Pabatid Tanaw

Tuesday, January 10, 2017

Kaibigan ba Kita?



6. MAKIPAGKAIBIGAN  -Ang  pakikipag-kapwa ay siyang pangunahin at pinakamahalagang sangkap upang lumigaya.

Ang mga tao na may matibay at malawak na relasyong sosyal ay maliligaya, malulusog, at nabubuhay nang matagal. Ang matalik na pakikipagkaibigan ay pagsasama nang maluwat para sa ating dating pamilya, ginawang pamilya, at mga piniling mga kapamilya. Nagdudulot ang mga ito ng ibayong pagmamahal, malaking kaibahan, walang hintong suporta, pagdadamayan at pagtitinginan. Ang malawak na mga koneksiyong ito ang nakapagdudulot ng pagsasama-sama at patuloy na ugnayan sa isa’t-isa. Ito ang mga pagkilos na nagpapalakas at nagpapatatag sa ating mga relasyon. At ang paglikha naman ng mga bagong koneksiyon ay siyang unang baitang para sa ating patuloy na kaligayahan.
   Kahit sino ay may kaibigan; may matalik, may mataman, at may kinakaibigan sa bawat yugto ng buhay, subalit yaong mapapalad lamang ang mayroong dati at laging kaibigan sa lahat ng kabanata ng kanilang buhay. Tanong: Sino sa mga kababata mo na hanggang ngayon ay kasama-sama at kaibigan mo pa?
Panuntunan: Huwag kailanman pipili ng magiging kaibigan nang walang kumpletong pagkakaunawaan, at huwag kailanman lilisanin ang kaibigan dahil lamang sa maliit at karampot na di-pagkakaunawaan.
Napansin mo ba ito? Sa panahon ng mga unos, mga krisis, at mga matinding pangangailangan sa buhay… ay tuluyang nakikilala mo ang tunay na kulay ng mga tao na nagsasabing dadamayan ka nila. Sinuman na umalalay sa iyo sa panahon na ikaw ay nangangapa sa dilim, sila din ang may karapatan na makasama mo kapag ikaw ay nasa liwanag na.
   Huwag lamang limutin na bawa’t bagay na ating naririnig ay isang komentaryo at opinyon ng sinuman, hindi isang katotohanan. Bawa’t bagay na ating nakikita ay isang perspektibo, hindi isang reyalidad. Sinuman ang ating nakasabay o nakasalubong sa ating paglalakbay sa buhay na ito ay may kanya-kaniyang istorya. At bago humatol sa kanya, tiyakin lamang na naisuot mo ang sapatos niya. Sakali naman na may napansin kang hindi mo nagustuhan at sadyang mga kalapastanganan mula sa kanya, mangyari lamang na siya ay iwasan at takbuhan. Kung ang natunghayan mo naman ay pawang kabutihan at huwaran na kailangang pamarisan, sumama sa kanya para sa iyong kaligtasan.
   Ipaskel ito sa dingding: Ang pagpili ng kaibigan ay dapat alinsunod sa Republic Act 9003 (Ecological Solid Waste Managemnet Act of 2003)
“Ihiwalay ang PLASTIK
at ibukod ang BULOK
sa DI-NABUBULOK.”
   Kung nais mo ng kaibigan, maging palakaibigan ka.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment