Wednesday, October 24, 2018

Masamang Panginoon













 
 Higit kong nanaisin ang maging mayaman. Naranasan ko ang maging mahirap, at naranasan ko rin ang umangat sa buhay. Higit na masaya ang may salapi kaysa wala. Malaya kang mabibili ang anumang naisin mo hangga’t makakaya ng iyong yaman. Sadyang napakahirap ang maging maralita, lagi kang kinakapos sa lahat ng bagay na nangangailangan ng salapi na makakatulong, lalo na sa iyong edukasyon at kaunlaran. Kapag mayroon kang salapi, kulay rosas lahat ang iyong kapaligiran. Bawa't sandali ay masaya ka at puno ng buhay. Lahat ay nagsisimula, umiikot, at nagtatapos sa salapi. Hindi ka makakakilos at makakagawa ng anumang hakbang nang hindi mangangailangan ng sapat na halaga para ito matupad.

   Mawawalang kabuluhan ang anumang iyong pagpupunyagi, tagumpay, at nalikhang yaman, kung ang lahat ng mga ito ay nagmula sa masamang kaparaanan. Ang kayamanan na nanggaling sa kasamaan ay walang magandang patutunguhan; walang karangalan, kasiraan ng angkan, at pagsasalaula lamang ng buhay. Ang kasiyahang makukuha sa masamang dahilan ay panandalian lamang at hindi ikaliligaya sa habang buhay. Subalit ang batik na nilikha nito sa iyong pagkatao ay mananatili sa maraming panahon, at anumang pagnanais mo na manumbalik ang dating pagtitiwala ng iyong kapwa ay daraan sa butas ng karayom at masusing pagsubok. At ito'y kung papahintulutan lamang ng mga pinagsamantalahan mo. Anumang sugat, maghilom man ay may maiiwanang peklat. Ito ang katotohanan.

   Ang kayamanan ay mabuti o masama, batay sa ginawang pagkuha at paggamit nito. Ang nakaw na yaman ay isang kabuktutan. At ang yamang tinamo mula sa mabuting paraan ngunit ipnagdamot sa harap ng karukhaan at ibayong kagutuman ay kasuklam-suklam. Subalit ang yamang nakatutulong na maiangat mula sa kapighatian ang iba ay kapuripuri. Ang kayamanan ay mahalaga kung ito ay nagagamit at nakakatulong sa  magagandang layunin na ikauunlad ng pamayanan.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment