Pabatid Tanaw

Thursday, June 27, 2019

Palakaibigan Ka ba?



Ang maging Matalik na Kaibigan
Marami ang uri ng relasyon, ang pinakamahalaga dito ay ang pakikipag-kaibigan. Maging ang mga malapit sa iyong kalooban, pamilya (pinanggalingan, itinatag, at pinili), at maging mga kamag-anak. Lahat ay kailangang magsisimula sa pakikipag-kaibigan. Mauuna ang Pagmamahal, magmamahal, bago ka mahalin. Kung wala kang pagmamahal, maging sa iyong sarili... hindi mo magagawang ibigay ang bagay na wala sa iyo.
1- Maging IKAW. Walang balatkayo o pandaraya, orihinal at tunay na makipag-kaibigan.
2- Bukas-ang-puso. Walang mga paghatol o mga kundisyong pinaiiral kundi ang pagmamahal at pagmamalasakit.
3- Makiisa at tumulong. Sumama sa mga samahang nagtataguyod ng Pagkakaisa tungo sa kaunlaran, kapayapaan, at tagumpay ng lahat.
4-Simulan sa mga tao na kakilala. Balikan ang mga nakasama noon, kamustahin ang mga naging kasamahan, mga kaeskuwela, at mga kapanalig. Tanggapin ang mga imbitasyon at makipag-kaibigan.
5- Kilalanin ang karakter ng tao. Sino nga ba siya? Ano ang kanyang mga pinahahalagahan at mga prinsipyo? Magkatulad ba kami ng layunin, pangarap, at motibasyon sa buhay? Papaano ba siyang makisama o makipag-relasyon? Papaano ba ang turingan sa kanyang mismong pamilya?
6- Makipag-ugnay nang wagas at magiliw. Ipadama ang marubdob na pagnanasang makipagkaibigan.
7- Bukas-ang-palad. Madaling lapitan at handang tumulong anumang sandali.
8- Matapang at matuwid. Handang itama ang kaibigan kapag ito ay nagkamali o nalihis ng landas. Hindi alintana anuman ang mangyari, kahit na itakwil pa ng kaibigan kung para sa kapakanan nito ang ikakabuti.
9- Walang itinatangi. Basta kaibigan, lahat ng mga kaibigan nito ay kaibigan mo rin. Walang pinipili at pagkontrol na umiiral.
10- May pananalig at isang salita. Makikita sa gawa at hindi sa salita, nasa resulta ang lahat kung totoo o huwad ang isang tao.

No comments:

Post a Comment