Pabatid Tanaw

Tuesday, March 22, 2016

Mahalaga ang Simbuyo



Walang makakatanggí na lahat tayo ay naghahangad ng pasyón o simbuyò, at tamasahin ito kapag nalukuban na tayo. Pinasisigla at nagagawang maging mapanlikha tayo ng mga mahahalagang bagay na nakakatulong sa lahat. Papaano na kung wala tayong nadarama na nagpapasigla sa atin para maging mapanlikhâ? Kapag ganito ang nangyari, pakaasahan at  patungo lamang ito sa kabiguan. Sapagkat walang bagay kang magagawa kung walang pasyón na umiiral at nagtutulak sa iyo para matupad ang hinahangad mo.
   Katulad ng sasakyang demotor, ang simbuyo ay siyang gasolina o panggatong para umusad ang sasakyan. Kung wala kang pangarap walang gatong na magtutulak sa iyo para kumilos. Walang kasiglahan na magpapanatili para magsikhay ka pa, kundi ang huminto at mawalan ng pag-asa. Lalo namang nakapanlulumo kung ang pasyon mo ay ang mabigo, ang matakot, at laging kakaba-kaba. Hindi makausad at nangangamba na makipagsapalaran. Patunay lamang ito na kung pagmamasdan ang buhay, makikita sa isang tao kung tagumpay o bigo siya sa estado o kalagayan niya sa buhay. Ito ang reyalidad, na makikita sa resulta.
   Bigyan ng pansin ang katanungang ito: Paggising mo sa umaga, ano ang kauna-unahan mong ginagawa? Ang bumangon at ipagpatuloy ang mga kinagawian mo sa maghapon? O, ang magpasalamat at nagising ka na naman? Patunay lamang ito na mayroon ka na namang 24 oras para makapaglingkod. Sa bawat araw ay may kalayaan tayong pumili, kung ano ang tama at siyang nararapat ay ipagpatuloy. Kung ang atensiyon naman ay nasa paggawa ng mali at ito ang nagpapasaya sa iyo, puwede ding gawin. Dangan nga lamang, maging matibay sa ibubunga nitong mga kapahamakan sa iyong buhay. Nakapangyayari ang lahat, kapag sa likod ng mga ito ay may simbuyong tinataglay. 

   Sa ganang akin, isang matinding tungkulin para sa aking sarili na sundin ang itinitibok ng aking puso at piliin kung ano ang talagang ninanasa ko, at kung sakalimang ang ningas o pag-aalab nito ay mahina pa – kinakailangang pag-alabin ko pa itong maigi para tuluyang magliyab at tupukin ang aking pagkatao para magbago at maging masimbuyo ako sa aking mga gawain.
Kailangang masimbuyo ka, may dedikasyon, may debosiyon, at walang hintong pagpupunyagi na tuparin ang iyong mga lunggati. Kung magagawa mo ito, magiging matagumpay anumang larangan ang pasukin mo.

No comments:

Post a Comment