Masama ba ang maging mayaman? Ang maghangad ba nang labis sa nararapat mong matanggap ay masama? Ang kayamanan ba ay kakabit ng kasamaan?
Ang isang bagay ay hindi natin mapasusubalian kung ito’y masama
o mabuti, ito’y nasa uri ng paggamit. Nababatay ito sa gagawin mong
kapasiyahan at pagkilos. Anumang intensiyon o hangaring nakapaloob dito
ay kusang lilitaw sa bandang huli, kung ito ay makakasama o makakabuti. Ang
isang patalim ay isang bagay lamang, nagkakaroon ito ng kabutihan o
kasamaan sa taong humahawak nito. Kung ito’y gagamitin ng isang kriminal
sa pagpatay sa isang tao, ito ay masama. Subalit kung gagamitin sa
operasyon ng isang doktor upang magligtas ng buhay sa isang tao, ito ay
mabuti. Nasa intensiyon nang paggamit kung ito’y para sa kabutihan o
kasamaan. Sa madaling salita, anumang bagay ay hindi masama at hindi rin mabuti. Nagkakaroon lamang ito ng kabuluhan sa taong gagamit nito.
May nagwika, “Ang salapi ay ugat ng kasamaan.” At
ito’y sinusugan ng marami, lalo na yaong naghihirap at wala nang
magawang pag-unlad sa buhay. Tinanggap ang kanilang lumalalang kawalan
ng pag-asa sa pakikibaka sa buhay. Nakatunghay silang palagi sa lahat ng
nagaganap na pag-angat sa kabuhayan ng sinuman sa kanilang pamayanan,
maliban sa kanilang mga sarili. Sa halip na ikatuwa at ipagmalaki ang
nagawang pagbabago ng ilan nilang kababayan, nilapatan nila ito ng
paninira at matinding kapintasan. Nang sa gayon ay maibagsak nila ang
anumang karangalan na tinamo ng mga ito at maging kasuklam-suklam sa
paningin ng iba. Kaisipang talangka
ito na sumisira sa magandang relasyon ng bawa’t isa sa pamayanan. Hindi
nila nalalaman na ang kaunlaran ng kanilang kapitbahay ay kaunlaran sa
pamayanan. Higit itong may kakayahang tumulong ngayon kaysa dating
kalagayan nito sa buhay. Ngunit hindi ito ang naiisip ng iba, bagkus ang
maling kaisipan na naungusan at naunahan silang umunlad sa buhay.
“Ano kayang raket at pangungurakot ang ginawang diskarte niyan? Dati namang katulad ko lamang na mahirap iyan, eh” Ito ang pangunahing pambukas ng usapan upang simulan ang paninirang puri.
Iwasan at layuan ang mga ganitong uri ng tao. Pinipilit nilang itago at
pagtakpan ang anumang kanilang kakulangan at kabiguang tinamo sa buhay.
Pawang kapighatian lamang ang mapapala mula sa kanila. Binubulag ang
mga ito ng matinding paninisi sa kanilang mga sarili na humahantong sa
pagkainggit at masidhing panibugho na nagtatapos sa paninira at kung
minsan ay nauuwi sa pananakit at pagpatay ng kanilang kapwa. Sila lamang
ang nagpapalaganap na ituring ang salapi na salot ng lipunan. Na
ang pagiging mayaman ay kaakibat ng pagiging masama. Na ang labis na
yaman ay hindi na para sa iyo at ninakaw na lamang mula sa bibig ng iba.
Katwiran ito ng mga tamad at palaasang tao. Kapag hindi nakuha ang
kanilang gusto, lumilikha ng matinding kapinsalaan para sa iba na
nakakahigit at mauunlad kaysa kanila.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment