Pabatid Tanaw

Thursday, December 31, 2015

Mamuhay mula sa Puso

Marami sa atin ang nawawalan ng kakayahan para magbago pa---na maging karapatdapat para tahasang maipakita ang ating tunay na pagkatao. Madalas tayong nasisira at hindi natutupad ang ating mga pangako sa ating mga sarili sa maraming pagkakataon, at kung bakit sa bandang huli ay laging nabibigkas natin ang paniniwala na "Ito ay ako, at wala na akong magagawa pa." Isa itong pag-amin bilang pagsuko, na anumang hindi magandang ugali o masamang bisyo, ay bahagi na ng ating pagkatao.
   Narito ang ating mga karanasan, sa pagnanais na makagawa ng pagbabago; ay ang pangakuan ang ating mga sarili at sirain din ito. Mga pangakong madaling mapako. Sa dahilang ginagawa natin ito batay sa pampubliko o pribadong mga antas ng ating buhay. Bawat isa sa atin ay namumuhay ng tatlong uri ng buhay: publiko (hayagan), pribado (nakatago), at sekreto (lihim at sarili lamang ang nakakaalam).
-Sa ating publikong buhay, tayo ay nakikita at naririnig ng ating mga kasama, mga kakilala, mga katrabaho, at mga kaibigan sa loob ng sirkulo ng ating impluwensiya.
-Sa ating pribadong buhay, malaya ang ating pansariling inter-aksiyon (intimate) para lamang sa ating asawa, kapamilya, at iilang matatalik na kaibigan.
-Ang sekretong buhay ay kung nasaan ang iyong puso, ito ang ubod ng iyong pagkatao, narito ang iyong simbuyo o passion, at narito ang iyong tunay na mga motibo---ang pinaka-ultimatum mong mga hangarin sa iyong buhay.
   Kung ilalantad mo ang iyong tunay na pagkatao---sa iyong sarili at mapagkakatiwalaang iba pa---na kung saan wala kang agam-agam o pangamba man na ilahad ang iyong sekretong buhay, mistula itong pintuan ng dam ng tubig na binuksan sa pagragasa ng iyong pagbabago, humahanap at tumatanggap ng mga suhetisyon na makakatulong tungkol sa iyong pagnanasang magbago, kumikilala at nagnanais na magkaroon ng istilo ng pamumuhay na angkop at tumutugon sa mga bagay na priyoridad at mahalaga para sa iyo. At kung hindi bukas ang iyong isipan sa antas na ito, kung wala kang pansariling-kaalaman, madali kang babalik sa iyong sosyal na salamin ng publiko at pribadong buhay at mamuhay muli sa komportableng istilo na nakagawian mo.
   Sa pagnanais na matanggap tayo ng iba, pinipilit natin na maging tulad nila, At madali tayong nakakalimot at napapabayaan natin kung sino tayong talaga. Kung tutuusin, ang ating mga ugali, mga asal at gawi, ay nakapaloob sa ating mga prinsipyo, mga values, at mga saloobin. Ang mga ito ang nasa sekretong buhay natin. Subalit, taliwas at hindi umaayon ang ating mga ginagawa sa maghapon sa tunay nating pagkatao. Lagi tayong nagsusuot ng ibat-ibang maskara sa magkakaibang pagtanggap sa sinumang ating nakahalubilo sa ating lipunan. Maliban na ipahayag at ilantad kung sino tayong talaga para sa kanila.
   Nasa sekretong buhay lamang ang ating tunay na pag-asa para likhain ang ating minimithing kaligayahan at patuloy na kapayapaan. Ating tuklasin ang dakilang katotohanang ito upang pagyabungin at pasiglahin nang puspusan ang ating publiko at pribadong mga buhay

No comments:

Post a Comment