Pabatid Tanaw

Wednesday, November 29, 2017

Saklolo!

Siya lamang ang tanging nakaligtas sa lumubog na barko, at ipinadpad ng malalaking alon sa isang walang katau-tao na munting isla. Sa sumunod na mga araw, nakaluhod siyang nananalangin sa Diyos na masaklolohan. Araw-araw ay lumilibot siya sa isla sa paghahanap ng makakain na bungang-kahoy at kasabay nito ang pagtanaw sa dagat kung may barko o bangkang dumaraan, ngunit tulad ng dati, lagi siyang nabibigo sa hinihintay na saklolo.
   Sa kawalan ng pag-asa at kapaguran, kahit papaano ay nakagawa siya ng maliit na kubo mula sa mga kahoy na inanod sa isla at mga talahib at dahon ng niyog na ginawa naman niyang bubungan. Inipon niya ang mga napulot na mga kasangkapan at ilang kagamitan at masinop na inilagay ito sa kubo. Subalit isang araw, matapos maghanap ng makakain dinatnan niyang nagliliyab at nasusunog ang kubo. Ang itim nitong usok ay mabilis at pataas na tinangay ng hangin.
   Ang pinakamasaklap ay naganap; lahat ng kagamitan na mahalaga sa kanya ay nasunog. Halos panawan siya ng ulirat sa pag-iyak. Matinding panlulumo at galit ang namayani sa kanya. Diyos ko, hindi pa ba sapat na ako ay mapadpad sa munting isla na ito? Bakit pati ang aking munting tirahan ay nawala pa sa akin?” ang panggagalaiting hiyaw niya na sinundan ng mahabang hagulgol. Kinaumagahan, habang nakahiga sa buhangin ay nakarinig siya malakas na busina ng barko na palapit sa munting isla upang saklolohan siya. Nang makasakay na sa barko ay mabilis niyang tinanong ang kapitan kung papaano nila nalaman na siya ay nasa munting isla. “Nakita namin ang iyong paghingi ng saklolo sa usok na nagmumula sa munting isla. Tao lamang na nasa panganib ang makakagawa ng usok na tulad nito,” ang pahayag ng kapitan ng barko.
-----------------------------o
   Madali tayong mawalan ng pananalig kapag nalalagay tayo sa panganib at matinding pangangailangan. Subalit huwag mawawalan ng pag-asa, sapagkat sa lahat ng sandali ang Maykapal ay hindi nakakalimot. Sa kabila ng mga pasakit at kapighatian, laging tandaan kapag ang iyong kubo ay nasusunog---isa lamang itong pahiwatig upang saklolohan ka at pagpalain ng Maykapal.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment