Friday, March 02, 2012

Ang Kaligayahan ay Nasa Puso Mo


Humayo at makisama. Makibahagi. Ngumiti. Yumakap. Magmahal. Magpasaya. Ang Kaligayahan ay tulad ng pabango; hindi mo ito maihahaplos sa iba nang hindi ka mapapabanguhan nito.

KALIGAYAHAN (Joy)  
   Lahat tayo ay nagnanais na sumaya. At sa araw-araw ay magagawa natin na maging masaya. Nasa ating pagpili lamang ito kung masusupil natin ang ating mga saloobin; ito ang lumilikha ng mga damdaming nagpapasaya at nagpapalungkot sa atin. Mula sa isang kislap ng isip, nagkakamalay tayo, inaalam ito hanggang sa mabatid, at kung mabuti ito, maligaya tayo, at ito ang katotohanan na pumapayapa sa atinng kalooban upang makamit ang kaluwalhatian.
   Sa bawa’t pagtitipon at ugnayan ng mga tao ay mayroong mga pagkilos, at mula dito ay may mga resulta, at kung anong tindi ng pagkilos ay siya ring katumbas na resulta. Hindi ito basta nagkataon. Ang mga ‘regalo’ kapangyarihan, materyal na mga bagay, kamalayan, at kabatiran ay sanhi at naging bunga ng mga pagkilos na ito. Sila ay mga kaisipang nabuo, mga bagay na nakuha o napagtagumpayan, at mga pangarap na naging makatotohanan. Kapag naisagawa natin ang ating iniisip at nagtagumpay tayo, ito ang nagpapaligaya sa atin.
   Karamihan sa atin, ang kaligayahan ay parang lumilipad at panandalian, sapagkat hinahayaan nilang maghari ang mga pagkakataon na maapektuhan ang kanilang kamalayan. Isa sa mabisang mga kaparaanan na mapanatili ito, ay makamtan ang kapayapaan ng kalooban sa meditasyon o taimtim na paglilimi sa araw-araw. Kapag ang kamalayan ay may kapayapaan, madali nang piliin at sanayin ang sarili na maging maligaya sa tuwina.

    “Masaya o maligaya ka ba?”
   “Kaligayahan ko na ang makita kitang masaya.”
   “Siya na may mabuting hangarin, ay maligaya sa tuwina.”
   “Ako’y maligaya; sapagkat kinawilihan ko na ang magpaligaya!”

Magagawa mong magkaroon ng lahat ng bagay, subalit patuloy din ang iyong mga kapighatian; at maaaring ding salat ka sa maraming bagay subalit nadarama mong mayaman ka. Ang Kaligayahan mo ay nasa kamalayan mo. Kailangan lamang mabatid kung kailan ito namamalayan.  Una, hindi ito nakukuha sa iyong mga tagumpay o nakamtang mga bagay, dahil panandalian lamang ang mga ito, at matapos ang mga palakpak na natanggap o kasiyahan sa pagkakaroon, mababalik kang muli sa dating kalagayan na tulad noong wala pa sa iyo ang mga ito. Tandaan na kailanman ay walang pagkasawa o kasiyahan ang mga tao, laging naghahanap kung ano ang magpapasaya sa kanya, maliban ang tuklasin ang kaligayahang nasa kalooban niya.

AKO AY MALIGAYA
Mayroon lamang akong isang minuto;
At animnapung saglit ang tagal nito,
Ipinilit sa akin at hindi ko matanggihan ito.

Hindi ko ito hinanap at hindi ko rin gusto;
Ako’y mamimighati kung maiwawala ko ito,
Subalit ito’y nasa akin kung gagamitin ko.

Ako’y mag-ulat kapag sinayang at ito’y inabuso;
Kahit na gahanip lamang at munting minuto ito,
Dito naman nakasalalay ang buong-buhay ko.

Buksan ang mga mata sa kagandahan ng paligid;
At magkamalay sa misteryo ng buhay,
Buksan din ang puso doon sa mga mapagmahal.

Na maging huwaran at manatiling may dangal;
Ipangako sa sarili na maging totoo,
Sapagkat dito rin nakasalalay ang kaligayahan ko.


17  Ano ang Kahulugan ng Kaligayahan?
   Ito ang pakiramdam na may kapayapaan sa kalooban at nasisiyahan sa harap ng anumang kaganapan. Kadalasang nararamdaman ito, kapag nakakaranas ng magaan na pakiramdam, walang nakakaligalig, walang nangingibabaw ng mga pangamba o pagkatakot, at ang mga ito’y karaniwang nagaganap kapag nakakagawa tayo ng mga bagay na sadyang ninanasa natin. At kapag nakuha, nagwagi, nakinabang, nagtubo, o nagtagumpay sa isang proyekto o kasunduan na ating pinahahalagahan. Mga situwasyong ito na kaakibat ang mga kamalayang positibo na nagpapaginhawa sa nararamdaman. Hindi ito nagmumula sa nakikita o nahahawakang mga bagay,  bagkus nanggagaling ito sa ating dalisay na kalooban. Hangga’t palagi tayong masaya, ito ang ating ikinaliligaya.

Mabuhay sa bawa’t sandali, at likhain ito ng maganda at maligaya upang mahalagang maalaala.

Ang kaligayahan ay ang iyong kamalayan at kapangyarihan upang mabuhay.
Ang kaligayahan ay hindi isang lunggati sa buhay, bagkus ang pasiglahin ang iyong likas na potensiyal na mapaunlad ang iyong mga katangian.
Ang kaligayahan ay nasa iyong masusing pagtuon na maging masaya sa tuwina.
Ang kaligayahan ay laging tungkol sa ngayon; hindi nakatuon sa nakaraan o maging sa hinaharap.
Ang kaligayahan ay ginagawa nang kusa; at hindi naghihintay sa iba, sa pagkakataon, o sa mangyayari.
Ang kaligayahan ay mga munting mga kabaitan, munting mga kabutihan, munting mga kataga ng pagmamahal, munting pagkalinga sa mga nahihirapan, na laging tumutulong na maging masaya ang lahat.
Ang kaligayahan ay ang makagawa ng kaibahan kahit kaninuman, saanman, kailanman, at magpakailanman.

18  Ang Diwa at ang Kaligayahan
Gumawa ng mga bagay na nagpapasaya sa iyo. At kung mapapanatili, ito ang magpapaligaya sa iyo. Anumang nasa harapan mo ay ginigising ang nasa iyong kalooban. Ang namamayani sa iyong kalooban; ang lumilikha ng iyong emosyon, at mula dito ang iyong mga saloobin, na siya namang nagpapakilos na magampanan mo ang mga ito. Huwag kalimutan na ang kaligayahan ay hindi nanggagaling sa resulta kung anuman ang mayroon ka, bagkus ang kilalanin at pahalagahan ang anumang mayroon sa iyo. Alalahanin: ang mahalagang bagay na iyong hinayaan, kapag nawala ay kahina-hinayang. Ang pagmamahal na napabayaan, ikaw ay iiwanan. Subalit sa paglikha ng mga kasiyahan, ikay ay maliligayahan.

Ang tagumpay ay ang makuha anuman ang iyong nais, ang kaligayahan ay ang maibigan anuman ang iyong nakuha.

19  Kasiyahan at Kaligayahan: Ang Pagkakaiba sa pagitan Nila
   Kung ang kaligayahan ay isang pakiramdam ng kamalayan at ang kasiyahan (pleasure) ay isang pisikal na pagtugon sa isang partikular na imahinasyon o tanawin; tulad ng isang magandang pook na pasyalan, lumilitaw na ang dalawang ito ay tahasang magkaiba. Kung nasisiyahan ako sa pagkain ng kending tsokolate, sa una ay masarap ito, ngunit sa ika-labinlimang kendi, nakakasawa na ito at hindi na kasiya-siya, libre man ito o hindi.
   Ang kasiyahan ay panandailan lamang. Ang punto rito ay ang mismong mga bagay na iniisip nating masisiyahan tayo ay siya mismo ding mga bagay sa bandang huli ang nagpapainis at nakasasawa para sa atin.  Ang mga bagay na ating pinakahahangad na makamtan kadalasan ay hindi natin kailangan. Ang kaligayahan naman ay ang pangkalahatang pakiramdam ng ating katauhan, ang higit na makuntento bilang tao, ang kamalayan sa mga ‘tama at makabuluhan’ tungkol sa buhay. Walang kasiyahan na mapapanatili nang walang hanggan, gaano mang pagkagusto natin dito sa simula. Kapag nawala na ang panghalina nito, magsisimulang muli na humanap tayo ng iba namang makapagpapasaya sa atin. Ang kasiyahan ay isang kailangang sangkap ng kaligayahan. Kung patuloy kang masaya, at napanatili mo ito sa tuwina, ikaw ay magiging maligaya.

Mga akitibidad na nagpapasaya:
-Sariwain ang iyong masasayang sandali.
-Iwasan ang mga kalungkutan at miserableng tao.
-Mag-ayos sa sarili at magsuot ng paboritong damit.
-Hanapin ang makakalunas, at hindi ang mga problema.
-Mamasyal at maglibang na kasama ang mga mahal sa buhay.
-Masiglang umawit at sumayaw na tila walang nakakakita sa iyo.
-Habang kumakain, lasapin ang linamnam ng masarap na pagkain.
-Manood ng mga palabas na may katatawanan at may matututuhan.
-Makipag-ugnayan sa mga matatalik na kaibigan saanman sila naroroon.
-Magsagawa ng kaibahan sa bawa’t araw nang walang hinihintay na kapalit.
-Dumamay at magmalasakit sa mga nangangailangan sa lahat ng pagkakataon.
-Maging matapat at huwaran sa lahat ng karelasyon anuman ang kanilang gulang.

20  Isang Pagtupad sa Pagpili
Kapag nakadarama ka ng ligaya, ipagpatuloy ito sa makabuluhang direksiyon; doon sa katalinuhan, kaunlaran, at paglilingkod. Hindi ang umupo at maglunoy sa kasayahan. Sa kasiglahan na nadarama, lumabas at gumawa ng bagay na pambihira; na higit pang makapagpapasaya sa iyo. Huwag pahintulutan itong maglaho at bumalik sa dati mong balisang pakiramdam. Ang isang paraan para lalo kang lumigaya ay ang maging gising at handa sa mga namamalayang kasiyahan. Dahil kung maganda ang iyong kabatiran dito ay magiging maganda din ito. At ang kagalakan mula dito ang nagpapasigla, nagbibigay ng pag-asa, at nagpapanatili ng iyong Kaligayahan.
   Ang implikasyon ay makabuluhang pananaw. Walang hanggang kasiyahan ang madarama; kung may pagpapahalaga ka sa anumang ipinagkaloob sa iyo. Pinasasalamatan ang lahat ng mga bagay na nasa iyo ngayon; at hindi sa mga bagay na wala pa sa iyo. Hindi lamang ang masiyahan, bagkus ang simpleng kamalayan na ikaw ay may buhay. At ito ang magdudulot sa iyo na magtagumpay sa anumang larangan. Kung wala kang ganap na kabatiran sa nadaramang kasiyahan, mistula lamang itong isang pakiramdam, pangyayari, kasayahan, isang pangarap at ilusyon. Ano ang talagang intensiyon mo? Ano ang magagawa ng isang bagong kotse sa iyo? Ang isang milyong piso? Ang bagong kaibigan? Kung wala ka namang kabatiran sa ikakaligaya mo, walang itong magagawang pagbabago sa iyong buhay. Dahil kapag naluma ang kotse, naubos ang salapi, at nilayuan ka ng kaibigan, ano ang iyong magagawa? Ang magmukmok lamang sa isang sulok, at magalit sa mundo? Subalit kung sa simula pa lamang ay nababatid mo ang tunay na dahilan at direksiyong iyong pupuntahan; ang mga malilit na kasiyahang nakakamit mo ay lumalaki at nagpapanatili ng mga angking kasiyahan na humahantong sa minimithi mong Kaligayahan.
   Ang kaligayahan ay tamang kamalayan sa pagpili; hindi ang dagliang kapasiyahan. At kapag namali ay ibayong sinisisi ang sarili, ang panahon, mga pagkakataon, at maging ang iba na siyang may kagagawan. Kung laging ganito; ipinapako natin ang ating mga sarili sa pagitan ng dalawang magnanakaw: panghihinayang sa nakaraan, at pagkatakot sa hinaharap. Kailangang malinaw na pinipili natin kung ano nakapagbibigay ng kasiyahan sa atin, at masusing pagtuunan kung ito nga nakapagpapaligaya o humahadlang sa kabubuan na makamit natin ang kaligayahan.
   Isang kahungkagan sa buhay na para maramdaman ang kaligayahan kung tinataglay mo ay hanapin muna ito. At kung matagpuan ay doon ka lamang liligaya.  Katuwiran ito ng mga malulungkutin, mga namimighati, at may matitinding galit sa mundo. Gayong ang unang kondisyon ay makakamtan mo lamang ito kung ang iyong buhay ay hitik sa layunin, at nakatuon sa labas ng iyong sarili, at sinusunod ang alab ng iyong puso upang matamo ang iyong kaligayahan.

Ang taong makasalanan 
ay hindi kailanman magiging maligaya.

Maging gising sa kagandahan ng bawa’t sandali. Ang mga paslit ay mayroon nito, tinatamasa ang kasayahan sa tuwina. Ngunit sa dami ng mga pagbabawal ng matatanda, lumalaki ang mga ito na galit din sa mundo. Ang kaligayahan na nasa kanilang kalooban ay patuloy na tinatakpan at ibinibilanggo ng matatandang kaugalian, nakasanayan, maling paniniwala, at mga karanasan ng maraming pakikialam. Piliting hanapin ang tunay na kamalayang ito, buksang muli mula sa kaibuturan ng iyong puso, damahin ang kasiyahang taglay nito at ipadama sa iba upang masumpungan muli ang tunay na ligaya.

Mayroong tanging kaligayahan lamang sa buhay, ito’y ang magmahal at mahalin.

   Iwasan ang mga bagabag at atensiyon sa mga walang katuturan. Ang mga bagabag ay mga problemang umuubos ng iyong mahahalagang sandali na malunasan ito. Ang pag-aaksaya ng gintong panahon ay ang malabis na pagtuon sa malilit na bagay na walang kinalaman sa iyong pag-unlad, katahimikan ng isip, at pagpansin sa iba; maliban sa iyong sarili. Magpasalamat sa mga pagpapala sa iyo, ito ang mainam na panlaban sa pagkabalisa. Ikaw ba ay bulag? Siya, na hindi nakikita ang katotohanan sa kabila ng kapangitan. Sino ang pipi? Siya, na hindi makapagsalita sa kabila ng mga karahasan at pananamantala. Sino ang bingi? Siya, na hindi makarinig sa kabila ng mga sigaw at karaingan ng mga inaapi. Sino ang mahirap? Siya, na nalilito at walang kasiyahan sa dami ng mga ninanasa. Sino ang mayaman? Siya, na masaya sa tuwina at sadyang maligaya sa anumang mayroon sa kanya.
   Ikaw mismo at walang iba, ang kaligayahan mo. Hindi ito hinahanap at hindi matatagpuan; saanman, kaninuman, kailanman; maliban sa iyong sarili. Nasa iyo ito, apuhapin mo sa iyong kalooban. Sa gulang mo ngayon, may kabatiran ka na, kung ano ang nagpapasaya sa iyo sa tuwina. Luminya ka at walang trapik dito, na pagtuunan mo ito ng ibayong pansin at hindi ka mabibigong makamit ang iyong kaligayahan. Hanapin lamang ang mga gawain na kapag iyong ginagawa ay pinasasaya ka at naging libangan mo na. Kahit hindi ka bayaran ay gagawin mo pa rin ito. Sakalimang may suweldo kang matatanggap, bonus na lamang ito para sa iyo. At habang nalilibang ka at sumasaya, ito ang nagpapaligaya sa iyo.

Mga Hakbang Upang Maging Maligaya
1-Magkaroon ng bagong pananaw, at sanayin ang sarili na laging maligaya.
2-Palitan at iwasto ang mga katagang binibigkas; yaon lamang nagpapaligaya.
3-Mabuhay na laging maligaya sa kasalukuyan, hindi sa nakaraan at sa hinaharap.
4-Magpasalamat nang may ligaya sa lahat ng bagay, sitwasyon, at mga pangyayari.
5-Tuklasin at ipahayag sa tuwina ang kaligayahang nadarama.
6-Panatilihin ang kaligayahan sa iyong dakilang layunin.
7-Pangalagaan ang iyong kalusugan para sa iyong kaligayahan.
8-Magmahal at magpaligaya sa lahat ng iyong mga karelasyon.
9-Pagyamanin ang sarili at pahalagahan sa araw-araw ang iyong mga katangian at potensiyal.
10-Taimtim na magdasal at humingi ng patnubay para sa iyong ikakaligaya.

Kapag may kabatiran ka sa kung ano ang iyong iniisip, kung ano ang iyong binibigkas, at kung ano ang iyong ginagawa ay magkakatugma; magiging maligaya ka.

    Mapili ka ba sa mga nakikita mo? Kung ikaw ba'y nakakakita ng mga karahasan, o nakakapanood ng mga kalaswaan at mga gawaing hindi kanais-nais, ipinagpapatuloy mo ba ito para malibang at aliwin ang iyong sarili? Ito ba ang mga nagpapasaya sa iyo? At kung ito nga; ang mga bagabag at pagkatakot na namamayani sa iyo ay mga bunga o resulta ng mga ito. Walang kapayapaang maghahari sa iyong kalooban, kundi pawang kamunduhan at panandaliang kalayawan. 
   At kung ang hilig mo naman ay pawang makabuluhang panoorin, pagpapaunlad sa sarili, pagsasaayos ng iyong buhay, at malugod na makapaglingkod sa kapwa; Mabuhay ka! Ang mga katulad mo ay isang kaligayahang maituturing ng iyong kapwa.   
    Panatilihin ang iyong kamalayan na siyang nasusunod. Ang iyong kabatiran sa bagay na ito ang siyang “kapitan ng iyong barko, at maestro ng iyong kaluluwa.” Ginigising ka nito kapag mahimbing ka sa iyong pagtulog; ang pagsupil sa iyong sarili ang siya mong kalakasan; ang tama at dalisay na kabatiran ay iyong kagalingan; at ang iyong mahinahon at matalinong pangmasid sa lahat ng kaganapan ay ang iyong katotohanan. Kapag natitigatig, laging isipin ay yaong mga nagawa; at limutin ang hindi mga nagawa. Ingatan ang iyong iniisip, kapag nahuli mo itong inaaliw ang mga negatibo, kamunduhan, at masasamang gawain, mabilis na palitan ito at isipin lamang yaon nakakasiya at makabuluhan. Laging asahan na may kaligayahang idudulot ito.

Ang kalidad ng aking mga relasyon at tatag ng aking paglilingkod ay nasusukat sa kaligayahang sumasapuso ko.

    Nagiging masaya tayo kung nabibigyan natin ng kahulugan ang layunin sa buhay at tinututklas ito nang nag-uumalab ang lahat na nasa kaibuturan ng ating puso, ang lahat ng kalakasang mayroon tayo, Nang sa gayon, tayong lahat – lahat ng nakapaligid sa akin at maging ang sarili ko – na malaman ang ating mga sarili na sa katapusan ay nakapamuhay ng maayos at nakagawa ng mahusay, na may kamalayan sa pangkalahatang daloy, na malalim at nanonoot, ang nangingibabaw na makataong pakiramdam, na naipanganak tayo para sa dakilang layunin na ito, at nagawang matupad ito nang MALIGAYA.


Ang Landas sa Kaligayahan
   Ang Kaligayahan ay hindi isang destinasyon na lalakbayin mo, inaari, nakakamit, isinusuot, nagagamit, nauubos o nalulustay. Ang kaligayahan ay isang ispirituwal na karanasan ng buhay sa bawa’t minutong nagmamahal ka, nagmamalasakit , nagpapasalamat, at ipinapahayag mo ang kaluwalhatian ng Dakilang Lumikha.
   Kailangan lamang na magsanay na panatilihin ang Kaligayahan upang makapagdulot ng matiwasay na kapakinabangan sa buhay. 


   Kinagigiliwan ko ang maging masaya kapag nagpasiya akong maging masayahin; at nalalaman ko  na walang hanggan kung gaano ako lalong sumasaya ---at ito’y tunay namang kasiya-siya at Kaligayahan ko sa tuwina.

KAILANGANG AKO ANG KALIGAYAHAN
   NA HINAHANGAD KONG MAKITA SA MUNDO.

Maglakbay sa sarili mong landas kasama
Ang Pananalig ng Kaligayahan

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay aking likas na karapatan,
   at lalong higit na aking responsibilidad;
     at isakatuparan kong marubdob na angkinin ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay nasa kaibuturan ng aking puso;
   at isakatuparan kong tuwiran na pagbuksan ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay narito at nagpapakilala;
   at isakatuparan kong tuluyan na magising ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay isang pagpili;
   at isakatuparan kong matiyaga na piliin ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay isang ugali;
   at isakatuparan kong tahasan na pagyamanin ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay malaya,
   tulad ng makulay na bahaghari, silahis ng araw, at ihip ng hangin;
     at isakatuparan kong masigla na ipagdiwang ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay kinakawayan ako,
   kahit na anupamang abala ang ginagawa ng iba;
     at isakatuparan kong masikhay na likhain ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay isang gawaing pansarili,
   hindi nakaasa sa salapi, katanyagan, mga palakpak, o mga ari-arian;
    at isakatuparan kong huwaran na ipamuhay ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay
   isang saloobin ng pagpapasalamat;
     at isakatuparan ko na laging magiliw magpasalamat.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay isang pagkilos;
   At isakatuparan kong lubos na magawa ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay nakakahawa;
   at isakatuparan kong magiliw na maibahagi ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay isang dalangin,
   na ipinagkakaisa sa galaw ng sansinukob;
     at isakatuparan ko na walang pagmamaliw na ipagkaloob ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan
   ay ang aking ginagampanang tungkulin -------

NA AKO . . .
   ANG KAILANGANG  
      KALIGAYAHAN NA HINAHANGAD
         KONG MAKITA SA MUNDO.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Thursday, March 01, 2012

Mapayapang mga Pagkilos



Kung tayo ay lubos na mapayapa, tayo ay maligaya, napapangiti tayo na kawangis ang bumubukadkad na magandang bulaklak, at lahat sa ating pamilya, at pati sa kabubuang pamayanan, ay mabibiyayaan ng ating Kapayapaan.

KAPAYAPAAN (Peace)  

   Ang Kapayapaan at pagtutulungan ay bahagi ng kalikasan. Ito ang nagpapahiwatig ng mga kaganapan sa ating kapaligiran. Sapagkat kung walang kapanatagan, walang pagtutulungan, at walang mabubuong katotohanan. Bilang mga tao, bahagi na ng buhay natin ang mga karahasan sa lahat ng dako saan man tayo magtungo, at wala tayong magagawa na payapain ang mga kaguluhang ito, ngunit mayroon naman tayong karapatan at kakayahan na maging mapayapa sa ating mga sarili.
   Subalit kung hindi naman natin hahalukayin ito; na matagpuan ang kapayapaan sa ating mga kalooban, wala tayong masusumpungang katahimikan sa lahat ng sandali. Dahil kapag panatag ang ating kalooban, masigla at may kagitingan tayong hinaharap ang anumang pagsubok na dumarating sa atin.
   Masalimoot ang ating daigdig, laging may digmaan, terorismo, kabuktutan, kalagiman at mga kalituhan. Kahit na magagawa nating pasabugin ang pinakamalakas na bombang nukleyar at maghasik ng malawak na kapinsalaan, subalit wala tayong kakayahan na ‘isabog’ ang Kapayapaan maging sa isang maliit na barangay man. Ang mga siyentipiko ay natutuklasan hanggang sa pinakamaliliit na detalye sa ating mga selula (human cells), takbo ng mga panahon at ang pag-ikot ng mundo, subalit hindi natin matuklasan ang landas patungo sa Kapayapaan; natatagpuan ang malalayong mga planeta sa malawak na sansinukob, subalit hindi matagpuan ang Kapayapaan dito sa ating sariling mundo. Bakit ito nangyayari? Dahil wala tayong kamalayan o kabatiran tungkol sa ating mga sarili,  kung sino tayong talaga; kung kaya’t hindi natin nakikilala ang bawa’t isa.
   Karamihan sa mga tao ay nagagalak na magkaroon ng katahimikan sa kanilang buhay. Sumasaya sila kung nalilimutan ang mga sigalot, mga problema, mga bagabag, at natatamasa ang kasiyahan kahit ang mga ito’y ilang sandali lamang na kapanatagan, at makalaya sa malabis na pag-iisip.

  Payapain mo ang iyong kalooban nang makita mo ang katotohanan.
  Ang kapayapaan ay posibleng makamit, kung kilala natin ang ating mga sarili.
  Mapayapa nating magagawa ang mga bagay kaysa paggamit ng karahasan.
  Habang may kapayapaan sa kalooban mo, ang kaluwalhatian ay sumasaiyo.

Papaano kailanman magkakaroon ng kapayapaan… kung tayo, sa ating mga sarili, ay hindi mapayapa?

21  Ipamuhay ang Mabuting Buhay

   May isa akong kwuento tungkol dito: Bago tayo ipanganak, habang nasa sinapupunan pa tayo ng ating Nanay, nagpadala ang Diyos ng isang gurong anghel na tumabi sa atin at itinuro ang lahat na dapat nating matutuhang kawatasan na kailangan nating malaman sa buhay. Isa na rito ang maging mapayapa sa harap ng mga kaligaligan na ating haharapin sa ating paglitaw dito sa mundo. Matapos ang paglalagay sa ating kaisipan ng lahat ng mga ito, bago umalis ay tinuldukan ng kanyang daliri ang itaas ng ating nguso at nagkaroon ito ng maliit na lubak (philtrum) pataas hanggang sa bungad ng ilong. Dangan nga lamang,  lahat ng itinuro sa atin ng anghel na Mabuting Buhay ay ating nalimutan nang tayo ay maipanganak.
   Ano ang sinasagisag ng lubak na ito? Ang kapayapaan ay nasa ilalim lamang ng ating ilong, at binabantayan ang ating nguso sa mga ikikilos nitong mga pagbuka ng bibig para sa mga katagang bibigkasin. Palatandaan ito; na yaong mga makapagpapayapa lamang, at hindi ang mga magpapagalit ang mamumutawi sa ating mga labi.

Unawain lamang ang mga ito, para sa mapayapang relasyon:
   Ang magmahal ng kapwa ay mainam kaysa mayamot at paalisin siya.
   Ang tanggapin ang kapwa ay mabisa kaysa punahin at itama siya.
   Ang pansinin ang kapwa nang walang kahatulan ay mahalaga kaysa mang-uri at hamakin siya.
   Ang maging mapayapa ay mahusay kaysa makipagtalo, gumanti at makapanakit.

   Ang pinakamahalagang bagay ay kabatiran kung anong uri ng buhay na nais mong tahakin sa iyong paglalakbay. Matiwasay o Masalimoot; Kaligayahan o Kapighatian; Pagkabuhay o Pagkamatay. Gawing makatotohanan ang iyong mga lunggati upang mapanatag ang iyong kaisipan. Mayroon ka lamang na maikling panahon upang maisakatuparan ang mga ninanais mo sa buhay. Para sa katahimikang ng iyong kaisipan; magsimula na, at gawin ang lahat ng iyong makakaya at ang kapayapaan mo’y mananatiling sumasaiyo.

Pinagpala ang mga mapagpayapa, dahil matatawag silang mga anak ng Diyos (Mateo 5:9) KJV

Ano ba ang kapayapaan? Ito ang katahimikan at kapanatagan ng pag-iisip; walang anumang ina-alaala mahinahon sa pagkilos, at may kalayaang ipahayag ang niloloob. Kung walang humahadlang na mga kaisipang tulad ng pangamba, pagkatakot, at mga pagkalito; ang Kapayapaan ay sumisibol sa puso mo.
Ang kapayapaan na nasa ating kalooban ay magagawa lamang maihayag kung bubuksan natin ang ating mga puso. At kung nais nating may kapayapaang naghahari sa ating lipunan, simulan natin sa ating mga sarili.
   Bawa’t isa sa atin ay makapagtatanim ng mga binhi ng kabaitan, kabutihan, at pagmamalasakit sa ating kapwa, isang kaisipan sa isang pagkakataon, isang kapasiyahan sa isang pagkakataon, isang pagdamay sa isang pagkakataon, at isang araw na may malaking kaibahan. Unti-unti ang mga kapasiyahang ito ang bumubuo ng maaliwalas na kapaligiran, ng matiwasay na buhay patungo sa kapayapaan. Kung kaya’t sa patuloy na mga kaisipang itinatanim natin araw-araw sa ating mga sarili, nagbubunga ito ng mga pagkilos, at sama-sama nating naihahayag ang liwanag na mapayapa o ang kadiliman ng pagkatakot, pagkakawatak-watak, at walang hintong mga karahasan. At sa antas na kung saan, bawa’t isa sa atin ay nasumpungan ang kapayapaan; ay lumalawak ito tungo sa antas ng bayanihan na siya namang lumilikha ng kapayapaan.
   Ang tunay na kapayapaan lamang ay nasa ating kalooban. Ang kapayapaan ay nagsisimula sa bawa’t isa sa atin. Kung mapayapa ang iyong kalooban, nakakaakit ito ng mapayapang mga relasyon. Nagiging sukatan ito upang magpatuloy ang mga pagtitiwala at pagsasama nang maluwat. Sapagkat anumang lumulukob sa iyong kaisipan; sa iyong mga pagkilos, ito’y nagiging katotohanan. Lahat ng ating nakakadaupang-palad  sa araw-araw; ang ating pamilya, mga kaibigan, mga kakilala, o maging mga katrabaho, ay nararamdaman at nabibiyayaan nito. Ito’y tumatalab at nanonoot sa ating mga damdamin. At kapag ang komunidad o pamayanan ay mapayapa, ang mga lungsod, at ang buong kapuluan ng ating bansa ay pangingibabawan ng kapayapaan, at ito’y nagsisimula lamang kapag natuklasan na natin ang kapayapaan sa ating mga kalooban.

   Minsan may nagtanong sa akin kung bakit hindi ako nakikiisa o sumasama sa mga protesta at demonstrasyon na laban sa digmaan. Ang sagot ko’y kailanman ay hindi ko ito gagawin, ngunit kung may biglaang martsa upang itaguyod ang Kapayapaan, ako ang kauna-unahang makikilahok.


Ang ating tungkulin ay hanapin ang Kapayapaan, kilalanin ito, at panatilihin. Maaaaring hindi ka makagawa ng malaking kaibahan o kontribusyon, ngunit makagagawa ka ng ambag gaano man ito kaliit, at subukang gawin ito. Sa kalaunan, ang maliit mong naitulong ay siya palang pinakamabisa at mahalagang kailangan.
   Kung nag-aalinlangan kang makagawa ng kaibahan, dahil sa palagay mo ay isang butil ka lamang sa buhanginan, tandaan lamang,  na ang mga santo noon ay kumilos nang hindi iniisip na sila’y magiging mga santo; nagpasiya na lamang sila na taos sa pusong maglingkod nang may pagmamahal. Mula sa ating munti at masiglang mga pagkilos na makapaglingkod, ay matatamo natin ang sama-samang pananaw para sa maaliwalas at mapayapang kinabukasan.

   Ang tanong, papaano mapapanatili ang kapanatagan sa ating kamalayan, at higit na mahalaga, papaano mararanasan ang katahimikan sa mga panahon ng kaligaligan.? Maitatanong din, na kung posibleng magawa ito na isang ugali, at kagiliwang nagagawa tuwina sa lahat ng mga pagkakataon. Una, kailangang matututuhan ang likas na kapayapaan ng kalooban sa araw-araw. At kung ito’y karaniwan nang nararanasan, magagawang iwasan at supilin ang mga kasakitan at kalituhang bumabagabag sa sarili, kapag tahasang nagnanais mong makamtan ang katahimikan at kahinahunan.
   Gawing matahimik ang kaisipan, bilang isang likas na ugali, ngunit sa paggawa nito; kailangan ang pambihirang pagsasanay, iwasan at supilin ang umaagaw sa iyo na mga kaisipang walang saysay o patutunguhang makabuluhan, maglimi, at pairalin ang pagpapaunlad sa sarili. Tuklasin kung papaano patatahimikin ang mga maiingay na bumubulong sa iyong kaisipan, at kung papaano maiiwasan ang nakakagambalang mga kaisipan; panlulumo, pagkaawa sa sarili, kawalan ng pag-asa at mga negatibong pag-iisip.

Mga pagkilos upang magkamalay nang mapayapa:
1-Pag-aralan na maging mahinahon at panatag ang isip sa kabila ng patuloy na mga pagkabalisa at kaingayang naririnig mong bumubulong sa iyo.
2-Magpasensiya at iwasang magalit, at matutuhang supilin ang iyong mga emosyon at kamalayan.
3-Matutuhan na malagpasan ang mga bagay na bumabagabag sa iyo.
4-Pagyamanin ang positibong kamalayan sa sarili.
5-Panatilihin ang kapanatagan ng kaisipan at magawang umiwas sa mga sigalot, mahihirap o hindi kanais-nais na mga sitwasyon.
6-Ipagwalang-bahala kung anuman ang iniisip o sinasabi ng ibang tao sa iyo.
7-Paunlarin ang iyong kakayahan na manatiling nakatuon sa mga makabuluhan, at kapangyarihang kontrolin ang iyong mga iniisip.
8-Maglimi sa tuwina para sa kapanatagan at ikalilinaw ng kaisipan.
9-Tamasahin ang kasiyahan at kaluwalhatiang idinudulot ng kapayapaan sa iyong sarili.
10-Alamin ang patnubay at pangaral para sa pagyabong ng ispirito, at magawang gisingin ito patungo sa iyong kaluwalhatian.

Tuklasin ang tunay mong katauhan – ang pinaka-ubod na pagkikilanlan sa iyo. Ito mismo ang iyong tunay at wagas na pagkatao. Narito ang iyong kapayapaan. Hindi ito nakareserba doon lamang sa mga pantas, yogi o mongheng naninirahan sa malalayong kabundukan. Ikaw man ay magagawang maranasan ang kapanatagan sa iyong sarili at tamasahin ito, habang inihahayag mo sa araw-araw ang iyong kapayapaan. Isang paraan na mapagtutuunan ng pansin ay tanungin mo ang iyong sarili: Bakit ba ako nabubuhay, para saan ba ito? Ako ba ay kumakain para mabuhay, o nabubuhay para kumain? Ako ba ay nabubuhay para magtrabaho, o nagtatrabaho para mabuhay? Kapag napaglimi at makahulugang nasagot mo ito, may kapayapaang iiral sa puso mo.

Ang buhay na mapayapa, kagiliw-giliw, at walang mga bagabag, ay siyang pinakamadaling pamumuhay.

Habang may kapanatagan kang nadarama, nag-iibayo ang iyong tagumpay, lumalawak ang iyong inpluwensiya, sumisigla ang iyong hangaring makatulong. Ang pagkakaroon ng mahinahong kaisipan ay isang mahalagang sangkap ng kabatiran. Magagawa mong mabuhay nang mapayapa, kahit na aktibo at abala ka sa iyong mga gawain. Kapag may Kapayapaang naghahari sa iyong kalooban, ginigising nito ang iyong Kaluwalhatian na siyang mamamayani sa iyong sarili.

   Mataimtim kong dalangin at umaasam na ang Kapangyarihan ng Pag-ibig ay papalitan ang Pag-ibig sa Kapangyarihan. At ang ating daigdig ay pagpapalain ng Kapayapaan.

Bigkasin mong malakas mula sa kaibuturan ng iyong puso, Kapayapaan, manatili ka!”


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Monday, February 27, 2012

Nasa Kaluwalhatian ang Lahat ng Pagpapala


Hindi tayo mga nilalang tao na nasa paglalakbay na ispirituwal. Tayo ay mga ispirituwal na nilalang tao na nasa makataong paglalakbay upang makamtan ang KALUWALHATIAN.

O, Dakilang Liwanag, wala akong kabatiran kung saan ako patutungo.
Hindi ko masumpungan ang landas na aking tinatahak.
Hindi ko malaman nang may katiyakan kung saan ito matatapos.
Wala din akong kamalayan sa aking sarili, at mapatunayan na
ang aking kaisipan na sumusunod sa iyong kagustuhan ay nangangahulugang
may katotohanan na nagagawa ko ito.
Bagkus ako’y naniniwala sa pagnanasa kong malugod ka; ay siyang tunay na nagpapasaya sa iyo.
At ako’y umaasa na mayroon akong matayog na pagnanasang ito sa lahat ng aking mga ginagawa.
Umaasa akong kailanma’y hindi ako gagawa ng anumang bagay na lilihis mula sa pagnanasang ito.
At alam ko na kapag ginawa ko ito, papatnubayan mo ako sa tamang daan,
kahit na wala akong kabatiran tungkol dito.
Dahil ang iyong katotohanan ang lumulukob at nagpapakilos sa akin.
Kung kaya’t lagi akong nagtitiwala sa iyo kahit na tila ako’y napapaligaw;
at nasa bingit ng mga kapahamakan.
Hindi ako matatakot, dahil palagi kitang kasama,
at hindi mo ako kailanman iiwanan na harapin ang mga panganib na ito
nang nag-iisa.
O, Dakilang Liwanag; Ikaw at Ako ay iisa.

KALUWALHATIAN (Divinity)   

Humingi at ito’y ipagkakaloob sa iyo; magsaliksik at masusumpungan; kumatok at ikaw ay pagbubuksan. Sapagkat sa bawa’t isa na humiling ay makatatanggap, at ang humahanap ay may matatagpuan, at siya na kumakatok ito’y pagbubuksan. (Mateo 7:7-8) KJV

   “Huwag kang mag-alala, makakaraos din tayo nang maluwalhati.
   “Tayong lahat ay patungo sa ating kaluwalhatian.”
   “Nasa luwalhati ang lahat ng ninanais nating makamtan.”
   “Habang nakikilala ko ang aking sarili; may kaluwalhatian akong nadarama.”


   Hindi ko maiwaglit ang Liwanag sa aking kaisipan. Nananatiling hindi ko maiwasan. Halos sa maraming sandali ay pinakikialaman ng Liwanag na ito kung tama at mali ang aking mga gagawin. At kung iniisip ko ito, ay namamalayan ko, at sa masusing paglilimi ay nababatid ko ang katotohanan. Sa puntong ito, may kaligayahan akong nadarama at siyang nagpapahiwatig ng aking koneksiyong ispirituwal na masumpungan ang kaluwalhatian ng aking buhay.
   Hindi ko mabibigkas na ako’y naniniwala. Nalalaman at natitiyak ko. Sa gulang kong ito, marami na akong naging karanasan na nagpapatunay na may higit na makapangyarihan kaysa akin: ang aking KAISIPAN. At sa pagdaan ng maraming mga sandali, araw, linggo, buwan, at mga taon; napatunayan kong may gumagabay sa Kaisipang ito, at ito ang Makapangyarihan sa lahat.
    Dahil kapag ako ay mahimbing sa pagtulog, walang nag-iisip para sa akin. Mistula akong patay at kahalintulad ng isang troso na nakabalandra sa sulok na hinihigan ko. Sinuman ang marahang lumapit at gawan ako ng ikamamatay ko ay hindi ko mamamalayan. Subalit kung ako’y gising at may patnubay ng kaisipang ito, nakahanda akong ipagtanggol ang aking katawan na pinamamahayan ng aking diwa. Ito ang katotohanan
   Tulad ng telebisyon, maraming istasyon (channel) ito na mapapanood mo. Nasa iyong pagpili lamang kung anong istasyon ang may kabuluhan at nagpapaunlad ng iyong sarili. Pipindutin mo lamang ang numero ng TV channel sa remote control, at matutunghayan mo na ang nais mo. Nasa antena o transmitter ang sanhi na siyang nagpapadala ng pinapanood mo. Gayundin sa ating Kaisipan, may channel or Source na nagpapadala ng iniisip mo. Ang kailangan lamang ay matutuhan nating alamin ang Source na ito na lumulukob sa ating Kaisipan: at ito ang ating Kaluwalhatian. 

Laging Nakabantay ang Dakilang Ispirito 
   Natutuhan ko na kailangan ang tatlong mahahalagang persona sa anumang relasyon, Ikaw, Siya, at ang Dakilang Ispirito. Sa mga kapighatian; kung walang Dakilang Ispirito, ang magkatipan ay magtatagumpay lamang na ipahayag kung anumang kapintasan ang mayroon sa bawa’t isa. At maging ang magsing-irog ay wala nang magagawa pa kundi ang magmahalan; at sa katagalan, ay magsasawa at mababagot sa isa’t-isa. Kung walang namamagitang sentro ng katapatan na siyang Dakilang Ispirito, ang pagsasama ay hahantong lamang sa kapighatian. Laging tatlo ang batayan: Isip, salita, at gawa; Tama, mali, at alanganin; Positibo, negatibo, at neyutral. Simbolo ito ng pyramid at trianggulo ng matibay na pundasyon. Maging sa kalikasan at elektrisidad; ito ang pamantayan.

Huwag kang matakot, dahil ako’y kasama mo, huwag mabalisa, dahil ako ang Diyos mo: aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng aking kanang kamay ng kawastuan. (Isaias 41:10) KJV

Ikaw ang relihiyon mo. Alam mo ba, na ang kaibahan sa pagitan ng mga santo at makasalanan ay ang bawa’t santo ay may nakaraan ngunit ang makasalanan ay may kinabukasan. Sapagkat hangga’t matapat kang humihiling kung ano ang makakabuti, ang Diyos ay magkakaloob ng magagandang pagkakataon para  makamtan mo ang iyong mga hinahangad – maging wala kang relihiyong inaaniban. Mabubuhay ka ng walang relihiyon at paglilimi, ngunit hindi ka maaaring mabuhay ng walang koneksiyon at pagkagiliw mula sa iyong kapwa.
   May pananalig ako sa Dakilang Manlilikha. Kung wala kang paniniwala, hindi mo Siya (Source) masusumpungan. Ang hangin ay hindi mo nakikita, ngunit iyong nadarama. Wala itong kulay katulad ng tubig, ngunit tumitighaw sa iyong pagkauhaw. Dahil sa Source na nagpapadala sa akin, may diwang lumulukob at nagagawa ng aking kaisipan na magkaroon ng mga katagang naisusulat ko sa mga sumandaling ito. Ito ang nagpapakilos sa akin na makapag-ambag ng katotohanan sa aking mga kababayan. Higit kong ninanais na makisalamuha sa mga tao at magdamayan sa isa’t isa kaysa ang maniwala sa kalangitan at lunurin ko ang aking sarili nang mga katatakutan; na kapag ako’y namali ay sa impiyerno ako babagsak; at papahirapan magpakailanman. Nananalig ako sa Kanya, dahil pinagbabawalan niya akong pumatay at mahalin ang aking mga kaaway. Bigyan ng pagkain ang aking kapwa; kapag siya ay nagugutom at painumin kapag nauuhaw.
   Hindi salbahe at mapaghiganti ang Diyos. Ang Diyos ay Pag-ibig. Tayo ay nilalang na kawangis Niya at pinagkalooban ng kakayahang mag-isip ng tama. Walang magulang na pahihintulutang patayin at puksain ang kanyang mga anak, sakalimang magkamali ang mga ito. Ang mga gumagawa lamang nito’y mga nalilihis ng landas at maituturing na mga halimaw. Sapagkat hindi pa nila nasusumpungan ang kaluwalhatian.
   Hindi magagawa ng Diyos na dayain o ipahamak ka. Kung ikaw man ay nagkasala, hindi Niya ito kagagawan, at sa dahilang hindi Niya ito ginawa para sa iyo, wala Siyang kapangyarihan, o karapatan man lamang na ikaw ay pinsalain o parusahan Niya.
   Walang partikular na kautusan ang Diyos na nais Niyang sambahin at purihin ang diyos. O, may katunayan na, kailangan ng Diyos na ang sangkatauhan ay nagpupuri at sinasamba siya. Hindi marupok ang kanyang budhi at mayroong pangangailangan na tiklop tuhod kang nakayuko sa kanya; dahil batbat ka ng mga pagkatakot sa kanyang kapangyarihan, o dili kaya, ang isubsob mo ang mukha mo sa lupa sa mataimtim na pagpapakumbaba sa harapan niya, upang maawa sa iyo at makatanggap ka ng mga pagpapala. Hindi kailanman nananakot ang Diyos; na para ka maging mabuting tao, ay tatakutin ka na ilulublob sa kumukulong asupre para magpakabuti. Yaong lamang mga taong gumagamit ng mga salita ng Diyos; ang siyang nanakot upang ang iyong pitaka ay buksan at payamanin sila.
   Ang kaharian ng Diyos ay nasa iyo. Hindi mo na kailangan pa itong hanapin. Ang landas na patungo sa Diyos ay mula sa kaibuturan ng ating mga puso. Pagbuksan lamang ito at palayain. Hangga’t may nagpapakislot na kaisipan sa iyo, Siya ang may kagagawan nito. Binibigyan ka ng kapangyarihang pumili, at piliin lamang ang tama. Buong kagitingan mong tanungin kung totoo ang Diyos na ito; sapagkat kung mayroon man, pinahihintulutan Niya na magkamalay ka, ang mabatid ang katotohanan, upang lumigaya, maging mapayapa at magkaroon ng KALUWALHATIAN. At hindi ang takutin at parusahan ka kapag magkamali nang walang katapusan na pagpaparusa sa iyong kaluluwa.

Ang mga relihiyosong tao ang kinatatakutan ay ang  impiyerno. Ang mga ispiritwal na tao ay nanggaling na dito at may kaluwalhatiang nadarama sa tuwina.

 Ang Diyos ay mapagpatawad. Talos na Niya kung sino ka bago ka pa ipanganak, lahat ng mangyayari sa iyo, at ang nakatakda mong kapalaran, maging masalimoot o matiwasay man ito. Anumang mga kamaliang nagagawa mo ay mga aralin lamang upang makilala mo ang kawagasan ng iyong sarili. Dahil hindi mo masusumpungan ang kaluwalhatian, kung hindi mo malalagpasan ang mga balakid na inihahalang sa iyong mga daraanan. Hindi ka nilikha ng Diyos para magkamali upang pahirapan at maging libangan Niya sa kumukulong asupre ng impiyerno. Hindi sadista ang Diyos na nagbibigay ng gantimpala, nagpaparusa, at pumapatay ng kanyang mga nilikha. At nasa langit daw, nakaputi at nakaupo sa trono, na may hawak na listahan at binibilang ang lahat ng iyong mga pagkakamali. Hindi ito ang tunay na diyos na kailangang pang sambahin o gawing idolo natin. Lagi lamang tandaan: Ang Diyos ay Pag-ibig.
   Tayo ay hindi sakdal; at kaakibat natin ang mga pagkakamali, kaya nga dahil dito, ay nilikha ang lapis na may pambura. Walang imposibleng bagay sa Diyos, ang lahat ay higit niyang nagagawa at walang sinumang tao ang makakaunawa. Ang mga bagay na hindi maabot at maunawaan ay ipagkaloob natin sa Diyos. Hangga't sinasarili natin ang mga ito, ibayong pagkaligalig at pagkatakot ang ating madarama.
   May bagay na hindi kilala ang nagnanais na makilala. Ikaw ang pinakamahalagang nilalang sa balat ng lupa, sapagkat sa antas ng kalahatan ng iyong pagkatao: Kaisipan, Kamalayan, Kabatiran, at Katotohanan; ikaw ang daigdig mo. Makikilala mo ito, kung papalayain mo ang nakabilanggo sa iyong puso; ang tunay mong katauhan. Hindi na kailangan pa na pagsumikapan ang karapatan na malaman mo ito. Ang iyong susunod na kaisipan, pakiramdam, o pagkilos ay magsisimula na mabuksan at mahayag ang iyong pinakamalalim na kawatasang ispirituwal. Ito'y dalisay na dumadaloy at malaya tulad ng malinaw na tubig na sumisibol sa batis. Hindi makapangyayari sa iyong sarili na panatilihin ang mga sekretong ito na ikubli o supilin magpakailanman, kahit gaano mang pagpupumilit o patuloy na sinasanay tayo ng ating mga kamulatan at kinagisnan na maging iba kaysa sa tunay at wagas nating pagkatao.
   Ang buhay ay lahat ng bagay; Ang buhay ay Diyos. Bawa’t bagay ay patuloy na kumikilos at nagbabago, at ang mga pagkilos na ito ay kalooban ng Diyos. Ang hangal ay makakayang bilangin ang buto ng mansanas. Ngunit ang Diyos lamang ang may kakayahang bilangin ang mga bungang mansanas na magmumula sa isang buto nito. At habang may buhay tayo, mistula itong gulong na patuloy sa pag-ikot; ang KALUWALHATIAN ang siyang mangingibabaw at umiiral na kamalayan ng kabanalan. Ang mahalin at pagyamanin natin ang ating buhay ay wagas na pag-ibig sa Diyos.
   Marami ang nakakaala-ala sa Diyos, kapag nabibingit sa kamatayan at matinding nagdurusa. Subalit kapag nalagpasan ang mga ito’y madaling nakakalimot. Alalahanin, kung sino man tayo ay siya nating regalo na ibinigay ng Diyos. At kung anong uri ng pagkatao mayroon tayo ay siya namang regalo nating ibinibigay sa Diyos. Anumang katangian o talentong mayroon tayo ay pagpapala sa atin, at kung papaano ito magagamit sa kabutihan ay siya naman nating nating kaluwalhatian sa Diyos. 

Magkapatid ang Kabanalan at Kaluwalhatian; at mag-ama naman ang Kamangmangan at Kapighatian.

Ang Diyos ay nasa kasayahan at kalungkutan, nasa katatawanan at iyakan, nasa matamis at nasa mapait, lahat nang iyong maiisip ay naroon Siya. Ito ang banal na layunin sa likod ng lahat ng mga bagay – kung kaya’t ang mga kabanalan sa lahat ng kaganapan ay nasa bawa’t bagay.

Papaano haharapin kung nawawalan na ng pananalig sa tunay na diwa ng katotohanan?
   Sadyang mahirap na pagmasdan ang mga nakapanlulumong kapaligiran ngayon; na puno ng mga karahasan, kalagiman, at kawalan ng katarungan,. At maging ang ating buhay ay nagiging masalimoot sanhi ng mga bagabag na ito. Kung kaya’t nawawalan na tayo ng pananalig na makita ang Liwanag. Subalit may mga kaparaanan na malulunasan ito at manumbalik ang kamalayan tungo sa Katotohanan at magsimulang muling pagkatiwalaan ang ating mga sarili.

1-Magdasal na manumbalik ang pagtitiwala sa sarili.
2-Magpasalamat sa tuwina at tanggapin ang marami pang pagpapala.
3- Maglingkod at dumamay sa kapwa. Humanap ng mga kaparaanang makakatulong sa mga nangangailangan.
4-Tanggapin na bahagi ng buhay ang mga kapighatian. At may kabatiran sa higit na Makapangyarihan na siyang nangingibabaw sa lahat ng kaganapan.
5-Pagyamanin ang personal na kahalagahan at supilin ang budhing mapagpalalo.
6-Pagmasdan ang ating mga sarili na nakaugnay kahit kanino.
7-Panatilihin ang motibo natin ay nababalot ng moralidad, integridad, kapayapaan, at batbat ng makahulugang buhay.


   Bilangin mo ang iyong mga pagpapala. Sa sandaling napatunayan mo ang iyong kahalagahan at kung gaano ang mga ipinagkakaloob para sa iyo ng tadhana; ang mga ngiti ay manunumbalik, ang araw ay muling sisilay, ang musika ay patuloy na tutugtog, at sa wakas ay didilat ang iyong mga mata at magiting na haharapin ang iyong buhay ayon sa itinakdang grasya, kalakasan, katatagan, at pagtitiwala ng Diyos para sa iyo.

Ang Diyos ay walang relihiyon. Ang kaharian at altar Niya ay nasa kaibuturan ng ating mga puso. 


   May kanya-kanyang bersiyon ang bawa’t tao kung ano ang pinaniniwalaan niya; at ito, ayon sa kanyang pang-unawa ang tunay at nakahihigit sa iba. Dahil sa pagkakaibang ito, nagkakaroon ng paligsahan kung sino ang higit na makapangyarihan at makapagliligtas. Ang Diyos ng anumang relihiyon ay isang piraso lamang ng Diyos. Nagkataong may kanya-kanyang daan, ngunit ang lahat ay patungo sa Liwanag. Dahil ito ang katotohanan. Sapagkat ang taong malaya; ang kaisipan ay hindi nakagapos at nakabilanggo ng mga pag-uusig at panunuri sa paniniwala ng iba. Ang buong katauhan niya ay nararapat na nakabatay lamang tungkol sa kanyang sarili. Ang kaluwalhatian nito ang kumakatawan at nagpapasunod sa kanya na masumpungan ang tunay na Diyos. Wala ang taong ito ng anumang imahe o larawan, mga simbolo o mga idolo, inilalarawan, papel na kailangang gampanan, mga panuntunang makarelihiyon, walang pook, panig, o simbahang pinamumugaran sa loob at labas man ng daigdig.
   Sa mga relihiyon na maraming mga diyos-diyusan, mga santo at santa (fixers) na umiiral: Santo Papa, kardinal, obispo, ministro, pare, pastor, madre, banal na hukom, tagapagligtas ng sansinukob, tagapamagitan, tagaakay ng mga naliligaw, at naglipanang mga bulaang propeta. Ang mga ito'y may kanya-kanyang agenda o hangaring ginagampanan. Ang kanilang intensiyon ay makikita sa resulta kung nakakatulong sa pag-unlad ng kanilang mga nasasakupan o tagasunod. At hindi payamanin ang kanilang mga bulsa, may mamahaling mga sasakyan, magagarang mga tirahan, naglalakihang mga negosyo, di-mabilang na mga lupain at mga pag-aari. Lahat ng mga ito'y katulad ng kartero ng sulat. Bago makarating ang iyong dalangin, ay dumadaan sa kanila, sinasala at kinukulayan ng kanilang mga panuntunan. Gayong maaari ka namang dumeretso, kung kanino ka dumadalangin. Ang pag-ugnayin ang ispirito mo sa Dakilang Ispirito, at ikaw lamang ang makakagawa nito para sa iyong kapakanan. Anupa’t patuloy kang nalilito kung sino ang susundin mo, may iba't-ibang hindi mababaling mga kautusan, dogma, at sinaunang mga tradisyon; maliban ang buksan at paalpasin ang katotohanang nasa iyong puso, upang ganap mong makilala ang iyong sarili at mabatid ang katotohanan.
   Sakali mang malulong ka at mahumaling sa kanilang mga panghalina, at natagpuan mo ang sarili sa 'paraiso' o maging sa 'impiyerno,' dito sa ibabaw ng lupa at hindi doon sa pang-akit na kalangitan at kumukulong asupre na ipinapanakot sa iyo, na wala mang katiting na katotohanan; hindi ito kagustuhan ng Diyos, ikaw ang may kagagawan nito. Anumang kalagayan ang kinasadlakan mo ngayon, resulta ito ng mga kapasiyahan at kinahumalingan mo.


  Simpleng-simple lamang ang relihiyon ko. Ang aking relihiyon ay ang magmalasakit. Wala itong mga magagara at naglalakihang mga templo. Hindi nito kailangan ang kumplikadong mga pilosopiya. Kundi ang aking kaisipan lamang, ang aking sariling puso ang aking simbahan. Ang pilosopiya ko ay ang pagmamalasakit sa aking kapwa.
   Ang relihiyon ay hindi tungkol sa 'pagsamba,' maiingay, tumutuligsa, may mga karahasan at pagpatay pa, mga sektang lumalason ng kaisipan ng mga tagasunod at nagpapayaman sa mga namumuno nito. Inaalisan ng sagradong karapatan na bomoto ang mga kasapi; at iboto lamang ang nais nilang mga opisyal ng pamahalaan na kailangang pikit-matang sumusunod sa kanilang mga kapritso at pag-iimbot sa kaban ng bayan. Gayong kabawal-bawalan ang pamumulitika sa kanila, sapagkat hindi sila pinagbabayad ng buwis ayon sa separasyon ng estado at simbahan. Ginagamit ang kanilang sekta upang agawin ang mga serbisyong pampubliko na nararapat makatulong sa nakararami nating mga kababayan na nagdarahop sa kahirapan. Ayos sana, kung umuunlad din ang kanilang mga kasapi, subalit naghihikahos din ang karamihan sa kanila. Hindi ito makadiyos, o walang diyos, ito ang mga huwad na relihiyon na nagpapaligsahan kung sino ang tunay sa mga dinidiyos nila.
   Ang tunay na relihiyon ay tanging ito: batay sa kung anong mga pagkilos na ginagawa natin sa araw-araw sa ating buhay. Kung mahilig kang magsugal, ito ang relihiyon mo. Kung bawa’t makita mong ipis sa lapag ay tinatapakan mo, ito ang relihiyon mo. Kung mandaraya ka sa negosyo, ito ang relihiyon mo. Kung pawang reklamo at mga karaingan ang bukambibig mo, ito ang relihiyon mo. Kung mahilig ka sa tsismis at mga panooring walang saysay sa telebisyon, ito ang relihiyon mo. Kung magnanakaw ka at may pag-iimbot sa hindi mo pag-aari, ito ang relihiyon mo. Kung bulag at robot kang tagasunod sa kagustuhan at kapritso ng iba, ito ang relihiyon mo. Anupa’t kung anuman ang iyong patuloy na kinahuhumalingan; ay relihiyosong ginagawa mo nang walang katapusan. Lahat ng iyong iniuukol na pagtuon upang ito’y magawa, ay ang iyong tunay na relihiyon.
   Kung walang nangyayaring pagbabago sa kalagayan mo, aba'y gumising ka naman! Panahon naman na tangkilikin mo at paunlarin ang iyong sarili. Tuklasin mo kung sino kang talaga.

   Ang pinakamagandang bagay na ating mararanasan ay ang misteryoso. Sapagkat yaong mga bagay lamang na hindi natin nakikita ang higit na mahalaga. Tulad ng Pag-ibig, Pag-asa, Pananalig, Kaligayahan, Kapayapaan, at Kaluwalhatian. Mga bagay na hindi nakikita at nahahawakan, na kaya mo lamang makukuha ay kung iyong ibibigay. Ito ang pinanggagalingan ng lahat ng tunay na edukasyon, sining, at agham. Siya na kung saan ay walang kabatiran sa kanyang emosyon, ay hindi magagawang tumigil upang magtaka at pangingibabawan ng pagkamangha, ay maituturing na isang patay – ang kanyang mga mata ay nakapikit. Tandasang walang malay at ayaw magising: tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Ang pangmalas niya sa misteryo ng buhay, ay mga pangamba at pawang mga pagkatakot, kung kaya’t ang napagbabalingan niya ay ang mga komersiyanteng relihiyon, nanunuhol ng mga donasyon upang may pampalakas ng loob at makalayo sa mga kapahamakang patuloy na ipinapanakot ng kanyang relihiyon. At ito daw ang makapagliligtas sa kanya.
   Ating alamin kung ano ang hindi makapagpapahamak sa atin; na siyang tunay na nakapangyayari, at nangingibabaw sa ating buhay. Ipinapakita nito bilang pinakamatayog na kawatasan at nagnining-ning na kagandahan, na kung saan ang ating mapurol na mga kaisipan ay namamalayan lamang ang relihiyong kinaaaniban sa kanilang luma at pinaka-sinaunang anyo na lumipas at wala na ngayon sa makabagong panahon. Ang kabatirang ito, ang pakiramdam na ito, ay siyang sentro ng tunay na pagka-relihiyoso, na kung saan ay masusumpungan lamang kung kilala nating wagas ang ating mga sarili.
   Hindi tayo sumasamba kahit kanino o sa anumang bagay, tayo ay simpleng nakikipag-komunyon at katuwang sa paglikha. Tatlo ang hagdanan ng buhay: Umaga, Hapon, at Gabi. Sa iyong pagbaba ng hagdan, mula sa maliwanag, pumapanaog ka patungo sa karimlan. Unti-unting pumipikit ang iyong mga mata, upang hindi na itong maidilat pa. Ngunit kung nabuksan mo ang kaibuturan ng iyong puso at pinahintulutan itong makalaya at matagpuan ang Kaluwalhatian, mabilis kang makakabalik muli sa Liwanag.
   Kung hindi tayo handa para dito, at narating natin ang Hapon ng buhay; at ang masaklap sa hakbang na ito ay ang maling pag-aakala na ang ating mga katotohanan at mga ideyologo ay makapagliligtas daw. Subalit hindi tayo mabubuhay nang naayon sa programa ng Umaga ng buhay. Sapagkat kung ano ang matiwasay sa Umaga ay magiging masalimoot sa Gabi; at kung ano ang nasa Umaga na totoo, sa Gabi ay nagiging kasinungalingan. Huwag nating payagan sa simula na makapanaig ang dominante na maling kaisipan. Ang maling budhi (ego) na ito ang nagpapalito upang hindi natin matagpuan ang tamang direksiyon. Lahat ng mga katotohanan at ideyologo sa Umaga na ating natututuhan sa maraming taon na itinatatag ng maling paniniwala, makasariling relihiyon, at hindi makatarungang lipunan ay walang katuturang landas sa Hapon at Gabi ng buhay. Kapag nagsimula tayong makaramdam ng siphayo at naghahanap ng makahulugang buhay sa ating pagkakalitaw sa mundong ito, patungo na tayo sa ating Kaluwalhatian.
   Tuparin ang ating Kaluwalhatian. Ang kabanatang ito pabalik sa ating pinagmulan, ay pagtupad ng pangako sa atin ng Diyos, "Humingi at ito’y ipagkakaloob sa iyo; magsaliksik at masusumpungan; kumatok at ikaw ay pagbubuksan" Hangga't may buhay tayo, tinatalunton natin ang landas na matupad ang Kaluwalhatiang ito - ang tunay na kahulugan ng ating buhay. Ito ang dakila nating layunin sa pagkakalalang sa atin.

   Ang muling pagkabuhay natin: Dalawa ang uri ng tao: yaong bumibigkas ng “Harinawa,” at yaong kung saan ang Diyos ay nagwika, “Kung gayon, gawin mo ayon sa iyong nais.” Ang Ispirituwal na landas ay winawasak ang ating katawan at matapos ito ay muling binubuo at pinalulusog. Sadyang dinudurog ang bahay upang ilitaw ang nakabaong kayamanan sa silong nito; at sa pamamagitan ng kayamanang ito, itinatayong muli ang kabahayan nang higit na matatag at matibay pa kaysa dati; ito ang iyong Kaluwalhatian.
   Magsimulang magtiwala sa Liwanag na lumikha sa iyo. Ang budhi (Ego = Edging God Out) ay patuloy na pinagbabawalan at sinusupil na maniwala tayo sa ating Kaluwalhatian (divinity), pinagpipilitan na tayo ay hiwalay sa Diyos. Ang ating Sanhi (Source) ng pagkatao, ay nagsasabi naman na hindi maaaring paghiwalayin, dahil bahagi at nakapaloob sa atin ang kaharian ng Diyos. Kung naniniwala tayo sa pangaral ni Hesukristo, "Ako at ang aking Ama ay iisa." (Juan 10:30) KJV, kung gayon walang saysay at hindi natin kailangan ang budhing ito. Kapag nagawa nating kasanib ng ating kaisipan ang Sanhi, magsisimula tayong isaayos at itama ang ating mga kaisipan, kamalayan, kabatiran, at katotohanan. Pakalilimiin nating lahat ang mga bagay na tulad ng Diyos; kung magagawa mong magbulay-bulay ng mga kaisipan na katumbas ng pinanggagalingang Ispirito, mayroon kang kapangyarihang kahalintulad din ng pinanggagalingang Ispirito. Ang kailangan ay pagtitiwala na nasa atin ito at naghihintay lamang na palayain.
 
    Bihira kong banggitin sa mga pagtitipon o talakayan ang aking relihiyon, o maging ungkatin at himayin ang paniniwala ng iba. Hindi ko kailanman na sinubukan na piliting baguhin ang paniniwala ng isang tao, o hinangad na palitan ang mga kredo o alituntunin ng kanyang relihiyon; ang mag-ulat lamang ng pagpipilian. Nasa iyong kapasiyahan ang piliin ang tama, ayon sa iyong tamang pang-unawa at kabatiran. Ako’y nasisiyahan kung ang iyong relihiyon ay nagbubunga ng buhay na huwaran sa moralidad at mga kawastuan. Lalong higit kung nakakatulong ito sa iyong pag-unlad kasama ng iyong pamilya at mga mahal sa buhay. Sapagkat nasa ating pamumuhay at hindi sa ating mga pangungusap, at pinaniniwalaan, kailangang hatulan ang ating relihiyon. Makikita sa kalagayan ng iyong buhay kung tama ang relihiyong nagpapasunod sa iyo.
   Hindi ba ibayong kataka-taka; naturingan na tanging Kristiyanong bansa ang Pilipinas sa Asya, ngunit pagmasdan ang kalagayan ng mga mamamayan nito. Ito ay nakapanlulumo at mapapaluha ka lamang kung babanggitin pa natin dito. Dahil dito nakikilala kung anong uri ng diyos-diyusan ang umiiral at patuloy na lumulukob sa bansa natin. Ang tangi lamang na umuunlad at patuloy ang pagyaman ay ang mga pinuno at sekta ng mga relihiyong naghahari sa Pilipinas. Hangga't walang kabatiran sa katotohanan, at pawang pagsasamantala ng mga namumuno sa bulag na mga tagasunod, walang masusumpungang Kaluwalhatian. Walang manloloko, kung walang nagpapaloko.

    Hangga't bulag kang tagasunod sa kagustuhan ng iba, mananatili kang paralisado, laging naghihintay ng kandili at awa ng iba. Mistula kang tuyot na patpat na inaanod ng rumaragasang tubig, at walang kabatiran kung saang direksiyon ka papunta. Kung hindi ka kikilos para sa iyong sarili, ay kikilosin ka ng iba - para sa kanilang makasariling kapakinabangan.
   Ang kaluwalhatian ay ang manalig sa Diyos sa lahat ng bagay, ayon sa iyo, at hindi sa dikta ng iba. Ang Makapangyarihang Diyos ay nasa lahat ng dako. Bahagi ka nito. Ang Diyos ay nasa iyo. Wala sa taong umaakay sa iyo sa kadiliman. Anumang namamalayan mong wala sa iyo, ay naroon Siya. Ikaw ay konektado ng Ispirito sa lahat ng bagay na sa palagay mo'y nawawala sa iyo. Makipag-ugnay sa Ispirito at mabatid ang tila mga nawawalang ito... at ang mga ito'y magsisimulang magpakita sa iyo. Ito ang kislap na gumigising sa iyong kaisipan, ang substansiya, ang pagtuturo, ang esensiya, ang dakilang maestro, ang layunin, at ang regalo na kung saan ang bawa’t kaluluwa natin ay siyang mataos na pinakahahangad: ang ating Kaluwalhatian.

   Kung matapat na hinahanap mo ang sariling Kaluwalhatian, ang Liwanag ay magnining-ning at ang Dakilang Ispirito ay lulukob at siyang maghahari sa buo mong katauhan.

Pagkalooban Mo po ako, o Panginoon kong Diyos, ng kaisipang makilala kita;
na may pusong walang pagkasawang naghahanap sa Iyo,
na kalakip ang mga kabatirang nagpapatibay ng iyong mga katotohanan;
ng kawatasang masumpungan kita, ng mga kamalayang nakalulugod sa Iyo,
 na buong tiyagang nananalig at naghihintay para sa iyo;
at may pag-sang sa katapusan ay mayakap kita at maging akin Ka sa habang-buhay.
Amen.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Pahimakas: Kung sakali mang may nasagasaan ako at nasaling ang kanyang marupok na pang-unawa; sadyang ito'y tuwirang patama sa kanya. Sapagkat yaong may mga kasalanan at nagtatago sa kadiliman lamang, ang nasasaktan. Sapagkat nasisilaw sila sa Liwanag. Kung ikaw naman ay nagnanasang masumpungan ang iyong Liwanag, at ito'y nais mong itanglaw doon sa mga kumakapa pa sa karimlan, mangyari lamang na magbasa ka pa at padaluyin ang tunay na Ispirito ng Pag-ibig sa puso mo. At doon naman sa mga sumusulat sa akin na hindi nila maintindihan at masundan ang nilalayon na mensahe ng bawa't pahinang narito; Kailangan pang magbasa at masusing pang-unawa, o maaari namang ito po'y hindi para sa inyo. Mangyari lamang na sa isang pindot (click), ay lumipat kayo at maglibang doon sa kinagigigliwan ninyo, dahil ito ang inyong relihiyon.

Salamat po.