Pabatid Tanaw
▼
Tuesday, July 30, 2019
Iwasan ang Mag-akala
Hindi maiiwasan
ang mag-akala.
Kung ang iba ay nagsasabi ng ilang bagay; sa pakikinig, tayo ay lumilikha ng
akala o haka-haka, at kung hindi naman sila nagsasabi ng ilang bagay tayo din
ay nag-aakala upang masagot ang ating mga katanungan at maiwasan ang mainitang
pagtatalo. Kahit na may narinig tayong ilang bagay na hindi natin maintindihan,
gumagawa pa rin tayo ng pag-aakala kung ano ang kahulugan nito at ating
pinapaniwalaan ang inaakala nating tama para dito. Nangyayari lamang ang mga
pag-aakala na ito sapagkat wala tayong kakayahang magtanong at alamin ang
tamang kasagutan.
Maging matapang na magtanong
muna at ipahayag kung anuman ang iyong inaala-ala, nadarama o kung may
pag-aalinlangan man. Iparating kaagad at pag-usapan nang maliwanag kung ano ang
iyong ninanais at ninanais din ng iyong kausap upang maiwasan ang anumang hindi
pagkakaunawaan, pagkakamali, o paghihinala. Huwag magpaligoy-ligoy at tuwirang
sabihin ang gumugulo sa isipan para sa kabutihan ng lahat.
Kung
isasapuso lagi ang ganitong patakaran magagawa mong baguhin at pagbutihin
ang iyong buhay.
Kaligayahan ang Mapagbigay
Walang makakabuwag sa moog nang
higit pa
kundi ang pagtanggap.
Sa isang monasteryo sa Bataan, may salu-salong nagaganap nang may
isang matandang pari ang tumindig at nagsimulang magsilbi sa iba ng tubig na
maiinom. Nagpalipat-lipat siya ng mga lamesa, at kahit na pilitin niya ang
pag-alok, walang pari ang tumanggap.
"Walang tayong sapat na kahalagahan
kung ikukumpara sa paglilingkod ng mabuting pari na ito." Ang kanilang
naging usal sa mga sarili. "Nakakahiya
naman kung siya pa ang magsisilbi para sa akin, gayong mababa ang aking
posisyon kaysa kanya." ang giit naman ng isa pa.
Nang mapadako ang butihing pari sa lamesa ni
Berning, ang pari ng Kupang, nag-utos ito na buhusan ng tubig ang kanyang
baso at punuin itong mabuti. Namangha at nainis ang mga pari sa pag-uutos na
nasaksihan. Nang matapos ang kainan, pinaligiran ng mga pari si Berning at
pagalit na nagtanong, "Papaano mo natanggap
sa iyong sarili na karapatdapat ka sa paglilingkod ng butihing pari, gayong ilang
taon ka pa lamang sa serbisyo, kung ikukumpara sa maraming dekadang ipinaglingkod na
niya? At ang dugtong pa ng isang pari na nanggagalaiti, "Hindi mo ba napansin man lamang na uugod-ugod na siya at isang sakripisyo ang paglingkuran ka pa
niya?"
"Abahh, papaano ko hahadlangan ang isang
kabutihan na kusang nagaganap? Sino
ba ako para kontrolin ito? Kayo na nagkukunwaring mga banal ay walang pagpapakumbaba
para tumanggap, at inaalisan ng karapatan ang butihing pari na maramdaman ang
kaligayahan sa pagbibigay."
Sa
relasyong tulad nito, ito ay binubuo ng tatlong pakikipag-kapwa na walang mga kundisyong
pinaiiral:
1. Pagtanggap
2. Pang-unawa at
3. Pagpapahalaga
Nasa Pagbabago ang Lahat
Kung nais na mabago anuman ang nakikita mo,
simulan ito sa sarili mismo.
Sa buong buhay ko, lagi kong kapiling ang
pagnanasang magbago. Tagumpay ako sa mga talagang mali at nagtitiyaga pa ring
lubusang mabago ang iilan, subalit hindi ako humihinto para mapalitan ang anumang
nagpapahirap sa akin. Ang pagbabago ay nangyayari sa magkakaibang kundisyon at maitatama
sa magkakaibang paraan. Hindi mo kailanman mababago ang isang pagkakamali at
paniniwala kung patuloy mong sinusunod ang dati mong asal at mga gawi.
Marami
ang hindi magawang magbago; at ayon sa kanila, malalim ang ugat nito
at napakahirap magawa. Kahit batid nila na malaki ang maitutulong nito
sa problema na
patuloy na nagpapahirap ng kalooban at sumisira sa katinuan ng isipan.
Kadalasan, kung sadyang pabaya; nagiging sanhi pa ito ng mabigat na
karamdaman. Madaling sabihin na magbago, subalit kung
walang (masidhing pagnanasa) plano,
ibayong pagtuon, tiyaga, at disiplina na mapabuti ang kalagayan, walang
mangyayari na anumang resulta.
Ang katotohanan, at makakatiyak
tayo, ang pagbabago ay isang pambihirang regalo. Sa katunayan, ito ang susi
upang buksan ang mga pinto, basagin ang mga balakid, wasakin ang mga maling
paniniwala, at palakasin ang pagtitiwala sa sarili, upang yumabong at maging
maunlad sa buhay. Kung walang pagbabago, para mo na ring tinanggap sa buhay ang
lahat ng kahirapan at kapighatiang patuloy na ibinabato sa iyo ng tadhana. Kung
baluktot at magulo ang ldaan na tinatahak, kailangan ang matuwid na landas.
Kung
masalimoot ang buhay, gawing matiwasay ito; kung malungkot, kailangang sumaya,
at kapag nagdarahop, paunlarin ang buhay, dahil ito ang tamang landas, para sa
tamang hangarin. Ang pagbabago ay pangunahing pundasyon para sa pag-unlad upang
matupad ang mga pangarap.
Kung nais na mabago ang buhay, tuwirang magbago nang walang humpay.
Baguhin ang Saloobin
Kapag maganda ang iniisip, maganda din ang resulta.
Anuman ang narating mo sa buhay, kung
ito man ay Panalo o Talunan; Tagumpay o Kabiguan; ang mga ito ay walang batayan
at kinalaman sa mga bagay, mga pangyayari o nagkataon lamang. Nakapangyari ang
mga ito dahil sa iyong mga saloobin. Sapagkat ito
ang nagtulak sa iyo upang pumili kung ano ang ninanasa mo, at ang napili mo ang
siyang ginawang batayan ng iyong mga kapasiyahan. At sa mga pasiyang ito na iyong
nilikha, ang sinundan mong direksiyon. Anuman ang kalagayan mo sa ngayon, ito ay tahasang
pinili mo.
Sinuman sa atin ay walang karapatan na
manisi ng iba. Sa lahat ng mga nagaganap sa iyong buhay, ito ay hindi
mangyayari kung wala kang partisipasyon o kagustuhan na mangyari ito. Magmasid
at pag-aralan ito: Ang mga talunan o mga bigong tao ay mapanisi sa mga bagay at
mga pagkakataon. Ito ang mga kumokontrol sa kanila. Samantalang ang mga panalo o matagumpay na mga tao ay kinokontrol
ang mga bagay at mga pagkakataon para sa kanilang kapakanan. Marami ang
nahuhulog sa balon ng ‘walang pag-asa’
at nanatiling nakatingin lamang sa mga dingding nito, nakatulala at laging naghihintay sa wala. Tinanggap na ang kanilang
pagkahulog at mga kasawiang dulot nito. Patuloy na nakikiusap, dumadaing, at
naninisi sa naging kalagayan nila. Samantalang
ang iba ay palaging naghahanap ng paraan na makaahon, makatakas, at mapaunlad
ang kanilang kalagayan sa buhay.
Pagmasdan ang sarili; anumang kalagayan mo sa ngayon ay siyang katibayán ng iyong mga naging kapasiyahán sa buhay. Sapagkat kung lagi kang kinakapós; ang kahirapan ang siyang nasusunod. Huwag panawan ng pag-asa, umasam nang may makamtan, dahil kung walang tinitingala, walang pagkukusa. Simulan na ang pagbabago; sa isipan, sa mga pagkilos, at mga paraan tungo sa iyong kaunlaran. Kumilos na! At ang lahat ay madali na lamang.
Pagmasdan ang sarili; anumang kalagayan mo sa ngayon ay siyang katibayán ng iyong mga naging kapasiyahán sa buhay. Sapagkat kung lagi kang kinakapós; ang kahirapan ang siyang nasusunod. Huwag panawan ng pag-asa, umasam nang may makamtan, dahil kung walang tinitingala, walang pagkukusa. Simulan na ang pagbabago; sa isipan, sa mga pagkilos, at mga paraan tungo sa iyong kaunlaran. Kumilos na! At ang lahat ay madali na lamang.
Ang pagkakaiba lamang sa pagitan ng magandang araw at masamang araw ay ang
iyong saloobin.
Bungisngis #204
Tatlong Kahilingan Lamang
Isang malungkuting lalake ang naglalakad
sa kagubatan, bawat bato na matapakan ay sinisipà, nang matisod niya ang isang munting
lamparà. Mabilis niya itong dinampot, nang maala-ala ang kuwento tungkol sa
makapangyarihang dyini (genie). Bigla
itong napangiti kasabay ang panalangin, “Sana totoo na may dyini sa loob ng lamparà,
ito na lamang ang pag-asa ko na mabago ang mga kapighatian ko sa buhay. Nangangalog
man ang mga tuhod sa pananabik, ay nanginginig niya itong kinuskos ng maraming
ulit, at gaya nang kanyang inaasahan, umuusok na lumitaw ang malaking dyini, na naghihikab at yumukod pa sa
kanya.
“Mag-utos
ka ng anumang kahilingan, aking
kamahalan,” ang
nakayukong pahayag ng dyini, “tatlong kahilingan lamang at ang mga
ito ay ipagkakaloob ko sa iyo nang buong puso, aking kamahalan.”
Lalong tumindi ang nerbiyos ng
lalake,“Ss-sa una kong kkahilingan,”
ang pauntol-untol na hiling nito, “Bb-bigyan m-mo ako ng ss-sasampung bilyong
piso!”
POOF! Sampung bilyong piso ang halos tumabon sa lalake.
Pabuwal-buwal itong tumayo at hinawi ang maraming Ᵽ1,000 salaping papel na dumikit
sa kanyang katawan.
“Kamahalan, ano ang iyong pangalawang
kahilingan?” ang tanong muli ng genie.
Halos himatayin ang lalake sa dami ng kuwarta sa paligid. Humihingal ang
pananabik sa mga susunod pang milagro na magaganap, at hihinga-hinga na
nagsalita. Higit na matindi ang kasabikan nito ngayon.
“Na-na-nais kkong m-magkaroon ng kkotse, kailangang kulay pulang Ferrari,” ang nangangaykay sa nerbiyos nitong
hiling.
POOF! Isang makislap at magara na pulang Ferrari
ang biglang lumitaw sa kanyang harapan.
“At ano
naman ang para sa iyong pangatlong
kahilingan?” ang tanong
ulit ng genie.
Nanginginig pa rin sa nerbiyos at sa kagalakan ang lalake, sabik na
sabik sa magaganap na huling kahilingan. Palukso-lukso sa katuwaan at sumandal
pa sa tapalodo ng kotse. Matagal itong nag-isip at maya-maya’y biglang umaliwalas
ang mukha, dagliang tumindig na may pagmamalaki.
Sa tagpong ito, medyo naiinis na ang
genie, “Inuulit ko, … At ano naman ang para sa iyong pangatlong kahilingan?” ang pangungulit ng dyini.
“Mayaman na ako, at may pulang kotse na Ferrari pa, wala na akong mahihiling pa, kundi ang may makasama sa buhay.
Dahil madali akong magsawá kung isa lamang ang babae sa buhay ko. Kailangang marami ang magkagusto sa aking mga
babae! Hahh? Kailangang paligiran ako ng mga Miss Universe at saka mga Miss
World, at saka mga Miss International, at saka kailangang lahat sila ay sabik
na sabik sa akin! Maliwanag bahhh, hah?”
Nagitla
ang dyini at kinakamot ang ulo,“Ano nga ba ang iyong
pangatlong kahilingan, aberrrrr?”
ang pangungulit ng nanggagalaiting dyini
sa pagkainis sa lalake.
Itinaas ng lalake ang dalawang kamay at malakas na humiling, “Kailangan kong maging katakam-takam at paborito ng mga
naggagandahang babae!”
Higit na dumagundong ang nakakabinging tunog.
POOF! Naging isang kahon ang lalake ng mamahaling tsokolate.
Ang gahaman ay walang pagkasawà, ngunit
humihinto din kapag napariwarà. Sadyang totoo ang kawikaan, na nasa hulì ang
pagsisisì.
Pag-aralan ang Sariling Buhay
Buhay na hindi
kinilatis,
ang kasasadlakan ay
kahapis-hapis.
Ang batas ng
inertia o nakatigil ay nangyayari lamang kung walang magpapakilos sa isang
bagay. Wala itong kakayahan na kumilos na mag-isa. Ang isang katawan na nasa
mosyon (kumikilos) ay mananatiling
nasa mosyon, sa parehong tulin at parehong direksiyon, hanggang walang
nakikialam na puwersa sa labas nito para ito patigilin.
May isang pangunahing pagkakaiba ito,
ang batas na ito ay akma at puwedeng maihalintulad sa mga nagaganap sa ating
buhay.
Narito ang ilan sa mga natuklasan ko:
1.
Ang mga tao na masipag, matiyaga, at may disiplina
ay may mararating.
2.
Ang mga tao na matapat, may pananalig, at
pagtitiwala sa sarili ay matagumpay.
3.
Ang mga tao na patuloy ang tagumpay ay mananatiling
matagumpay.
4.
Ang mga tao na masayahin ay mapayapa at maligaya.
5.
Ang mga tao na uliran ang pamumuhay ay iginagalang
at may ulir
ang reputasyon.
6.
Ang mga tao na mapagpasalamat at mapaglingkod ay
maraming oportunidad sa buhay.
7.
Ang mga tao na dumadalangin sa tuwina ay laging
pinagpapala; matiwasay at masagana ang kanilang buhay.
Sa pag-aaral tungkol sa kalikasan at mga
kapangyarihan nito sa agham at pisika (physics), ang inertia ay
kinokontrol ng
panlabas na mga puwersa. May nagwika; “Ang pinakadakilang natuklasan sa
ating
henerasyon ay mababago ng tao ang kanyang buhay kung papalitan lamang
ang mga
saloobin ng kanyang isipan.” Sapagkat anuman ang iyong nasa isipan, ito
ang iyong saloobin at magiging kapasiyahan. Walang dapat na sisihin kung
mali ang mga saloobin. Kung mabuti ang iniisip, ang resulta nito ang
makakasagip.
Magagawa mong mabuhay sa bawat araw ng iyong buhay; magsisimula ang lahat
sa dulo ng iyong mga kamay.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan