Pabatid Tanaw

Tuesday, February 24, 2015

Ikaw ang Lahat Tungkol sa Iyo



Nasa matuwid kang landas kung batid mo kung sino ka.
Sa pag-ikot ng iyong buhay, maraming titulo, mga taguri, at mga ibat-ibang papel ang iyong nagampanan at gagampanan pa, subalit huwag malito at maging distraksiyon ang mga ito para matabunan at iligaw ka sa tunay mong pagkatao. Ang iyong ubód o esensiyá ay nasa iyong kaibuturan, kailanman ito ay walang pagbabago. Kahit anuman ang itakip, ihadlang, ipalit, ipangalan o ikapit pa dito, mananatili pa ring hindi ito matitinag at mababago. Hindi magagawang pagtakpan ninuman, saanman at kailanman ang iyong tunay na kaganapan.
   Maging pinuno ka ng bayan o pangulo ng isang samahan, walang trabaho, may-asawa, biyudò, o walang asawa, malusóg o may karamdaman, matalino o mangmang, mayaman o mahirap, masaya o malungkot, lahat ng mga ito ay walang kinalaman, dahil ikaw pa rin ang dating ikaw, at walang nagbabago sa esensiyáng ito. Ang iyong ispiritú ay patuloy at hindi kailanman mababago.mananatili ito na nasa iyo sa walang hanggan.
   Isipin at pakalimiin ito; simula nang ikaw ay magkaisip at magpahanggang sa ngayon, ang iyong kaisipan na kumikilala sa iyong pagkatao at kakayahan ng pag-iisip ay tulad pa rin ng dati, walang anumang pagbabago. Ito ang iyong kamalayan, ito pa rin noon, ngayon, at sa walang hanggan. Wala ng iba pa kundi IKAW (Isang-isa, Katangi-tangi, Angkop, at Wagas) ang tanging may karapatan sa iyong sarili.
Ang pagsisisi ay laging nasa huli, lalo na’t kung ito ay mga maling pagpili.


No comments:

Post a Comment