Sinasadya mo bang harangan at balewalain ang iyong sarili
na magtagumpay at lumigaya? Kung hindi, bakit patuloy na tinatanggap at
nakagiliwan na ang antas o kalagayan mo sa buhay? At higit mong sinusunod ang
mga opinyon ng iba kaysa pakinggan ang mga karaingan ng iyong puso na magbago
para sa iyong kaunlaran.
Hindi mo ba
napapansin na ang mga pangungusap mo'y pawang paghamak sa iyong sarili? "Maliit lang suweldo, dahil trabahador
lamang ako." "Komersiyo lamang ang natapos ko, kaya serbidora o
'domestic helper' na ang hanapbuhay ko." "Maestra lamang ako at ito
ang nakaya ng mga magulang ko na matustusan." "Hindi ako
nakapag-aral, kaya isang kahig at isang tuka ang nalalaman ko." Lahat
ng ito'y may katagang 'lamang' na pagmamaliit sa pagkatao.
Kadalasan nating nadidinig at katuwiran ito ng karamihan sa atin. Kaya nga, ito
ang talagang kinapupuntahan ng kanilang kapalaran. Anumang bagay na lagi mong
iniisip at binibigkas, ito ang siyang nakatakdang maganap.
Kung nais mong
mabago ang iyong buhay, baguhin mo ang iyong iniisip upang mabago ang iyong mga
pagkilos, nang sa gayon ay magkaroon ng pagbabago sa iyong kapalaran. Sapagkat
kung talagang nais na magbago ay may mga kaparaanan, at kung walang ambisyon at
mga pangarap ay may mga kadahilanan. Lalo na kung may kahalong 'dapat,'
'sana,' 'kaya lamang,' isang araw,' kung ako sa iyo,' 'marahil,' 'akala,' atbp.
Mga pangungutwiran ito na lipas na sa panahon at kinahumalingan na ng maraming
tumatakas sa responsibilidad at katotohanan.
Nasanay na sa kahirapan at tinanggap na ang kapalarang kinasadlakan.
Ito ang natutuhang kawalan ng pag-asa.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment