Tuesday, August 31, 2021

Pahalagahan ang Sarili

 

Kung may nais kang makuha, ito ay ibigay mo muna. Tulad ng paggalang, hindi ka kailanman igagalang nang hindi ka muna gagalang. Kailangan mong umunawa bago ka maunawaan. Kailangan mo ng edukasyon? Mag-aral ka muna. Kailangan mong mahalin? Magmahal ka muna.
At taliwas naman dito;
   Kung wala silang respeto, o pagpapahalaga at pagbubunying inuukol para sa iyo, makakatiyak ka na wala silang panahon at hindi ka nila kailangan. Para sa kanila, isa kang problema at hindi solusyon. Ito na ang tamang panahon na umiwas ka at mahalin sila nang may distansiya.
   Hintuan na ang mag-aksaya pa ng iyong panahon sa mga tao na walang pagpapahalaga sa iyong atensiyon. Tandaan lamang ito: Ituon ang iyong panahon sa mga tao na sadyang may pagmamaahala sa iyo. Ang panahong inuukol mo sa mga tao na may pagmamalasakit at pagpapahalaga sa iyo ay walang katumbas. Ito ang iyong tamang karelasyon.
Bakit po???
Sapagkat kung saan ka masaya, naroon ang puso mo.
...at doon naman sa mga tao na walang malasakit at pagpapahalaga para sa iyo;
Huwag ipagdamdam sakalimang balewala ka sa kanila. Dahil ang walang pakiramdam na mga tao ay walang kakayahan para sa mga ekspensibo o mahalagang mga bagay, sapagkat maramot at walang maibabayad (panahon) sila.
…at, siyanga pala, iwasang habulin ang mga ganitong tao. Igalang ang sarili na maging tunay ka. Gawin kung ano ang tunay na mahalaga para sa iyo, at hindi mula sa mga sulsol nila. Ang wagas at tamang mga tao na sadyang nakaukol para sa iyo ay darating at mananatili sa iyong tabi. Ito ay nasusulat at nakalaang katotohanan.
Bakit po?

Sapagkat sa buhay na ito; may mga tao na darating sa iyong buhay bilang mga pagpapala, at may mga iba naman na dumarating bilang mga leksiyon. Palaging may mga kadahilanan kung bakit may mga tao na nakakasabay o nakakasalubong tayo, may leksiyon at pagtuturo. Sa dalawang pagkakataon na ito, kailangan mong baguhin ang iyong buhay, at kung hindi naman ay ikaw ang babaguhin nila.

 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Iwasan ang Masangkot sa mga Walang Saysay

 
UMIWAS: HUWAG nating gawin ang mga ito:

HUWAG mong hayaan na makapangyari ang mga negatibo at nakakalasong bagay na makaapekto sa katinuan ng iyong isipan. At sa kalaunan ay mistulang lason na unti-unting pumapatay sa iyo.
HUWAG hayaan ang mga aksiyon ng ibang tao ay magdulot ng kapighatian sa iyong puso.
HUWAG hayaan na manaig ang kalapastanganan ng iba ay sirain ang maganda mong pangarap.
HUWAG hayaan ang patuloy na pamumuna, pamimintas, at pananakit sa iyong damdamin.
HUWAG hayaan ang mga paninira sa iyong reputasyon na wasakin ang iyong pananalig sa sarili.
HUWAG hayaan ang mga taga-duyan, mga tagasulsol, at mga tagausisa na makialam sa iyong sariling buhay. Hindi sila ang mapapahamak kundi ikaw mismo.
HUWAG hayaan ang kayabangan at pagmamataas ng iba ay magaya mo kapag nakisama ka sa kanila.
HUWAG hayaan na tuluyang mawasak ang iyong pamilya sa kasamaan ng isang miyembro nito.
HUWAG hayaan ang iyong kapaligiran na maging maingay, marumi, at magulo, hindi ka patatahimikin nito. Gawing tahimik, malinis, at maayos ang lahat, ...para manaig ang kapayapaan.
HUWAG hayaan na laging maging biktima ks sa kamalian at pagsasamantala ng iba.
HUWAG hayaan na manatiling bilanggo ka ng walang sawang pang-aabuso sa iyong kahinaan.
HUWAG hayaan na mawalan ng kabuluhan ang mga aral at leksiyon na iyong naranasan. Sa pamamagitan nito ... ang siyang magpapalakas sa iyo na tumindig at lumaban para sa iyong kapakanan.
 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Natutulog Ka pa ba?

 

Magising Ka Naman

   Ang dahilan kung bakit gising ang ilang tao, ay sapagkat tumigil na silang pumayag sa mga bagay na nang-iinsulto sa kanilang kaluluwa.

Makakabuti ang Pagtalikod
Nangyayari lamang ang mga bagay kung ikaw ay may pahintulot at lalo na kung may partisipasyon. Magagawa naman na talikuran at iwasan na ang mga ito, ...kung nanaisin mo.
Talikuran ang walang saysay na mga pagtatalo na humahantong sa alitan at kapahamakan.
Talikuran ang mga tao na humahamak at nagmamaliit sa iyo na hindi nakikita ang iyong kahalagahan.
Talikutan ang mga tao na kilala ka lamang kapag may kailangan sa iyo at may amnesya kapag kailangan mo sila.
Talikuran ang nakasanayang pagsunod sa kapritso o pagiging masunurin sa hilig ng iba.
Talikuran ang mga bumabalisa at nagpapagulo sa iyong isipan. Stress at dis-ease ang hatid nito.
Talikuran ang mga kritiko, mapamintas, at mapaghatol na mga tao. Papatayin ka nila sa konsumisyon.
Talikuran ang mga pagkatakot at mga kamalian na sumisira ng iyong hangarin na magtagumpay.
Talikuran ang mga walang saysay na mga libangan na umaagaw ng iyong mahahalagang sandali.
... at HARAPIN ang mga paghamon na gumigising at nagpapalakas sa iyo upang magtagumpay sa buhay.
 
  Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Nahihiya Ka ba?

 

Nakakahiya daw
Hindi nakakahiya ang magkamali. Ang higit na nakakahiya, ...'yong lantarang mali ka na... pinipilit mo pang baluktutin ang kamalian mo at ipakitang tama ka. Ang masaklap pa dito, personalan na kung hiyain mo ang kausap ng mga paratang na walang katotohanan.

Iwasang Magalit
Ang pinakamainam na pagganti ay umiwas na lamang at tanggapin na isang leksiyon ang nangyari upang hindi na ito maulit pa. Huwag magbigay ng satispaksiyon na makita kang namimighati sa nangyari. Hanggat inaala-ala mo ang naganap at nag-iisip ng pagganti lalo lamang na pinalalakas mo ang hapdi ng nagawang kamalian.

Kailangang malaman natin at isagawa kung bakit lumitaw tayo sa mundong ito: 
Ano ba ang iyong layunin?
Anu-ano ba ang iyong mga responsibilidad?
Papaano mo ginagampanan ang iyong nakatakdang mga tungkulin?
May malasakit ka ba sa kapakanan ng iba?
Ano nga ba ang iyong tungkulin ngayon?

Likas na Katungkulan
Hindi ikaw lumitaw para mahalin o hangaan kundi ang magmahal at maglingkod. Hindi katungkulan ninuman lalo na yaong mga nakapalibot sa iyo na mahalin ka. Kundi ang magmalasakit at maging kasangkapan sa ikakapayapa at ikakaunlad ng inyong kapaligiran, ito ang iyong katungkulan.
Maging ikaw
...kahit na anuman ang iniisip ng ibang tao, ikaw pa rin ang may karapatan at may kapangyarihan tungkol sa sarili mo. May mabuting dahilan kung bakit ka nilikha at lumitaw sa mundong ito. Isaisip palagi, na orihinal at pambihira ka at walang katulad sa balat ng lupa. Higit kang mahalaga kaysa isang kopya!

 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Monday, July 26, 2021

May LAYUNIN Ka ba sa BUHAY?


 Kung ang buhay ay patama-tama, padaskul-daskol, at ang bukam-bibig ay 'Bahala na!' Huwag pagtakhan sakalimang walang pagbabago sa buhay. Dahil kapansin-pansin kung ano ang sadyang ginagawa sa maghapon. Anuman ito, ay talagang kasiyahan, dahil paulit-ulit at walang katapusan. Makikilala kung SINO kang talaga sa kalagayan mo ngayon... Sapagkat batay lamang ito sa inaatupag mo sa maghapon. Dahil kung HINDI ka nasisiyahan, babaguhin mo ito alang-alang sa'yong kapakanan.

Naligaw ka nga ba?


 Hanggat wala kang kabatiran kung saan direksiyon ang iyong pupuntahan, lahat nang makitang daan ay iyong daraanan; palipat-lipat, paikut-ikot, at sa katapusa'y makalimot; --- na ang buhay ay tahasang pinag-aaralan, pinaghahandaan, at hinaharap nang may KAGITINGAN.

Gumising at GAWIN na ang Pangarap


 

Gumawa nang may Kaibahan


 

Hanggat Binabalak Wala itong Katapusan


 

Mahalin ang Sarili


 

Kaibigan nga ba Kita?