Pabatid Tanaw

Tuesday, April 11, 2017

AKO pala ay Nakatulog

Ano ba ang Kamalayan?

Limitadong paniniwala o bukas na paniniwala? Alinman ang piliin sa dalawang ito, ay siyang magbubunsod ng iyong kapalaran.
Ito ay ang ating pangmalay (awareness) na pinaniniwalaan. Kung anong uring kamalayan ang biglang sumagi sa ating isip at hinango sa nakatagong memorya ng karanasan sa ating kaisipan, ito ang ating paniniwalaan at pangmumulan ng ating kapasiyahan. Halimbawa: Kalimitan sa ating buhay, nagsasalita tayo ng mga bagay nang walang malinaw na ideya kung ano ang ating binibigkas. Lalo na kung ating ikinikuwento ang istorya na nadinig natin sa iba na naikuwento naman sa tagapakinig sa atin at sa katagalan ay naiparatin din sa nagkuwento. Nangyayari ito nang hindi natin namamalayan na tagahatid na pala tayo ng kuwento ng iba na nagmula din sa iba. Ang tawag dito ay siyete. At ito’y dahil tinatrato natin ang ating pinaniwalaan na isang bagay, gayong ito ay isa lamang na pakiramdam na nagpapatunay sa isang bagay. Ang simpleng paraan upang maunawaan ang isang ideya, ay gawin itong isang hakbang o baitang upang ganap na maintindihan ito. Sa madaling salita, kumilos at gampanan nang maranasan.
    Mapapansin na lamang natin, at hindi namamalayan na mali ang ating paniniwala at walang katiyakan, at ito ang dahilan kung bakit hindi natin nagagamit nang husto ang kapasidad na nakatago sa ating Kamalayan.
   Lahat ng ating pinaniniwalaan ay batay sa ating Kamalayan. Pinangingibabawan ito tungkol sa ating nakaraan, batay sa ating mga ipinagkahulugan sa naranasang kasiyahan o kasakitan. Ang pagsubok dito ay nasa tatlong dahilan:
1) Lahat tayo ay walang malay kung magpasiya sa ating paniniwalaan. Madali tayong maniwala lalo’t mga matatanda, o ang mga hinahangaan nating idolo ang nagsabi para dito.
2) Madalas na ang kamalayan natin ay higit nating pinaniniwalaan ang maling pakahulugan sa mga nakaraang karanasan. Nasanay na tayong hindi namamalayan na paulit-ulit pa rin ang ating pang-unawa sa dating mga problema at walang bagong solusyon upang malunasan ito.
3) At kapag nagkamalay naman tayo, at pinagtuunan ng pansin ang isang pangyayari, nagtatalaga tayo ng paniniwala para dito. At nakakalimutan nating ito ay isa lamang na interpretasyon.
   Marami sa atin ang may kakayahang magkamalay kung gagawin lamang. Ngunit karamihan ay tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Gayong kaya naman nating likhain ang mga makabuluhan at makahulugan na makapagpapalakas na magtiwala para sa ating mga sarili. Dangan nga lamang, marami din sa atin ang panatag na lamang na mabuhay nang walang namamalayan sa mga nagaganap sa kanilang kapaligiran.
    Sumangguni sa iyong intuwisyon. Sa abot ng iyong kamalayan, palagi itong bumubulong kung ano ang tama at mali. At kung ikaw ay nasa tamang kamalayan, ang buhay na iyong tinatahak ay mananatiling nasa tamang landas. Lahat ng mga dakilang tao na matatagumpay, nalalaman ang kapangyarihan ng patuloy na kamalayan ng kanilang pananaw sa buhay, kahit na ang lahat ng mga detalye para makamit ang mga ito ay wala pa. Kung maisasagawa mo na magkaroon ng matinding katiyakan na pinangingibabawan ng iyong buong kamalayan, magagawa mong mapagtagumpayan ang anumang bagay na iyong nanaisin, maging yaong mga bagay na imposibleng magawa ng ibang tao. Sapagkat ang iyong pangmalay sa mga ito ang sanhi at nagpapahiwatig ng iyong intuwisyon.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment