Pabatid Tanaw
▼
Thursday, January 19, 2017
Simulan na!
...at ang lahat ay madali na lamang.
Ngayon ang
pinakamahalagang sandali sa iyong buhay; wala sa nakaraan at wala rin sa
hinaharap.
Bahagi ng pagkabagot at pagkabugnot natin
sa bawat araw ang tatlong personalidad na gumigising sa atin kung sino ang dapat
masunod sa ating sarili; kung sino tayo noon, kung sino ka ngayon,
at kung sino ikaw sa hinaharap.
Nakakalimutan na ang bawat sandali ay mahalaga; laging bagung-bago, subalit
kadalasan ay pinupuno ito ng hapdi ng kahapon at pagkatakot sa hinaharap, kaysa simpleng tamasahin ang kasalukuyan.
Marami sa atin ang buhay
ngunit patay ang diwâ. “Zombie” ang
taguri nila, nabubuhay pero kinukunsumo ang buong araw sa mga hinagpis ng nakaraan,
laging may kinatatakutan at ayaw harapin ang bukas, nakababad at nasanay na sa
mga pagka-inggit, selos, mga panghihinayang, at mga pagkagalit. Laging tumatakas sa
kasalukuyan, nasa mga idolo, mga panandaliang aliwan, eat bulaga, artista, basketbol, huweteng at lotto. Hindi sila mga
buhay, mga bangkáy silang gumagalâ sa ating paligid.
Pag-aralang
mabuhay sa kasalukuyan; walang nakaraan, dahil lumipas na ito at
walang hinaharap, dahil hindi pa ito nagaganap at walang katiyakan na
mangyayari pa. Ang tangi lamang na may kontrol tayo ay NGAYON,
sa mga sandaling ito. Sapagkat narito ang uri at antas na masusukat ang
kapayapaan sa isip, kaunlaran, at kaligayahan na ating hinahangad sa buhay .
At mapapatunayan lamang ito kung
magagawa nating buhayin ang mga sandaling ito nang walang inaala-ala at inaakala.
Sapagkat gaano mang kalalim nating alalahanin ang kahapon, o ang hinaharap,
pag-aaksaya lamang ito ng makabuluhang panahon, Sa halip, harapin ang araw na
ito, ngayon,
nang nakabukas ang isipan.
Kaysa
manghinayang at sisishin ang nakaraan, o mangamba kung ang hinaharap ay
bubutí o sasamá, higit na mainam ang damahin ang kasalukuyan, ngayon na. Unawain na ang lahat ng naganap
ay dinala ka sa sandaling ito; sa kalagayan mo ngayon, upang makagawa ng higit
pa kaysa dati upang lalong paghusayin at pagandahin pa ang iyong hinaharap.
Ang
buhay ay nagaganap kahit tayo abala sa pagpaplano. Ito ay patuloy at hindi ka
kailanman hihintayin nito. Tumatanda tayo, nagbabago ang ating kapaligiran,
nagiging abala din ang ating mga anak, maninirahan sila sa malalayong pook, ang
iba naman ay yumayao na nang hindi nakapag-paalam, at ang marami sa ating mga
pangarap ay hindi natutupad. Sadyang nakakalimot tayo na mabuhay nang ganap at
patuloy sa walang hintong paghahanap.
Ang tunay na
kapangyarihan ay nasa kaibuturan mo, at ito ay hawak mo na… Ngayon.
Walang
garantiya ang bukas, ito na ang araw na may magagawa tayong pagbabago.
Kung papahalagahan natin ang sandaling ito, wala na tayong maa-alaala pa ng
kahapon o ng anumang pangamba sa hinaharap. Dahil patuloy tayong nakatuon sa NGAYON, at laging abala sa mga bagay na
magpapaunlad at magpapaligaya sa ating mga sarili. Batas ito na hindi mababali:
Nais mong malaman ang nakaraan? Tignan
ang kasalukuyang buhay. Kung nais naman na malaman ang hinaharap, tignan ang
ngayon.
Ang mainam na preparasyon para sa kinabukasan ay magagawang mahusay na ngayon!
Thursday, January 12, 2017
Pumanà nang may Mapalà
Kaibuturan: Ang Ating mga Saloobin sa
Buhay
Bagama’t
magkakaiba ang ating mga pananaw tungkol sa kung anong mga bagay ang
makapagpapaligaya sa atin, lahat naman tayo ay magkakatulad na umaayon
sa mga positibong karanasan na nakapagbibigay ng kaligayahan at maging huwaran
sa
ating buhay.
Sa araw-araw na pakikipag-relasyon sa ating
kapaligiran, narito ang 12 dakilang susi na ating ginagampanan.
1. DIREKSIYON - Magkaroon ng lunggati na pagtutuonan ng atensiyon.
Ang
makadama ng magandang pag-asa tungkol sa hinaharap ay mahalaga at ating
ikaliligaya. Lahat tayo ay kailangan ang mga lunggati upang magkaroon ng
motibasyon na harapin ang mga paghamon o pagsubok bilang mga oportunidad. Ito
ang gumugulantang at nagpapasigla sa atin, lalo na kung ang mga ito ay ating
nalalagpasan at napagtatagumpayan.
Kung susubukan naman natin ang mga bagay na
imposibleng makamit, nagdudulot lamang ito ng matinding pasakit at mga
panghihinayang. Bagama’t may kakayahan tayo na makagawa ng mga
ekstra-ordinaryong bagay, kailangan din na tumbasan natin ito ng mga
ekstra-ordinaryong mga pagkilos. Kung nais na madoble ang resulta, doblehin din
ang antas ng pagsasakatuparan.
Bawa’t pagsusulit sa ating buhay, nagagawa
nito na maging mapait o malasà tayo, sa bawa’t problema na dumarating ay
binabakli o pinatitibay tayo. Nasa ating pagpili lamang kung nais nating maging
tagumpay o bigo; panalo o talunan; kapighatian o kaligayahan… anuman ang mapili
mo, narito ang iyong kapalaran.
Ang pagpili ng matayog na ambisyon ngunit
makatotohanang lunggati ay nakapagbibigay sa ating buhay ng direksiyon, at nakapagdudulot ng pakiramdam
ng katuparan. Isang satispaksiyon na ating tinatamasa kapag napagtagumpayan
natin ang mga ito.
1.
Nagsimula
ito sa isang pangarap.
2.
Nabuo
ang isang lunggati.
3.
Sumunod
ang mga pagkilos.
4.
Tumanggap
ng kabiguan.
5.
Pinilit
na bumangon at nagpatuloy.
6.
Ulitin
ang mga hakbang na bilang 3-5.
7.
Nakamit
ang tagumpay.
Kung walang direksiyon, kahit saan mapadpad doon na humihimlay.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng
Balanga, Bataan
Tumitig hindi Tumingin
2.
MAGMASID -Nasumpungan mo na ba ang kagandahan ng buhay? Makakamtan
lamang ito kung paagmamasdan natin ang ating kapaligiran.
Sa
totoo lamang, laging nakatunghay ito at naghihintay sa sinumang gising na.
Dangan nga lamang, ang karamihan sa atin ay lubhang abala sa mga bagay na
nagnanakaw ng kanilang mahahalagang atensiyon. Lalong-lalo na sa mga
panandaliang aliwan na kinahiligan nilang gawin at mistulang ritwal na.
Kailangan huminto at gumising nang tuluyan mula sa pagkakaidlip na ito.
Magmasid tayo sa mga kaganapan, sapagkat
anuman ang ating nalalasap sa mga pakikibaglaban sa buhay ay sadyang
ipinapadala sa atin para sukatin ang ating katatagan, at para lalo itong
pagtibayin. Ang mga pasakit at mga pighati ay idinudulot upang ating matutuhan
na makiramay. Ang mga pakikibaka ay ipinapasan sa atin upang maunawaan natin
kung papaano magpahalaga. At pinatutulo ang ating mga luha upang ganap nating
mabatid kung gaano madama ang wagas na kaligayahan.
Maging mapagtanong at mapaglimi—alamin kung
ano ang iyong mga priyoridad sa buhay. Tigilan nang halungkatin pa ang
nakapanlulumong mga nakaraan, at umiwas na alalahanin pa ang hinaharap, walang
katiyakan ang mga ito at walang sinuman ang nakakaalam. Ang mayroon lamang tayo
ay ang NGAYON—pagindapatin natin ito, sapagkat dito lamang tayo may
kapangyarihang kumilos.
Ang wika ni Ama, “Mayroon lamang dalawang araw
sa buong taon na wala na tayong magagawa pa. Ang isa ay kahapon at ang isa
naman ay bukas pa, ang mayroon
lamang tayo ay ang araw na ito, ngayon ang tamang sandali para magmahal,
maniwala, lumikha, gumawa, at makatotohanang mamuhay nang mapayapa at maligaya.
Harapin ang mga pakikibaka nang may pananalig at may kabatiran na walang
limitasyon sa anumang bagay na iyong natupad.
Ang buhay ay HINDI magsisimula bukas. Simulan
na itong ipamuhay NGAYON.
Walang kahapon
at bukas—NGAYON
ang sandali para gawin ang iyong kapalaran.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng
Balanga, Bataan
Tatag at Tibay
3. KATATAGAN -Katulad ng salamin, patuloy, matatag, walang ipinagbabago. Ibinibigay lamang ang repleksiyon ng nakatingin dito.
Lahat
tayo ay dumaranas ng mga pasakit, mga kawalan, mga kabiguan o mga kapighatian sa ating
buhay. Subalit kung papaano tayo makakabalikwas o makakabangon mula sa mga ito
ay malaking panggising sa ating pagkatao. Narito ang pagkakataon para masubukan
ang ating katatagan kung tayo ay panalo o talunan sa buhay.
Kadalasan ay hindi natin mapipili kung
anuman ang nangyayari sa atin, ngunit magagawa naman nating piliin ang ating
sariling saloobin sa anumang nagaganap sa atin. Tayo ay may kapangyarihang
komontrol at supilin ang mga bagay na walang katuturan, at tanggapin lamang ang
mga makabuluhan. Pahintulutan ang sarili na mabigo. Kung hindi ito matatanggap,
kailanman ay hindi tayo matututo. At kung walang natutuhan, pawang mga kabiguan ang
laging kaulayaw natin sa buhay.
Sa pagtupad, hindi ito madaling magawa,
subalit dito nasusukat kung gaano ang ating katatagan upang ang mga paghamon at
mga pagsubok na ipinupukol sa atin ng tadhana ay mahusay nating mapagtagumpayan.
Gawin lamang kung ano ang tama at makakabuti, hindi kung ano ang madali at basta
makaraos na lamang.
Huminto muna sa sandaling ito; pagmasdan at limiin kung anong papel o
uri ng katauhan ang ginagalawan mo sa iyong buhay. Ito ba ay talagang IKAW o yaong
nais ng iba para sa iyo? Magsanay ng mga
kaparaanan na tahasang magampanan ang tunay mong katauhan. Katulad ng
repleksiyon mo sa harap ng salamin, anumang gawin mo ay gagayahin nito. Ganito
din ang isinusukli ng iyong mga karelasyon ayon lamang sa ipinapakita mo.
Iwasan na lisanin ang mundong ito bilang
kopya ng iba. Hindi mo kailangan ang sinuman na ipaalam sa iyo kung sino ka.
Ikaw ay kung sino ka at tanging IKAW lamang ang may kapangyarihan para sa iyong
sarili.
Maging matatag, upang anumang unos ay hindi ka mailatag.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng
Balanga, Bataan