Kung ikaw ang tama,
isang kabaliwan na ipangalandakan mo pa ito.
Iwaksi ang pangangailangan na palaging tamà. Isang
kundisyon na ikaw ang higit sa lahat ang may karapatang humatol at magpasiya sa mga bagay. Walang sinuman ang nakakalaam kung ano ang talagang katwiran o
umaayon sa isang kaganapan. Sapagkat bilang mga tao, may kanya-kanya tayong pinagmulan,
mga karanasan, mga pagkakamali at mga leksiyong natutuhan sa buhay. Higit na mainam
ang tumahimik at pag-aralan ang sitwasyon kung ito’y makakasama o makakabuti,
kaysa hindi ka naman tinatanong ay bigla ka na lamang magpapahayag ng iyong
opinyon.
Karamihan
sa atin, ay hindi makayáng tanggapin sa sarili na mali tayo – ang umamin
nang harapan na talagang namali tayo; ay isang malaking kahihiyán. Dahil nais
nating maipakita na tayo ay laging nasa tamà, at kailangang pagkatiwalaan nang
walang anumang alinlangan. Kahit na mangahulugan ito nang pagkasira ng
magandang relasyon, o lumikhâ ng matinding mga bagabag at patuloy na kapighatian
sa atin at maging sa iba. Wala itong katuturan at patungo lamang sa mga iwasan,
mga alitan, at kalimitan ay humahantong pa sa kapahamakan.
Sa
bawat pagtataló, tatlong katwiran ang
laging namamagitan: Katwiran mo, katwiran niya, at katwirang totoo.
Sinuman sa atin ay walang kapangyarihan na siya lamang ang may karapatan sa
katotohanan na kailangang tanggapin ng sinuman. Kapag nadarama ang pangangati
ng dilà at nais magbitaw ng paghatol sa isang alitán, na kung sino sa inyo ang tama
at malì, tanungin lamang ang sarili ng ganitó: “Higit bang mahalaga ang maging tamà, o ang maging mapagmahal at
umuunawa? Ano ang kaibahan na magagawa
at kakahinatnan nito kung ako ay panalo sa isang pagtatalo? May karapatan ba
akong hatulan ang mga bagay na wala naman akong kinalaman?”
Sa isang tunay at wagas na relasyon, higit na mahalaga ang umunawa at magpakumbabà kaysa piliting manalo
sa isang pagtatalò. Nakamit mo nga ang nais mo, ngunit nag-iwan ka naman ng
pagdaramdam sa naging katunggali mo.
May mga tao na makakalimutan kung ano ang nasabi mo, may mga tao na makakalimot
din kung ano ang iyong nagawà, subalit may mga tao na kailanman ay hindi
malilimutan kung papaano ang kanilang damdamin ay iyong nasugatán.
No comments:
Post a Comment