Wednesday, May 31, 2017

Sino Ka nga ba?


  Alam mo ba kung sino ka at bakit ka narito sa daigdig? Alam mo ba ang iyong misyon o dakilang hangarin sa buhay? Gising ba ang iyong diwa sa patnubay mula sa kaibuturan ng iyong pagkatao, at lalong higit mula sa iyong kaluluwa? Kapag wala kang kabatiran sa mga ito, malaking pagkakamali at kawalan ng pagpapahalaga sa iyong sarili ang namamayani sa ngayon.
   Dahil ba sa ang lahat ay nairaraos at kusa na lamang nagaganap? 
   O, wala kang inaala-ala kung basta nakasakay at nagpapatianod na lamang sa mga kaganapan sa iyong harapan?
   Kung ganito ang pagkakataon sa iyo, bakit malungkot ka pa at nagnanais na maging maligaya?
   Hindi pa ba sapat at nakakagalak ang mga nangyayari sa iyo ngayon?

   Sino ka nga bang talaga, nababatid mo ba ito?
   Ano ang nakapagbibigay sa iyo ng dahilan na maunawaan ang kahulugan ng iyong buhay?
   Ang pinakamahalaga ay ang mabatid mo ang pinanggagalingan ng iyong lakas at motibasyon. Ang pasiyon o simbuyo na kumakatawan sa iyo upang kumilos na may tinutungo. Ang magkaroon ng kahulugan, kahalagahan, at kawagasan sa bawa’t araw ng iyong buhay. Kailangan lamang na maging matapat na tuklasin ito sa iyong sarili, harapin ang mga pagkatakot, ang mga bagabag, iwaglit ang nakasanayan na mga negatibong pag-uugali, magkaroon ng motibasyon, at humakbang nang may katiyakan at ibayong kasiglahan sa iyong kinabukasan.
  Alam mo ba na kapag nagawa mo ito, ang buong sanlibutan ay kusang makipagtutulungan sa iyo? 
 Napatunayan na ito sa maraming pagsasaliksik ng mga paham, na kapag positibo o pawang kabutihan ang iyong nagawa lalo kang lumalakas at nagkakaroon ng pagtitiwala sa iyong sarili. Subalit kapag negatibo o mga mali naman, lalong kang pinahihina at tuluyang nabibigo sa anumang iyong ginagawa. 
Ang bawa’t aksiyon ay may kaakibat na reaksiyon. Walang bagay na lumitaw nang walang kadahilanan. At anuman ang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin. Hindi magbubunga ng atis ang mangga. Mabuti ang iyong ginawa o pakikitungo, mabuti din ang isusukli sa iyo. Ang lahat ng ito'y katotohanan at sa araw-araw ay paulit-ulit na pinatutunayan sa iyong mga pakikipag-relasyon sa iyong kapwa.
    Kung nasaan ang iyong intensiyon, naroon ang iyong puso at ibayong kalakasan.
    Ang maunawaan mo kung sino ka ay hindi kailanman na manggagaling sa iba. Ikaw lamang at wala nang iba pa ang higit na nakakaalam tungkol sa iyong sarili. At ito’y kung tutuklasin mo lamang sa kaibuturan ng iyong pagkatao, na kung saan ang iyong katotohanan ay nagkukubli at naghihintay anumang sandali. Buksan mo ito at kusang palayain, dahil narito ang iyong potensiyal upang magtagumpay sa buhay.
   Pakalimiin na bawa’t isa sa atin ay tulad ng isang bahay na may apat na silid ---mental, emosyonal, pisikal, at ispiritwal --- at hanggat hindi natin napapasok, ginagalawan, tinitirhan ang mga silid na ito sa araw-araw, kailanman--- hindi tayo magiging kumpleto o mabubuo ang ating pagkatao. 
   Gaano man ikaw kaabala o maraming ginagawa sa ngayon, huwag palipasin ang mga sandali na hindi mo ito napag-uukulan ng atensiyon, sapagkat ito ang iyong mahalagang buhay at wala nang iba pa. Ito ang iyong panahon at pagkakataon. Ito ang iyong pinakamahalagang araw sa iyong buhay, ang araw na ito, ngayon na! 
   Ang pagsisisi ay laging nasa huli. Anumang gulang ikaw mayroon sa ngayon, hindi pa huli ang lahat na magampanan mo ang iyong dakilang hangarin sa buhay.
  Alamin kung saan mo nais magtungo. Tiyaking ito talaga ang isinisigaw ng iyong puso, kaisipan, at kaluluwa.
   Anuman ang iyong magagawa, o pinapangarap na kayang magawa, simulan kaagad. Huwag mag-atubili, magsimula na ngayon, at ang kalahatan ay madali na lamang. 
   Sa araw na ito, maging tunay at matapat sa pakikiharap; kaninuman, saanman, at magpakailanman. 
   Hangad ko po ang inyong patuloy na tagumpay at kaligayahan bilang mga tunay na Pilipino. 

Paalaala:Kalakip din nito na mabalikan at matutuhan nating muli ang ating sariling wikang Pilipino. Marami na sa ating mga kataga ang hindi na ginagamit sa pangungusap. Pawang Taglish at Englog na lamang na pinaghalo ang namamayani ngayon sa telebisyon, radyo, at mga pahayagan. Marami ang hindi nakakaalam na isang uri ng pagkitil ito upang tuluyan nang mawala ang ating pagkakilala sa ating mga sarili, at mangahulugan ng pagkakawatak sa isa't isa. Ang bayang walang pagmamasalakit sa sariling wika at mga kultura ay walang pagkakakilanlan. Walang pinanggalingan, putok sa buho at palaging nakikisakay sa mga banyagang kultura. Nasabi lamang silang mga Pilipino daw. Kapag Amerikano o alinmang banyaga ang kausap ko, English ang gamit ko, subalit kung Pilipino, tahasan na wikang Pilipino ang buong puso kong binibigkas. Sapagkat kapag ako'y nangungusap, kasama ko ang aking mga ninuno at mga bayaning naghandog ng buhay upang magkaroon ng isang bansang Pilipinas. Ipinagmamalaki ko ito at ipinapakita sa gawa.
   Sinasadya kong lagyan ng palabok at haplos na lalim, upang alamin ang tunay na kahulugan nito. Kung may mga katanungan na nais masagot ko, mangyari lamang na lumiham at makipag-ugnayan sa: atp412@yahoo.com
 

Mabuhay po tayong lahat!

Ang inyong kabayang Tilaok,

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment