Maging tunay, ang kalikasan ay kumakampi
lamang sa katotohanan.
Ito ang
kadalasang pinangangambahan ng marami, lalo na yaong mga hindi nakahanda at
walang gaano mang maipapakilalang mga katangian o maipagmamalaking gawain. Urong-sulong
at inaapuhap ang mga katagang nais mabigkas nang walang inaala-alang mga kapintasan.
Ang mga karaniwang naitutugon ay, “Ang aking pangalan ay . . . “ o dili
kaya’y, “Ako’y isang guro lamang.” “Taga baryo Makitid lamang ako.” "Taga-probinsiya lamang ako." At magwawakas sa, “Nagtapos lamang ako sa
isang publikong pamantasan.”
Mapapansin na
kalimitan ay may kalakip na katagang lamang sa mga ito. At sa madaling
pang-unawa, nagpapahayag ito ng kakapusan at umiiral na pagmamaliit sa sariling
pagkatao at kakayahan. Nahihiya na makilala ang tunay na pagkatao. Kung ito ang
nais na maipakilala, ito rin ang magaganap na pagpapahalaga sa relasyong
namamagitan. Kung walang nakikitang paggalang ang iyong kaharap sa iyo mismong
sarili, ito rin ang uri ng paggalang na makukuha mula sa kanya. Ang tanong, bakit kailangan pang samahan ng lamang? Gayong sapat na ang
banggitin ang ilang inpormasyon tungkol sa sarili. Tungkol ba ito sa pagiging mapagkumbaba? Kung ito ang dahilan; ang
pagiging guro ba ay kababaan? Kung taga-baryo Makitid ka, isa ba itong
kababaan? Ang pagtatapos ba sa publikong pamantasan ay kababaan? Maliban kung
ikinakahiya ang mga pagkakakilanlan na ito sa pagkatao ng isang tao.
Subalit ang mga ito
ay hindi lubusang ipinakikilala kung sino ka, maliban kung mababa ang
pagpapakilala mo sa iyong sarili. Hangga’t ikinahihiya ng isang tao ang kanyang
kalagayan, nababawasan ang kanyang mga pagkakataon sa buhay. Sa
dahilang yaong mga tao na nakahandang tumulong sa kanya ay magsisimulang
mag-alinlangan at umiwas na mahawa pa.
Sinuman sa atin
na nakakatiyak kung gaano ang kanyang mga katangian o maging mga kakayahan, ay
hindi pa rin lubusang nababatid na ang mga pagpapakilanlan na ito ay hindi
resulta ng masidhing pagtuklas sa ating mga sarili, bagkus isang bagay na
kusang “nangyari sa atin, dahil sa kapabayaan.” Napakadaling malaman kung papaano ito nangyari. Gaano ba kadalas na umupo tayo at sinimulang
isa-isahin ang mga katangiang na sadyang nagpapakilala kung sino tayo? Mga
katangiang sadyang maipagmamalaki natin kung sino tayong talaga.
Isang
katotohanan na ang ating mga buhay ay masalimoot at lubhang matalinghaga.
Sinuman ay hindi mapapasubalian na nabubuhay tayo sa isang lipunan na personal at
makasarili; patuloy tayong binubomba araw-araw ng mga komersiyal at mga mensahe
tungkol sa mga pahusayan, walang hintong mga tunggalian, at mga kompetisyon.
Tinitingala ang mga kampeyon, pinupuri ang mga nanalo, at pinaparangalan ang
mga magagaling. At kung hindi tayo kabilang sa mga ito, nagkakaroon tayo ng mga
pag-aalinlangan sa ating mga sarili at ikinakahiya ang kawalan natin ng
kakayahan. Kahit na ang simpleng pagsulat ng ating mga katangian ay isang
mahirap na gawain para sa atin.
Tulad sa
paggagamot, hangga’t hindi nalalaman ang sanhi ng karamdaman, walang sapat na
kagamutan para ito malunasan. Hangga’t hindi mo ganap na nababatid ang mga katangiang
mong taglay wala kang kakayahan na ito’y magamit para sa iyong kapakinabangan.
Dalawang konsepto
ang may relasyon dito tungkol sa pagsasaayos upang personal mong makilala ang
iyong sarili.
1-Pagsasaliksik.
Ito ang
relasyon mo sa iyong sarili na magkaroon ng aktibong pagtuklas at panunutunan
tungkol sa iyong mga pananaw at inpormasyong pinaniniwalaan. Habang tayo ay nakikibaka
sa buhay ay patuloy din ang mga bagong karanasan, mga bagong inter-aksiyon sa
ibang tao, at mga bagong emosyon na nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang
baguhin o palakasin ang sentrong aspeto ng ating pagkakakilanlan sa ating mga
sarili. Ito ang nakapaghuhudyat kung papalitan natin ang ating trabaho, mapapangasawa,
o hihintuan ang panonood ng walang kabuluhang palabas sa telebisyon.
Nakakatulong din ito na maiwasan ang panghihina ng loob, pagbigkas ng mga negatibong pananalita laban sa sarili o ang paghamak sa sarili, at
kawalan ng pag-asa.
2-Pagtatalaga
Ito ang
relasyong iniuukol mo sa iyong sarili na pagindapatin at pahalagahan ay iyong
mga katangian at mga kakayahan sa iyong pagkatao. Anumang mayroon sa iyo ay
nararapat mong ikarangal at ipagmalaki, sa halip na kutyain at isantabi ang mga ito. Walang sinumang makakagawa nito sa iyo kundi ikaw lamang. Kung wala kang tahasang pagsasaalang-alang ng iyong
pagkatao, mistula kang patpat na ililipad sa isang bugso ng hangin. Manindigan!
Paunlarin ang iyong sarili at magpakatatag. Simulang tumayo at manindigan sa
mga makabuluhan at patungo sa kaunlaran ng iyong sarili. Kahit na bagyo o
anumang daluyong, ang matatag na punongkahoy ay hindi magagawang maibuwal.
Maaaring kaiba
ang iyong personalidad, sino ba sa atin ang hindi, ngunit ang iyong
pagkakakilanlan ay ang iyong susi sa tagumpay. Ang iyong pagkatao o karakter ay
kalidad ng iyong mga personalidad, ang iyong trabaho, ang iyong samahan, kalagayan
sa buhay, mga paniniwala, ang iyong pagmamalasakit sa kapwa, at maging ang
iyong mga nagagawang pagtulong sa iyong pamayanan. Lahat ng mga ito ay kabubuan
ng iyong pagkatao kung sino ka. Higit pa ito kaysa pagkakakilala mo sa iyong sarili at sa mga nais mo pang
magawa sa hinaharap.
Maging panatag
at nakakatiyak sa kung ano ang iyong tunay na personalidad --- sapagkat ito ang
lumilikha ng iyong pakikipagrelasyon sa iba. Ito ikaw ngayon, at sa mga
darating pang mga araw sa iyong buhay. At kung magagawa mong komportable, may
pagtitiwala at mapayapa ka sa pagdadala mo sa iyong katauhan, sinumang tao na
iyong makakaharap; maging hari, presidente ng bansa, o karaniwang mamamayan ay wala
kang itatago o pangangambahan. Malaya kang ipahayag na banggitin ang iyong
pangalan, tirahan, at trabaho nang walang anumang pag-aatubili.
Ngayon, puwede ba kitang makilala?
Jesse Guevara
Lungsod ng
Balanga, Bataan