Anumang trabaho na ginagawa mo ay may kapangyarihan kang paghusayin, o isantabi, at lubos na pabayaan. Aliman sa tatlong ito ay may
nakalaang hantungan. Ang maging mahusay, maging palaasa, at maging pabaya.
Binanggit ng
aking ama, "Kahit na tagawalis ka ng
lansangan; at nasa puso ang pagwawalis mo, ang kahalintulad mo ay isang pintor
na gumuguhit ng iyong obra sa lansangan." Ang karaniwang tao ay basta
nagtatrabaho para matapos lamang ang gawain, at laging nakatingin sa orasan, ang taguri sa kanya ay
trabahador o manggagawa. Samatalang ang mahusay na tao ay nagtatrabaho nang may misyon, ang
paghusayin at pagandahin ang gawain kahit na lagpas pa sa oras. At ang taguri sa kanya ay tagapaglikha o
tagapaglingkod.
Malaki ang
pagkakaiba nito: sa trabahador (worker); ang makatapos sa gawain at tanggapin ang
pasahod ay tama na at ito ay sapat na para sa kanya. Doon naman sa tagapaglikha (creator), ay
iniisip ang makakamtan na kapakinabangan sa ginagawa at maitutulong nito sa karamihan.
Para sa kanya, ang makapaglingkod ay isang katuparan ng kanyang mga
pagpapasakit para lalo pang paghusayin ang gawain.
Ang umiiral dito
ay saloobin kung papaano gagampanan ang nakaatang na tungkulin. Kung ang
ninanasa ay tagumpay, makakabuting luminya sa tagapaglikha, dahil kakaunti
lamang ang trapik at bihira ang dumaraan dito. Kung nais naman ay patama-tama o
padaskol na pamumuhay, luminya doon sa may sangkaterbang trapik na kung saan ay
nagsisiksikan ang karamihan para maging trabahador. Nandito din ang tunay na
dahilan kung bakit kakaunti ang mga yumayaman at parami nang parami ang mga
naghihirap. Nasa pagiging mahusay at pabaya ang malaking kadahilanan.
Maglimi tungkol dito: Ano ang ipinagkaiba sa pagitan ng "Maid in the Philippines" at ng "Made in the Philippines." Bilang Pilipino, malaki ang bahagi nito kung bakit parami ng parami ang naghihirap sa Pilipinas. At gayundin ang mga tumatakas para magtrabaho sa ibang bansa.
Narito pa ang isang napapanahong talakayan: Kapag nagkasalubong ang dalawang kabataang Pilipino na magkasabay na nagtapos sa kolehiyo, ito ang simula ng kanilang balitaan, "Saan ka nagtatrabaho ngayon?" Kapag dalawang kabataang Tsino naman ang nagkasalubong sa daan, "Anong negosyo ang nasimulan mo na ngayon?"
Kapag mahusay, laging umuunlad ang buhay. Kapag padaskol at bulakbol, laging may bukol sa buhay na pulpol.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment