Tuesday, February 14, 2012

Lumikha ng mga Dakilang Relasyon



  Malaki na ang ipinagbago ng ating daigdig, dati-rati’y maraming araw at buwan ang bibilangin bago ka makarating sa iyong malayong patutunguhan. Ngayon, ilang oras lamang nasa ibang bansa ka na. At maging sa larangan ng komunikasyon, ilang sandali lamang, nababasa na ang iyong isinulat. Pati na ang ating mga sarili ay nakikita na habang nag-uusap. 

   Isang napakagandang kagamitan ang daigdig ng internet, lahat ay nagagawa ng digital na pamamaraan nito. Pinalalakas ang ating kabuhayan at itinataas ang antas ng ating mga buhay. Sa ekonomika, pangangalakal, industriya, agham, edukasyon, at lahat ng mga prosesong gumagamit ng anumang digital ay kaunlaran ang tinutungo.

   Tulad ng Facebook at Twitter, dalawa sa maraming mga komunidad sa internet na nag-uugnay sa atin – nagagawa nitong maibahagi ang inpormasyon sa mabilis at makabagong mga proseso. Dangan nga lamang, sa pagbubukas ng maraming larangan at mga pagkakataon sa teknolohiya, mayroon tayong higit na mahalagang nakakaligtaan. Nawala na ang nakagisnan nating magiliw na pakikipag-relasyon. Mga bagay na personal na umuusbong mula sa ating damdamin at nanonoot sa ating kamalayan. Hindi na tayo tulad ng dati na personal at ‘makatao’ ang ugnayan. Palibhasa’y ‘monitor’ ang kaharap natin at walang damdamin, mistula itong 'kasangkapan' na lamang kung ituring. Gayong ang tumatanggap ng mensaheng iyong ipinadala ay hindi ang ‘computer,’ bagkus ay isang tao na may damdamin na marunong magpahalaga, masaktan, maging masaya, lumungkot at magdamdam. 

   Sa moderno at mabilis na mga teknolohiya, mabilis na rin tayong magpasiya. Lahat ay nakabatay sa ‘quick fix’ o sa isang iglap, ay kailangang makuha na ang anumang nais natin. Pawang madalian ang lahat. Dati, masaganang tapsilog ang agahan, ngayon kape't pandesal na lamang. Sa tanghalian, ayos na ang isang sandwich at softdrink. Sa hapunan, lalong nagmamadaling makauwi, tama na ang isang tuhog ng 'adidas barbecue' at kinulayang isang basong pampalamig. Kaya doon sa mga nnagtatrabaho sa call center, naging zombie na sila. Hindi kataka-takang uminit agad ang ulo nila  at mayamot kapag naharap sa mabagal na pagkilos ng iba. Maging sa mga pag-uusap, kailangang deretso, walang paligoy-ligoy at maikli. Kaya nagiging maikli na rin ang ating pasensiya at hindi na makapagtimpi maging sa mga karaniwang bagay. 

   Marami sa atin ang sumusulat ng maraming bagay sa internet na hindi man lamang napagkuro at inalintana ang magiging resulta o kakahinatnan nito. Gayong marami din sa kanila ang hindi magagawang bigkasin ito, kung personal nang nakaharap ang taong pinagsasabihan. Nagkalat ang mga pumupuna, pumipintas, mapanuri at naninira, at walang magawa sa larangang ito. Marami ang may masamang layunin, nakalalasong negatibo, at mapangwasak ng karangalan na ginagawa ng mga kritikong ito. Mayroon silang mentalidad ng talangka (crab mentality) na tila buni, na kapag kumati, ay nagkakandaluha sa sarap na kamutin ito sa tuwina. 

   Higit na nakakaaliw sa kanila ang mga tsismisan, kontrobersiya, mga alitan, palitan ng asawa, patayan, kasakiman at mga kabuktutan – maliban sa kapayapaan, makabuluhan, at makataong ugnayan.

   Sa mga pahayagan, sa radio, at sa telebisyon; higit na pinag-uukulan at itinutuon ang pansin doon sa mga negatibo, nakasisira, pumipintas, umaaglahi, at mga kasalaulaan. Pilit na inilulugmok ang bayan sa mabahong pusali. Kasiyahan na nila ang manatiling nakababad at nagtatampisaw sa pusalian ang ating lipunan.

