Pabatid Tanaw

Friday, July 07, 2017

Ano nga ba ang Kahulugan ng Buhay?

Maging masaya na sa sandaling ito. 
Ito ang tamang sandali ng iyong buhay.

Ano nga ba talaga ang Buhay? Malawak ito at hindi tuwirang masasagot. Maging ang mga dalubhasa na seryosong gumugol ng mahigit na daang taon ay pahapyaw lamang na nauunawaan ito; kung ano ang nakapaloob sa lahat ng mga nabubuhay na organismo, ay nananatiling mailap kung ano at papaano ang buhay. Sa agham at mga siyentipiko nito, ang buhay ay binubuo ng maramimg kemikal tulad ng atom, molecules of hydrogen, oxygen, carbon, phosphorous , atbp.
  Subalit sa isang panig, ang lahat ng nabubuhay ay hindi namamatay: nagsisimula muli ito, mula sa maliit na selula, sasanib sa mga alikabok, sa, hangin, at sa tubig, upang maghanap ng mga elemento na kinakailangan upang makabuo ng isang amoeba, langgam, elepante, o ng isang mahusay na arkitekto, tulisang Pangulo, bayarang hukom, komedyante, at kung anu-ano pa. Sa relihiyon, ang taguri nila rito ay ispirito o kaluluwa na lumilisan kapag namatay ang isang tao. Ngunit hindi pinansin ang nabulok na katawan kung saan napunta at sumanib ang katas at alingasaw nito.
    Ang misteryo ay nasa bagong nagsanib na elemento, na patuloy na lumalaki, tumatanda, at nalulusaw. Subalit bago ito mangyari ay nag-iiwan ng isang katulad niya at ang prosesong ito ay nagpapatuloy mula pa noong tatlo at kalahating bilyong taon sa ating daigdig. At bakit naman nagkaroon ng isip? Tungkol naman ito sa enerhiya na nagpapakilos sa daigdig na kung saan ang kapangyarihan ng positibo at negatibo ay lumilikha ng mga kamangha-manghang kaganapan sa ating kapaligiran tulad ng mga pagkulog at pagkidlat sa kalikasan na gumagabay, bumubuhay, at nagpapakilos sa atin. Subalit sa ibang araw na natin ito talakayin.
   Sa maraming pananaliksik tungkol nabubuhay na karaniwang organismo at mataas na antas ng hayop, mula sa amag at isdang bangus na kinain sa tanghalian, sa mga unggoy na naglalambitin sa mga baging, sa mga nagdidilim na mga kagubatan, sa mga nabubuhay na mga lamang-dagat at sa mga tubigan, ang mga dalubhasa sa agham ay nagkakaisa sa maraming bagay tungkol sa buhay. At ayon sa kanilang pananaliksik; lahat ng nabubuhay, ay nangangailangan ng enerhiya o pampalakas na nakukuha sa pagkain upang mabuhay. Mayroon din na mismo sila ang lumilikha na kanilang sariling pagkain.
  Kailangang dumumi upang itapon ang sapal o pinagkatasan ng kinain
  Lumalaki, nagbabago, tumatanda, humihina, at namamatay
  Umaayon, nakikiisa, at tumutugon sa kanyang kapaligiran
  Nagsusupling, nag-iitlog, o nanganganak ng katulad niya at ipinapasa ang kanyang mga katangian sa anak, at ito din ang patuloy nitong gagawin nang walang hanggan.
  Sa buong buhay nito, ito’y sumisibol, tumutubo, sumusulong, at umuunlad nang naayon sa kanyang kinalalagyan at kapaligiran nito. Ang lahat ng ito’y tungkol sa pisikal na mga bagay tungkol sa buhay. At ang pinaka-mahalaga sa lahat ay ang mismong buhay, pamumuhay, mga nagaganap, at nakapaloob dito sa pakikibaka upang mabuhay. Ito ang ating tunay at ginagawang buhay sa buong panahon na ilalagi natin dito sa daigdig.
   Lahat ng nabubuhay sa daigdig ay nauuwi sa alikabok at abo kapag namamatay, Hindi lamang ito upang mabuhay at laging huminga. Hindi ang kumain, magtrabaho, kumain, mag-aliw, kumain, at matulog. At kinabukasan, ay ang ulitin muli ito nang walang hanggan. “Kumain para mabuhay, at mabuhay para kumain.”
   Marami ang nakapaloob dito na samut-saring mga pakikipagsapalaran, pakikipag-kapwa, pagmamahal, pagmamalasakit, at ang iiwanang pamana sa susunod na henerasyon.
