Pabatid Tanaw

Monday, February 09, 2015

Magtanong Tayo



Tanungin ang Sarili kung ipinagbibili, ito ba’y makatao o makasarili?
Kapag may katanungan mayroon itong kasagutan. Bagay na lumitaw, may pinanggalingan, at kung may itinanim, mayroong aanihin. Ang mabisang tanong ay ito: Ikaw ba ay mahalaga? May maitutulong ka ba? Mayroong ka bang pagmamalasakit sa iyong kapwa?
Magtanong tayo sa mga nakapaligid sa ating buhay.
   Tanungin ang bahay kung saan ka nakatira: “Hoy bahay, ikaw ba ay kagamit-gamit? -Kung tutuusin, wala ka namang ginagawa kundi ang tumayo lamang sa araw-araw, walang ginagawa na parang may hinihintay.
At ang bahay ay sasagot: “Bahay nga akong naturingan, subalit puwedeng manirahan sa akin ang sinuman. Kung may pagmamahalan, ako ay isang tahanan. Isa akong kanlungan tuwing may daluyong at pahingahan naman sa maghapon. Sa gabi kapag nakapinid ay pananggâ ako sa sinumang tampalasán. Wala na akong mahihiling pa kundi ang maging bahay na sa tuwina'y kapaki-pakinabang.”
   Tanungin ang punong-kahoy sa tabing daan: “Hoy punô, bakit nakabaon ka sa lupâ? -Lagi ka na lamang nakatayó at nagpapalipas ng oras sa maghapon!”
At ang punong-kahoy ay sasagot: “AKO ay punong-kahoy at laging handang tumulong kaninuman. Tungkulin ko ang magbunga ng pagkaing prutas sa lahat ng may gusto sa akin. Nagbibigay din ako ng lilim sa mga nais magkanlong tuwing tag-init at salay sa mga ibon para sa kanilang mga inakay.  At kung ako ay matanda na, ginagawa akong mga tablá para maging kasangkapan, at sa huli ay panggatong ako sa mga lutuán. Ito ang aking pangarap at masaya kong tinutupad!”
   Tanungin ang bulaklák sa hardin: “Hoy bulaklák, mayroon ka bang silbî?” -Wala kang ginawa kundi ang mamulaklák ng parehong bulaklák hanggat nais mo. Wala ka na bang pagkasawa sa paulit-ulit mong ginagawa?
At ang bulaklák ay sasagot: “AKO ay maganda at mabango, ang kagandahan ang aking hangarin, isa ako sa mga nagkukulay at nagpapaganda sa kapaligiran kaya ako ay nabubuhay. Hinahalina ko rin ang mga bubuyog at mga insekto para sa pagpaparami ng mga bunga at buto sa mga halamanan at punong-kahoy. Ang tangi ko lamang hiling, damihan pa aking mga bulaklák para ang tao at lahat ng may buhay ay lalong magalák!”
  Tanungin ang ilog sa gilid ng bundok: “Hoy ilog, bakit ka agus nang agos? -Patuloy ang iyong pagragasâ, gayong wala ka namang patutunguhan kundi ang ang ultimong karagatan.”
At ang ilog ay sasagot: “AKO ay ilog; ang tubig ko ay pandilig sa mga halaman, paraan din ako sa paglalayag; isa akong daluyán para makarating sa patutunguhan, at dahil sa akin maraming kasayahan ang ipinagdiriwang. Sa buhay na ito, pinipilit kung maging ilog, upang gawing mahalaga ang sa akin ay ipinagkaloob.”
   Tanungin ang tao sa iyong tabi: “Hoy tao, ano ang halaga mo? Ikaw ba ay may nagawa na at dapat ipagsayá? Nabubuhay ka ba para kumain o ang kumain para mabuhay? Paikut-ikot ka at napakalikot na tila natatakot, at laging nabubugnot sa pagkabagot. Saan ka ba talaga pupunta?
At ang tao ay sasagot: “Ahh, ewan ko, iniisip ko pa, sana ay…
...at sasalitan ito ng katahimikan.
Humarap sa salamin at tanungin ang sarili, “Sino nga ba AKO?

Kung hindi alam ang patutunguhan, saan mang direksiyon ay mapupuntahan.


No comments:

Post a Comment