Saturday, November 24, 2018

Ang Inis-Talo at Galit-sa-Mundo ay Magkapatid


 
 Kapansin-pansin ang mga magagalitin; Sa trapiko, kapag nasa kotse ka at naunahan mo (overtaking), mabilis silang magalit, humihiyaw at nagmumura (road rage).  Kasunod nito kung papatol ka, habulan, at hiyawan na ito, at nagtatapos sa alitan, at kung minsan ay suntukan na humahantong sa  kapahamakan.
    Sa mga pampublikong lugar, gaya ng restoran, hindi lamang napagsilbihan nang maayos, naroon na ang pagdabog sa lamesa, paghiyaw at panggagalaiti sa weytres o tagapagsilbi. Hindi lamang naasikaso nang maaga, gaya ng inaasahan, nariyan na ang pagtatampo o kawalan ng pagpapahalaga o ang paghamak sa pagkatao ng iba.
    
Mga inis-talo o galit-sa-mundo ang may ganitong ugali. Mga temperamental at madaling magalit kahit sa munting pagkakamali. Masalimuot ang kanilang isipan, at laging may isyu ang bawat bagay. Sila ang mga taong may sagot at kahatulan sa bawat bagay kahit hindi naman tinatanong. Ayon sa mga dalubhasa sa utak (neuro-psychiatrists) ang mga tao na may ganitong pag-iisip ay may nakatagong hidden inferiority complex, mga mahiyain sa harapan at maingay sa talikuran, may  malubhang mga karanasan na hindi malimutan, nagawang mga kamalian at mga kasalanan na hindi nagawang itama, mapaghinala, walang tiwala, laging personalan ang katwiran kung mayroon man, sarado ang isipan at mga relihiyoso.  Mahilig sa mga fantasiya o mga guni-guni. Pati na si Mickey Mouse at Spidderman ay iniidolo. Makikilala silang lubusan sa kanilang mga komentaryo sa Facebook o sa social media.
     Umiwas po tayo at huwag silang patulan. Sapagkat wika nga, “Misery loves company.” Miserableng pamumuhay po ang hilig ng mga ito at aliwan na ang usisain ang buhay ng may buhay at itsismis pa ang mga ito. Madali po silang makilala. Kung ano ang kanilang mga pananalita… makakatiyak tayo na pawang mga komentaryong negatibo ito, narito ang kanilang aliwan.
     Kung may makakaharap tayo na ganito ang inilalarawan, umiwas kaagad hanggang maaga pa, dahil nakakahawang sakit ito. Sa maikling mga sandali na nakausap sila, ang bagsik ng kanilang kamandag ay maililipat sa iyo upang ikaw ay maging biktima at kailangang magamit para sa iba.
   “Misery loves company.” Tandaan lamang po ito.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment