Higit kong nanaisin ang maging mayaman dahil naranasan ko ang maging mahirap, at naranasan ko rin ang umangat sa
buhay. Higit na masaya ang may salapi kaysa wala. Malaya
kang mabibili ang anumang naisin mo hangga’t makakaya ng iyong yaman.
Sadyang napakahirap ang maging maralita, lagi kang kinakapos sa lahat ng
bagay na nangangailangan ng salapi na makakatulong, lalo na sa iyong
edukasyon at kaunlaran. Kapag mayroon kang salapi, kulay rosas lahat ang
iyong kapaligiran. Bawa't sandali ay masaya ka at puno ng buhay. Lahat
ay nagsisimula, umiikot, at nagtatapos sa salapi. Hindi ka makakakilos
at makakagawa ng anumang hakbang nang hindi mangangailangan ng sapat na
halaga para ito matupad.
Mawawalang kabuluhan ang anumang iyong pagpupunyagi, tagumpay, at
nalikhang yaman, kung ang lahat ng mga ito ay nagmula sa masamang
kaparaanan. Ang kayamanan na nanggaling sa kasamaan ay walang magandang
patutunguhan; walang karangalan, kasiraan ng angkan, at pagsasalaula
lamang ng buhay. Ang kasiyahang makukuha sa masamang dahilan ay
panandalian lamang at hindi ikaliligaya sa habang buhay. Subalit ang
batik na nilikha nito sa iyong pagkatao ay mananatili sa maraming
panahon, at anumang pagnanais mo na manumbalik ang dating pagtitiwala ng
iyong kapwa ay daraan sa butas ng karayom at masusing pagsubok. At
ito'y kung papahintulutan lamang ng mga pinagsamantalahan mo. Anumang
sugat, maghilom man ay may maiiwanang peklat. Ito ang katotohanan.
Ang kayamanan ay mabuti o masama, batay sa ginawang pagkuha at paggamit
nito. Ang nakaw na yaman ay isang kabuktutan. At ang yamang tinamo mula
sa mabuting paraan ngunit ipnagdamot sa harap ng karukhaan at ibayong
kagutuman ay kasuklam-suklam. Subalit ang yamang nakatutulong na
maiangat mula sa kapighatian ang iba ay kapuripuri. Ang kayamanan ay
mahalaga kung ito ay nagagamit at nakakatulong sa
magagandang layunin na ikauunlad ng pamayanan.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment