Pabatid Tanaw

Tuesday, July 30, 2019

Nasa Pagbabago ang Lahat


Kung nais na mabago anuman ang nakikita mo,
simulan ito sa sarili mismo.
Sa buong buhay ko, lagi kong kapiling ang pagnanasang magbago. Tagumpay ako sa mga talagang mali at nagtitiyaga pa ring lubusang mabago ang iilan, subalit hindi ako humihinto para mapalitan ang anumang nagpapahirap sa akin. Ang pagbabago ay nangyayari sa magkakaibang kundisyon at maitatama sa magkakaibang paraan. Hindi mo kailanman mababago ang isang pagkakamali at paniniwala kung patuloy mong sinusunod ang dati mong asal at mga gawi.
   Marami ang hindi magawang magbago; at ayon sa kanila, malalim ang ugat nito at napakahirap magawa. Kahit batid nila na malaki ang maitutulong nito sa problema na patuloy na nagpapahirap ng kalooban at sumisira sa katinuan ng isipan. Kadalasan, kung sadyang pabaya; nagiging sanhi pa ito ng mabigat na karamdaman. Madaling sabihin na magbago, subalit kung walang (masidhing pagnanasa) plano, ibayong pagtuon, tiyaga, at disiplina na mapabuti ang kalagayan, walang mangyayari na anumang resulta.
   Ang katotohanan, at makakatiyak tayo, ang pagbabago ay isang pambihirang regalo. Sa katunayan, ito ang susi upang buksan ang mga pinto, basagin ang mga balakid, wasakin ang mga maling paniniwala, at palakasin ang pagtitiwala sa sarili, upang yumabong at maging maunlad sa buhay. Kung walang pagbabago, para mo na ring tinanggap sa buhay ang lahat ng kahirapan at kapighatiang patuloy na ibinabato sa iyo ng tadhana. Kung baluktot at magulo ang ldaan na tinatahak, kailangan ang matuwid na landas.
   Kung masalimoot ang buhay, gawing matiwasay ito; kung malungkot, kailangang sumaya, at kapag nagdarahop, paunlarin ang buhay, dahil ito ang tamang landas, para sa tamang hangarin. Ang pagbabago ay pangunahing pundasyon para sa pag-unlad upang matupad ang mga pangarap.
Kung nais na mabago ang buhay, tuwirang magbago nang walang humpay.

No comments:

Post a Comment