Pabatid Tanaw

Tuesday, March 22, 2016

May Bumabagabag ba sa Iyo?



Hindi nagtatagal gaano man kahirap ang panahon, ang tumatagal ay ang tao na matibay.



Anong bagay ito na hindi nakikitang epidemya o nakakamatay na sakit, at kahit na pinakamahusay na gamot ay hindi ito nagagawang malunasan. Sapagkat sinuman ay hindi ito makakayang mahawakan man. Maging ang pinakamalakas na microscope ay hindi ito makita. Subalit patuloy ang pag-usad nito, patindi nang patindi… at walang hintong pinasasakit ang ating mga ulo. Sa araw-araw ay binabalisa tayo nito, nililito upang mawalan ng sigla sa ating mga gawain, at ang pinakamasaklap pa, kapag hindi na natin magawang tiisin ang pagpapahirap nito ay nagpapatiwakal tayo upang tapusin na ang matinding pasakit nito.

Ano nga ba ito?  Ang BAGABAG (stress).  Lahat tayo ay nadarama ang epekto nito. Winawasak ang katinuan ng ating isipan at pinalalabo ang hangarin nating magpatuloy pa anuman ang ating nasimulan. Marami ang umaayon na sa panahong ito, sa kabila ng makabagong teknolohiya tulad ng google, twitter, facebook, selpon, at maraming iba pa sa internet, walang mga katanungan na hindi nasagot. Sa isang pindot lamang ang inpormasyon ay atin nang nalalaman. Ngunit, bakit may bagabag pa tayo at sadyang may kulang pa na hindi natin masagot. Dahil sa isang dahilan; Hindi natin matanggap kung sino tayo, ano ang ating tunay na layunin, mga naisin at saan tayo papunta.
   Marami ang nagkakasya na lamang na magreklamo, dumaing, at manisi. Naging ritwal na para sa kanila na sa halip harapin ang mga responsibilidad at mga pagkukulang, higit na madali ang ireklamo, idaing at isisi ito sa iba. Sa mga kadahilanang ito, binabagabag sila ng kanilang konsensiya (kung mayroon man) at kung wala nito, ay naghahanap pa ng magiging kagaya nila para maging masaya (misery loves company).
   Madalas kong binabanggit, kapag ang tungkulin mo ay hindi mo ginampanan noong Lunes at ipinagpabukas mo pa, pagdating ng kinabukasan, karagdagan pa ito sa panibagong tungkulin na nakaatang sa Martes, papaano na ang mga nakaeskedyul pa sa mga araw ng Miyerkoles, Huwebes, at Sabado kung patuloy na nagpapabaya ka sa iyong mga tungkulin sa mga araw na ito. Maaari ka bang magpahinga pagdating ng Linggo? Ito ang mga bagabag na unti-unting papatay sa iyo hanggat patuloy kang tumatakas sa sarili mong reyalidad.
   Kaysa kumikilos nang walang kontrol sa mga gawain, bakit hindi kontrolin ang sarili at baguhin ang mga nakasanayang mga pag-uugali (attitudes and behaviors)? Sa halip na malito at mabagabag sa tuwina at pahirapan pa ang sarili, bakit hindi natin tanggapin ang katotohanan at makiayon sa nangyayari? Kung hindi natin magawang baguhin ang sitwasyon o mga kundisyon na nakapaligid sa atin, magagawa naman nating mabago nang tahasan ang mga pag-uugali sa ating mga sarili kung papaano natin ito haharapin. Nasa ating mga pagpili (choices) at mga desisyon nakasalalay kung tagumpay o kabiguan ang ating tatahakin.


   Kung may kontrol ka sa iyong buhay, ito ang susi sa pagkakaroon ng tunay na ekspektasiyon sa araw-araw na pakikibaka. Isang pangunahing sangkap sa maligayang pamumuhay. Katulad ng kaligayahan, isa itong pagpili upang maging masaya sa tuwina. Hindi maiiwasan ang bagabag, subalit nasa iyo kung papaapekto at hahayaang mong kontrolin ka nito.
Ang pinakamainam na sandata laban sa bagabag ay ang ating abilidad na piliin ang isang positibong kaisipan at ipalit ito sa bumabagabag na negatibong kaisipan.


No comments:

Post a Comment