Pabatid Tanaw

Wednesday, November 29, 2017

Bawat Bagay ay Mahalaga

‘Yon lamang pinakamaliit ang nakakapuwing! At mula sa maliit kapag nagpatuloy nang walang hinto ito ay nagiging higante. Bawat kaisipan, kataga, at aksiyon ay may isang direksiyon na maaaring magpakilos upang magtagumpay o mabigo ayon sa pagkakalikha nito. Bawat sandali ay naghahandog ng oportunidad para umunlad o umurong at yaon lamang na sumusunod sa tama at mabuting gawa ang nagtatagumpay.
  Walang neutral, kundi positibo o negatibong mga pagpili o mga aksiyon. Bawat hakbang ay patungo sa isang direksiyon. Isang responsibilidad na magpatuloy, huwag mag-alinlangan o huminto at sumuko. Sapagkat yaon lamang may pananalig, dedikasyon, disiplina, mahusay na kapasiyahan, kakayahan, at simbuyo (passion) ang nakatakdang magtagumpay. Bawat araw ay may handog ng pagbabago para umunlad.
   Hanggat inaalam mo ang mga bagay na mahahalaga para sa iyo, pinaglilimi at sinisiyasat mo ang iyong buhay. Pinakikinggan mo ang iyong tinig, ang repleksiyon ng iyong kaisipan, pinagmamasdan at inuuri mo ang iyong mga aksiyon … mga proseso ito upang tuluyang pangibabawan at kontrolin ang iyong isipan.  Ikaw ang higit sa lahat ang may kapangyarihan sa iyong sarili, hindi ang iyong emosyon at isipan.
   Kung kilala mo kung sino ka, alam mo kung ano ang iyong mga naisin, malalaman mo kung saan ka patungo.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment