Pabatid Tanaw

Thursday, January 12, 2017

Pumanà nang may Mapalà


Kaibuturan: Ang Ating mga Saloobin sa Buhay
Bagama’t magkakaiba ang ating mga pananaw tungkol sa kung anong mga bagay ang makapagpapaligaya sa atin, lahat naman tayo ay magkakatulad na umaayon sa mga positibong karanasan na nakapagbibigay ng kaligayahan at maging huwaran sa ating buhay.
   Sa araw-araw na pakikipag-relasyon sa ating kapaligiran, narito ang 12 dakilang susi na ating ginagampanan.
1. DIREKSIYON  - Magkaroon ng lunggati na pagtutuonan ng atensiyon.
Ang makadama ng magandang pag-asa tungkol sa hinaharap ay mahalaga at ating ikaliligaya. Lahat tayo ay kailangan ang mga lunggati upang magkaroon ng motibasyon na harapin ang mga paghamon o pagsubok bilang mga oportunidad. Ito ang gumugulantang at nagpapasigla sa atin, lalo na kung ang mga ito ay ating nalalagpasan at napagtatagumpayan.
   Kung susubukan naman natin ang mga bagay na imposibleng makamit, nagdudulot lamang ito ng matinding pasakit at mga panghihinayang. Bagama’t may kakayahan tayo na makagawa ng mga ekstra-ordinaryong bagay, kailangan din na tumbasan natin ito ng mga ekstra-ordinaryong mga pagkilos. Kung nais na madoble ang resulta, doblehin din ang antas ng pagsasakatuparan.
   Bawa’t pagsusulit sa ating buhay, nagagawa nito na maging mapait o malasà tayo, sa bawa’t problema na dumarating ay binabakli o pinatitibay tayo. Nasa ating pagpili lamang kung nais nating maging tagumpay o bigo; panalo o talunan; kapighatian o kaligayahan… anuman ang mapili mo, narito ang iyong kapalaran.
   Ang pagpili ng matayog na ambisyon ngunit makatotohanang lunggati ay nakapagbibigay sa ating buhay ng direksiyon, at nakapagdudulot ng pakiramdam ng katuparan. Isang satispaksiyon na ating tinatamasa kapag napagtagumpayan natin ang mga ito.
1.      Nagsimula ito sa isang pangarap.
2.      Nabuo ang isang lunggati.
3.      Sumunod ang mga pagkilos.
4.      Tumanggap ng kabiguan.
5.      Pinilit na bumangon at nagpatuloy.
6.      Ulitin ang mga hakbang na bilang 3-5.
7.      Nakamit ang tagumpay.
   Kung walang direksiyon, kahit saan mapadpad doon na humihimlay.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

No comments:

Post a Comment