Pabatid Tanaw

Thursday, April 26, 2018

Huling Kahilingan





Bungisngis #204
Isang malungkuting lalake ang naglalakad sa kagubatan, bawat bato na matapakan ay sinisipà, nang matisod niya ang isang munting lamparà. Mabilis niya itong dinampot, nang maala-ala ang kuwento tungkol sa makapangyarihang dyini (genie). Bigla itong  napangiti kasabay ang panalangin, “Sana totoo na may dyini sa loob ng lamparà, ito na lamang ang pag-asa ko na mabago ang mga kapighatian ko sa buhay. Nangangalog man ang mga tuhod sa pananabik, ay nanginginig niya itong kinuskos ng maraming ulit, at gaya ng kanyang inaasahan, umuusok na lumitaw ang malaking dyini, na naghihikab at yumukod pa sa kanya.
   Mag-utos ka ng anumang kahilingan, aking kamahalan,” ang nakayukong pahayag ng dyini,tatlong kahilingan lamang at ang mga ito ay ipagkakaloob ko sa iyo ng buong puso, aking kamahalan.”
   Lalong tumindi ang nerbiyos ng lalake,“Ss-sa una kong kkahilingan,” ang pauntol-untol na hiling nito, “Bb-bigyan mmo ako ng ss-sasampung bilyong piso!”
     POOF! Sampung bilyong piso ang halos tumabon sa lalake. Pabuwal-buwal itong tumayo at hinawi ang maraming Ᵽ1,000 salaping papel na dumikit sa kanyang katawan.
   “Kamahalan, ano ang iyong pangalawang kahilingan?” ang tanong muli ng genie.
   Halos himatayin ang lalake sa dami ng kuwarta sa paligid. Humihingal ang pananabik sa mga susunod pang milagro na magaganap, at hihinga-hinga na nagsalita. Higit na matindi ang kasabikan nito ngayon.
   “Na-na-nais kkong m-magkaroon ng kkotse, kailangan ay kulay pulang Ferrari,” ang nangangaykay sa nerbiyos nitong hiling.
    POOF! Isang makislap at magara na pulang Ferrari ang biglang lumitaw sa kanyang harapan.
   “At ano naman ang para sa iyong pangatlong kahilingan?” ang tanong ulit ng genie.
   Nanginginig pa rin sa nerbiyos at sa kagalakan ang lalake, sabik na sabik sa magaganap na huling kahilingan. Palukso-lukso sa katuwaan at sumandal pa sa tapalodo ng kotse. Matagal itong nag-isip at maya-maya’y biglang umaliwalas ang mukha, dagliang tumindig na may pagmamalaki.
Sa tagpong ito, medyo naiinis na ang genie, “Inuulit ko, … At ano naman ang para sa iyong pangatlo at huling kahilingan?” ang pangungulit ng genie.
   Mayaman na ako, at may pulang kotse na Ferrari pa, wala na akong mahihiling pa, kundi ang may makasama sa buhay. Dahil madali akong magsawá kung isa lamang ang babae sa buhay ko. Kailangang marami ang magkagusto sa aking mga babae! Hahh? Kailangang paligiran ako ng mga Miss Universe at saka mga Miss World, at saka mga Miss International, at saka kailangang lahat sila ay sabik na sabik sa akin! Maliwanag bahhh, hah?
    Nagitla ang dyini at kinakamot ang ulo,Ano nga ba ang iyong pangatlo at huling ng kahilingan, aberrrrr?” ang pangungulit ng nanggagalaiting dyini sa pagkainis sa lalake.
    Itinaas ng lalake ang dalawang kamay at malakas na humiling, “Kailangan kong maging katakam-takam at paborito ng mga naggagandahang babae!”
Higit na dumagundong ang nakakabinging tunog.

   POOF! Naging isang kahon ang lalake ng mamahaling tsokolate.
----------------------------------------------------------------------------------------------------o
Ang gahaman ay walang pagkasawà, ngunit humihinto din kapag napariwarà. Sadyang totoo ang kawikaan, na nasa hulì ang pagsisisì. 

No comments:

Post a Comment