   Ang Buhay ay hindi inihandog, ipinagkaloob, at inilaan sa iyo upang unti-unting magbilang ng mga kaarawan habang patanda at pahina. Hindi ito nagsimula noong ipanganak ka at matatapos sa kamatayan. Patuloy ito sa maraming taong pag-aaral sa takbo at mga paghamon ng buhay, at higit na pagtuon sa ating mga sarili. Ang tuklasin, pag-aralan, at gampanan ang katotohanan kung ano ang tunay na dahilan at bakit tayo narito sa daigdig. Ano ang ating dakilang layunin at tayo ay nabubuhay, para saan ba ito?
   Hindi ito ang pagkukumahog na tulad ng isang karera upang makamit ang minimithing lunggati. Hindi ina-alaala ang nakaraan o nakatuon sa hinaharap. Ang buhay ay nakatunghay mismo sa mga sandaling ito, pinagmamasdan ang mga bumubukadkad na mga bulaklak, sinasamyo ang magkakaibang bango nito, pinakikinggan ang huni at awit ng mga ibon, nilalasap ang kinakain, dinarama ang haplit ng sariwang hangin, tinitighaw ang kauhawan, at pinananatiling handa at gising ang kaisipan sa tuwina. Ang mga pag-aaral, pagsasanay, at pagtupad sa mga gawain, at pagkita ng pera ay para lamang malasap ang lahat ng mga nararamdamang ito. Sapagkat higit sa lahat ay ang hangaring magpakasaya at maging maligaya sa buong buhay. Dahil ito ang magbabadya kung ikaw ay magiging matagumpay o nakatakda sa kapighatian. Sapagkat kung hindi ka masaya, wala kang matatapos na mahalagang gawain at pawang pagpupumilit at pagkaladkad lamang sa iyong mga paa tuwing umaga ang gagampanan mo sa iyong tanang buhay.
   Maligaya at malumanay na naglalakad, mahinahon at masuyong nagsasalita, umuunawa sa mga kaganapan sa paligid, mapagmahal sa mga malalapit sa puso, nakikipaglaro sa mga bata, nakikipagsasaya anumang saglit, nag-iipon ng mga karaniwan at mahahalagang bagay na maipapamana. Ito ang ating maligayang buhay.
Ang Buhay ay hindi ang nangyayari sa iyo, bagkus kung ano ang nakakamtan mong kaligayahan sa mga bagay na iyong hinahangad. Narito ang mga kalutasan ng iyong marubdob na hangaring naghahatid sa iyo ng kailangang atensiyon at pagmamahal. Mga kapasiyahang magbibigay ng ibayong pag-asa upang matiwasay na mamuhay. Alalahaning hindi mo magagawang kontrolin ang haba ng iyong buhay, subalit magagawa mong kontrolin ang kabuluhan, kaunlaran, at kaligayahan nito. Panaligan na mabuti at maganda ang iyong buhay at ang paniniwalang ito ang siyang lilikha upang maging makatotohanan ito.
    Ang Buhay ay pinapayagan tayong humiling kung ano ang ating mga naisin, gawin ang lahat ng ating makakaya, subalit kadalasan ay ipinagkakaloob lamang ang sadyang nararapat nating makamtan. May mga misteryosong bagay kung bakit ang iba nating kahilingan ay hindi naibibigay, at tadhana lamang ang nakakaalam hinggil dito.
   Ang lahat sa buhay na ito ay nakapaloob sa mga natatanging kapasiyahan na ating ginagawa sa bawa’t araw. Gamitin natin ang ating kapangyarihan sa pagpili. Piliin natin ang mga bagay na nakapagdudulot ng ibayong pagmamahal, kabutihan, nakalulugod, kasiyahan, kaunlaran, kapayapaan, kaligayahan, at pakikiisa sa Dakilang Lumikha para sa ating mga sarili. At ating tuparin ang pagpapalang iginawad sa atin; ang ating dakilang layunin na makapaglingkod sa ating kapwa, makipagtulungan, dumamay, at ilahad ang katotohanan na nagpapairal ng katarungan, nagpapalaganap ng kaalaman, nagtatatag ng kapatiran, nagpapayabong ng kaunlaran, at nagdudulot ng kapayapaan at kaligayahan sa sinumang ating nasasalubong sa pagtahak sa landas ng buhay.

   Lumilikha tayo ng pamumuhay mula sa mga bagay na ating nakakamit, datapwa't tahasang lumiligaya tayo sa ginagampanan nating buhay kung ano ang ating ibinibigay.

   Ito ang katotohanan. At ito, . . . 
    ang ating buhay.

 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment