Sunday, June 25, 2017

Maghihiganti Ako

 Ang mata sa mata ay pagkabulag at ang ngipin sa ngipin ay pagkabungal.

May pabirong bumigkas, “Kailanman hindi ako matutulog sa kama nang nagagalit, kasi pinaplano ko kung papaano ako makakaganti sa aking kaaway.”

   Ganito ang nangyari sa isang pangkat na mga sundalo sa Kotabato, doon sa katimugang Mindanaw. Isang araw, nagkakatuwaan ang mga ito sa kanilang tanggulang himpilan. Pinagtatawanan nila ang isang labing-dalawang taong gulang na batang lalaki na kanilang napag-uutusan sa lahat nilang pangangailangan sa katapat na tindahang sari-sari. Ulila na ito sa buhay at hindi nakapag-aral, ngunit masipag at masunurin. Ang mga sundalo, matapos ang kanilang patrulya sa labas ay nakagawian nang palipasan ito ng oras. Tuwang-tuwa ang mga sundalo sa katatawanang sinasapit ng bata sa pagsunod nito sa kanila.
  Palagi nilang inuutusan ang bata ng kung anu-anong mga pagbibiro at mga mahihirap na pagsubok. Naroon ang itago ang damit nito habang naliligo, lagyan ng chewing gum ang gomang sapatos nito, pitikin sa magkabilang tainga, pahiran ng uling ang mukha habang natutulog ito, isabog ang mga kagamitan nila at takutin ang bata na itatali nang pabaligtad kung hindi niya malilinis ang ikinalat na basura sa takdang oras. Marami pang mga parusa na tinatanggap lamang ng bata nang walang imik, bagamat’t umiiyak ito sa kalaliman ng gabi sa kasawiang tinamo at sa matinding pangungulila sa kanyang mga namatay na magulang.
   Sa kalaunan, nasanay na ito sa mga pagbibiro at mga pagpapahirap ng mga sundalo at ipinagkikibit na lamang niya ng balikat ang mga ito nang walang anuman. Hindi na ito umiiyak sa gabi at tinutupad ang tungkulin na laging nakangiti. Dahil balewala na ang mga biro at pahirap at hindi na tumatalab sa bata, minabuti ng mga sundalo na hintuan na ang pagpapahirap sa kanya. At isang araw, hinarap ng mga sundalo ang bata at humingi ng paumanhin. Nangako silang hindi na muling bibiruin o pahihirapan pa ang bata.
   Bagama’t naghihinala ang bata na isa na namang biro o pahirap ito, ay matatag at buong katiyakan itong nangusap, “Kung totoong ititigil na ninyo ang mga pagbibiro at pagpapahirap sa akin, ititigil ko na rin ang pagdura ng aking laway sa inyong mga pagkain!"
---------------------------------------------------------------------------------------------------------o
Nakapaghiganti din siya kahit sa hindi-makatwirang paraan. Subalit doon sa karamihan sa atin, ang ganitong uri ng pagganti ay lalong mapait kaysa matamis. Hindi ito nakapagbibigay ng kasiyahang hinahangad, bagkus ang higit pang kahapdian sa buhay. Mistula itong lason na unti-unting pumapatay sa lahat ng sandali sa iyong buhay.
   Mayroon akong naging kapitbahay, isa itong mataas na pinuno ng pulisya. Hindi ko malilimutan ang paala-alang binitiwan niya sa akin, maraming taon na ang nakalipas, “Jesse, kung nais mong makaganti sa mga taong umaapi sa iyo, magpayaman ka!” Noon, idinaan ko lamang ito na isang biro. Ngunit sa mga mapapait na karanasang aking kinaharap, may magandang puntos ito kaysa ang gumawa ng maling hakbang. Lalo na’t kung may mga kapinsalaang gagawin na ibayong pagsisisihan sa bandang huli.
   Anumang kapighatian ay malalampasan. Ito ay tuluyang maiiwasan at maibaon sa limot, upang maipagpatuloy ang iyong dakilang layunin. Hindi ang paghihiganti na walang kakahinatnan bagkus pawang kasawian lamang.
   Sapagkat ang mga paghamon sa iyong buhay ay kusang lumilitaw na mga hadlang upang ikaw ay maging matibay, matatag at magkaroon ng sapat na karanasang humawak sa malaking biyayang nakalaan para sa iyo.
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment