Pabatid Tanaw

Tuesday, April 11, 2017

Pssst... Namalayan Mo na ba?

Yaon lamang mga nagkamalay ang makakaranas 
ng wagas na kaligayahan sa buhay.
 
KAMALAYAN (Awareness)
   Dalawang babae ang parehong umabot sa gulang na pitumpo, ngunit bawa’t isa ay humarap sa magkaibang pananaw. Ang isa ay “nababatid” na ang kanyang buhay ay matatapos na. Sa kanyang kaisipan, ang pitumpong taong buhay ay nangangahulugan ng katandaan, rayuma, pananakit ng mga kalamnan, patuloy na panghihina, na kinakailangang harapin at tanggapin na ito ang kawakasan ng kanyang buhay. Subalit ang isa, ay nagkamalay at nagpasiya na ang tao ay may kakayahan na anuman ang kanyang gulang ay makakayang baguhin ang sariling kalagayan, at itaas ito sa kanyang nais na antas at kakayahan. Ipinasiya niyang sumali sa grupo ng mga umaakyat ng bundok (mountain climbing), bilang pampalakas na libangan sa gulang na pitumpo (70). Sa nakalipas na dalawampu’t limang taon (25), iniukol niya ang kanyang sarili na maging eksperto sa pag-akyat sa matataas na bundok sa buong daigdig, at nagpatuloy ito hanggang sa umabot siya nang mahigit na siyamnapong taong gulang (90+). Si Hulda Crooks ay naging pinakamatandang babae na nakaakyat sa bundok ng Fuji sa bansang Hapon.  
Hulda Crooks (May 19, 1896 – November 23, 1997) was an American mountaineer. Affectionately known as "Grandma Whitney" she successfully scaled 14,505-foot (4,421 m) Mount Whitney 23 times between the ages of 65 and 91. She had climbed 97 other peaks during this period. -Wikipedia
  Ipinapakita dito, na anuman ang iyong kapaligiran o kalagayan; kailanman ay hindi ang mga kaganapan o pangyayari ang dahilan, bagkus ang nagbibigay ng kahulugan sa mga ito ay ang ating Kamalayan dito. Alisin ang ating malay para dito, at wala nang kabuluhan pa ang patutunguhan ng mga pangyayaring ito. Subalit ituon ang kamalayan dito, at mistulang may giya na may direksiyong pupuntahan ito.
Aking nadinig at nalimutan ko.
Aking nakita at naala-ala ko.
Aking ginawa at naunawaan ko.   –Confucius (551-479 BC)
. . . At namalayan kong ako pala ay matagal nang natutulog.
 Hindi ang mga pangyayari sa ating buhay ang humuhubog sa atin, bagkus ang ating kamalayan kung anong kahulugan nito sa atin.

   Hangga’t ang iyong kaisipan ay walang direksiyon, hindi ka pa nagkakamalay. Kapag nalalaman mo ang iyong  intensiyon o hangarin, batid mo ang magiging resulta nito, maging ito ay patungo sa kaligayahan o kapighatian... nagkakamalay ka na. Naaabot ng iyong kamalayan at pamantayan ang anumang kakahinatnan nito. Mula sa pananatili ng iyong integridad, karangalan, at buong pagkatao, natatalos mo ang epekto nito sa iyong buhay. Habang tayo ay nagkakamalay, umuusbong ang ating mga paniniwala, at ito ang kapangyarihang lumilikha ng mga makabuluhan at kapangyarihang pumupuksa ng mga walang saysay.
   Anuman ang ating ginagawa, ang kamalayan o walang kamalayan na ating pinaiiral sa ating mga sarili ang ating papaniwalaan, dahil nababatay ito sa kasiyahan o kahapdian. Kapag masakit, iiwasan natin. At kung masarap, ipagpapatuloy natin. Narito ang katotohanan kung anong uring kamalayan ang ating gagamitin: Pagpapasarap, pagpapakahirap, panandaliang aliw, o pagtitiyaga na sa bandang huli ay malalasap din ang inaasahang kasiyahan?
 "Malay natin... baka nalaman na niya."
 
 “Ano bang malay ko diyan!”
 
   “Wala akong namalayan.”
 
   “Nagkamalay na ba?” 

   “Kamalayin mo ang iyong loob.”
 
Diyos ko pooh! Nawalan ng malay ang katabi ko!
 
"Hoy Bestre, 'yong kaibigan natin na si Bruno, paglalamayan na mamayang gabi."
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment