Bukas ay Araw ng Kalayaan, marapat lamang na muli nating sisirin at pakalimiin kung ano ang tunay at wagas na itinitibok ng ating mga puso sa tuwing sasapit ang sagrado at makabayang araw na ito.....
Pagmamahal sa Inang-Bayan
Ito ang orihinal na bersiyon ng ating Panatang Makabayan
na buong kagitingang binibigkas matapos awitin ang ating Pambansang
Awit. Bahagi ito ng paglilinang ng ating mga paaralan sa mga mag-aaral
upang ikintal sa puso, sa diwa, at sa kaluluwa, ang marubdob na pagmamahal sa
ating Inang Bayan at sambayanang Pilipino. Kadalasan sa mga pagtitipon;
sa panahon ng mga pagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo, bahagi ng programa sa mga paligsahan at pagsasaya kung sino ang makakabuong awitin ang
ating Lupang Hinirang. Matapos ito, ang susunod naman ay ang pagbigkas
ng Panatang Makabayan. At kadalasan din, marami ang nakakalimot at hindi
mabuo ang ating pambansang awit at panata. Ang kanilang katwiran, para lamang ito sa
mga bata. Sa ating henerasyon ngayon, lalo na doon sa mga nagsilaki at
nagkaisip sa ibang bansa, tuluyan na itong nalimutan. Doon naman sa mga
may kagulangan at mga magulang, pawang pagkibit ng balikat at ismid ang
ipupukol sa iyo. May iba naman, mapagkit na tinging Medusa ang magpapatigil at
paparalisa sa iyo. Tila mga napapaso at kalabisan na sa kanila ang
pag-ukulan pa ito ng pansin.
Subalit ayon sa kanila, sila'y mga Pilipino. Kaya lamang, kung BAKIT walang
nalalaman, o pitak sa kanilang mga puso ang anumang kataga sa awitin at
panata tungkol sa pagiging tunay na Pilipino.
Pilipino nga kaya sila? Katanungang pinipilit kong arukin.
Ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan ay mahalagang sangkap sa
ating katauhan. Nanlulumo ako at hindi mapagtanto kung bakit iilan at
bihira ang nakakaalam ng mga ito. Gayong ito ang nagpapaala-ala,
bumibigkis, at nagpapakilala sa atin kahit kaninuman, kailanman, at saan
mang panig ng mundo. Pinatitibay nito ang ating pagiging makabayan at
pagmamalasakit sa ating katutubong kultura at mga sining. Ito ang ating
sandigan at personalidad na kumakatawan sa atin kung sino tayo, anong
lahi at uri, at ang ating pinanggalingan. Hindi tayo mga putok sa buho
na bigla na lamang lumitaw at walang nalalaman sa ating pinagmulan.
Nagiging katawa-tawa at nalalagay sa alanganin ang ilang Pilipino kapag
nahilingang awitin ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan, at hindi
mapaunlakan ang mga banyagang humihiling. Gayong sila ang pasimuno at
nangangasiwa sa mga pagdiriwang sa kani-kanilang mga pook sa ibang
bansa. Higit pang nakakabalisa; maraming guro sa ngayon ang hindi rin
maawit nang buo ang Lupang Hinirang at mabigkas nang tuwiran ang Panatang
Makabayan, kapag tinatanong ng mga kabataang nagnanais na matutuhan ang
mga ito. Sa maraming bansa na aking napuntahan at sinalihang mga
pagdiriwang, laging bahagi ito sa mga kulturang pagtitipon. At bilang tunay na Pilipino,
nakalaan kang ibahagi ang ating Pambansang awit at panata. Ito ang pambungad sa
alinmang okasyon na nagpapakilala sa ating bansa, lalo na sa
pandaigdigang paligsahan, palaro at mga kompetisyon. Katulad sa mga
boksing ni Manny Pacquiao, walang masisimulan na laban kung hindi
aawitin ang ating Lupang Hinirang.
Magagawa mo bang awitin at bigkasin ang dalawang makabayang pagdakila na ito sa ating Inang Bayan? Kahitt man lamang sa araw ng ating kasarinlan? Kaya mo nga ba?
At kung hindi naman, magsimula nang sauluhin ang mga ito. Ito naman ay kung nais mong matawag na isa kang Pilipino.
Ito ang malaking pagkakaiba sa tunay na Pilipino at doon sa mga huwad at mga nagkukunwaring Pilipino. Ang pakilala nila mga Pilipino daw sila, subalit hindi makayang awitin ang ating Pambansang Awit at mabigkas ang ating Panatang Makabayan.
Ang makalimot sa ating nakaraan at pagkakakilanlan; ay masahol pa sa isang baog na banyaga na naghahanap ng sariling lungga.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment