Thursday, April 26, 2018

Makikilala Ka sa Iyong mga Gawa


Tapat na gampanan ang tungkulin,
anumang kahinatnan ay akuin.
May mga kahanga-hangang magaganap kung tatangapin nang masigla sa ating puso ang personal nating mga responsibilidad. Ito ay para sa ating mga saloobin, mga kagawian at hinahangad na mabuting mga resulta. Kahit na ang mga ito ay hindi madaling gawin, sapagkat kalikasan na natin bilang tao ang ipasa ito sa iba; kalakip ang katagang: “Bahala na siya.” Bakit nangyayari ito? Dahil madali ang pumuna, mamintas, humatol, at ang manisi; kaysa akuin ang responsibilidad sa nagawang kamalian sa gawain, para solusyunan at malunasan ang problema.
   Sa maraning pagkakamali ko, lagi kung napapansin ang aking mga pagkukulang; ang sisihin ang iba, sisishin ang ekonomiya, sisihin ang pamahalaan, sisihin ang panahon at pati klima; maliban sa pagmasdan ang aking sarili sa harap ng salamin, at matinding pagalitan ang taong nakaharap sa akin na siyang pinagmumulan ng lahat. Napag-alaman ko rin, na sa bawat pagkakataon, ang sanhi ay mga kapasiyahang aking sinunod kung bakit nasadlak ako noon sa maling direksiyon.
   Hanggat walang pagtatama, ang pagkakamali ay magpapatuloy. Hanggat hindi inaako ang responsibilidad at isinisisi  sa iba, walang magaganap na pagbabago. Bago lunasan ang isang kamalian, inaalam kung ano ang sanhi, paano nagsimula, nasaan ang pinsala, at sino ang may kagagawan upang makagawa ng solusyon.
   Hayaang magning-ning ang iyong liwanag, huwag ikubli ang pagkakamali. Akuin ang pagkukulang upang malunasan. Nagbibigay ito ng lakas ng loob sa iba na magawa din ito kapag nahaharap sa problema. Habang lumalaya tayo sa pagkatakot, nagiging huwaran tayo upang huwag ding matakot ang iba at magawang akuin anumang kamalian sa tungkulin.
   Ngayon, ang mahalaga at siyang tunay na kailangan, maluwag na tanggapin ang bawat problema na isang pagsubok at paghamon sa iyong kakayahan para ganap na makilala kung saan ka mahina at ibayong paghusayin ito, kaysa pag-usapan at usalin pa nang walang katapusan--kung aakuin lamang ang nagawang kamalian.
Huwag tumulad sa iba; kaysa paulit-ulit na pagkilos at magtamo ng parehong kabiguan, habang umaasa nang mabuting resulta ay isang kabaliwan.

No comments:

Post a Comment