Pabatid Tanaw

Thursday, January 12, 2017

Tumitig hindi Tumingin



2. MAGMASID -Nasumpungan mo na ba ang kagandahan ng buhay? Makakamtan lamang ito kung paagmamasdan natin ang ating kapaligiran.

Sa totoo lamang, laging nakatunghay ito at naghihintay sa sinumang gising na. Dangan nga lamang, ang karamihan sa atin ay lubhang abala sa mga bagay na nagnanakaw ng kanilang mahahalagang atensiyon. Lalong-lalo na sa mga panandaliang aliwan na kinahiligan nilang gawin at mistulang ritwal na. Kailangan huminto at gumising nang tuluyan mula sa pagkakaidlip na ito.
   Magmasid tayo sa mga kaganapan, sapagkat anuman ang ating nalalasap sa mga pakikibaglaban sa buhay ay sadyang ipinapadala sa atin para sukatin ang ating katatagan, at para lalo itong pagtibayin. Ang mga pasakit at mga pighati ay idinudulot upang ating matutuhan na makiramay. Ang mga pakikibaka ay ipinapasan sa atin upang maunawaan natin kung papaano magpahalaga. At pinatutulo ang ating mga luha upang ganap nating mabatid kung gaano madama ang wagas na kaligayahan.
   Maging mapagtanong at mapaglimi—alamin kung ano ang iyong mga priyoridad sa buhay. Tigilan nang halungkatin pa ang nakapanlulumong mga nakaraan, at umiwas na alalahanin pa ang hinaharap, walang katiyakan ang mga ito at walang sinuman ang nakakaalam. Ang mayroon lamang tayo ay ang NGAYON—pagindapatin natin ito, sapagkat dito lamang tayo may kapangyarihang kumilos.
   Ang wika ni Ama, “Mayroon lamang dalawang araw sa buong taon na wala na tayong magagawa pa. Ang isa ay kahapon at ang isa naman ay bukas pa, ang mayroon lamang tayo ay ang araw na ito, ngayon ang tamang sandali para magmahal, maniwala, lumikha, gumawa, at makatotohanang mamuhay nang mapayapa at maligaya. Harapin ang mga pakikibaka nang may pananalig at may kabatiran na walang limitasyon sa anumang bagay na iyong natupad.
  Ang buhay ay HINDI magsisimula bukas. Simulan na itong ipamuhay NGAYON.
 Walang kahapon at bukas—NGAYON ang sandali para gawin ang iyong kapalaran.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment