Mayroon na naman tayong bagong pakikibaka at pakikipag-sapalaran. Sa pagkakataong ito, higit na mainam na makagawa ng naiibang pagkilos upang lalong mag-ibayo ang ating pagtuon sa mga bagay na higit na makakatulong sa ating pag-unlad. Lalung-lalo na ang mga bagong pagtunghay at pamamaraan sa buhay.
Bakit? Sapagkat napatunayan ko na sa pagdaan ng mga taon, lalong bumibigat ang mga pakikibaka sa buhay. Kung hindi ka maalam, maiiwanan ka sa pansitan. Kailangang nakakasabay ka sa maraming mga pagbabago sa iyong kapaligiran. Lubhang masalimoot ang mga sitwasyon at paliit ng paliit ang kinatatayuan mong ispasyo, patuloy ang pagdami ng mga tao subalit pakaunti ng pakaunti ang mga pagkakataon para mapabilis ang iyong pag-unlad. Parami nang parami ang mga naghihirap at laing iilan lamang ang yumaman.
Sa aking paglilimi, natutuhan ko ...Hindi ko na magagawa pa ang maging manedyer ng sansinukob. Ang maging magiliw at pagbigyan ang bawat isa ay hindi lunggati at nauuwi lamang sa kabiguan. Wala akong kontrol sa mga bagay at hindi ko magagawang patakbuhin ang sitwasyon ayon sa aking kagustuhan. Ang magkaroon ng otoridad ay masyadong magastos, Kapag mataas ang posisyon malawak ang responsibilidad. Mahirap mabatid and bawat sitwasyon kung ano talaga ang nagaganap tungkol dito. Anuman ang aking ginagawa, palagi akong nagpapadala ng mensahe kung sino ako. Kapag pumili ako ng nais ko, binabago ko ang aking hinaharap. Kung may nais akong makuha, kailangan ko munang ibigay ito. Hindi ako ang boss, narito ako sa daigdig para gampanan ang aking pagkakalalang.
At, AKO ay tao lamang, hindi perpekto at kaakibat na ang mga pagkakamali. Ngayon ay Bagong Taon, at mayroon na namang Bagong Pag-asa. Nakakatiyak ako, na ang kasaganaan ay patuloy kong makakamit kapag buong katapatan kong hiniling ang mga bagay na aking ninanasa, at buong pagpupunyagi ko itong isinasagawa. Anumang nililikha ko para sa aking ikakaunlad ay AKO mismo ang tahasang makakagawa nito para sa aking sarili.
No comments:
Post a Comment