Monday, January 16, 2012

Mga Mabisang GABAY


   Ito ang mga kabutihang asal sa pagiging ulirang mamamayan ng Pilipinas. Bilang tunay na Pilipino, anumang larangan o industriya ang iyong ginagalawan, at saan mang panig ng mundo na ikaw ay naroon ngayon ... 
isa kang magiting na opisyal ng ating bansa

   Ang lahat ng iyong iniisip, mga pananalita, at ginagawang mga pagkilos, ay nagpapatibay ng iyong pagiging tunay na Pilipino. Isa kang kinatawan ng iyong mga kababayan at katuparan ng kanilang mga adhikain sa buhay. At anuman ang kaganapan o kalabasan ng iyong mga layunin; maging ito'y humantong sa kaligayahan o kapighatian, panalo o talunan, tagumpay o kasawian, matiwasay o masalimoot man---lahat tayo ay tuwirang nasasangkot. At ang sumusunod na henerasyon ay tahasang mabibiyayaan o mapapariwara. Nasa kamay ng bawa't isa sa atin ang ikapapayapa at ikauunlad ng ating bansa. Walang sinumang makakagawa nito para sa atin kundi tayo mismong mamamayan ng ating bansa.

  Hindi ka pangkaraniwan at walang sinumang katulad mo. Nararapat lamang bilang pagdakila at pagpupugay sa iyong pinanggalingan na lahing kayumanggi; na pinagbuwisan ng buhay ng marami nating mga ninuno, na nakipaglaban sa mga dayuhan at huwad na mga Pilipino, upang magkaroon ng isang Malayang Pilipinas. Karapatan at tungkulin nating ipagmalaki na tayong lahat ay IsangPilipino na may pagmamahal at pagmamalasakit sa ating mahal na PILIPINAS; Ang Perlas ng Silanganan.
    Lahat tayo ay magkakabigkis; at ang kaligayahan o kasawian ng bawa't isa sa atin ay ating nadarama. Ang iwasan ito, ay magiging mga bagabag na patuloy na gumigising sa ating kamalayan. Sapagkat . . . ang pagiging mapagmalasakit at matulungin ay likas nating kaugalian.

Mabuhay ang mga tunay na Pilipino!


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Wednesday, January 11, 2012

Dalawang Uri ng Kapalaluan

Higit na mabuti ang manatiling tahimik at akalaing hangal kaysa ibuka ang bibig at alisin ang paghihinala.

Ang Mayabang na Palaka
   Sa may bukid, kilalang-kilala ng lahat ang mayabang na palaka. Palagi nitong ipinagmamalaki ang kanyang balon na mistulang isang kaharian para sa kanya. Kapag nagkukuwento ito, halos mamatay sa inggit ang ibang palaka sa kagandahan ng kanyang balon. Isang araw, isang pawikan ang nagawi sa mababaw na balon ng palaka. Nang makita ng palaka na pasilip-silip ang pawikan sa may ibabaw ng balon, ay mabilis niya itong sininghalan, “Hoy, anong tinitingin-tingin mo, naiinggit ka ba sa akin?”

   Hindi nakahuma ang pagong sa narinig. Muling nagyabang ang palaka, “Tignan mo ako, kung gaano karangya ang buhay ko dito sa balon, patalun-talon lamang, palangoy-langoy, pakain-kain, at lagi akong natutulog. Narito ng lahat ang kailangan ko. Wala nang sasarap pa dito.”
“Siguro nabalitaan mo ako at ang aking magandang balon, at nais mong tumira din dito. Hindi maaari! Para lamang sa akin ang balong ito!” ang paliwanag pa ng palaka.

   Hindi na nakapagtimpi pa ang pawikan at nagsalita ito, “Wala akong hangad na tumira dito, nasa karagatan ang aking tirahan. At napakalaki ng dagat, libu-libong kilometro ang lalanguyin mo at sampung libong talampakan, kung sisisid ka naman. Noong bumaha ng sampung taon, hindi man lamang nadagdagan ang tubig sa dagat. Noong magkaroon naman ng tagtuyot ng walong taon, kahit isang patak ay wala namang nabawas na tubig. Maraming libong taon na, ganoon pa rin ang lawak at lalim nito, walang pagbabago. At siyanga pala, marami kaming nakatira dito, walang inggitan at pakialamanan. Kaya masaya ako sa pagtira sa dagat.” 

Nanatiling tahimik at nahihiya ang palaka, na nag-aakala na ang langit ay kasing laki ng bunganga ng kanyang balon. Tumigil na rin ang kanyang pag-iingay at tinanggap na ang bawa't katulad niya ay may kanya-kanyang ginagalawang daigdig; batay sa laki at liit ng kanyang iniisip.
-------
Ang hangal ay iniisip niyang matalino siya, subalit ang matalino ay alam kung hangal ang sarili niya.

Ang Palalong Aso
   Wala nang ginawa ang aso kundi ang ipagyabang ang kanyang katalinuhan, kahit kaninong pangkat ng mga aso na kanyang samahan, palaging ipinagyayabang niya ang kanyang mga katangian. Minsan, sa kanyang malabis na pagtitiwala sa sarili, ay napadako siya sa masukal na panig ng kagubatan; sa paghahanap ng makakain. Nawaglit sa kanyang isip na mapanganib ang pook na ito, sa dahilang isang mabangis na tigre ang nakatira dito. Huli na ang lahat nang mapansin niyang nasa tabi na niya ang tigre, at siya'y nasukol nito. Saan man siya bumaling ay wala na siyang matatakbuhan pa. Nang akmang sasagpangin na siya ng tigre, ay mabilis na sumigaw ang aso, Hintay! Hindi mo ako maaaring kainin! Isa akong pinuno ng mga hayop sa gubat. Itinalaga ako ng Hari ng Kalawakan na mamuno sa lahat. Kung kakainin mo ako, susuwayin mo ang kautusan at makapangyarihang pasiya ng Hari. At kapag ako’y sinaktan mo, ay mananagot ka sa kanya. Para maniwala ka, sumunod ka sa akin at makikita mo kung papaano matakot sa akin ang mga hayop sa kagubatan.”

   Nagtataka man ang tigre sa narinig na paliwanag ng aso, ay nagpasiya itong sumunod kung totoo ngang kinakatakutan ang aso. Buong taas namang hinigit ng aso ang leeg nito at nagmamalaki na naunang naglakad, kasunod ang nag-aalinlangang tigre. At kahit saan sila magtungo, bawa’t hayop na makakita sa kanila ay kumakaripas ng takbo sa takot. Unti-unti sinagilahan din ng takot ang tigre, at nang malingat ang namamayagpag na aso ay kumaripas din ng takbong palayo at tumakas. Ang hindi alam ng tigre ay sa kanya natatakot ang mga hayop.

Napahagikgik ng tawa ang aso sa katangahan ng tigre, at lalong nagmalaki ito sa sarili na napakatalino niya. Hindi man lamang sumagi sa kanyang isip na hindi lahat ng pagkakataon ay laging para sa kanya. Sa susunod na pagtatagpo nila ng tigre, ay nakahanda na ito para sakmalin siya.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Monday, January 09, 2012

AKO, tunay na Pilipino


Pag-ibig sa Inang-Bayan

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagka-dalisay at pagka-dakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
                                          -Gat Andres Bonifacio
 
   Isinulat ko ito noon pa. Sa mga kaganapang namamayani ngayon sa ating bansa, karampatan lamang na muli natin itong tunghayan at pakalimiin. Sa ating pagtahak sa tamang landas, kailangan natin ang pananglaw upang hindi tayo mabulid sa kadilimang naghahari sa kasulukuyan.
 


Ika-21 ng Abril, 2009


  AKO, tunay na Pilipino, nananalaytay sa aking mga ugat ang diwang kayumanggi. Sa kaibuturan ng aking puso, kaisipan, at kaluluwa, ay tagapagpatuloy ng magiting at makulay kong kasaysayan noon, ngayon, at magpakailanman. Masikhay kong tinutupad ang aking likas na tungkulin alang-alang sa kapakanan ng aking Inang-bayan. Lagi akong handa na ipagtanggol ang aking lahi at pamayanan nito sa anumang kapahamakan,  kalapastangan, at kapighatian. 
   Ako ay wagas na mapagmahal, dumaramay, at kapanalig ng mga simulaing nagtataguyod tungo sa malayang pagkakaisa na; makaDiyos, makaPamilya, makaBayan, makaKalikasan, at maKatarungan. Iisa lamang ang aking nilulunggati at pinakamimithi, ang makita’t maranasan na maging isang tunay na bansang malaya ang Pilipinas; demokratiko, maunlad, makatarungan at may bukas na lipunang Pilipino.
   Likas ang yaman ng aking bayan, mula sa mapanlikha at mapagtaguyod na mga kamay ng mga mamamayan nito. Sa 7,107 naggagandahang mga pulo na naglalaman ng mga masaganang lupain, sa mga ilog, lawa, at nakapalibot nitong mga karagatan na mabiyaya sa isda at kayamanan nito, sa mga kagubatang nagbibigay-buhay at pangangalakal, sa mga kabundukang nagtataglay ng mga mineral at yamang-likas, at sa pagiging pangunahing sentro nito sa Asya at pandaigdigang kaganapan. Karampatan lamang na tawagin ang aking bansa na, Perlas ng Silangan.  

   Aking pinahahalagahan at ipinamamalaki ito, saan mang sulok ng daigdig, sinuman ang aking kaharap, at anumang panahon. Kailanman ay hindi ako nangingimi na ipakilala ang aking lahing kayumanggi.

   Maraming ng dayuhang banyaga na may kanya-kanyang ideolohiya at relihiyon ang nabighani nito; Magmula sa Islam ng mga Arabo, Katoliko ng mga Kastila, Protestante ng mga Amerikano, nasyonalismong pasista ng mga Hapon, sa mga pansariling kalipunan at pulitikang banyaga ng mga ito, na nagpasiklab ng himagsikan; mula kay Raha Lapu-lapu sa Mactan, Gat JoseRizal sa Bagumbayan, Gat Andres Bonifacio sa Balintawak, Hen.Gregorio del Pilar sa Pasong Tirad, Hen.Macario Sakay sa mga kabundukan, at marami pang iba. Patuloy pa ang laban. Hanggat may mga sakim na dayuhang banyaga at huwad na mga Pilipino na patuloy na nagsasabwatan at nagpapairal ng buktot at bulok na sistema sa lipunang Pilipino, ay nag-aalimpuyo ang aking dugo sa ipinunlang binhi ng kagitingan ng aking mga ninuno. Ang silakbo nito ang siyang nagpapaalab na,    

AKO, tunay na PILIPINO

Tunay na ADHIKAIN

Busilak  -Pabatid Tanaw

Bayanihan -Ang Kapatiran 
Batingaw -Pag-uulat sa Bayan
Balangay -Hanapbuhay, OFW
BayaniJuan (Turismo)
  Mga Rehiyon at mga Lalawigan
Bantayog -Mga Bayani
    Mga Pangulo ng Pilipinas
    Mga Larawan ng Kasaysayan
    Kulturang Pilipino/Filipiniana
Banyuhay
   Mga Sanaysay
   Mga Salawikain
   Mga Bugtong
   Mga Parunggit
   Mabisang Aral
   TIP (Tanging IsangPilipino)
   Mga Samutsari
Balangkas -Talahuluganan
Bungisngis -Patawanan
Balanga -Pagkaing Pilipino
Bulwagan -Sining Kayumanggi
Bathala -Taimtim na Pananalig


Ang pagkakaroon ng ADHIKAIN sa buhay ang nagbibigay ng kahulugan upang tayo ay mabuhay.

   Kinapapalooban ng mga natatanging kuwento ng buhay, mga inspirasyong kapupulutan ng mabisang pag-aaral, at mga makabuluhang kaalaman sa pagpapatibay ng kapasiyahan sa pagpili. Buong pusong isinulat at inilathala para doon sa mga nagnanais na magkaroon ng makahulugang pagbabago sa buhay--- na may matayog na ambisyon, kumakandili sa mga kalahi, at nagmamalasakit sa kapakanan ng bansang Pilipinas. Kung nasa iyong puso ang mga katangiang ito, ---Mabuhay ka!

   IKAW ang dahilan kaya nilikha ang Blog na ito.

   Lahat ng narito’y tungkol sa iyo at tanging para sa iyo - bilang Pilipino; upang manumbalik ang likas at tunay mong pagka-Pilipino. Sapagkat may dugo kang kayumanggi at tunay na isang kabayan ng ating lahi.

   Ang ating mga kaibigan ay matimbang at laging may puwang sa ating puso, ganito din ang blog na ito bilang kabayan mo sa himpapawid ng internet. Ang mga kaibigan ay alam kung ano ang iyong nais, ano ang iyong naiibigan at minamahal, at maging yaong mga bagay na kahit mahirap ay ipinauubaya, kung ito'y makapag-papaligaya sa iyo. Iniisip ka nila kung anong pinagdadaanan mo sa maghapon, nagmamasid at idinudulot ang mga bagay na kailangan mong malaman at maunawaan, ang magawang mapangiti at tumawa ka, at ang ganap na masiyahan ka sa abot ng kanilang makakaya. Ganoon din ang blog na ito, patuloy na nagsisikhay na kahit sa maliliit na bagay ay maipaabot sa iyo ang katotohanan sa ating bansa, at ito'y upang mailayo ka sa anumang kapahamakan, na matutong humarap at magdala ng iyong pagkatao sa totoong buhay, upang ang minimithi mong tagumpay ay mapasaiyo at maging maligaya ka sa tuwina. At higit pa na mga kalabit-panggising ito doon sa mga tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan nating mga kababayan.

   Kahit na kailangan mo ng tanglaw upang pukawin ang iyong kamalayan sa tamang direksiyon, sa mga pag-iingat, sa mga angkop na kapasiyahan, sa mga batayan sa sariling paglilimi, sa makabuluhang aliwan, o dili kaya ang katuwang sa pagpapatibay ng iyong pananalig, narito na ang iyong tunay na kabayan na kumakatawan sa lahat ng ito sa internet. Dahil tulad sa panghimagas na halo-halo, gatas na lamang ang kulang para dito. Ang blog na ito'y mistulang isang magasin sa pagpapahayag. Lahat ng pangunahing sangkap sa kabatirang Pilipino ay nasa isang bubong na lamang. At  . . . kahit papitik, at kaunting pilantik ay may maida-dagdag na inpormasyon sa iyong iwing kaalaman.

    Ito ang buod ng adhikain kung bakit espesyal at natatangi ang pagpupugay sa iyo, na makabahagi ka sa lumalagong pagbabago na nakatakdang maganap sa ating minamahal na bansang Pilipinas. Tulad ng nagdadalantaong ina, ang pagbabagong ito ay likas na ipapanganak. Dahil kung hindi magaganap pagdating sa hustong kabuwanan, ikakamatay ito ng sariling katawan.
   Pinagtuunan ng ibayong pansin ang mga inpormasyong narito; hinango, sininop at sinala lamang ang mahahalaga na kapupulutan ng magagandang aral, pagkakaisa, at kaunlaran. Nagmula pa ito sa mga dakila, huwaran, at matatagumpay na mga tao mula sa kanilang iba’t-ibang larangan at industriya. Kung tutuusin, napakaraming kalatas ang pinagkunan, mula sa kultura, relihiyon, pilosopiya, at karanasan ng mga sumulat, subalit nananaig ang dumadaloy na pangkalahatan at pangunahing layunin; Ang makamit ang tagumpay at maging maligaya ang bawat isa sa atin.

   Ito ang wagas na adhikain ng AKO, tunay na Pilipino, ang maglahad, magpabatid, at magpalaganap ng katotohanan sa sambayanang Pilipino.

   Isinalin at isinaayos ang mga ito nang naaayon sa ating kabatiran at kulturang Pilipino; sa likas nating pag-arok, pakiramdam, at angking kamulatan. Humihingi ako ng paumanhin, sa hindi paglalagay ng mga pangalan o kredito sa pinanggalingan ng ilang mga isinalin na artikulo. Dahil hindi ako makatiyak sa orihinal na sumulat at nagwika nito. Pinapalitan ko ng katwirang maka-Pilipino ang daloy ng mensahe; sapagkat wala tayong sapat na kaalaman at karanasan mula sa banyagang mga tradisyon, kultura, kasaysayan at kaganapan ng ibang lahi o bansa. Hindi natin naranasang naisuot mismo ang kanilang mga sapatos, upang maging tagapagsalita nila. Hindi naaayon na ibandila, ipagamit, at ipamulat ito para sa atin. Hindi tayo nanggagaya, nahuhumaling sa ibang lahi, at pinapalitan ang ating pagka-Pilipino. Pinupulot ko lamang kung ano ang makabuluhan at makatutulong sa atin. At hindi ako sanay na magkunwari o makiayon kung kapahamakan at kapalaluan ang tinutungo nito. Hindi ko rin maatim na magbayad sa paggamit nito, sapagkat hindi ko ito pinagkakakitaan, at nakalaan lamang sa ikakabuti at ikauunlad ng ating mga kababayan. At higit sa lahat, ang pagpapabatid ng katotohanan ay walang katumbas na halaga.

   Madalas kong nababanggit at naiikuwento ang mga ito sa maraming talakayan, sa mga usapan, at mga paliwanagan, at marami ang nagmungkahi na isulat ko ang mga ito. Madalas ang tugon ko’y, “Hindi ako manunulat, at wala akong sapat na kaalaman tungkol sa pagsusulat.” Subalit ang makabayang katotohanan, gaano mo man ito pigilan, itago at kimkimin; lulutang pa rin ito at kusang mag-uumalpas, at gagawa ng landas upang matupad. Baluktot man at wala sa tamang direksiyon ang paglalapat ng mga kataga sa aking sinusulat, paumanhin na lamang po . . . kung nakakangilo man, nananatili naman ang tunay na pakay: Ang tagumpay at kaligayahan para sa ating lahat!  

   Ang blog na ito ng wagasmalaya.blogspot.com ay laging binabago, dinadagdagan, pinaghuhusay, pinagaganda, at walang sawang magpapatuloy ng paglilingkod para sa mga Pilipinong mapagmahal sa kanilang Inang-Bayan. Muling binabalikan ang dating paskil at itinatama. Dinadagdagan ayon sa kasalukuyang kaganapan upang maipabatid ang kahalagahan nito.

   Kung ang mga inilalahad dito ay tuwirang magagampanan, malaking panimula at ambag ito sa ating hinahangad na pagbabago sa ating mga sarili, pamayanan, at mahal nating bansang Pilipinas. Ang kabatiran dito ang nagpabago sa akin at sa marami pang iba. Maging sa iyo ay mangyayari din ito, manatili lamang na sumusubaybay. Dahil ang lahat na ito’y tanging para sa iyo.

PABATID: Sakaliman na hindi maunawaan ang kahulugan ng mga nilalaman dito, at lubhang hindi maarok ang daloy ng mga kataga, paumanhin lamang po, hindi ito para sa inyo. Makabubuting lisanin ang blog na ito at patalimin pa ang inyong pananaw at pang-unawa. Doon lamang po ito sa nakakaunawa ng kagalingang Pilipino. "Batu-bato sa langit ang tamaa'y huwag magagalit." Kung hindi alam, huwag panghimasukan . . . dahil ang kamangmangan ay kapatid ng katamaran at pinsang buo ng kapighatian.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
           


Monday, January 02, 2012

Mga Mahalagang Resolusyon sa 2012


Simulan nang mabuhay ng may inspirasyon . . .
    Magmula na ngayon!

   Kahit man lamang sa araw na ito, pagpasiyahan na maging masaya at gawing kawiliwili na kapiling ang mga mahal sa buhay, at tamasahin ang anumang bagay na nasa iyo. Sakaliman na hindi mo makamit ang iyong ninanasa, maaari namang maibigan mo ang anumang mayroon ka. Sa araw na ito ngayon, pagpasiyahan na maging mabuti, masigla, mapagpasalamat, umuunawa at sumasang-ayon. Gawin ang lahat sa abot ng makakaya, mahinahong magsalita, umasam, purihin at pahalagahan ang iba.

   Subukan ang mga ito, at madali na ang susunod . . . ito naman ay sa loob lamang ng isang araw. Maganda itong panimula sa pangalawang araw ng 2012. Walang makakaalam. Malay mo, maiibigan mo palang gawin ito sa tuwina at maging ritwal na ng iyong buhay. Sapagkat ito ang sikreto ng mabuting relasyon.

   Ang buhay ay maaaring masalimoot, subalit ang kasiyahan… ay napakasimple lamang. Mismo tayo ang lumilikha kung bakit ito ay nagiging kumplikado. Nasa ating mga kamay ang ikakatiwasay ng ating pamumuhay. Sa pagtahak sa panibagong landas ng 2012, huwag nating kalimutan na magdala sa ating lukbutan ng mga kawikaang nagsisilbing gabay sa ating paglalakbay, na may ngiti sa ating mukha, at marubdob na pagmamahal sa ating mga puso. Ito ang mga pangunahing probisyon na kailangan natin habang tayo’y naglalakbay sa matuwid na landas ng buhay.

   Ang aking lunggati ay magawang kopyahin mo ang mga kawikaang narito. Magtungo sa isang tahimik na pook o panig na iyong bahay at umupo. Dahan-dahang basahin ang bawa’t kawikaang narito. Huwag magmadali, huminga ng malalim, basahin at limiin ang bawat kataga, at isaalang-alang ang repleksiyon nito kung papaano ito mailalapat sa iyong buhay. Isiping mabuti na kung papaano…at anong mangyayari, kung ang iyong isip at puso ay mapagsanib at maging bukas sa pagbabagong ito. 

   Sa mga bagabag, mga pagkondena, mga kapighatian, at mga panghihinayang sa buhay, kailangan natin ng mga kalasag na nagdudulot ng inspirasyon upang maibalik tayo sa pook na marapat ay narooon tayo… muling bigyan ng panibagong direksiyon ang ating mga sarili sa kung ano ang mahalaga at tamang prioridad sa buhay. Ang mga kawikaang narito ay mataman kong inipon, sinala, at isinaayos nang naayon sa ating kamulatang Pilipino. Kung bibigyan ng kaukulang pagpapahalaga, isa itong dalisay na sibol ng inspirasyon! Na sa ilang sandali ay magdudulot ng matiwasay na ngiti sa iyong mukha, at kasiglahan sa iyong puso na kung saan higit mo itong kailangan.

Ang mga Mahalagang Resolusyon

Hanapin ang iyong kaligayahan, at… Ibahagi ito sa iba. Ang kaligayahan ay mistulang tanglaw na nagbibigay ng Pag-asa, Pananalig, at Pagmamahal.

Ihayag sa mga tao na kailangan mo sila. Kung minsan, ang pinakamabuting kamay na tumutulong ay isang maayos, at matatag na pagtulak. Manatiling may pagtitiwala sa kapwa, at laging may gantimpalang darating para sa iyo.

Huwag maliitin ang kapangyarihan ng pagtitiwala sa iba. Hindi lahat ay may kakayahang gampanan ang iyong hinahangad, ngunit may iba na kailangang pag-ukulan ng panahon. Sila ang iyong mga kapanalig, maging mapagtimpi at umuunawa at ang inyong mga pagsasama ay patuloy na yayabong.

Ang mga bagay lamang na nagiging balakid sa pagitan ng isang tao at kung ano ang nais niya sa kanyang buhay ay ang determinasyon na subukang gawin ito, at ang pananalig na paniwalaan itong mangyayari. Kung walang tiyaga, walang nilaga.

Tamasahin ang mga mumunting mga bagay, sapagkat sa isang araw, sakalimang lingunin mo ang mga ito ay mapapatunayan na ang mga ito pala’y mga malalaking bagay.

Panatilihing nakaharap sa silahis ng araw upang hindi mo makita ang mga anino. Sapagkat ang nakalipas, laluna’t masaklap ito ay hindi na kailangan pang sariwain. Ituon ang pagmasid sa kasalukuyan at magagawa mong likhain na ang iyong kinabukasan.

Maglingkod sa iba kung ano ang hindi nila magawa para sa kanilang sarili. Isa itong napakagandang kabayaran sa buhay…na walang tao na matapat na tumutulong sa iba nang hindi niya natutulungan ang kanyang sarili. Ang pusong mapagbigay, ay umaani.

Hanapin ang susi sa kanilang mga puso. Bawa’t isa atin ay naghahangad ng pagpapahalaga, pagpuri at atensiyon. Ang mahinahong mga pananalita ay maikli at madaling bigkasin, ngunit ang mga alingawngaw nito’y wagas at walang katapusan.

Baguhin mo ang iyong iniisip, binibigkas, at ginagawa, at ang iyong daigdig ay kusang magbabago. Anuman na iyong pinaniniwalan ay nililikha ang iyong kapalaran.

Pag-ukulan ng ibayong pansin ang iyong pananalapi. Alamin ang ginugugol kaysa kinikita, at maglaan ng tama at istriktong badyet. Huwag sisihin ang sarili, bagama’t magagamit mo itong motibasyon na manatili sa tamang prioridad at pagkakagastusang mga pangangailangan sa buhay.

Kung hindi ka titindig at ipaglalaban ang iyong karapatan. Madali kang maaakit ng anumang bagay. Dahil kahit na ikaw ay nasa tamang daan, ikaw ay masasagasaan kung nakaupo ka lamang at walang pakialam.

Ang pinakamahalagang mga bagay sa buhay ay hindi ang mga materyal na bagay. Ang kaligayahan ay wala sa mga ito, naroon ito sa kaibuturan ng ating mga puso. Ang mga bagay na hindi nakikita subalit siyang nadarama ang siyang pinakamahalaga.

Ang pangangarap at imahinasyon ang siyang pinakamataas na saranggolang mapapalipad ng isang tao. Kung wala kang pangarap, mistula kang tuyot na patpat na inaanod ng rumaragasang tubig.

Ang pagbabago ay laging dumarating sa iyo na nakakubli at mistulang mga regalo. Nasa iyong pagtalima lamang kung anong pagsalubong ang iyong gagawin. At dito nakasalalay at siyang magbabadya ng iyong kapalaran.
 
Pakamahalin mo ang iyong mga anak, sapagkat sila ang aakay at magpapasiya sa iyong pagtanda kung saang bahay ampunan ka ilalagak. Upang pahalagahan ka nila, mahalin mo ang kanilang ina, sapagkat ito ang batayan na minamahal mo sila.

Pasiklabin ang iyong ningning sa anumang gawaing iyong kinahaharap nang walang pagmamaliw. Simulan ang lahat nang may kasiglahan at ang lahat ay magiging madali na lamang.

Walang pagsasalat, kinakapos lamang ng kakayahang tumanggap. Hangga't umiiral ang kapalaluan ang mga pagkakataon ay kusang lumilisan.

Nasa iyong pagpili, hindi sa pagkakataon ---ang magbabadya ng iyong tadhana. Anumang kalagayan o antas ang mayroon ka ngayon, lahat ng mga ito’y naganap mula sa iyong kapasiyahang pumili kung ano ang nararapat sa iyo.

Walang mga problema sa buhay, bagkus mga paghamon at mga pagkakataon upang masubukan ang iyong kakayahan kung may karapatan kang magtagumpay. Sapagkat hangga't hindi mo nalalagpasan ang mga pagsubok, mananatili kang gumagapang at nakasubsob.

Kung minsan kung walang pagbabagong magaganap, hindi natin matutunghayan ang tama at totoong direksiyon ng ating buhay. Mistula tayong nahuli sa isang patibong at tinatanggap na lamang kung anong kapalaran ang ipagkaloob sa atin.

Ang pinakamahalagang sermon ay ipinamumuhay, hindi ipinapangaral. Isa itong halimbawa kung tutularan o iiwasan ka ng iba.

-------
Ang pagtawa o mga katatawanan ay mahalaga sa akin. Kinawiwilihan ko ang mga bungisngisan. Kaya itinalaga ko na ang aking sarili na maging masaya sa tuwina. Wala na akong panahon sa mga kadahilanan, kapighatian, at masasalimoot ng mga bagay. Ang maging masaya, matapat at mapagkakatiwalaan ay malalaking bagay at napakahalaga para sa akin. Upang magkaroon ng matapat na pagkakaibigan, kailangan kong maging matapat na kaibigan sa aking sarili. Upang ako’y pagkatiwalaan, kailangan kong magtiwala sa iba. Kung nais kong mahalin ako, kailangan munang mahalin ko ang aking sarili, sapagkat hindi ko magagawang ipagkaloob ang anumang bagay na wala sa akin.

Ngayon, kailangang maging ikaw kung ano ang iyong nais na maganap sa iyo.
 
Kung ibig mo ng pagmamahal, maging mapagmahal ka.
Kung ibig mo ng kapayapaan, maging mapayapa ka.
Kung ibig mong maging masaya, maging tagapagpasaya ka.
Kung ibig mong maging pambihira, maging kakaiba ka sa karamihan.
Kung ibig mong laging makipagsapalaran, manatiling bukas ang iyong isipan.
Kung ibig mo ng tagumpay, manatiling naglilingkod sa kapwa.
Kung ibig mo ng kaligayahan, apuhapin mo ito sa kaibuturan ng iyong puso.

. . . at kung magagampanan mo ang mga ito …at maging gising at handa sa tuwina sa mga himalang magaganap sa iyong buhay, ang kaligayahan ay lalaging sasaiyo.

   Laging tandaan na may dalawang uri ng tao sa mundong ito---ang makatotohanan at mapangarapin. Ang mga makatotohanan ay alam kung saan sila patutungo. Ang mapangarapin ay nanggaling na dito. Anuman ang iyong iniisip, tiyakin lamang na ito nga ang iyong iniisip; anuman ang iyong ninanais, tiyakin lamang na ito nga ang iyong ninanasa; at anuman ang iyong nadarama, tiyakin lamang na ito nga ang iyong nadarama. Sapagkat hindi lahat ng iyong iniisip ay dapat mong paniwalaan.

Mga Tagubilin Upang Magtagumpay

Maniwala habang naghihinala ang iba.
Magplano habang naglalaro at nasa libangan ang iba.
Mag-aral habang natutulog ang iba.
Magpasiya habang nagbabalam ang iba.
Maghanda habang nangangarap ang iba.
Magsimula habang lumiliban ang iba.
Gumawa habang naghihintay ang iba.
Mag-impok habang nag-aaksaya ang iba.
Makinig habang nagsasalita ang kaharap.
Ngumiti habang nakasimangot ang iba.
Pumuri habang pumupuna ang iba.
Magsikhay habang umaayaw ang iba.
Magmahal habang nagagalit ang iba.
Magpatawad habang nanggagalaiti ang iba na makaganti.
Tumulong habang may nangangailangan.
Maging masigla at masaya sapagkat ito ang susi ng tagumpay!
...at upang ito'y magkaroon ng kalakasan at maging katotohanan, lakipan ng pasyon o simbuyo ng damdamin. 


Ang tagumpay ay hindi siyang susi sa kaligayahan. Ang kaligayahan ang siyang susi sa tagumpay. Kung naiibigan mo at nasisiyahan ka sa iyong ginagawa o trabaho, ikaw ay tahasang magtatagumpay.


Mataos nating dinarasal na nawa’y tahakin ng sangkatauhan ang landas ng pakikipagkaibigan at kapayapaan ... at tuluyan ng sugpuin at iwasan ang mga karahasan at mga kabuktutan. Matuto nating tanggapin na tayo ay magkakapatid, magawang malansag at lagpasan ang mga kahatulan, mga pagtuligsa, mga mapanirang kondisyon, at mga balakid na humahadlang sa ating pagkakaisa tungo sa maaliwalas na pamayanan. 

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Monday, December 26, 2011

SANA: Mga Panghihinayang sa Buhay


   Ang kamatayan ay katulad ng isang mahabang nobela na may katapusan---ang tangi lamang na pinanghihinayangan ay kung ang paglalakbay mo ay naging kawiliwili at nais mo pang magpatuloy.


   Sa mga nakakaunawa na ang buhay ay may hangganan, pinag-uukulan ng ibayong pansin ang lahat ng mga sandali. Napakahalaga nito, laluna’t kung ikaw ay nasa dapithapon na ng buhay. Malimit ay sinasariwa mo ang mga nakalipas na panahon kung saan mayroon kang nakaligtaang gawin, hindi natapos at nalunasang alitan, mga pangungusap na hindi nagawang ipahayag, at marami pang bagay na nagdudulot ng patuloy na mga bagabag at panghihinayang.

   Ang pagpanaw ay isang bagay na hindi natin maiiwasan o matatakasan. Katulad ng binyagan, kasalan, at buwis, bahagi ito ng ating buhay. Anumang may buhay na ipinanganak, ay nakatakdang pumanaw. Dangan nga lamang, bihira sa atin ang humaharap at tinatanggap na ang paglisan dito sa mundo ay tila hindi mangyayari. Laging abala at nalilibang, hindi inaalintana na sa anumang sandali . . . maaaring maganap ito.

   Ito ang katotohanan, sa sandaling tayo’y ipanganak . . . lahat tayo ay laging nasa hukay ang isang paa, anumang sandali, sa isang kisapmata o pagkurap . . . ang lahat ay matatapos. Kaya, maging nasa dapithapon ka na at malimit ay hawak ang bibliya na mistulang nagrerepaso sa haharaping huling eksaminasyon o maging nasa umaga at katanghalian ka ng buhay, para sa iyo ito. Narito ang makahulugang mga panghihinayang na kinakailangang masagot ng bawa’t isa sa atin. Hindi pa huli ang lahat upang ang mga ito'y hindi maisakatuparan.

   Lantarang ipinapahayag at kadalasang sinasambit ito ng matatanda na may panggigipuspos at kasabay ang paulit-ulit na pag-iling ng kanilang mga ulo: ang mga ito ay:

1-  “Sana . . . nagkaroon ako ng katapangan na maipamuhay ang nais kong buhay na totoo ako sa aking sarili, hindi ang klase ng buhay na inasahan sa akin ng iba.”

2-  “Sana . . . hindi ako masyadong nagpakagumon sa pagtatrabaho, at nadulutan ko ng maliligayang sandali ang aking pamilya.

3-  “Sana . . . naging matapang ako na ipahayag ang aking niloloob at nagpapahirap ng aking kalooban kahit kanino.”

4-  “Sana . . . habang buhay pa ang aking mga magulang, napag-ukulan ko sila ng pagpapahalaga, naipasyal, napaligaya, at ibayong pinasalamatan na ako’y naging anak nila.

5-  “Sana . . . binigyan ko ng mahahalagang sandali ang aking mga kapatid bilang pagpupugay sa aking mga magulang, sapagkat ang kanilang kaligayahan o maging kapintasan man ay malaking bahagi ng aking pagkatao.”

6-  “Sana . . . kaysa nag-aksaya ako ng panahon sa mga walang katuturang mga libangan at mga bagay, itinuon ko na lamang ang aking panahon na maging huwaran at sa paghubog ng magagandang asal para sa aking mga anak.

7-  “Sana . . . kaysa naluma at natapon lamang ang mga bagay na hindi ko na kailangan, naipagkaloob ko ang mga ito sa mga nangangailangan.

8-  “Sana . . . nakapag-ukol ako ng tamang atensiyon at matalik na pagpapahalaga sa aking mga tunay na kaibigan.” 

9- Sana . . . bilang bahagi ng aking pamayanan, nakapaglingkod ako kahit na mumunting mga bagay ito . . . ay nakagawa ng kaibahan sa buhay ng iba.

10-  “Sana . . . nagawa kong maging masaya sa bawa’t sandali ng aking buhay.”

Sana . . .  ay mapatawad ako ng Panginoon sa nagawa kong mga pagkukulang.  . . . SANA.

-------
Sa panahong ito ng kapaskuhan at nalalapit na panimula ng bagong taon, minsan pa nating balikan ang nakaraan at apuhapin ang nakaligtaang mga mahahalagang sandali. At kung papaano sa kasalukuyan, ay magawa nating mabago at mapalitan ang mga pagkukulang na ito para doon sa mga kapiling pa natin na mga mahal sa buhay. Marapat lamang na ituon natin ang ating ibayong atensiyon at mga priyoridad doon sa mahahalaga sa atin. Alalahanin lagi na ang bagay na hindi mo pinahalagahan, ikaw ay iiwanan. 

   At . . . huwag kalilimutan, "Palaging nasa huli ang pagsisisi at ibayong panghihinayang."

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Saturday, December 24, 2011

Isang Taos Pusong Pagbati,

 
 MABUHAY! . . . sa patuloy na Kapayapaan at Kaligayahan natin.

Isang Solitaryong Buhay

Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakatanggap ka ng paglingap sa Diyos. At ngayon, maglilihi ka sa iyong sinapupunan at magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus. Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan.”        Lucas 1:30-32


Isang Wagas na Pagdakila

Ipinanganak Siya sa isang di-kilalang nayon
             na anak ng isang magbubukid na babae.

Siya ay lumaki sa isa pang di-kilalang nayon
    na kung saan Siya ay nagtrabaho sa isang karpinteriya
       hanggang umabot Siya ng tatlumpong taong gulang,

           at matapos ito,  sa loob ng tatlong taon . . .

 Siya ay naging masidhing tagapagbalita.

Kailanman ay hindi Siya sumulat ng aklat.

 Kailanman ay hindi Siya humawak ng isang opisina.

  Kailanman ay hindi Siya nagkaroon ng sariling pamilya.

   Kailanman ay hindi Siya nagkaroon ng sariling bahay.

    Kailanman ay hindi Siya nakatuntong ng kolehiyo.

     Kailanman ay hindi Siya nakapasyal
                                       sa isang malaking lungsod.

Kailanman ay hindi Siya nakapaglakbay ng higit pa
    sa dalawang daang kilometro mula sa pook
       na kung saan Siya ay ipinanganak.

Hindi Niya nagawa ang mga bagay na nagagawa ng iba
     na karaniwang pinagbabatayan ng kadakilaan.

Wala Siyang gaano mang mga kredensiyal kundi ang Kanyang sarili.

    Tatlumpong-tatlong taong gulang lamang Siya
         nang ang malawakang paghatol ng sambayanan
                     ay ituon laban sa Kanya.

Ang Kanyang mga kaibigan ay nagtakbuhan
              at nangawalang lahat.

Ipinagkanulo Siya at isinuplong sa Kanyang mga kaaway.
     At dumanas ng huwad at balatkayong paglilitis.

Ipinako Siya sa kurus sa pagitan ng dalawang magnanakaw.

Lahat ng paghamak at pag-aalipusta ay ipinataw sa Kanya.
    May isang kawal ang nahabag,
      at upang matapos ang Kanyang paghihirap,
        ay tinuhog siya sa dibdib ng isang sibat.
 
Habang Siya ay naghihingalo . . .
   Ang Kanyang mga mamamatay ay pinagsugalan ang Kanyang damit,
      ang kaisa-isang pag-aari na mayroon Siya sa mundo.

 Nang Siya ay patay na
     Inilibing Siya sa isang hiniram na libingan
        mula sa awa ng isang kaibigan.

Mahigit ng dalawang libong taon ang sumapit at nakalipas,
     at ngayon si Jesus ay pangunahing sentro
       ng sangkatauhan,

          ang pinuno ng sangkatauhang pagluluwalhati.

Sa lahat ng mga sandatahang hukbo na kailanma’y nagmartsa

   Sa lahat ng mga hukbong pandagat na kailanma’y naglayag

     Sa lahat ng mga parliyamento at batasang na kailanma'y nagpulong

       Sa lahat ng mga hari na kailanma'y naluklok sa kapangyarihan


                                  na kung pagsasama-samahing lahat ang mga ito

Ay hindi nakaapekto sa buhay
     ng sangkatauhan saan mang panig ng mundong ito
        nang makahihigit pa sa . . .
 

ISANG SOLITARYONG BUHAY


Jesse Guevara 
Lungsod ng Balanga, Bataan 


Isang Taos Pusong Pagbati,

 
 MABUHAY! . . . sa patuloy na Kapayapaan at Kaligayahan natin.

Thursday, December 15, 2011

Ang Bagong Salta at ang Biyahero



  Naikuwento ito sa akin ng aking anak na si Jell; May isang bagong salta sa isang bayan sa Bataan ang nagtanong sa isang matandang lalaki na nakasalubong niya sa daan, "Pare, kamusta ang mga taong nakatira sa bayang ito; mga mababait ba, mga masunurin at marunong makisama?   

    Naudlot pansamantala ang matanda, subalit patanong ang naging tugon nito, "Bakit, ano bang mga pag-uugali ng mga tao sa pinanggalingan mo?"

    Tumaas ang kilay at nakasimangot ang bagong salta nang sumagot, "Doon sa pinanggalingan ko, masasama ang mga pag-uugali, puro tsismoso at tsismosa ang mga tao. Mga pakialamero sila sa buhay ng may buhay. Mga peste sila!"

    Pailing-iling at banayad na nagpahayag ang matanda, "Pasensiya ka na iho, ang mga tao din dito . . . ay katulad din ng mga tao sa pinanggalingan mo."  

    Nagbubusa na nagpatuloy sa paglakad ang bagong salta, pailing-iling ang ulo at sinisisi ang mundo kung bakit palagi siyang minamalas sa buhay.

    Maya-maya, habang naglalakad ang matanda ay may humintong sasakyan sa kanyang tabi. At ang sakay nito ay nagtanong, "Magandang araw sa inyo, magtatanong lamang ho ako. Tagarito ho ba kayo?

   "Oo naman, iho. Bakit mo naitanong? Ang mahinahong tugon ng matanda.

    "Biyahero po ako, at balak ko ho sanang lumipat ng tirahan dito para mapalapit sa trabaho kong pinapasukan. At nais ko hong may malaman tungkol sa mga kababayan ninyo. Mababait at mabubuti ho ba naman silang mga kapitbahay para sa inyo? Ang paliwanag ng lalaki.

    Napangiti ang matanda at nagtanong din, "Kamusta naman ang mga kapitbahay mo sa bayan ninyo?”

   Masiglang tumugon ang lalaki, “Doon po sa amin ay mababait at may mabubuting kalooban ang mga tao. Sila ay mga matulungin at handang dumamay sa anumang sandali, kahit kaninuman.”

   “Ganoon ba?” Ang malumanay na pagsang-ayon ng matanda, “Ang mga tagarito ay mababait at may mabubuting kalooban din. Sila ay mga matulungin at handang dumamay din sa anumang sandali, kahit kaninuman.”

   “Maraming salamat ho. Nawa'y pagpalain ho kayo ng Dakilang Maykapal! Ang masayang tugon ng lalaki at sumisipol pa ito nang umalis. Buong pasasalamat na umuusal sa sarili na sadyang napakapalad niya sa mga pagpapala na patuloy niyang natatanggap sa bawa’t sandali.


Dalawang uri ng saloobin ang namagitan dito, at dalawang kapalaran din ang tahasang magaganap. Hindi malayong makakamtan mo ang anumang bagay at sitwasyon kung sa simula pa lamang ay umiiral na ang posibleng kaganapan nito.
   Sa bawa’t pag-usad ng mga sandali, buong tibay itong maisasakatuparan. Dahil anuman ang nasa iyong kaisipan, ito ang siyang magiging pananalita at magpapakilos sa iyo. At sa kalaunan, ay siya mong magiging kapalaran.



   Kung ang hangarin mo'y maligayang buhay, iwasto mo ang iyong mga SALOOBIN at ang mga ninanasa mo'y kusang ipagkakaloob sa iyo. Simulan kaagad at ang lahat ay madali na lamang.

   Ano ba ang kahulugan ng saloobin? Upang ganap na maunawaan, pakitunghayan ang "Magandang Relasyon sa Buhay," Disyembre 14, 2011.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Wednesday, December 14, 2011

Mahalagang Relasyon sa Tagumpay



Prinsipyo 1: MATURING /Saloobin (Attitude)anumang pagturing na nararamdaman o emosyong umiiral, naiisip, at nangingibabaw ay siyang ipinapalagay na TAMA sa anumang sitwasyong kinahaharap.
 
Pangungusap: Itinuturing kong isang malaking kalapastanganan ang ginawa mong pagtataksil sa akin.

   Mistula itong salamin sa mata na may grado (ang saloobin) na sa tuwing tumitingin ka ay iyong ginagamit na parang salaan na magpapalinaw (ang paghatol) at umaayon sa iyong pangmasid. Tinuturingan o nilalakipan mo ang bawa't bagay ng kaukulang pamantayan. Kung minsan, ang 'salaming' ito ay hindi kailangan, higit na makabubuti na tamang pag-iisip at umuunawang puso ang pairalin, hindi ang paniniwala at kinagisnan. Hangga’t may ikinakapit kang label, pangalan o tatak sa isang bagay, pangyayari, o pagkatao, ito ang iyong pagbabatayan.

   Naala-ala ko noong nasa kolehiyo pa ako, sa pagsisimula ng aming klase sa pilosopiya, isa sa aking kamag-aral ang nagsabing ang aming propesor ay mahigpit (terror), mababa magbigay ng marka (kulot -3.0, o pasang-awa), at halos ikatlong bahagi ng klase ay bumabagsak. Anupa't sa buong semestre, nakaapekto ito sa aking saloobin sa kanya. Higit kong pinaniwalaan ang udyok ng aking kamag-aral kaysa husay ng pagtuturo. Pumasa naman ako, ngunit ang kamag-aral ko'y bumagsak. Sa isang banda, nakatulong din ito, dahil pinaghusay ko ang aking pag-aaral. subalit doon sa aking kamag-aral na sa simula pa lamang ay 'talunan' na sa kanyang iniisip, anumang kanyang gawinng pagsisikap, wala ng mangyayari pa.

   Walang ikabubuting gawain kung sa simula pa lamang ay nilapatan mo na ito ng pagkatalo at masamang paghihinala. Higit na mainam na huwag mo ng ituloy ang anumang balak kung sa kaibuturan ng iyong puso ay may pag-aalinlangan ka. Walang saysay na kumilos kung hilaw ang mga pagsusumikap mo.
  
   Kalatas: “Walang mabuti o masamang bagay, kundi ang mabuti at masamang saloobin. Ang pagkakaiba lamang sa pagitan ng mabuting araw (suwerte) at masamang araw (malas) ay ang iyong saloobin.”

   Ang kaligayahan ay isang saloobin. Nasa ating kapangyarihan kung nais natin na maging masaya, malungkot, masaktan, tumawa o umiyak. Ang kapaguran ay magkakatulad, lahat ay naaayon sa antas ng ating kabatiran. Ang nakakapinsala lamang ay ang mga maling saloobin. Kung ikaw ma’y namimighati, o namamanglaw, ang iyong kaisipan ang nagdurusa, hindi ikaw. Baguhin mo ang iyong iniisip at mababago din ang iyong nararamdaman.

   Ang hapdi at mga pasakit ng loob ay isa lamang kasagutan sa kaiisip ng mga pagkatakot, mga bagabag, panghihinayang, pangakong napako, mga maling pagtitiwala, mga kabiguan, at gumuhong pangarap. Ito’y mga saloobin lamang na naranasan mo at tinanggap ng kasawian, subalit HINDI IKAW ANG MGA ITO. Alisin mo lamang ang pagkahumaling mo sa mga saloobing ito at ikaw ay malaya na.

    Kalatas: “Kumbinsido ako na ang buhay ay 10 porsiyento kung ano ang nangyayari sa akin, at 90 porsiyento naman ang aking reaksiyon dito.”

   Magkakatulad tayo sa maraming bagay; subalit may isang maliit na ipinagkaiba ang bawa’t isa sa atin na siyang lumilikha ng pinakamalaking kaibahan. Ang maliit na kaibahan na ito ay ang SALOOBIN.   Ang positibong saloobin ay siyang pinagmumulan ng magkakabit na reaksiyon ng positibong kaisipan, mga pangyayari, at mga kaganapan. Ito ang pinaka-pandikit o sugpungan  . . .  isang sindi na mag-aapoy at lumilikha ng mga pambihirang resulta. Na sa kalaunan, ay magiging iyong kapalaran.

   Kalatas: “Ang ating buhay ay hindi ibinabadya ng kung ano ang nangyayari sa atin, bagkus kung anong reaksiyon natin sa nangyayari; hindi kung ano ang maibibigay ng buhay sa atin, bagkus kung anong saloobin ang ating ipapataw at paiiralin sa buhay.    

   Ang saloobin ay nakakahawa, at sa bawa’t pagdaan ng panahon, kailangan nating tanungin ang ating mga sarili . . . “ako ba’y nakakatulong? O, nakakapinsala?” Sapagkat ang lahat ng iyong mga nalalaman, mga naranasan, at mga pinaniniwalaan ang siyang pinagmumulan ng iyong mga saloobin. Anuman ang nakikita sa iyo, mabuti o masama man ito ay siyang batayan ng iyong pagkatao.

   Kalatas: “Sa simula, tayo ang lumilikha ng ating mga saloobin. Matapos ito, ang ating mga saloobin naman ang lumilikha kung sino tayo.”

   Ang saloobin ay lahat ng bagay. Ito mismo ang iyong batayan na nagpapagalaw sa iyong imahinasyon sa lahat ng mga bagay na iyong maiisip. Anumang saloobin mayroon ka, ito ang tahasang nakapangyayari sa iyo. Higit kong pinaniniwalaan ito, at sa mahabang panahon; nakita at naranasan ko ang bagsik ng kapangyarihan nito sa iyong tagumpay at kabiguan sa buhay. Marami sa atin ang bigong nauunawaan na ang saloobin ay hindi lamang may malaking kinalaman sa iyong kaligayahan at tagumpay, ito rin ang siyang puno’t dulo ng kaligayahan at tagumpay ng mga taong nakapaligid sa iyo . . . ang iyong pamilya, ang iyong mga kaibigan, at maging ang iyong mga kasamahan sa trabaho.

   Kalatas: “Kaya lamang tayo nababahala ng mga bagay, sapagkat nakakabahala ang ginagawa nating pangmasid dito. Palitan mo ang iyong iniiisip tungkol dito, at kusa ding mapapalitan ang kahalagahan nito. At sa paraang ito; magagawa mong baguhin ang iyong buhay, kung magagawa mong baguhin ang iyong saloobin.”

  Paala-ala: Makikilala ka sa iyong niloloob; Kung ang iyong pagtrato sa bawa't taong iyong nakakatagpo ay para siyang pinaka-importanteng tao sa mundo, naipadarama mo sa kanya ang iyong saloobin na siya ay karapatdapat sa iyo.

    Araw-araw nahaharap tayo sa libu-libong mga pagpili at kapasiyahan. Pinipili natin ang damit na isusuot, saan tayo pupunta, sino ang nais nating makilala, pinaplano ang paglilibangan, sinusuri ang sasakyan sa paglalakbay, anong tanghalian ang pagsasaluhan, ano ang gagawin, ano ang mabuting pasiya, at marami pang samutsaring mga kaabalahan bago pumili. At ang pinaka-mahalaga sa lahat; pinagpapasiyahan din natin kung ano ang tamang iisipin at maghahari sa ating kalooban. Mga bagay na ating niloloob na mangyari. Bakit hindi natin piliin na lamang ang makagaganda, makatutulong, at makapag-papaunlad? Isaisip nating palagi na ito lamang ang siyang nararapat na pairalin sa ating buhay. Mga bagay na kung isasaloob natin sa tuwina ay siyang magiging hagdanan upang maabot natin ang minimithing tagumpay . . . ang piliin ang tunay nating mga SALOOBIN na makapag-papaligaya sa atin . . . bilang mga tunay na Pilipino.
SULYAPAN: "Ang Bagong Salta at ang Biyahero," Disyembre 15, 2011


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan