Pabatid Tanaw

Sunday, May 27, 2018

Kilala mo ba kung Sino Ka?

Sino Ka nga Ba para sa Kanila?

May bumigkas, “Ipakilala mo sa aking kung sino ang mga kaibigan mo at sasabihin ko sa iyo kung sino ka?
   Kung nais mong malaman kung ano ang magiging buhay mo sa darating na 5 taon mula ngayon, piliting limiin at kilalanin ang 10 tao na pinagbubuhusan mo ng iyong buong panahon. Subukan ding maala-ala ang ginugol mong panahon noon para sa kanila, kung sila man ay kasama mo pa rin hanggang sa ngayon. Ito ang tamang itanong mo sa iyong sarili: “Sila ba ay naging makabuluhan at nakakatulong sa iyo o walang katuturan at nakakasama pa?”
   Kung sila ay nakakatulong sa iyong pag-unlad at makabuluhan ang inyong pagsasama, lalo pang paghusayin mo na makapiling sila sa tuwina. Ang buhay ay maikli lamang, aksayahin lamang ito sa mga bagay na makakatulong upang matupad ang iyong mga pangarap. Narito ang minimithi mong mga tagumpay sa buhay.
  Kung sila naman ay mga pasakit at pawang kapighatian ang inihahatid sa iyo, simulang iwasan sila, bilisan ang pagtakbo at layuan sila! Sapagkat kapag hindi mo ito ginawa, patuloy na magiging mapanglaw at miserableng buhay ang iyong kakasamahin, dahil katulad sila ng sakit na ketong, na madali kang mahahawa. 
    Laging tandaan, sumama doon sa mga taong nagbibigay sa iyo ng mga pakpak, nagpapaunlad sa iyong kalagayan, at laging nakahandang tumulong sa iyo anumang oras. Makisama ka nang lubusan sa kanila, at kailanman ay hindi ka mapapariwara.
   Sa uri at antas ng iyong pakikipag-relasyon kaninuman, mapabuti o mapasama man ito, ay siyang magtatakda kung anong personalidad o pagkatao ang magiging ikaw at ang klase o kalagayan ng buhay na iyong susuungin. Gawin ang higit na makakabuti para sa iyo, palibutan mo ang iyong sarili ng mga tao na nagpapahalaga, kumikilala sa iyong pagkatao, nag-uukol ng pagmamahal at pagmamalasakit sa iyo, … at kailanman ay hindi ka maliligaw ng landas

No comments:

Post a Comment