Pabatid Tanaw

Wednesday, November 29, 2017

Nasa Pagkilos ang Lahat

Hindi mo kailangan na maging dakila para magsimula, subalit kailangan mong magsimula para maging dakila.
Ang mga kataga ay komentaryo lamang, ito ang reyalidad. Ang aksiyon ang siyang katotohanan. Makikilala ang isang punong-kahoy sa kanyang bunga. At kung ano ang iyong itinanim ay siya mo ding aanihin. Sa mga pangungusap na ito, mababatid natin na mula sa mga pagkilos, maging maganda man ito o maging pangit, ang naging resulta ang mismong batayan.
   Kung minsan, nakakaramdam ka ng kaduwagan na magsimula ng bago sa dahilang hindi ka katulad sa kahusayan ng iba na kayang-kayang gawin ang ninanais mo. Saan mang larangan; pagtugtog ng piano, pagkalabit ng gitara, sa pagkanta, o pagsayaw, kung ikaw ay baguhan, tiyak na mangangapa ka pa.Talaga naman na hindi ka nila katulad, ngunit kung hindi ka magsisimula at kikilos na ngayon, kailanman ay hindi mo mararating ang kanilang antas ng kahusayan.
   Ang paglalakbay ng libong kilometro ay nagsisimula sa unang hakbang. Anumang antas ang kalagayan mo sa ngayon ay sadyang mababago hanggat may pagtitiwala ka sa iyong kakayahan. Likas na huhusay ito at uunlad sa kagalingan na naghihintay para sa iyo. Magsimula nang kumilos at ang lahat ay madali na lamang.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment