Pabatid Tanaw

Saturday, April 30, 2016

Panatilihin ang Momentum

Madalas nating marinig ang mga katagang, Gulong ng palad Alam din natin na ang gulong ay gamit ng sasakyan, at kapag ito ay umaandar, ang gulong ay umiikot o gumugulong. Kapag ang sasakyan ay nakatigil at ikaw ay nasa itaas ng gulong, mapalad ka at maganda ang iyong kalagayan sapagkat nasa ibabaw ka. Subalit paaano kapag umandar ang sasakyan at muling tumigil at sa pagkakataong ito ay napunta ka sa ilalim, at nagkataon ito ay nasa putikan at mabahong lugar, hindi ka na mapalad kundi minalas ka at nakalublob pa sa putikan. Ito ang gulong ng palad, habang umiikot ito, minsan ay nasa ibabaw ka at kung minsan ay nasa ilalim ka.
   Ang mainam dito, habang patuloy ang pag-andar ng gulong, magawa mong mapanatili na ikaw ay laging nasa ibabaw. Papaano ba ito?
May kataga din na ukol para dito, “Kapit tuko.” Ang tuko ay matinding mangunyapit, kahit yugyugin mo ang sanga na kinakapitan nito nang buong lakas at maraming ulit, hindi bumibitaw ang tuko sa pagkapit. Ganito din ang pagdadala sa buhay, kapag narating mo ang ibabaw (nakaahon ka mula sa ilalim), gawin mo na ang lahat nang makakaya mo, kumapit ka na nang tulad ng tuko at huwag bumitiw. Iwasang makalingat o makatulog, ipagpatuloy ang narating mong kalagayan at ipaglaban ito nang puspusan. At pakaiwasang bumalik pa sa ilalim, doon sa dati mong pinanggalingan.

   Ang daloy ng iyong progreso ay nasa momentum, piliting mapanatili ito nang walang pagbabago kundi ang pag-ibayuhin pa upang makatiyak ka... na hindi na babagsak pa.

No comments:

Post a Comment