Pabatid Tanaw

Wednesday, November 29, 2017

Integridad: Mayroon Ka ba nito?

Matalinong pananalita, matalinong aksiyon, at matalinong pamumuhay.
Kapag may matalino kang pang-unawa at matalinong intensiyon na umunlad, mapapatunayan mo ang kahalagahan ng pamumuhay na may higit na integridad o uliran. Mauunawaan mo ang mga epekto at resulta ng iyong mga aksiyon sa iyong sarili at maging sa iba. Ang mamuhay ng may integridad ay siyang batayan at pangunahing pagsasanay para linangin ang katatagan ng isipan, na siyang esensiyal para ang kawatasan ay mapagyaman. Sapagkat anuman ang ating ginagawa at kung papaano ito nagagawa ay nagpapatibay ng malakas na impluwensiya sa ating mga relasyon at kung papaano natin ito nadarama tungkol sa ating mga sarili. Ang mamuhay na may integridad , kailangan bigyan natin ng kaukulang atensiyon kung ano ang ating sinasalita at ginagawa, kasama dito kung ano ang ating ginagawa para mabuhay.
   Ang matalinong pangungusap ay isang pagsasanay na maging gising at maingat sa ating mga salita, mga pangako na  may katapatan at kabutihan sa lahat ng ating mga relasyon---pati na rin ang relasyon sa ating sarili. Umiwas sa paggamit ng mga salitang mapanira, nagdudulot ng kapighatian, mapanghamak, insulto, tsismis, at mahapding pangungusap. Lumiklikha lamang ito ng alitan, sakitan at hiwalayan.
   Kapag maingat at magiliw ang pananalita, nakalulunas at nagdudulot ito ng malalim na koneksiyon. Makapangyarihan ang mga salita, nakakabuhay ito at nakakamatay din, may pagpapala at may pagluluksa. Ugaliing magsanay na pinaglilimi ang iyong mga salita sa sarili, nagpapahayag ito ng kalunasan o kapaitan, kasiyahan o kapighatian, pagtitiwala o inseguridad, at pagkabuhay o kamatayan.
-------------------------------------------------o
   May isang katutubong kuwento tungkol sa isang matandang lalake na mayroong dalawang aso na nakatira sa kanyang isipan, ang isa ay may masamang asal at ang isa naman ay may mabuting ugali. Minsan ay nagtanong ang kanyang batang apo, “Sino sa dalawang aso ang laging nananalo?” At ang matandang lalake ay sumagot, “Depende ito kung sino ang lagi kong pinapakain.”

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment