikan sa alaala ang mga magagandang pangyayari sa iyong buhay.
10-Tandaan lamang na ang lahat ay matatapos din. Lahat ay panandalian lamang. Anumang iyong nakikita ngayon; sa loob lamang ng sandaang taon ay mawawalang lahat. Mapapalitan ito ng bagong mga henerasyon. At ngayon, sa sandaling ito, may pagbabago ring nagaganap sa iyo, bagama’t hindi mo napapansin. Nagbabago ang iyong anyo, kalagayan, at kaisipan. At ito ay magiging maganda, matuwid, at matiwasay . . . kung tahasang tinatalunton mo ang kaganapan ng iyong mga pangarap.

Kung wala kang pagpapahalaga at makatarungang pagtitiwala sa iyong mga kakayahan, kailanma'y hindi ka magtatagumpay o magiging masaya.

   Ang isang mahalagang susi sa tagumpay ay sariling-pagtitiwala. At ang mabisang paraan na magawa ang makatarungang pagtitiwala sa sarili ay preparasyon. At mula dito, ay positibong aksiyon at eksaktong kapasiyahan kung ano ang iyong nais na makamtan sa buhay, at masimulang isaayos ang iyong mga lunggati para ito maganap.

Ano pa ang hinihintay mo?
Simulan na, at ang lahat ay madali na lamang.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Sunday, September 16, 2012

Maging Mapili sa mga Relasyon



  
Sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo, at sasabihin ko sa iyo kung sino ka.

21- Italaga na makiumpok at nakikiisa sa mga taong nakakatulong at nagpapahalaga sa iyo.
  
Dalawa ang pangunahing pagpili sa buhay: tanggapin ang kinasadlakan mo bagama’t walang mainam na pagbabagong nangyayari, o tanggapin ang katotohanan na responsibilidad mo na paunlarin ang iyong sarili. At magaganap lamang ito kung sadya kang mapili sa mga taong nakapaligid at nakakasama mo sa araw-araw. 
Narinig na natin ito, “Huwag isama ang bulok na mangga sa kaing ng mga mangga at mahahawa pa ang iba.” Sa lahat ng larangan o anumang aktibidad; tulad ng mga manlalaro sa basketbol, mga kasapi ng samahan, o maging grupo na kalahok sa paligsahan, sila ay magkakasama bilang kaisang-pangkat. May pagkakaisa, bayanihan at nagtutulungan. Masusing pinapangalagaan ang reputasyon ng samahan, subalit mayroon pa ring lumilitaw sa samahan na may sariling agenda o nakatagong paghahangad. Ito ang ‘bulok na mangga’ na nakakaapekto sa lahat, mapanira at lumalason sa moral ng buong samahan. Hangga’t maaga inihihiwalay na ito para hindi makasira sa pangkat.
   Iniiwasan ang mga ganitong tao, sa halip na makatulong ay siya pang nakakasira. Aliwan na nila ang manibugho, mainggit, mangutya at manira ng kapwa. Mabait sa harapan ngunit traydor sa likuran. Walang paggalang sa pagkatao ng iba, makuha lamang ang hinahangad na kapakinabangan o kasikatan. Ang ganitong mga uri ng tao ay tinatakbuhang palayo, dahil aliwan na nila ang maghanap ng karamay.
   Kung ang kapasiyahan mo ay sumunod na lamang sa agos, alalahanin na ang ragasa nito ay pababa at hindi pasalunga, na kadalasan ay tinatangay ang mga basura sa dinadaanan at mga kapaitan sa buhay. At sa katapusan, magigising ka na lamang na ginagawa din ang mga gawain ng iba na iyong sinamahan.
   Malaya tayo na piliin ang matuwid na landas, at makakamtan lamang ito sa mga matutuwid na tao. Kung nais mong makatiyak ng tagumpay, palibutan mo ang iyong sarili ng mga matatagumpay na tao. At kung nais mo naman na pawang kabiguan ang laging makamit, luminya ka at makisama sa mga taong may galit sa mundo, paladaing, mapagpuna, mahilig sa tsismis at mga panooring walang katuturan. Sila ay mga palaasa at tinanggap nang kusa ang kawalan ng pag-asa.
   Huwag pansinin ang pangungutya ng iba na hindi ka marunong makisama, sistema lamang nila ito para ka makiramay sa kanila. Hindi mo makakayang baguhin ang kanilang pag-iisip, ang bagay na may kontrol ka lamang ay sa iyong sarili. Pupunahin at pipintasan ka na makasarili sa iyong mga pag-iwas sa kanila at wala kang magagawa para dito. Ang makakaya mo lamang ay pagpasiyahan kung papaano mo ipamuhay ang tamang buhay na nakatakda para sa iyo. Tandaan: Lahat tayo ay mayroong kapasiyahan na piliin kung sinong mga tao ang ating sasamahan at magiging karelasyon. Sa katapusan, ang mga pagpili na ito ang lumilikha kung sino tayo at kung ano ang ating magiging kapalaran.
  Sa relasyon, dalawang pagpili lamang ang nakalaan para sa iyo: Una, sa kapaligirang nakagisnan mo, ay maging katulad ka nila, kusang tagasunod at umaayon ka na magustuhan ng lahat. Pangalawa, ang maging ikaw sa nais mong uliran na pagkatao at makagawa ng kaibahan sa iba. Mapabuti o mapasama, ito'y katulad ng rumaragasang ilog, patungo lamang sa isang direksiyon at hindi ka na makakabalik pa.
Bakit? Sapagkat anumang naikintal at naihinang mo sa iyong kaisipan ay mahirap nang mabura, mangangailangan ito nang matinding pagbabago ng ugali, para mawasak at maglaho ang dating ugali. At sa puntong ito, napakarami sa atin ang walang kakayahan at higit na ipinagpapatuloy ang nakasanayan at nakahumalingan na. 
   Kung mapili tayo sa ating mga relasyon; ang ating koneksiyon sa ating mga mahal sa buhay, mga kaibigan, at mga kasamahan ay nagiging malalim, matalik at makahulugan. Nagagawa nito na maging busilak at wagas ang ating mga relasyon sa kanila, at nagpapalakas ng pagtitiwala sa ating mga sarili.

10 Mga Kahalagahan ng Relasyon sa Pamayanan
1- Mabuti ito para sa iyong kalusugan. Ipinapakita sa mga pag-aaral na ang pagkakaroon ng isang mabuting pangkat o samahan ay malaki ang naitutulong sa iyong buhay, nagpapanatili ito ng iyong kalusugan, at inilalayo ka sa pagkabagot, paghina ng isip at depresyon.
2- Nakakatagpo ka ng mga bagong kakilala. Pinalalawak nito ang iyong sirkulo ng mga kaibigan at pinalalakas ang iyong inpluwensiya sa pamayanan. Malaki ang naitutulong nito para mapanatili mo ang iyong kahalagahan at mga pagkakataon kung may mga pangangailangang dumarating sa iyong buhay.
3-Nakakaroon ka ng mga bagong kaibigan. May mga pagkakataon kang makakilala ng mga kaibigan na makikipagtulungan sa iyo sa mga gawaing makabuluhan at nakakatulong sa samahan pati na sa iyong sarili.
4- Natututo ka ng mga bagong kakayahan. Sa pagbu-boluntaryo sa mga serbisyong pambayan ay nagagawa mong mapag-aralan ang gawaing nakaatang sa iyo. Bilang miyembro ng komite – natututo ka ng publikong pamamahala, pagplano sa negosyo, pagpapairal ng mga alituntunin ng samahan, atbp.
5- Mabuti ito para sa pamayanan. Hangga’t maraming tao ang nagtutulungan sa mga gawain, natututuhan nilang maging pamilyar kung papaano ginagawa ang mga bagay sa kanilang kapaligiran, lalong dumarami ang nagnanais na makiisa at makipagtulungan sa ikakaunlad ng komunidad.
6- Masusundan mo ang iyong mga interes o kinalulugdang mga bagay. Anuman ang iyong kinagigiliwang magawa o libangan, mayroon ding mga tao na katulad ng iyong interes at nagnanais na makipag-ugnayan para dito. Sumapi sa grupo ng mga ito para masuportahan ang bawa’t isa at maibahagi ang iyong pasiyon.
7- Mapapaganda mo ang iyong mga katangian. Kung kasapi ka sa isang organisasyon at humahawak ng posisyon, karagdagang inpormasyon ito sa iyong mga kuwalipikasyon at reputasyon. Magagamit mo itong batayan sa paglipat o sa pagkuha ng bagong trabaho para malaman ang iyong makabuluhang paglilingkod sa pamayanan.
8- Napag-aaralan mong maging matibay at matatag. Sa karanasang natututuhan mo sa bayanihan o pagtutulungan sa komunidad, lumalawak ang iyong karapatan at inpluwensiya sa mga naka-posisyon sa pamahalaan at nanunungkulan para pakinggan ang iyong mga hangarin na makatulong sa komunidad.
9- Makakagawa ka ng kontribusyon. Bilang mamamayan, ang makagawa ng kaibahan sa iyong mga kababayan, kapaligiran, at pamayanan ay isang dakilang misyon sa ikakaunlad ng bawa’t isa.
10-Mabuti ito para sa ating bansang Pilipinas. Kailangan natin ang isang malakas at makapangyarihang lipunan para sa lahat, na kung saan ang pamahalaan at pangangalakal ay nagtutulungan at hindi pinatatakbo ang bawa’t bagay, at mayroong sambayanan na may kanya-kanyang organisasyon para sa mga lunggati na nagpapaunlad ng mga pamayanan.

Hindi mo magagawang magpatuloy na tahakin ang matuwid na landas at makarating ka sa baluktot na destinasyon. Malinaw na piliin ang mga taong makakasama mo sa iyong paglalakbay, nasa iyong mga tamang pagkilos ang tunay na repleksiyon ng iyong mga lunggati.


Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
- Pinipili mo ba ang iyong kakilala base sa kanilang maitutulong sa iyo?
-Nagbibigay ka ba para may makuha? At umaasang may kapalit o kabayaran ang nagawa mong pagtulong?
 -Naniniwala ka ba na kaya ka gusto ng ibang tao ay dahil sa mga ibinibigay mo sa kanila?
-Hangga’t maaari ayaw mong tumanggap ng anuman sa iba, dahil nangangamba ka bang magkautang ng pabor sa kanila?
-Hindi ka ba panatag hangga’t wala kang kontrol sa asal ng iba?
-Nag-aaksaya at kinakarkula mo ba kung papaano mapapasunod ang iba nang naaayon sa iyong kagustuhan?
-Napapabayaan mo ba ang iyong sarili sa pag-aasikaso sa kapakanan ng iba?At ibayong iniisip ang kanilang mga problema sa araw-araw?
-Napipilitan ka bang magbigay kapag ikaw ay nahilingan?

Matapos ang maghapon; ang mainam na katanungan sa ating sarili, ay ang magtatakda sa uri ng mga taong kasalamuha natin ngayon, na siyang magiging uri ng pagkatao natin. Nagiging interesado lamang tayo sa kanila kapag ang kanilang asal ay ginising ang katulad na asal na tinataglay natin. Madali na ang magpasiya kapag batid natin kung ano ang higit nating pinahahalagahan sa buhay.

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

Monday, September 03, 2012

May Karelasyon Ka Ba?




Ang kalusugan ang pinakadakilang regalo, ang katiwasayan ang pinakamahalagang kayamanan, at ang katapatan ang pinakamahusay sa pakikipag-relasyon.


Sa pakikipag-relasyon, ang ilan sa mga pinakamalaking paghamon ay nanggagaling sa katotohanan na karamihan sa mga tao ay nakikipag-relasyon para may makuha na mga pakinabang: Nagpupumilit silang may makatagpo na magagawang maiparamdam na sila ay mabuti at kaibig-ibig. Pinipilit na maikubli ang tunay na hangarin; ang may mapala sa relasyon. Sa katotohanan, ang pinakamabisang paraan lamang sa relasyon upang magtagal ay tunghayan ang relasyon na isang pook na iyong mapupuntahan, kung saan ikaw ang nagbibigay, at hindi isang pook na iyong pinuntahan para may makuha.



Inilaan ko ang aking sarili sa iyo nang naaayon sa relasyon na inaasahan kong makakamtan mula sa iyo.

Dalawang susi ang mahalaga nating tandaan: KAMALAYAN at PAGPILI. Kung mayroon kang kamalayan sa iyong likas na mag-reaksiyon kaninuman, magagawa mong piliin ang pagtugon nang higit na epektibo – na kadalasan ay nasa tamang pananaw at nakakatulong.
   Ang karaniwan na biglaang pagtugon ay otomatiko, palasagot, at nakabase sa reaksiyon at kahatulan. Ang resulta nito kadalasan ay hindi mabuti at nagbubunga lamang ng kapahamakan. Samantalang ang alternatibong pagtugon ay maalalahanin, may pagkamalay at nakabase sa tamang pagpili. Ang resulta nito kadalasan ay katanggap-tanggap at epektibo.
   Sanayin ang sarili na maging gising sa iyong otomatikong reaksiyon at kaisipang mapaghatol, itinutulak ka ng mga ito sa kapahamakan. Sa halip, ibaling ang intensiyon na piliin ang pagtugon.
  

   Ang pangkalahatang hamon ay tiyakin kung sino ang namamayani: Ang iyo bang kaisipang otomatiko o mabilis na kahatulan; o ikaw mismo ang nangingibabaw at may paglilimi sa iyong mga pagtugon?
Pakatandaan ito: Mayroon akong pagpili, mayroon kang pagpili, at lahat tayo ay mayroong pagpili. Nasa ating kapangyarihan na piliin ang higit na tama at hindi mula sa bugso ng damdamin; na kadalasan ay nauuwi sa kapahamakan at ibayong kapighatian.
   Ang iyo bang relasyon sa iba ay pangunahing nakabase sa iyong mga paghatol sa kanila, maging ito’y positibo o negatibo? Kung ang iyong sagot ay, “Oo,” salamat sa iyong pagiging matapat. Ang katotohanan, para sa ating lahat, ang ating pagtrato sa ibang tao ay nagmumula sa paghatol natin sa kanila, kahit na iniisip nating sila ay tama o mali, kahit na sumasang-ayon tayo o hindi sumasang-ayon sa kanila.
   Kung minsan ang ating hilig na manghatol ay nasa katwiran. Nais nating maitama at maisaayos ang iba sa mga sitwasyong nakakaapekto sa atin. Sa hangad nating makaiwas at hindi mag-alala, nagiging mabilis ang ating pagpapasiya. Gayong kadalasan, ang hilig na manghatol ay lumilikha ng malaking kapinsalaan para sa atin at maging sa iba. Kapag ito’y tungkol sa pamilya, mga kaibigan, kasamahan sa trabaho, mga parukyano, ang pakikipag-relasyon ang higit na mahalaga, kaysa pagtatasa kung gaano tama o mali ang ibang tao. Sa pagkakataong ito, nakalaan tayong tuparin ang 100 porsiyentong responsibilidad para sa relasyon, nang walang hinihintay o anumang kapalit.
   Karamihan sa atin ay nababatid na ang ating mga relasyon sa iba ay mahalaga. Maraming tao ang nag-aaksaya ng mahabang panahon sa trabaho kaysa sa mga ibang bagay, at kailangang makagawa ng solidong pakikisama para magtagumpay sa organisasyon. Dito nakasalalay ang reputasyon at inaasahang mga promosyon. Batid din natin ang ating mga pakikipag-relasyon sa ating kabiyak o kasintahan, sa mga magulang, sa ating mga anak, at sa ating mga kaibigan na nagsusustena at pangunahin sa kaganapan ng ating pagkatao. Gayunman, karamihan sa atin ay hindi pinahahalagahan ang ibang aspeto ng relasyon – ang kalakasan ng pakikipag-relasyon, kalakip ang ginagawa nating mga pagkilos, ay siyang nagtatakda ng mga resulta na ating nakakamit – sa lahat ng antas sa ating pamumuhay. Narito ang makapangyarihang pormula para sa tagumpay:

AKSIYON + Mga PAKIKIPAG-RELASYON = Mga RESULTA

   Kailangan nating ganap na pahalagahan ang importansiya ng pakikipag-relasyon sa bawa’t makabuluhang gawain. Sa katunayan, ang pantay na pagtatalaga na magkalakip ang mga aksiyon at mga relasyon, kailanman ay hindi nakapagdudulot ng kapahamakan, ay isang mabisang susi sa tagumpay. Karamihan sa atin ay malinaw na nakikita ang koneksiyon sa pagitan ng aksiyon at mga resulta. Ang hindi natin nakikitang malinaw ay ang koneksiyon sa pagitan ng mga relasyon at mga resulta.

Kung may mga katanungan, ay mayroong mga kasagutan.
   Gaano karami ang mga pagkakataon na iyong napalampas na tunay na magagawa at higit na magbubunga kapag itinalaga mong kumilos nang puspusan, ngunit hindi ka masigla at maligamgam sa paggawa, o walang kabatiran at hindi nauunawaan, na ang kritikal at mahalagang pakikipag-relasyon ay ang makamtan ang mga resultang ito?

LIKHAIN ang makapangyarihang pakikipag-relasyon sa ibang tao, nang sa gayon ay makatulong sa iyo na makamit ang lahat mong mga naisin sa bawa’t dominyon ng iyong buhay.

pag-ibig
trabaho
pamilya
pamayanan
sosyal
ispiritwal
pinansiyal
at rekresiyonal

   Ang tuparin ang responsibilidad para sa relasyon . . . ay sadyang simpleng pagkilos at kung hindi tayo maingat ay makakaligtaan natin ito. Ang simpleng katotohanan ay kaakibat nito ang kahirapan sa pagtupad, dahil nangangailangan ito ng mabisang kaisipan at kapasiyahan.
Papaano? Kailangan nating tratuhin ang ibang tao nang may dignidad at respeto kahit na nalalaman nating wala silang karapatan, o kahit na maging may mga taong nagsasabi na hindi sila mga karapatdapat na pag-ukulan na anumang atensiyon o munti mang paggalang.

Sapagkat . . . ang buhay ay mistulang alingawngaw – anumang iyong ipinadala ay muling magbabalik.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Halaw at pinalawak mula sa Simpleng Katotohanan
na ipinadala ni Jell M. Guevara ng Lungsod ng Dagupan, Pangasinan