Pabatid Tanaw

Monday, July 03, 2017

Pagmamahal na Aso at Pusa

Ang mag-asawa ay hindi biro, hindi tulad ng mainit na kanin na isinubo ay iluluwa kapag napaso. 

   Marami na akong nakita at naranasang magugulong relasyon, subalit ang away mag-asawa ang namumukod tangi sa lahat. Mistula itong itinaga ang gulok sa tubig at nang itaas ang gulok muling nagsama ang tubig. Sapagkat sa ilang sandali lamang, matapos ang halos na magpatayang pag-aaway, balik ulit sa normal na relasyon ang mag-asawa. Isa itong malaking palaisipan sa walang hintong alitan ng mag-asawa; na kung saan ang lalaki at babae ay isinisisi ang kanilang mga kabiguan at 'galit sa mundo' sa sandaling magkita silang dalawa pagdating ng hapon o pagkagaling sa trabaho. Magsisimula ang pagtatalo at palitan ng mga maa-anghang na pananalita kahit na sa mumunting bagay na walang halaga. Laging may isyu at dahilan ang bawa't bagay. Kahit na takip ng toothpaste na hindi naibalik ay Word War III na ang katumbas.
  Doon sa iba, sa mga mapayapa at matatag na relasyon ng pagsasama, ang mag-asawa ay may panahong isantabi ang mga maghapong mga karaingan at kapaguran. Hindi nila binibigyan ng malaking atensiyon ang normal na kaganapan sa maghapon, sa paniwalang bahagi ito ng buhay upang maging matatag at matiwasay na magpatuloy sa mga gawain. Maaaring nagpapalitan ng mga kuro-kuro at opinyon sa parehong problema at maging sa antas ng kanilang ipinagkaiba, subalit mayroon silang kabatiran na maging magalang at magiliw sa isa’t-isa. Sa halip na mainitang pagtatalo na humahantong sa alitan ay mga haplos, mga yakap, at mahinahong pananalita ang isinusukli ng bawa’t isa.
   Kahit na magpatuloy ang talakayan sa mga isyu, lalo na kapag kasangkot ang mga kaanak sa magkabilang pamilya, ibayo nilang pinahahalagahan at iginagalang ang kanilang relasyon. Nauunawaan nila na higit silang may pagkakataon na maging masaya kung pipiliin ang respeto at kahalagahan ng isa’t-isa sa kanilang pagsasama. Hindi ang mga pasakitan, mga pagbabanta, mainitang pagtatalo, at mga pangpasama ng kalooban.
   Ayon sa aking ama, tatlong persona ang kasangkot kapag mayroong pagtatalong namamagitan sa pag-uusap; si Lalake, si Babae, at si Relasyon. Bago magsimulang uminit ang palitan ng mga katwiran, ipinauuna sa lahat ang nagmamasid at higit na nakauunawang ‘persona ay si Relasyon.’ Lagi itong nakamatyag, nag-aalala, at nananalanging huwag humantong sa alitan ang simpleng mga usapan.
   Kung may pagsasaalang-alang ang mag-asawa sa kanilang relasyon, anumang pagtatalo ay kusang tumitigil at ang paghingi ng paumanhin ang siyang umiiral. Subalit doon sa mga batikan at beterano na sa ganitong mga pag-aaway, tila musika at ipinaghehele sa duyan ang kanilang mga nararanasan. Balewala na sa kanila kahit saan humantong ang kanilang buhay, kahit na sa dulo ng impiyerno, basta maipakita ng isa, na siya lamang ang may katwiran. ‘Ika nga sa Inggles, “My way, or the highway!”
Walang Saysay na Taltalan
   Hindi na kailangan pa na magkaroon ng tamang pakiramdam o maghintay ng tamang pagkakataon, ang mahalaga ay maipadama ang kabaitan sa isa’t-isa. Kahit na yaong mga maiinitin ang ulo ay may nakatago ding kabaitan. Ang kailangan lamang ay pagtitimpi at maging mahinahon sa kausap. Hindi ang madala o padadala sa kainitan ng pagtatalo; na biglang sumasabog at tila binagsakan ng sangkaterbang unos na wala nang makapipigil sa matabil at matalim na dila. Madali ang pumasok at mangibabaw sa pagtatalo, lalo na kung personalan na at pati yaong mga nakatagong kamalian at ‘dumi’ ng personalidad ay ipinangangalandakan, ngunit matapos ito, papaano pa mababawi ang mga salitang halos dumurog sa kaluluwa ng kataltalan?
   Madali ang magpakawala ng mga salitang mapanira, humahamak, at dumudurog sa pagkatao ng isang tao, subalit ito ba ang talagang kailangan at nararapat para gisingin at baguhin ang kausap? O, bahagi ito ng pagsupil at pagkontrol sa kalayaan ng katalo?
Bugbugin mo sa katawan ang isang tao at ito’y kanyang malilimutan. Subalit ang saktan ang kanyang damdamin ay mapait na alaala sa kanya magpakailanman.
   Ano ba ang tamang paraan o ang matuwid na landas para sa mag-asawa? Ang pasakit o pagpapasama ng kalooban ay madaling daan para makuha ang gusto. Huwag lamang sumang-ayon at mangatwiran kaagad ay isa pa. Maging ang hindi pagkibo, mabilis na reaksiyon nang walang paglilimi, sadyang palasagot at madaling mainis ay mga paraan din. Ngunit, ang mga ito’y palaban at patungo sa malaki pang hidwaan na kalimitang humahantong sa matinding pagkakagalit at hiwalayan.
   May bumanggit, “Kung manghuhuli ka ng langaw, higit na mabuti ang pulot (honey) kaysa suka (vinegar). Kaya nga sa tawag pa lang na “Honey, may kailangan ka ba?” ay malaki ang nagagawa sa pagsasama. Napakasimple lamang na paraan sa lahat ang . . . magiliw, mahinahon, at mapagmahal na atensiyon. Dahil narito ang respeto, pagdakila (honor) at pagpapahalaga sa namamagitang relasyon. 
   Naranasan at patunayan ko na ito ang mahalagang formula sa pagasasama: Minamahal ang mga babae ngunit hindi inuunawa. Hindi minamahal ang mga lalake kundi inuunawa.
   Sa pag-aasawa; kailangan ang lalaki ay bingi, at ang babae naman ay pipi. 
   Sa mga lalaking may asawa, yakaping mahigpit ang inyong maybahay at tagalan ito kaysa dati. Kailangan ito ng inyong maybahay. Dagdagan ito ng halik. Maiibigan niya ito. Lalo na kung siya ay nakatalikod at may ginagawa sa kusina o saan mang panig ng bahay. At kung kakausapin siya, tumitig sa kanyang mga mata nang may pang-unawa, may pagmamahal, at tinatanggap na siya man din ay naghahanap ng pagmamahal sa iyo. Huwag mo nang intindihin pa ang tungkol sa iyong sarili, bagkus ibuhos mong lahat ang iyong atensiyon sa kanya, dahil higit niyang kailangan ito kaysa iyo. At sa puntong ito, mapapaluhod siya sa kaligayahan, at pasasalamatan ang Diyos sa pagkakaroon ng isang asawa na tulad mo, na patuloy na nag-aaral na matutuhan kung papaano mahalin siya nang buong puso.
   Siyanga pala, bago ko malimutan, may isa akong mahalagang sekreto  sa patuloy na pagsasama at wagas na pagmamahalan. Napakasimple at dalawang kataga lamang, “Yes, dear? …”

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan 

No comments:

Post a Comment