   Subalit patuloy pa rin tayong nananalig. Mayroon pa ring mga tunay na Pilipinong higit na mapagmahal at nagmamalasakit sa ating lipunan, sa kabila ng lahat. Marami pa rin sa atin ang walang sawang inilalarawan ang ating bansa na masaya, umuunlad, at pinamamahayan ng mabubuting mamamayan, anuman ang mangyari. Marami pa ring mga komunidad ang nagtutulungan, dumaramay, at nakikiisa sa malawakang pagbabago para sa ating bansa. Nakita natin ang maramihang pagdamay noon sa ating nasalantang mga kababayan, dahil sa mapinsalang mga bagyong Ondoy at Sendong. Kapuri-puri ang kanilang mga ipinakta at nagawa.

   Marami pa rin ang mahinahon, maginoo, mahinhin, at magiliw sa atin. Mga damdaming makatao na nagpapalubag ng kalooban upang maging matiwasay at mapayapa ang ating buhay. Subalit dinadaig sila ng makabago at mabilis na pagsulong ng teknolohiya. Karamihan ay nagiging ‘robot’ na de-makina at de-baterya, na kailangang pindutin upang pakilosin at tuluyang magising.

   Kailangan nating magkaroon ng tinig sa katotohanang unti-unti nang naglalaho ang damadaming makatao nating ito. Kailangan natin ng mga gabay at panuntunan. Mga pangkaraniwan at simpleng katotohanan. Mga pangunahin at mahalaga sa lahat. Mga paraang magagamit natin sa pakikipag-relasyon sa bawa’t isa.


Sa buwang ito ng Pebrero, na may 29 na araw;
ito ang Buwan ng Pag-ibig

Ipinagbubunyi natin ang dakilang araw ng mga puso. Ito ang diwa ng dakilang relasyon na bumubusog at nagpapayabong sa ating pakikipag-kapwa; ang matalik at punong-puno ng buhay at kaligayahan. 

Pagtuunan ninyo ito ng ibayong atensiyon sa tahanan, sa trabaho, sa mga taong nakakasalubong sa daan, nakakasama sa paglalakbay, at saan mang pook kayo mapunta. 



Natiyak ko, na minsan lamang akong daraan sa buhay na ito. Kaya nga, anumang kabutihang aking magagawa, maipapakita, maipadarama, o anumang bagay na aking maitutulong sa aking kapwa, hayaang gawin ko na ito ngayon, at huwag itong iwasan o pabayaan man lamang, sapagkat hindi ko na muli pang tatahakin ang landas na ito.

Narito ang pitong paraan na lubos na mag-uugnay sa tamang relasyon.

1Kaibiganin Mo ang Iyong Sarili
      Hangga’t hindi mo natututuhang mahalin ang iyong sarili, hindi mo magagawang  magmahal ng iba. Ang bagay na wala sa iyo ay hindi mo maaaring ibigay sa iba. Nais mong magkaroon ng mabubuti at matalik na mga kaibigan? Maging palakaibigan ka. Magagawa mo lamang ito, kung tunay na kaibigan ka ng iyong sarili.  Bakit?  . . . dahil kung wala kang respeto sa iyong sarili, walang magre-respeto sa iyo.

2Maging Tunay Ka
       Ang tawag dito’y wagas at taal ang iyong pagkatao (authentic). Ito ang iyong personalidad na nadarama at nasisilayan ng iba. Ito ang makapangyarihang panghalina upang ang lahat ng iyong mga nakakadaupang-palad ay komportable, hindi asiwa, nabubugnot, at naiinis sa iyo. Magaling sa unang harapan, ngunit sa katagalan ay kinayayamutan. Iwasan ang ningas-kugon na pag-uugali. Patunayan at pahalagahan ang iyong mga pangako. Alalahanin na sa bawa’t pagkilos, ang iyong pagkato ay nakasalang at hinahatulan.

3Maging Matapat at Mapagkakatiwalaan
       Ipakita ang katapatan kaninuman nang walang hinihintay na pabuya o kapalit man. Laging isaisip na sa 99 na mabubuting gawa ay mawawasak ng isa mali lamang. Gawing kalasag ang iyong integridad sa bawa’t pagkakataon, maging karaniwan, nakatutukso, at lalo na, sa matinding kagipitan at pangangailangan. Ang iyong buong buhay, karangalan, at pagmamahal ng iyong pamilya at angkan, ay hindi makakayang tumbasan ng isang kamalian lamang.

4 Bigkasin at Isulat Lamang ang Mabubuting mga Kataga
       May bumubuhay, nakakagiliw, at nagpapalakas na mga kataga, gayundin ang mga nakakamatay, pumipinsala, at nagpapahinang mga kataga. Piliin lamang yaong mga tama, gumigising, nagpapaunlad, nakakabuti, at nakapagpapaligaya. Nasa ating kapasiyahan kung anong intensiyon ang paiiralin natin sa ating puso. Yaon bang Matiwasay o Masalimoot? Yaong bang Kaligayahan o Kapighatian? Yaon bang may Buhay o may Kamatayan? Alinman ang piliin mo dito ay siya ring magiging kapalaran mo.

5Tumitig sa mga Mata ng Kausap
       Sa harap ng computer, kung walang video, hindi mo nakikita ang iyong kinakausap o sinusulatan. Ang magagawa mo lamang ay iparamdam ito sa kanya na parang tunay na kaharap mo siya. Huwag akalain na ang kahong kaharap mo’y bagay lamang at walang damdamin. Sapagkat sa isang pagpindot lamang, ang iyong buhay, karangalan, trabaho, pamilya, at lahat ng tungkol sa iyong pagkatao ay lumipad na; at hindi na magagawa pang maibalik. May pakpak ang balita, at ang nahayag ay hindi na muling maihahayag na katulad ng nauna. Ang mata ang salamin ng lahat ng kaganapan.

6Magpasalamat ng may Ngiti sa Labi
       Sa lahat ng pagkakataon o anumang sitwasyon ay kailangan ang pasasalamat.  Bigkasin ang dalawa na pinakamahalagang mga kataga,  “Maraming salamat.” Malaki ang nagagawa nito sa relasyon. Ito ang susi ng tagumpay sa anumang larangan na iyong ginagalawan. Kapansin-pansin na yaong mga taong nakalugmok sa kahirapan at patuloy ang mga kabiguan sa buhay; ay laging panis, kinakapos, at maramot na mabigkas ito. Kaya nga ang kapalaran, ay laging maramot din sa kanila.

7Tahakin ang Tamang Landas
       Kung tama ang ginagawa mo, tama din ang magiging resulta nito. Kung mali ang ginagawa mo. Mali din ang magiging resulta nito. Kung tama ang iyong pakikipag-relasyon, tama din ang kahahantungan nito. Hindi maaaring magbunga ng mangga, ang bayabas. Kung ano ang iyong itinanim, ay siya mo ring aanihin. Ito ay nasusulat at nakatakdang mangyari.

Papaano ito makakamit?  
Magkaroon ka ng pananalig sa Makapangyarihan sa Lahat. 

Ano ba iyon? 
Ito ang laging bumubulong sa iyo, ng tama at mali.

 Papaano ba malalaman ang tama at mali? 
Simpleng-simple lamang ang kasagutan dito; Magkaroon ng patnubay na higit na makapangyarihan kaysa iyong sarili. Sapagkat kailanman, hindi mo magagawa ang lahat. Sa dahilang hindi perpekto ang pagkakalikha sa iyo. At anumang sandali, at dito'y walang nakakaalam . . . kung ano ang iyong magiging kapalaran.

Bah . . . Anong madarama ko kung tama at mali ang nagawa ko?
Naisin mo man o hindi, mararamdaman na tama ang nagawa mo, kung maligaya ka at may kalakasang naghahari sa iyong kalooban.
At kung mali naman, malungkot ka, nahihirapan ang iyong kalooban, at hindi mapakali ang iyong nararamdaman, na tila may umuusig sa budhi mo. 
Aba, ... papaanong nangyari 'yon?
Kapag nakagawa ka ng kamalian, namintas, nagmura, at nakapanakit; Matapos gawin ang mga ito, may kapaguran kang madarama. Mahapdi ito na nagpapadilim ng iyong isipan at nais pang ulit-ulitin para makaganti. May masamang Ispirito na umaaliw sa iyo.
Kapag nakagawa ka naman ng kabutihan, may natulungan, at nadamayan; Matapos ito ay may kaginhawahan kang nalalasap sa kaibuturan ng iyong puso. Luwalhati ito na may magandang Ispirito na sumasanib sa iyo.

Ha…ispirito? . . . Ano 'yon, paki-paliwanag nga?  
  Madali lamang, marami itong pangalan; Konsensiya, Kaluluwa, Enerhiya, Elektrisidad, Ispirito, Dakilang Lumikha, Panginoon, atbp.

Ow . . . siyanga? ... paano ba ‘yon? 
 Hindi mo pa rin ma-get? . . . Hindi ba ang tama, sa Inggles ay Right? At ang mabuti, sa Inggles ay Good. 
Ang tamang solusyon lamang dito; ... ay bawasan mo ng isang letrang o ang Good at ang tamang kasagutan ay na-get mo na.

Hanggang sa muli, at napahaba na naman ang ating talakayan.


Maraming Salamat Po!
 
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Monday, February 13, 2012

Si Pag-ibig at si Panahon


Maipipikit mo ang iyong mga mata sa mga bagay na iyong nakikita, subalit hindi mo magagawang ipinid ang iyong puso sa mga bagay na nais mong madama.

   Noong unang panahon, mayroon isang pulo na kung saan lahat ng mga damdamin ay naninirahan: Sila ay sina Masayahin, Malungkutin, Mayaman, Palalo, at maraming iba pa, kasama din si Pag-ibig. Isang araw, isang pantas ang dumating at nagbabala na ang pulo ay daraanan ng dambuhalang mga alon at ito’y lulubog. 

  Mabilis na gumawa ng mga bangka ang lahat at nag-alisan, maliban kay Pag-ibig.

   Si Pag-ibig lamang ang tanging naiwan, sapagkat sadyang minamahal niya ang pulo. Nais nitong makatiyak hanggang sa huling sandali kung magaganap ang paglubog at doon lamang siya kikilos. At ang sakuna ay nangyari, malalakas na daluyong ng rumaragasang mga alon ang tumama sa pulo at unti-unti na itong lumubog. Nagpasiya si Pag-ibig na humingi ng tulong sa mga bangkang inaanod ng mga alon.

   Isang malaki at magarang bangka ang naparaan na sakay si Mayaman. Mabilis na humingi ng saklolo si Pag-ibig at nakiusap, “Mayaman, maaari bang makasakay sa iyong Bangka? Tulungan mo naman ako.”

   Ang sagot ni Mayaman, Hindi maaari! Marami akong isinakay ng mga ginto at pilak, pati na ang mamahalin kong mga ari-arian. Wala ng paglalagyan dito para sa iyo!”

   Nanlulumo na napayuko si Pag-ibig, nang maulinigan niya ang tawa ni Palalo, nakita niyang mayabang itong nakasakay sa magandang bangka. Palalo, tulungan mo ako! Nais kong sumakay sa bangka mo,” ang pakiusap ni Pag-ibig.

Hindi kita matutulungan, Pag-ibig. Basang-basa ka na at makakasira ka lamang sa aking mga magagandang kasangkapan na narito. Isa pa, puno na ang bangka at wala ka nang masi-siksikan dito,” ang paiwas na paliwanag ni Palalo. 

   Napaluha si Pag-ibig sa narinig, nang mapansin niya si Malungkot sa parating na bangka. “Malungkot, maaari bang makisakay sa bangka mo? Maari ba, ha?ang pagsusumamo ni Pag-ibig.

Ay naku, hindi maaari, nais kong mapag-isa. Hindi ako makakatagal na may kasama sa aking bangka. Mababagot ako.” Ang mariing pag-iwas ni Malungkot.

   Umiiyak na si Pag-ibig nang maparaan ang bangka ni Masaya. Subalit sa matinding kasayahan nito, hindi man lamang niya naulinigan ang paghingi ng tulong at mga pagsusumamo ni Pag-ibig. 

   Marami pa ang inaanod na mga bangka ang napagawi sa palubog ng pulo. Subalit katulad ng mga naunang sakay, pawang pagtutol at mga kadahilanan din ang kanyang mga natanggap. Tuluyan nang napahagulgol sa pagtangis si Pag-ibig sa sinapit niyang kapalaran, nang biglang may narinig siyang tinig,Halika, Pag-ibig, sumakay ka sa bangka ko, at ililigtas kita!

   Isang matandang lalaki ito na mabilis na sumasagwan upang malabanan at makaiwas sa paghampas ng malalaking mga alon sa kanyang bangka. Sa tinamong pagpapala at matinding katuwaan, nakalimutan ni Pag-ibig na tanungin ang matanda kung saan sila patungo.


   Huminto na ang mga daluyong nang makarating sila sa isang pulo. Pagsadsad sa pampang, mabilis na lumisan ang matanda. Napamaang at naghinayang si Pag-ibig, nang hindi man lamang siya nakapagpasalamat sa kabutihan ng matanda. 

Maya-maya, isang matandang lalaki ang dumating, si Maalam, at inaanyayahan siya sa bahay nito upang makapagpahinga at may makain.

“May itatanong lamang po ako sa inyo,” ang samo ni Pag-ibig, “Sino po ang matandang lalaki na tumulong at naghatid sa akin dito?

 “Ah, ‘yon bang nagsakay sa iyo? Siya si Panahon,” ang tugon ni Maalam.

Si Panahon? Nagtatakang hindi kaagad makuro ni Pag-ibig. 

Bakit ako tinulungan ni Panahon? Bakit siya pa?


 Napangiti si Maalam, at makahulugan itong nagpahayag;

“Sapagkat si Panahon lamang ang may kakayahang makaunawa kung gaano ang kahalagahan ng wagas na Pag-ibig.






Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Sunday, February 12, 2012

Iniibig Kita



  Ang pag-ibig ay isang pinakadakilang handog na maaasahan nating ipadama at matanggap. Ang pag-ibig ay isang damdamin na may kapangyarihang malampasan ang anumang pagsubok at  kapighatian na ating nararanasan sa buhay. Ito lamang ang nakapagbibigay ng ibayong kasiglahan upang magpatuloy at umasang ang lahat ay tahasang magaganap.

Makapangyarihan ito – sa isang iglap, ang simangot ay nagagawang mapangiti. Ito ay tumutulong na lunasan ang nasiphayong puso. Nagagawa nito na maging kulay rosas ang kapaligiran at batbat ng kaligayahan ang bawa’t sandali. Napapalitan nito ang mga kapangitan saan mang sulok ng daigdig ng pinakamagandang larawan na kaibig-ibig at nakalulugod na yakapin. Ito ang pag-ibig -

 Ang mabisang mga kataga ng pag-ibig ay, “Iniibig kita, maging sinuman ikaw.”

   Ang pag-ibig ay mayroong pagnanais na maibigay sa iba kung anuman ang nasa atin at ang kasiyahan dulot nito sa kanya ay madama din natin.

   Kapag ang pag-ibig ang nasasangkot, wala kang kinaliligtaan o pinanghihinayangan. Ito lamang ang siyang tanging nangingibabaw sa iyo.

KUNG NASAAN ANG PAG-IBIG, NAROON ANG MUSIKA.

   Mahirap makamit ang pag-ibig, at higit na mahapdi ang iwasan ito.

   Hindi kailanman natin masasaid ang pag-ibig; anumang gawin para dito, naroon pa rin ito sa iyong puso at nagpupumilit na pagbuksan upang makalaya.

   Ang wagas na pag-ibig ay tulad ng multo, marami ang bumabanggit nito ngunit iilan lamang ang nakakakita.

   Hindi sinasarili ang pag-ibig o mistulang bagay na pag-aari. Sa dahilang ang pag-ibig ay yumayabong lamang kapag ipinadarama ito sa iba. Kahalintulad ito ng may sinding kandila na nagagawang sindihan ang libong mga kandila nang walang pagbabago sa kanyang ningas.

   Iisa lamang ang tunay na kaligayahan: ang magmahal ka at ang mahalin ka.

  Hangga’t umiibig ka, ang kaligayahan ay sumasaiyo.

Ang mga pangunahing sangkap ng umiibig na damdamin ay:
Paghanga        "Wala ng ibang katulad mo."
Pagkilala            “Turan mo giliw ko, kung papaano pa kita mapapaligaya."
Pagtingin              "Hindi kita ipagpapalit kahit kaninuman."
Pagkagiliw          “Masaya ako kung lagi kitang nakikita at nakakasama.”
Pagsuyo              “Kahit anumang mangyari, hindi kita iiwanan.”
Pagmamahal   “Minamahal kita, nang walang anumang pag-aalinlangan.
Pag-ibig          “Iniibig kita, maging sinuman ikaw.”

Panginoon, gawin mo akong instrumento ng iyong kapayapaan
kung saan mayroong pagkasuklam, hayaan mo akong magpunla ng pag-ibig
kung saan mayroong pagkasugat, kapatawaran
kung saan mayroong paghihinala, pananalig
kung saan mayroong panggigipuspos, pag-asa
kung saan mayroong kadiliman, kaliwanagan
kung saan mayroong kalungkutan, kaligayahan.


   Ang mainam na kataga ng pagmamahal ay, “Minamahal kita, nang walang anumang pag-aalinlangan."

   Ang pagmamahal kailanman ay hindi itinuturo bagkus ito ay kailangang matutuhan; hindi ito kailanman mabibili bagkus ito ay ipinapadama; hindi rin ito magagawang maitago, supilin, at kitilin dahil ito’y malaya at kusang sumisibol; at kailanman ay hindi tumatanda bagkus nagpapatuloy na masigla nang walang hanggan.

   Ang pagmamahal ay kawangis ng isang rumaragasang ilog; hadlangan mo man ito, lilikha pa rin ng mga kaparaanan upang magpatuloy .

   Ako ba’y mahal mo dahil maganda ako; o, maganda ako sapagkat minamahal mo?

   Ang pagmamahal ay mananatiling kataga lamang hangga’t hindi nalalakipan ng wagas na pag-ibig.

   Kung nagagawa mong mahalin ang sinuman nang walang pag-aalinlangan at nakahandang magpakasakit  at ibigay ang anumang nasa iyo para sa kanya, at kung siya naman ay ganoon din sa iyo, hindi niya magagawang hilingin ang mga ito mula sa iyo.

   Kung magagawa mong pangibabawan ang iyong damdamin, magagawa mong higit na magmahal.

   Kailanman ang buhay ay hindi laging abala, at wala ka ng sapat na panahon upang magmahal.

   Minamahal ang iba hindi kung sino sila bagkus kung gaano ang kanilang ipinadarama.
 
   Walang kaligayahang makakapantay sa kaligayahang nagmamahal ka ng iba.

   Ang mga matang hindi lumuluha, ay hindi nakakakita. At ang pusong walang nadarama, ay manhid at mapanganib.
 
   Nagmamahal tayo kapag tayo ay umiibig. Hindi tayo nagmamahal upang mahalin; mahal natin ang magmahal.

Natutuhan ko na malilimutan ng mga tao kung ano ang iyong binigkas, malilimutan din nila ang iyong mga pasakit, subalit ang hindi nila malilimutan kailanman ay kung papaano mo nagawang sila’y magmahal.


   Ang magiliw na mga kataga ng pagsuyo ay, “Kahit anumang mangyari, hindi kita iiwanan.”

   Ang pagsuyo ay mistulang sanggol; nangangailanagan ito ng magiliw na pag-aaruga.

   Sumusuyo ka kung ang lahat ng iyong atensiyon ay nakatuon lamang sa ikaliligaya ng iyong minamahal. At ayaw mong makatulog, sapagkat ang reyalidad ay higit na kasiyasiya kaysa ang manag-inip.

   Hindi ang aking damdamin ang iyong sinusuyo; kundi ang aking kaluluwa.

   Nasa iyong pagsuyo mararamdaman ang iyong pagmamahal at pagpapahalaga.

   Makapagbibigay ka ng atensiyon, bakit nga ba hindi, subalit kung may lakip ito ng pagsuyo, nakakatiyak kang mananatili ang pagkagiliw na inaasahan mo para sa iyo.

   Sakaliman na may pagmamaliw sa iyong relasyon, pagdingasin ito ng higit pang mga pagsuyo upang patuloy na maglagablab. Alalahanin lamang na dalawang paraan para isilay ang liwanag – maging kandila na nagliliyab o maging salamin na may repleksiyon nito.


Ang maigting na kataga ng pagtingin ay; “Wala akong pakialam sa mga pamumuna at katwiran ng iba, ang alam ko lamang ay kung papaano ko pa higit na maipadarama ang pagtinging iniuukol ko sa iyo.”
  
   Hangga’t namamahay ang pagtingin sa iyong puso, mananatili ang magiliw na paglingap at pagmamalasakit.

  Hindi ang iyong pakikipag-kaibigan ang aking napansin, kundi ang pumukaw sa aking puso ay ang iyong pagtingin.

    Kung ang gagawin mo’y sumulyap lamang, wala itong kahalagahan. Ngunit kung may pagtingin, nakatitiyak kang ikaw ay diringgin.





  Ang akmang mga kataga ng pagkagiliw ay, “Masaya ako kung lagi kitang nakikita at nakakasama.”

Hindi lamang tayo nagkakagusto sa isang tao, dahil kapag nasaling nito ang ating puso at nagkaroon ng koneksiyon, nagiging magiliw tayo sa kanya.

  Malaki ang ipinagkaiba ng pagkagiliw at pagkagusto, sa pagkagusto ay may pagkasawa, sa pagkagiliw may kalakip at patuloy na pagmamahal.

  Hangga’t kinagigiliwan mo ang isang tao, umuusbong ang iyong pagtingin at nadarama mo ang pagmamahal na sa kalauna’y humahantong sa pag-ibig.

  Kapag mahal mo ang isang tao, nagiging magiliw ka sa kanya.


   Walang pag-ibig na uusbong, kung wala kang maipadaramang pagkagiliw.



   Ang patunay na mga kataga ng pagkilala ay, “Turan mo giliw ko, kung ano ang nararapat ko pang gawin upang mapaligaya kita.”

   Hindi mo magagawang ibigin o mahalin ang hindi mo kilala.

    Hangga’t nakikilala mo ang iyong sarili, makikilala mo ang iba. At sa dahil dito matututo kang kilalanin at ipadama ang damdaming ginising nito sa iyong puso.

   Nasa pagkilala lamang nagsisimula ang lahat. Habang nakaakma at naghihintay ay walang magaganap.

  
Ang pagkilala at pagkilatis ay magpinsan.
    


    Ang lapat na mga kataga ng paghanga ay, "Wala ng ibang katulad mo."

   Nagiging kahanga-hanga lamang ang lahat kapag umiibig ka. 

     Ang mataos na mga kataga ng paghanga ay, “Ang mga katangiang hinahanap ko sa isang kasuyo ay natagpuang kong lahat sa iyo.”

  Hindi ko magagawang magmahal kung walang paghanga akong nararamdam. Dahil kapag hamak sa tingin, walang sinuman ang makakapansin.

   Sa pakikipag-relasyon, kailangang makamit ang sitwasyon na kung saan ang katapatan at pagiging makatotohanan sa iyong sarili ay higit na mahalaga kaysa mapanatili ang relasyon. Nakabatay ito sa pitong pangmasid at pagkakakilanlan:

 Mga sangkap ng Paghanga
Pagpansin        Sadya kahanga-hanga ang iyong pagkatao.
Pagnanais         Palagay ko, kailangang higit pa kitang makilala.
Pag-asa            Umaasa akong nadarama mo din ang nadarama ko sa iyo.
Pakilatis           Nakikita ko ang kagandahan at kawagasan sa iyong puso.
Paghihinala     Sana naman tanging ako lamang ang nasa iyong puso.
Pagkatakot     Huwag mo sana akong malimutan.
Pagkagalit       Naiinis at nagagalit ako kapag hindi mo ako pinapansin.

   Kung pipilitin mong tanungin ako kung bakit humanga ako sa kanya, ay wala akong masasabi kundi ang siya ay ako at ako ay siya.

   Bawa’t hakbang niya ay sinusundan ko, bawa’t yapak niya ay tinatapatan ko, at bawa’t pagkilos niya’y ginagaya ko, dahil hinahangaan ko siya ay nais kong makapiling siya sa tuwina.

   Ang pag-ibig na walang paghanga ay damdaming nakakabalisa.

   Ang mga lalaki ay humahanga mula sa kanilang mga nakikita, ang mga babae mula sa kanilang mga naririnig.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan