Pabatid Tanaw

Sunday, January 08, 2017

Makabuluhang Taon ng 2017

Makabuluhang Taon ng 2017
Sadyang nasa pagkakaisa, pagtutulungan, at pagdadamayan masusumpungan ang ninanasà nating pagbabago. Hindi lamang para sa ating mga sarili, para sa ating mga pamilya, at para sa ating pamayanan bagkus para sa kinabukasan ng ating sumusunod na mga henerasyon.
   Sa ating pagsasama, nagtatatag tayo ng isang kapatiran ng mga tunay na Pilipino hindi lamang sa ating bansa kundi saan mang panig ng mundo. Mga tunay na Pilipino na nagnanais na makalaya mula sa kanilang mga limitasyon, gumaganap ng mga gawaing makabuluhan at namumuhay na malikhain at may inspirasyon.
   Bagama’t ang mundo ay puno ng mga posibilidad at mga pagkakataon ay nananatili pa rin nitong pinapasan ang bigat ng walang humpay na mga negatibo. Halos sa araw-araw ay lagi tayong binobomba ng mga nakakasindak na mga krimen, nakapanggagalaiting mga kabuktutan, matinding korapsyon at walang pakundangang mga pagyurak sa ating mga karapatang pantao.
   Ikaw, siya, at AKO at ang lahat na bumubuo ng ating mga payamanan kahit saan mang sulok ng mundo na may mga  tunay na Pilipino, ay magigiting na nangangarap , mga tagalikha, at mga tagapagbago. Tayo ay patuloy na nananawagan at nagpapahayag ng mabilisang Pagbabago para sa ating minamahal na bansang Pilipinas.
   Matatag tayong magbangon, tumindig nang may pagmamalaki, maging huwaran at masigla nating himukin ang marami nating mga kababayan na nakakalimot, mga tulog, mga natutulog, at mga nagtutulog-tulugan. Ating pakatandaan na ang isang tinting ay hindi makapagwawalis, kailangan nito ang marami pang tinting upang bigkisÍn at makatulong.

KUNG NAIS NA MAGTAGUMPAY, NASA PAGKAKAISA ANG BUHAY.
Narito ang ilang mga panuntunan ng mga tunay na Pilipino

1. Limiing ganap kung sino ka. Alamin kung ano talaga ang iyong nais. At itakda kung saan tahasang nais mong pumunta.
2. Linawin at tiyaking mabuti ang iyong pangarap. Piliin ang higit na umaagaw ng pansin at pagtuunan ito nang masinsinan. Ipokus ang lahat ng kaalaman at mga kahusayan para ito ay makamtan.
3. Panatilihin ang mga inspirasyon at maging malikhain sa tuwina. Narito ang walang hanggang kapayapaan at kaligayahan.
4. Ang problema ay sinusolusyunan at hindi pinagtatalunan. Huwag problemahin ang mga problema. Kung may solusyon, ito ay hindi problema.
5. Magmasid sa paligid, narito ang iyong mga kasagutan. Kapag walang saysay ang mga katanungan, wala ring mga saysay ang mga kasagutan.
6. Hangga’t minamaliit mo ang iyong kakayahan, sinusupil mo ang iyong potensiyal. Kapag nawalan ka na ng tiwala sa sarili, patunay lamang ito na pabigat ka at palaasa sa iba.
7. Tandaan lamang ito: Sa sandaling inisip mo na magaling ka, pumupurol ang iyong ulo. At kapag naisip mo namang alam mo na ang lahat, simula na ito ng iyong katangahan.
8. Dalawang tungkulin ang kaagapay sa buhay: Magsasaka at Mangingisda. Magtanim nang may anihin at Ipain lamang ang nais ng isda at hindi kung ano ang nais mo.
9. Manalig sa umiiral na Makapangyarihang Kaganapan. Ito ang tunay na Katotohanan na nagpapakilos sa ating lahat.
10. May kapangyarihan ka na baguhin ang mundo—isang magiting na pagkilos at isang tao sa bawat pagkakataon. Mangyari lamang na magampanan ito.
  
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment