Walang sinuman na magagawa
kang hamakin kung
wala kang pahintulot. At kahindik-hindik naman kung bulag, pipi, at bingi ka sa mga pangyayari na nagaganap sa iyong
kapaligiran.
Kung
susundin lamang ang isang simpleng ideya at ipamuhay ito nang buong puso at
walang pagmamaliw, ang kalidad ng iyong buhay ay makabuluhang magbabago. Hindi
lamang isang ideya ang narito, bagkus mayroon itong 101 na simpleng mga hakbang
para matiyak na nasa matuwid at tamang landas ang iyong pagtunghay sa buhay.
Magagawa nito na hindi ka maging pangkaraniwan, kundi ang maging pambihira,
hindi ordinaryo; bagkus ekstra-ordinaryo sa iyong paningin at sa paningin din
ng iba, kung maipapamuhay ang mga simpleng gabay na ito.
Isa itong pambukas ng isipan, diretsong maaasahan
at mainam na batayan para maipamuhay ang iyong buhay nang naaayon sa iyong
kagustuhan, walang mga bagabag, problema, at laging masaya. Ito rin ang mga
kumakatok sa iyong puso para pag-alabin ito na magsumigasig na matupad ang
iyong mga pangarap.
Ibinabahagi nito ang makapangyarihan at
napapanahong mensahe --- na kung magagampanan kahit isa lamang o dalawa na
simpleng hakbang na narito, subalit napakahalagang mga bagay sa isang araw,
magagawa mong mapaganda at maunlad ang iyong buhay, at maging mga buhay ng mga
taong nakapaligid sa iyo.
Sa masalimoot ng mundong ito,
nakakapagpayapa ng kalooban na malaman ang mga simpleng gabay ay makakagawa ng
malaking kaibahan sa iyong buhay.
1-Magkaroon ng lunggati at
magpunyaging matupad ito.
2- Magpasalamat
tuwing umaga pagkagising.
3- Gawing
priyoridad ang maging masaya sa maghapon.
4-
Desisyunan ang iyong mga saloobin kung alin ang tama at ipamuhay ito.
5- Mamuhay
nang naayon lamang sa iyong kinikita at palaguin ang naimpok.
6- Pag-aralang
matutuhan ang pagbadyet sa mga gastusin.
7- Bayaran
muna ang sarili ng 10 porsiyento at impukin ito.
8- Magbigay
ng tulong sa mga nangangailangan.
9- Iwasang
mangutang at maging alipin sa habang panahon.
10- Kalimutan
ang nakaraan at mapagpatuloy na sumulong.
11- Huwag ipangatwiran ang
negatibong pananaw o ipaglaban ang iyong mga kahinaan.
12-
Huwag manghawa ng pagkasuklam dahil ibabalik ito sa iyo.
13- Tuparin
ang mga pangako at mga responsibilidad sa buhay.
14- Ipadama
ang pagmamalasakit nang tahimik at walang panununton.
15-
Ibahagi ang mga pagpapalang natanggap para muling makatanggap pa.
16- Likhain
ang sariling pakahulugan ng tagumpay at isagawa ito.
17- Huwag
abusuhin ang katawan ng sigarilyo, alak, kalaswaan, at masamang droga.
18- Huwag
matakot sa harap ng mga balakid at paghamon.
19- Iwasan
ang mainis at mabugnot sa mga maliliit na bagay at walang katuturan.
20- Tratuhin
ang iba katulad ng pagtrato mo sa iyong sarili.
21- Maging eksperto sa mga makabuluhang
bagay na umaaliw sa iyo.
22- Pangalagaan
ang katawan at regular na mag-ehersisyo.
23- Maging mabait sa mga bata at maging sa mga hayop.
24- Purihin
ang mga taong matulungin, mapagkandili, at mapaglingkod sa kapwa.
25- Maging
tunay at wagas sa iyong pagkatao.
26- Iwasan
ang mabalisa, pinahihina nito ang iyong imahinasyon na makagawa pa.
27- Huwag
kailanman sumuko, magpatuloy sa paggawa para matupad ang pangarap.
28- Uminom
ng walong basong tubig sa araw-araw at iwasan ang mga prosesong pagkain.
29- Pag-aralan na magpunyagi at magsakripisyo, katiyakan ito sa tagumpay.
30- Gawing
habang-buhay ang pag-aaral, pinalalawak nito ang iyong mga pagkakataon.
32- Patuloy
na bilangin at isulat ang iyong mga pagpapala.
33- Huwag
kalimutan ang mga taong tumulong at karamay mo.
34-
Unahing mahalin ang sarili kaysa iba. Hindi mo magagawang magmahal kung wala
ito sa iyo.
35- Humanap
ng tagapagturo (mentor) na magbubukas ng iyong isipan.
36- Maging
tagapagturo (mentor) sa mga nais matuto at kinakapos ng kabatiran.
37-
Higitan pa ang kahusayan ng iyong mga kakayahan, pinatataas nito ang iyong halaga.
38- Huwag
ipagpabukas ang magagawa ngayon. Dahil kinabukasan ay iba namang gawain ang
iyong haharapin.
39- Laging
ngumiti at tumawang madalas, mabisang panlunas ito sa pagkakasakit.
40- Maging
mapanuri at kinikilatis ang mga bagay, nang makaiwas ka sa kapahamakan.
42- Tumingin
sa mga pagkakataon na purihin ang iba.
43- Gumawa
ng mabuti nang walang mabuting dahilan.
44- Huwag
maging ganap na seryoso, pinatitigas nito ang iyong puso.
45- Anuman
ang mangyari, ito man ay lilipas din.
46- Laging
magplano bago umpisahan ang anumang gawain.
47- Alalahanin
na ang buhay ay hindi isang pagsubok, kundi isang paghamon sa iyong nakatagong potensiyal na mailabas ito.
48- Huwag
makialam, kung walang nalalaman. At huwag sumagot kung hindi tinatanong.
49- Humiling
kung may kailangan at kumatok para pagbuksan.
50-
Damayan ang mga tao kahit sa maliit na mga kaparaanan.
52- Magnegosyo
at pamunuan ang sariling pangkabuhayan.
53- Lumikha ng kahalagahan para
sa iba upang pahalagahan ka.
54- Iwasang
mabalisa sa kung ano ang iniisip ng iba tungkol sa iyo.
55- Ituon
ang buong atensiyon doon sa iyong gusto hindi sa kung ano ang ayaw mo.
56- Paunlarin
pa ang kakayahan mong makinig, at lilinaw ang iyong pang-unawa.
57- Huwag
ipagpaliban ang kaligayahan. Magsaya na ngayon. Ito ang iyong tanging araw.
58- Bungkalin
pa ang iyong mga potensiyal sa sarili at maging mapanlikha.
59- Huwag
maging palakritiko, palahatol at palapuna sa iba. Repleksiyon ito ng iyong sarili.
60- Ipadama
sa tuwina ang pagmamahal at pagmamalasakit sa iyong mga mahal sa buhay.
61- Iwasan ang umasa at
maghintay sa walang katiyakan at napakong mga pangako. Walang pag-asa sa laging umaasa.
62- Baguhin
ang mga bagay na kaya mong gawin at tanggapin ang mga bagay na hindi na
mababago pa.
63- Maglaan
ng panahon na palaging may makabuluhang ginagawa.
64- Mabuhay
sa kasalukuyan, hindi sa nakaraan, at lalo na sa hinaharap o sa ibang araw.
65- Iwasan
ang maging biktima, manatiling gising at ipinaglalaban ang mga karapatan.
66- Matalinong
piliin ang iyong mga pakikipagtagisan, mga tunggalian, at mga kasunduan.
67- Magsikhay
para sa kagalingan, hindi sa kasakdalan. Dahil imposibleng magawa ito.
68- Maging mapagpatawad para mawala ang lason na unti-unting kumikitil ng iyong kasiglahan.
69- Busugin
ng pag-ibig ang lahat ng sandali sa iyong buhay upang lumigaya.
70- Pagmasdan
ang mga positibong kapakinabangan sa magulo at negatibong kaganapan.
72- Alamin ang iyong tunay na
halaga para madagdagan pa ito.
73-
Tiyaking kilala mo ang iyong kaaway at magawang kaibiganin ito.
74-
Makapangyarihan ang mga kataga, bigkasin lamang ang makakabuti kaysa
makakasama.
75-
Pagtuunan ng ibayong atensiyon at puso ang anuman na makabuluhan mong ginagawa.
76- Dalawang
kataga lamang ang susi para magtagal ang pagsasama, lagi lamang bigkasin ng
lalaki sa kanyang maybahay ang, “Yes, dear.”
77-
Hindi mo masisilayan ang kagandahan ng buhay kung hindi mo ito gagawin at
ipapamuhay.
78- Ang
walang kapatawaran na kasalanan ay maging isang hindi kaibig-ibig na nilalang.
79-
Kumilos na ikaw ay masaya na, at ito ang makapangyayari na magawa kang masaya.
80-
Pumili ng gawaing talagang nais mo, at kailanman sa bawa’t araw ng iyong buhay
ay hindi ka na magtatrabaho pa.
81- Ang mapagmahal na tao ay nakatira
sa mapagmahal na kapaligiran. Ang palaaway na tao ay nakatira sa mapag-palaaway
na kapaligiran. Sinuman na iyong makasalubong ay iyong salamin.
82-
Ang matalinong tao ay nag-iisip bago magsalita, ang mangmang ay nagsasalita
bago mag-isip.
83-
Pakatandaan: Kung manghuhuli ng langaw, ang gamitin ay pulot (honey) kaysa suka (vinegar).
84-
Kung mamimingwit ng isda, maglagay ng pain na gusto ng isda, hindi ‘yong gusto
mo.
85-
Huwag idagan sa iba ang bagay na hindi mo nais pasanin sa iyong sarili.
86-
Kapag lagi mong ipinagtatanggol ang iyong pagkakamali, nangangahulugan lamang
ito na ayaw mo talagang magbago pa.
87-
Imulat ang mga mata. Iwasang maging tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan.
88-
Ang maagap ang kumain ng talaba, at ang masipag ang naglinis at nagbasura ng
mga talukap nito.
89-
Kung hindi ka marunong magalit sa kabila ng mga karahasan at kalapastanganan,
wala ka ring sigla na makagawa pa ng mga kabutihan.
90-
Hindi kung nasaan
ka, kundi kung sino ka,
ang lumilikha ng iyong kaligayahan.
92-
Kung tama ang mga katanungan, makakatiyak kang tama din ang magiging mga
kasagutan.
93-
Kung nais mong magtagumpay, huwag tigilan ang pagpapaunlad sa iyong mga
katangian.
94- Pinakamabisang
sermon ay ang iyong buhay.
95-
Kung nais mong mabago ang iyong buhay, palitan ang iyong iniisip.
96- Kaysa
mainggit sa tagumpay ng iba, piliting mahigitan pa ang mga nagawa mo kahapon.
97-
Tatlong mahalagang kabanata lamang ang kaganapan ng ating buhay; kapanganakan,
pamumuhay, at kamatayan. Ang malaman kung sino ka
ang nagbibigay ng kahulugan kung bakit lumitaw ka sa mundong ibabaw.
98-
Kung nais mong kumbinsihin ang iba sa iyong relihiyon, iyong ipamuhay muna ito.
99-
Ang buhay na hindi sinuri ay walang katuturang ipamuhay.
100-
Magdasal tayo, hindi upang gumaan ang ating mga dalahin sa buhay, bagkus ang
magkaroon ng malakas na balikat sa pagpasan ng mga ito.
101- Hanapin
ang iyong KALUWALHATIAN at ang iyong kaganapan ay matatamasa mo na.
Kadalasan sa mga walang patnubay at
kabatiran, ang buhay ay makirot at sadyang napakailap. Dumarating sila sa punto
na may malaking katanungan kung nararapat pang magpatuloy sa pakikibaka. Kung
may mga gabay na tulad ng nasa itaas, na tahasang ginagamit at nagagawa ang mga
ito, ang buhay ay maganda at nakakaaliw. Nagagawa nito na magkaroon ng mabuting
pagpapahalaga, pagtitiwala, at pananalig sa sarili na magsumikap pa upang
makamit ang minimithing kaligayahan at tagumpay.
Simulang mabuhay na muli ngayon. Huwag itago
ang mga makikintab na plato, kutsara at tinidor para sa espesyal na
pagdiriwang. Gamitin na ito ngayon at huwag nang ipagpabukas pa. Huwag ipagkait
ang iyong pagmamahal at ipadama ito “balang araw” kung may kakayahan na. Ngayon
na ito kailangan, bago pa mahuli ang lahat. Bawa’t araw na magawa mong magising
ay isang espesyal na okasyon na kailangang ipagbunyi. Bawa’t saglit, bawa’t minuto,
bawa’t oras, at bawa’t araw ay napakahalaga. Huwag itong aksayahin sa mga walang katuturan. Kapag nakalipas na ang mga ito, ay hindi na
magagawang pang maibalik. Samantalahin natin ang pagkakataong ito, ngayon na!
Jesse Guevara
No comments:
Post a Comment