Pabatid Tanaw

Saturday, October 24, 2015

Manindigan Hindi Makiayon



Ano ba ang kahulugan ng Paninindigan?
   Sa aking talahuluganan; n vow : kapasidad na ipaglaban at tindigan nang matatag at makakaya ang mga prinsipyo : hindi mababaling pagtatalaga sa patnubay ng asal : ang kompas ng pansariling kaugalian na masidhing sinusunod sa pagpili ng tamang kapasiyahan sa pagkilos, paglilingkod, o kundisyon : isang tahasang pagtupad ng pangako
    n solemn vow : sukdulang pangako na may kasamang panunumpa at tinitindigan sa lahat ng sandali.

   Walang nakakagulat na napagtagumpayan, maliban doon sa mga taong naniniwala na mayroon silang nakatagong kakayahan na higit na superyor kaysa mga kaganapan. Ang kagitingan, determinasyon, pagsisikhay, at dedikasyon; ay mga paninindigan na kalidad ng mga matatagumpay na tao. Dito nakaugat ang patnubay ng bawa’t kapasiyahan – at siyang lumilikha ng kanilang kapalaran. Pakatandaan lamang na lahat ng ating mga desisyon ay nag-uugat mula malinaw na pagsunod ng ating mga dangal. At lubusan natin itong pinaninindigan kaninuman, saanman, anupaman, at kailanman.

Piliin Lamang ang Makabuluhan
Kapag ang mga bagay ay lumitaw nang hindi umaayon sa ating paninindigan, ang binibigyan natin ng madalas na atensiyon ay yaong hindi mga gumagana o nakakatulong, at madadaling gawin. Dito tayo panatag, at kung paiiralin ang ating mga prinsipyo, karagdagang paghihirap ito para sa atin. Madali ang magsalita, ang mahirap ay ang gumawa.
   Ayon sa mga sikolohista, ang sekreto ay hindi ang kumpunihin kung ano ang nabali, kung ano ang nakakapahamak, bagkus pagtuunan ng pansin ang mga nakakatulong at gumagana, ang mga katanggap-tanggap, at pag-ibayuhin na panindigan ang mga ito. Huwag dumaing at magreklamo kaagad sa sitwasyon, umatras, huminga nang malalim, at tanungin ang sarili, “Ano ang mabuting kapasiyahan na ngayon?”  At idagdag pa ang mga ito:
·           Ano ba ang aking tunay na intensiyon?
 -       Ano ang higit na makakatulong, ang maging tama o ang maging mabait?
·               Alin ba ang uunahin, ang mga mahalagang bagay ba, o kaysa mga tao?
·                Ang ginagawa ko ba ay makakatulong sa pangkalahatang kapakinabangan?
·                  Papaano ba makukuha ang simpatiya ng iba, nang hindi ko tatalikdan ang aking paninindigan?
·                     Kailangan bang tindigan ko ang aking mga prinsipyo sa lahat ng sandali?

Kung may mga katanungan, mayroong mga kasagutan.

No comments:

Post a Comment