Friday, January 29, 2016

Paglalakbay sa Buhay

Gawing ritwal ang magpasalamat pagkagising tuwing umaga. Sapagkat mayroon ka na namang 24 na oras na pagpapala upang gampanan ang kaluwalhatian ng Dakilang Maykapal.

Huwag maliitin ang iyong halaga sa pagkukumpara ng iyong sarili tungkol sa iba.
Sapagkat lahat tayo ay magkakaiba, at bawat isa sa atin ay uniko, wagas, natatangi, at sadyang espesyal at pambihira.

Huwag isagawa ang iyong mga lunggati nang naaayon sa sulsol at kagustuhan ng iba.
Ikaw lamang mismo ang higit na nakakaalam kung ano ang makakabuti para sa iyo.
Huwag ipagwalang bahala ang mga bagay na itinitibok ng iyong puso.

Hawakan at yakapin itong mahigpit tulad ng pag-iingat sa iyong buhay, dahil kung wala ang mga ito sa iyong buhay, mistula kang tuyot na patpat na inaanod ng rumaragasang tubig para isalpok sa mga batuhan.

Iwasang aksayahin ang iyong buhay na inaaliw mo ito ng mga nakaraan at ng mga hinaharap. Ang tunay na mahalagang sandali ay ngayon na, ang araw na ito. Ito ang siyang tanging magtatakda ng iyong kapalaran. Kung magagawang mabuhay nang minsan lamang sa isang araw, nagawa mo nang mabuhay sa lahat ng araw sa iyong buhay.

Huwag magmaramot kung mayroon ka namang maibibigay. Huwag sumuko, kung may natitira ka pang lakas, Dahil abot-kamay mo na ang tagumpay. Natatapos lamang ang mga bagay kapag nasiraan ka ng loob at kusa nang huminto. Ang marupok na sinulid ang nagtatali sa isat-isa sa atin.

Huwag matakot na humarap sa mga paghamon at mga pagsubok, dito makilala nang higit kung sino kang talaga. Sa pagsalunga sa mga balakid dito natin mababatid kung hanggang saan ang ating mga kakayahan, Huwag ipagpaliban ang pag-ibig sa iyong buhay sa dahilan na imposibleng matagpuan ito.

Huwag balewalain ang iyong mga pangarap; kahit lakad pagong, kung ito nama'y puspusan makakatiyak ka na posibleng matupad ito. Kung wala kang pangarap, makakatiyak ka na wala kang pag-asa. Mistula kang zombie, buhay na patay. Kung walang pag-asa, wala kang layunin na mabuhay pa. Tulad ka ng robot na de-susi, na kinokontrol ng iba.

Ang madaling paraan para huwag umiral ang pagmamahalan ay kataksilan, kawalan ng pagtitiwala at respeto. Ang susi o sekreto naman para sa nagmamahalan; ay dalawang kataga lamang ang kailangan para magtagal ang pagsasama, "Yes, dear?"

Huwag magmadali sa buhay para makalimot kung saan ka nanggaling, at kung saan ka papunta. Huminto paminsan-minsan at alamin ang iyong progreso at kung nasa tama kang landas. Sapagkat ang buhay ay hindi isang karera, bagkus ito ay isang paglalakbay na tinatamasa ang bawat hakbang at sinasamyo ang mga bulaklak sa tabi ng daan. Ang tunay na kaligayahan ay nasa paglalakbay at hindi sa destinasyon.

No comments:

Post a Comment