Wednesday, March 07, 2018

Mabisang Panuntunan ng tunay na Pinuno

“Telling people what to do is showmanship.
Showing people how to do it is leadership.”


   Ito ang mga kabutihang asal sa pagiging ulirang mamamayan ng Pilipinas. Bilang tunay na Pilipino, anumang larangan o industriya ang iyong ginagalawan, at saan mang panig ng mundo na ikaw ay naroon ngayon ... 
isa kang magiting na opisyal ng ating bansa

   Ang lahat ng iyong iniisip, mga pananalita, at ginagawang mga pagkilos, ay nagpapatibay ng iyong pagiging tunay na Pilipino. Isa kang kinatawan ng iyong mga kababayan at katuparan ng kanilang mga adhikain sa buhay. At anuman ang kaganapan o kalabasan ng iyong mga layunin; maging ito'y humantong sa kaligayahan o kapighatian, panalo o talunan, tagumpay o kasawian, matiwasay o masalimoot man---lahat tayo ay tuwirang nasasangkot. At ang sumusunod na henerasyon ay tahasang mabibiyayaan o mapapariwara. Nasa kamay ng bawa't isa sa atin ang ikapapayapa at ikauunlad ng ating bansa. Walang sinumang makakagawa nito para sa atin kundi tayo mismong mamamayan ng ating bansa.

  Hindi ka pangkaraniwan at walang sinumang katulad mo. Nararapat lamang bilang pagdakila at pagpupugay sa iyong pinanggalingan na lahing kayumanggi; na pinagbuwisan ng buhay ng marami nating mga ninuno, na nakipaglaban sa mga dayuhan at huwad na mga Pilipino, upang magkaroon ng isang Malayang Pilipinas. Karapatan at tungkulin nating ipagmalaki na tayong lahat ay IsangPilipino na may pagmamahal at pagmamalasakit sa ating mahal na PILIPINAS; Ang Perlas ng Silanganan.
    Lahat tayo ay magkakabigkis; at ang kaligayahan o kasawian ng bawa't isa sa atin ay ating nadarama. Ang iwasan ito, ay magiging mga bagabag na patuloy na gumigising sa ating kamalayan. Sapagkat . . . ang pagiging mapagmalasakit at matulungin ay likas nating kaugalian.

Mabuhay ang mga tunay na Pilipino!

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment